Followers
Sunday, March 1, 2015
Ang Aking Journal -- Marso, 2015
Marso 1, 2015
Pasado alas-otso ng umaga ay bumiyahe kami ni Emily patungong Quezon City Memorial Circle para sa inabangan kong Flora Filipina Expo 2015. Pasado alas-diyes ay naroon na kami. Hindi naman agad kami pumasok sa Flower Garden kung saan naroon ang mga exhibit. Nag-brunch muna kami. May baon kaming kanin. Bumili na lang kami ng ulam.
Then, maghapon na kami sa exhibit. Ang gaganda ng mga garden na nasa exhibit. Sulit ang P30 na entrance fee. Andami naming pictures. Andami ko ring shots sa mga halaman, artifacts, artworks at orchids para sa aking photography Facebook page
Alas-dos y medya, nakinig kami sa lecture tungkol sa pag-aalaga ng cattleya. Andami kong natutunan. Nanalo rin ako ng cattleya. Sobrang sulit ang gastos namin.
Past 4, natapos ang lecture. Umuwi agad kami.
Dumaan lang kami sa Shopwise-Harisson para mag-grocery. Chinarge ko na lang sa RCBC card ko. Wala na kasi akong cash on hand. Sobrang hirap ng pera..
Marso 2, 2015
Kahit pang alas-10:30 na ang pasok naming ay pumasok pa rin ako ng maaga. Mga alas-8:30 ay nasa school na ako. Gusto ko kasing madiligan ang mga halaman ko sa garden dahil hindi ko ito nadiligan kahapon. Tapos, naghanda din ako ng lesson plan.
Wala pa ang mga pupils ko ay inabot na sa akin ni Plus One ang details ng meeting ng school paper adviser at principal mamayang alas-dos sa Zamora.
Wala si Mamu. Walang palitan. Pero, kaya kong maiiwanan ang mga advisory class ko. Siyempre mag-iiwan lang ako ng gawain. Pagsulat ng sanaysay.
Pasado, alas-dos na kami nakarating DO Conference Hall ni mam Deliarte. Hindi pa kami late. Hindi naman agad nagsimula.
Sa una ay gusto kong mabigyan ng trabaho o assignment sa NSPC sa Taguig. Kaya lang naisip ko na bakasyon na pala ang April 6-10 kaya masaya akong wala akong natanggap na gagawin.
Nagmukhang useless ang pagdalo ng mga SPA sa meeting na iyon. Sana ay di na lang nila pinatawag lahat.
Mabuti ay naabutan ko pa ang mga pupils ko. Thirty minutes pa bago mag-uwian.
Pagkauwi ko ay sinimulan ko na ang pagsulat ng kuwentong isasali ko sa Carlos Palanca Memorial Awards. Pinag-aralan ko ang biography ni Hitler. Nagustuhan ko ito kaya, ginawan ko siya ng maikling kuwento. Sana ay maganda ang resulta nito upang manalo ako sa CPMA.
First time kong sasali dito.
Marso 3, 2015
Naistorbo ang tulog ko dahil sa maagang paggising ni Emily. Naka-schedule kasi ang Comprehensive Pre-Departure Education Program niya sa OWWA-Intramuros. Hindi na rin ako nakatulog mula nang umalis siya, bandang alas-sais. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagsusulat ng kuwento ni Adolf Hitler, na isasali ko sa CPMA.
Bago mag-alas-10:30 ay nasa school na ako. Nalulungkot ako sa samahan ng Grade 5. Wala na ang dating masamang pagkakaibigan. Nasira dahil sa isyung promotion, dahil sa issue ng lamangan.
Well, okay lang naman sa akin. Maigi nga ang tahimik sa kuwarto ko. Nakaka-focus ako sa mga gawain ko.
Nagturo ako ng 'area of a circle' sa advisory ko. Tapos, ay nagpasulat ako ng diary. At ang panghuli, limang pamagat ng sanaysay ang ipinangparusa ko dahil sa ingay nila.
Dahil dito, natapos ko na ang kuwento ni Adolf. Pinamagatan ko itong 'Salimuot'. Ipapabasa ko pa ito kina Mamu at kay Emily para humingi ng feedback.
Marso 4, 2015
Nakatulog ako ng mas mahaba-haba. In fact, alas-otso na nang bumangon ako. Nagmadali nga lang ako s paghanda ng sarili kasi alas-nuwebe na ako natapos mag-FB at mag-wattpad. Hindi man ako na-late. Nakapag-check pa nga ako ng mga sulatin ng pupils ko, pagdating ko. Tapos, nakapagkuwentuhan pa kami ni Mamu tungkol sa journalist na sumikat sa school sa lugar nila.
