Dati, pinapalo ko ang mga estudyante ko sa palad o kaya sa likod ng balikat gamit ang mahabang stick na kasing-bilog ng daliri ng sanggol. E, ano naman sa mga magulang,?! Mas malala pa nga marahil ang mga pamamalong ginagawa nila sa kanilang mga anak, dahil kung hindi, malamang hindi ko rin sila napapalo. Mababait sana sila. Marunong sana silang sumunod at pagsabihan ng isang beses.May disiplina sana sila.
Dapat pa ngang magpasalamat sila sa akin sapagkat pinapalo ko ang kanilang mga anak. Nangangahulugan lamang ito ng pagmamahal sa mga bata.
Oo, pinapalo ko ang mga bata! Pero, ito ay inaayon ko sa kanilang mga kasalanan. Kung ang kamay ang nagkamali, kamay ang papaluin ko. Kapag labas-masok ang bata, paa ang hinahataw ko. Pinaparamdam ko sa kanila na mas masarap ang maging mabait at masunurin kaysa maging magulo, maingay at tamad sa klase.
Sa loob ng mahigit dalawang taon at kalahati kong pagtuturo sa pampublikong paaralan, wala pa namang magulang na nagreklamo sa akin dahil napalo ko ang anak niya. Ibig sabihin, walang bata ang nagsumbong sa kanyang magulang. O kaya naman, sinabihan pa sila ng kanyang ama o ina na "Mabuti nga sa'yo! Pasaway ka naman talaga eh! Bagay lang sa'yong mapalo!" At saka, pagkatapos ko namang paluin ang bata, pinapaunawa ko sa kanya kung bakit ko sya napalo. Inuukilkil ko sa kanyang utak na may kasalanan siya at labis akong nahihirapan. May konti pa ngang drama. "Hindi ba kayo naawa sa akin? Mag-isa lang ako. Kung ang magulang ninyo ay nahihirapan sa inyo, ako pa kayang guro lang ninyo." Tatahimik naman sila.
Tapos kapag may Parents-Teacher Conference kami, nagsusumbong ako sa mga magulang tungkol sa mga pagpapasaway ng kanilang mga anak. Hinihingi kong tumulong sila sa pagdidisiplina dahil di ko kaya ang 40 bata na unatin ang mga ugali. Gayunpaman, wala pa rin akong nakikitang pagbabago, lalo nga yatang lumalala. Minsan nga, naiisip ko, inaasa ng mga magulang lahat ang resposibilidad sa mga guro. Mas gusto nilang nasa paaralan ang bata, hindi upang matuto kundi upang makatakas sila sa konsumisyon.
Napatunayan ko ito dahil minsang may magulang na nagtanong sa akin kung may pasok pa ba. Ang sabi ko, "Meron pa po, pero kakaunti na lang po ang mga pumapasok. Kaya, kahit huwag niyo na pong papasukin ang anak ninyo". Ang sagot niya sa akin, "Hindi, papasukin ko pa rin. Sa bahay lang iyon magpapasaway." "Ah, ok", lang ang nasabi ko.
Paano kung pulos pasaway ang mga estudyante ko? Anim na oras sa bawat araw kong kasama sila. Samu't saring ugali, asal at gawi na pulos mali at nakakasuklam . Kaya ko ba? Kaya ko bang magbabait-baitan? Kaya ko bang sumigaw na lang ng sumigaw upang mapahinto sila? Hindi ba mas mainam na hatawin na lang sila ng patpat upang madala at huminto?
Minsan, gumamit na ako ng pito upang mapatahimik sila. Binibilangan ko pa. Sabi ko, "Kapag makatatlong pito ako, may palo kayo sa akin." Hindi pa rin epektibo. Napalo ko pa rin ang mga mokong at mokang.
Madalas, ipinapalista ko ang maingay, tumatayo at lumalabas, lalo na kapag aalis ako o kaya'y walang teacher na magtuturo sa kanila. Imbes na magpakabait dahil baka mailista, lalo pang nangguglo. Gustong-gusto nilang nasa listahan sila. Kaya naman, may premyo sila sa akin pagbalik ko.
Nakakasawa ngang mamalo. Kaya minsan, kaklase na lang nila ang inuutusan kong mamalo. Nag-aagawan pa nga kung sino ang papalo. Akala mo ay napapakabait!
Hay! Nagbago na nga talaga ang panahon! Hindi naman ako ganyan dati. Ni hindi ako napalo ng guro sa kamay o paa o saan mang bahagi ng katawan ko. Siguro, kung napalo ako, namatay na ako sa hiya. Hindi na ako nakapagtapos ng pag-aaral. Ngunit ngayon, kahit maya-maya mong paluin ang bata, gagawa at gagawa pa rin ng kabuktutan sa klase. Mga suwail na ang mga estudyante ngayon. Hindi na makuha sa tingin at palo. Hindi na rin natatakot ibagsak o babaan ang grado. Sawa na nga rin akong ikumpara sila sa ipis, lamok o kaya langaw. Natuto na rin akong magmura. Sobra na kasi. Masakit sa dibdib kapag hindi ko nailabas. Paano naman ako? E di maagang mauulila ang mga anak ko.
Sana mayroon ding Teacher Abuse! Iyong bang hindi mga guro ang laging may kasalanan kapag napalo ang mga estudyante at iyong bang kayang protektahan ng gobyerno ang karapatan ng mga guro..
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment