Followers

Tuesday, January 7, 2014

ANG TISA NI MAESTRO 3

Bago nag-resume ang klase nasa school na ako. Parang Brigada Eskwela. Kailangan kong tumulong sa paglilinis. At siyempre, dahil bago ako, kailangang ma-impress ko ang mga stockholders, pati ang mga co-teachers. Stay-in pa naman ako, kaya dapat ariin kong akin ang paaralang iyon bilang sariling tahanan.           

          At dumating na nga ang unang araw ng pagpasok ng mga mag-aaral. Na-intimidate ako. Parang nalulusaw ako sa hiya. Hindi ako mapakali, subalit pinilit kong itago ang kaba at hiya. Kinalma ko ang aking sarili, saka ako humarap sa labimpitong Grade IV pupils. Tulad ng mga guro ko dati, nag-introduce ako ng sarili ko. Pagkatapos, sila naman ang kinilala ko. At aba, napag-alaman kong hindi naman pala ganon ka-intimidating ang mga batang iyon. Hindi sila dapat katakutan dahil ni isa walang matatas magsalita ng wikang Ingles. Akala ko noon, mga inglesero at mga inglesera ang mga estudyante sa private school, hindi pala lahat. Marahil, tulad din nila ako-- na nahihiya.                   

          Nagbigay agad ako ng lesson sa kanila. For the first time, nagamit ko ang aking tisa sa isang formal education class. Na-practice ko na ang mga natutuhan ko sa mga professors ko sa aking Alma Mater. Nahirapan nga lang ako sa classroom management. Hindi disiplinado ang mga batang iyon! Grabe ang mga attitude. Worst! I never thought na parang batang kalye ang mga ugali nila. Nang-aasar. Nagmumura. Maiingay.               

          Unang araw pa lang nakita ko na ang tunay nilang balat. Sa unang araw ko, nagalit agad ako. Sumigaw. Nag-walk out. Nanghagis ng mga books at notebooks. Nanghiya. Pero… balewala. Useless!           

          Totoo nga ang sabi ng mga kasamahan ko, sila raw ang worst class, last school year. So walang duda, sila pa rin ang pinakapasaway sa school year na iyon.           

Determinado ako na baguhin sila. I was hired, not just to teach, but also to change and inspire the pupils. Oo, nagagalit man ako sa kanila pero hindi ko ipinadarama sa kanila na wala na silang kuwentang nilalang. Inihahanlintulad ko lang naman sila sa mga insekto, gaya ng ipis at lamok. Sabi ko sa kanila, "Mabuti pa sa inyo ang lamok, kahit paano'y may silbi sa buhay ng mga butiki. Gusto niyo bang maging lamok?" Tumitigil naman sila. Pero maya-maya, nagdadaldalan na naman.               

          Ilan-ilan lang ang mga pursigidong matuto. Bilang ko lang sa limang daliri ko ang nakikinig. Kaunti lang ang may comprehension at kayang mag-express ng sarili. Mayroon pa ngang hindi marunong magbasa.           

          Nakakatawa dahil sa unang pagturo ko ng English, may sumakit ang tiyan. Ayaw namang umuwi. Namimilipit sa sakit. Nataranta tuloy ako sa kakahagilap ng pambanyos sa kaniyang tiyan. Ilang araw ang lumipas, napagtanto ko, na nagdahilan lang pala ang bata. Ayaw niya lang palang magbasa dahil hindi siya marunong magbasa. Sinabi rin kasi sa akin ng mga kaklase niya. Tinawanan pa nga e. Sabi ko, “Huwag niyo siyang pagtawanan. Kaya nga nandito siya para matuto siyang magbasa. Pasasaan ba't matututo rin siya."                 

         Adviser ako sa umaga ng Grade 4. Adviser naman ako ng second year students sa hapon. Vacant lang ang pahinga ko. Pero mas enjoy ako sa mga high school. Mas gusto ko kasing ituro ang Math. Although, nagtuturo din ako ng Math sa Grade 4, mas nae-express ko ang sarili ko kapag mas higher level ang mga tinuturuan ko. Isa pa, matagal sila bago magpasaway uli pagkatapos kong magsermon. Takot sila sa mga salita ko.               

          Hindi ako nahihirapan sa pagdidisiplina sa high school. Kaya lang, may matitigas ang ulo at mahihina ang comprehension. Nagagalit ako kapag mabababa ang quiz nila. Kaya nga hindi pa tumatagal ang pagsasama namin nagdrama na ako sa kanila.         

          Nagsimula iyon sa simpleng sermon. Nainis ako sa mga ipinapakita nilang bad study habits. Kakaunti ang gumagawa ng assignment. Halos lahat late. Walang nag-rerecite. Mabababang quiz results. Napuno ako! Umapaw. Pakiramdam ko hindi ako nila itinuturing na adviser.           

          Sabi ko, “Alam niyo ba? Nainggit ako sa inyo noong una tayong magkita-kita.”  Walang nagsasalita. Nakatingin sila sa akin.  Nangingilid na ang mga luha ko.             

          “Napakasuwerte niyong lahat!” Nagpatuloy ako. “Nasa inyo na ang lahat. Cellphone. Computer. Mga luho. Marami kayong baon. May tig-iisa kayong libro. Half-day lang ang pasok niyo. Ako noon, maghapon. Pag-uwi ko pa noon sa bahay, wala pang sinaing…” Napahinto ako. Naalala ko kasi ang nakaraan ko. Pumatak tuloy ang mga luha ko.               

          Kasing edad rin nila ako noon, nang naranasan kong malipasan muna ng gutom pagkagaling sa school dahil wala pang sinaing. Hindi nagsaing si Papa. Hindi ko rin mahagilap. Nasa inuman kasi siya. Madalas, hindi na ako pumapasok sa hapon dahil natagalan ako bago nakakain.           

         Napakasuwerte nga nila. Walang nakararanas sa kanila ng mga naranasan ko. Pero malas nila dahil mababa na ang kalidad ng edukasyon na natanggap nila dahil sa sarili nilang kapabayaan. Oo, nasa kanila  na ang mga makabagong  teknolohiya, ngunit sapat ba iyon para matuto sila? Bagkus, nakikita kong nakaaapekto pa ito sa kanilang pag-aaral. Nawawalan sila ng focus sa mga aralin.         

         Pinabasa ko sa kanila ang akda kong “Pahilis.” Nagbigay sa kanila ito ng inspirasyon, aral, at katatawanan. Nakilala nila ako at ang pinagmulan ko. Ang iba ay napaluha. Ang iba ay blank-faced. Hindi ko mabasa ang emosyon.  Gayunpaman, hindi ko pinagsisisihan ang pag-e-emote sa kanila. Strategy ko iyon upang makuha ang kanilang loob at upang maunawaan nila ako kung bakit nagagalit ako sa mga estudyanteng ayaw mag-aral nang mabuti.         

         Simula noon nag-iba ang tingin nila sa akin. For good naman. Na-inspire silang mag-aral. Medyo may pagbabagong naganap sa kanilang mga study habits. Mas naging maingay ang talakayan. Mas tumaas ang mga quiz results. In short, effective ang pag-share ko ng past ko. Naging mas masigasig na rin akong magturo.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...