Nagpatulong si Mam Rose na gumawa ng programme para sa Recognition. Tumulong naman ako pagkatapos kong tanggapin ang ga sinasauling libro mula sa mga estudyante ko. Tinanggap ko rin ang doxology part. Kaya, pagkatapos ay naghanap ako ng piece sa youtube. Nagustuhan ko ang kanta ni Aiza Seguera na "Ikaw Na Ang Bahala".
Alas-dos y medya ay pumunta ako sa DO para san aka-schedule kong oath-taking. Naghintay lang ako ng halos kalahating oras dahil may kausap pa si Mam Ladines. Malaman-laman ko, si Willy lang pala ang kausap niya. Mukhang may inirereklamo na namang principal. Tsk tsk.
Nang matapos sila ay ako na ang hinarap. Hindi ako na-intimidate sa kanya, gaya ng sabi-sabi ng iba. Hindi naman siya strict. Cool nga. Matagal na niya daw akong nakta. Saan daw ba kami nagkita. Pinaalala ko na noong Monday ay nasa meeting ako ng mga principals, supervisors at SPAs. Naalala na niya.
Tapos, tinanong niya ako tungkol sa oath. Pinaliwanag ko. Nasagot ko daw. Then, ano daw ba ang vision ko sa sarili ko. Sagot ko ay tumaas uli ang position. Ano naman daw ang vision ko sa classroom ko. Ang sabi ko, ginagawa ko silang journalist and writers kahit Section 2 lang sila. Natuwa siya. Naging vocal ako kaya hindi ako na-intimidate. I like her attitude. Sabi ko, sana ay magkita uli kami. "Yes, magkikita pa tayo", ang sagot niya.
Pagdating ko, agad kong prinaktis ang mga doxologists ko. Nakalahati na namin. Bukas uli.
Pag-uwi ko, nabasa ko ang post ng PSICOM Publishing, Inc. Tumatanggap sila ng submissions para sa stories na fntasy, self-help, mystery at horror. Naisip ko akagad si Lola Kalakal. Kaya, agad ko itong cinopy-paste sa wattpad ko. Kulang pa. I need 20K words. 17.2 K words pa lang. Kaya, dadagdagan ko pa ng dalawa pang kabanata. At least, andaming opportunities ngayon para maging full-pledge writer ako. Thank you, Lord!
Marso 5, 2015
Maaga-aga akong pumasok sa school. Nagpalinis kasi ako ng classroom. Si Kristine Mae ang unang nakita ko sa labas ng school kaya siya ang nagwalis at naglinis sa room. Nag-almusal ako habang ginagawa niya iyon.
Tumulong ako sa Grade V sa pag-aayos ng aming gawain s Recognition day. Unti-unti na naman nabubuo ang samahan. Sa katunayan,nagsalo-salo na naman kasi sa lunch kanina.
Okay naman ang klase ko. Naging masigasig sila na makasulat ng mga sanaysay. Pinag-test ko na rin sila sa Math.
After recess, pinagpraktis ko ang mga doxologists. Nabuo na namin. Ikalawang araw pa lang ay nakuha na agad nila. Kaso may dalawang absent.
Nakapag-print din ako ng 'Ang Pagsubok nI Lola Kalakal" Ipapa-book bind ko kasi ito pag natapos na para may artifact ako.
Uwian. Ipinatawag ni Mam D. ang mga teacher na 'outstanding' sa PAST. Isa ako doon. Natimbrehan gada ako ni Plus One kaya nakuha ko sa classroom ko ang inihanda kong documents para suportahan ang aking rating.
Pagpasok ko ay naroon din sina Sir Rey at Mam Amy. Anuman ang reaksyon nila dahil nakahanda ako, wala akong paki. Ang mahalaga ay napatunayan ko na handa ako at deserve ko ang rating ko. Wala nga rin si Mam Loida.
Gusto na sanang kunin ni Ma hang portfolio ko kaso kailangan ko pang dagdagan. May hinahanap pa kasi siya. Akala niya ay magugulat ako. No! I'm ready. Gusto pa nga yata niya akong obserbahan. E di, wow!
Pag-uwi ko, ginawa ko pa ang iba ko pang achievements. Idinagdag ko ang watppad, GES Math Club, V-Mars FB group at KAMAFIL. Ewan ko lag kung hindi pa ito sumapat para sa aking rating. Ako lang amg merong ganito sa GES.
Sayang lang ang napanalunan kong dalawang ticket sa Solaire. Hindi pa ako makakarating doon. Hindi ko rin mapapanunod ang tampok nilang group na 'Jilin Art Troupe'. Di bale, may dahilan naman.
Marso 6, 2015
Tamad na tamad akong pumasok kanina. Kulang kasi ako sa tulog kagabi. Di ko alam kung bakit di ako agad nakatulog nang nagising ako sa madaling araw. Andami ko tuloy naisip.
Gayunpaman, masigla akong nakiharap sa mga bata. Lalo na't may Rabies Awarenes Month Program sa school kaninang 9. Tapos, alas-dos ay may Awarding Ceremony ang SM Baryanihan. Nagbigay sila ng mga appliances para sa school.
Okay naman ang maghapon ko. Nakapagsalo-salo uli kaming Grade V teachers bago ang unang program. Tapos, ang pangalawa ay kanya-kanya na. Nag-stay na ko sa klase ko. Pinasulat ko sila ng diary at sanaysay.
Umuwi ako agad after class para umidlip. Nakaidlip naman ako kasi wala pa si Emily. Alas-siyete na siya dumating.
Marso 7, 2015
Dahil wala akong pasok sa CUP, may time akong tapusin ang report cards ng pupils ko. Nakatapos din ako ng isang kabanata ng kuwentong "Ang Pagsubok ni Lola Kalakal". Isang chapter na lang ay tapos na. Maipapasa ko na ito sa PSICOM.
Gusto sanang pumunta ni Sir Erwin sa boarding house namin, kaso nahihiya ako. Nag-white lie na lang ako. Sabi ko ay nasa biyahe ako papuntang Antipolo.
Alas-singko ng hapon, nagdilig ako ng mga halaman ko sa GES. Hindi ko pwedeng pabayaan ang mga iyon. Sobrang init pa naman maghapon.
Marso 8, 2015
Nainis ako kay Emily kagabi. Maghapon na nga silang magkasama ng boardmate naming babae, tapos sila pa ang magkausap hanggang alas-nuwebe pasado. Hindi niya tuloy nagawa ang pinasulat ko.
Hinarot niya ako kinabukasan. E, alas-diyes na ako bumangon. Paalis din siya. Mabuti naman dahil hindi ko pa siya talaga papansinin.
Ako na lang ang gumawa ng mga gawain ko. Naisingit ko rin ang pagsulat ng ika-14 o huling kabanata ng Lola Kalakal. Panay ang iyak ko sa pangwakas na kabanata. Grabe! Parang ako ang tauhan dun. Naisubmit ko na rin ito through e-mail sa PSICOM Publishing , Inc. Sana ay magustuhan nila.
Nagtext si Emily. Hindi daw siya makakauwi. Ayos lang.
Marso 9, 2015
Hindi ako pumasok ng maaga. Gumawa pa kasi ako ng Form 137. Medyo konti na lang ang tatapusin ko. Kailangan ko pang hanapin sa Guidance ang ibang forms.
Sa school, medyo smooth sailing naman ang lahat. Maliban sa isang reklamo ng isang parent na nakalmot ng kaklase ang anak. Pero, hapon ko na iyon nalaman. Sinalubong niya ako nang pauwi na ako. Hindi kasi nagsumbong ang anak niya at ang mga kaklase nito. Tsk tsk. Siguro may kasalanan din kaya natakot magsumbong sa akin.
Namumublema pa rin ako sa pera. Wala pa akong mapagkukunan ng pamasahe pauwi ng Aklan para sa graduation ni Ion. Idagdag pa ang isipin s amga bills. Bahala na si Lord.
Marso 10, 2015
Nasa loob lang ako ng classroom ko maghapon. Nagpa-Four Fundamentals ako sa mga pupils ko at nagpasulat ng sanaysay at diary. Nakapaghanap na rin ako ng isasali ko sa journalism at broadcasting next school year.
Napili ko sina Jannah Rose sa collaborative writing (lathalain), Khrizelle sa Pagsulat ng lathalain at Allysa sa Filipino Radio Broadcasting. Pinag-practice ko rin sina Kyla at Evander. Nakasulat na nga ang dalawa. Ayos! Reday na ako. Aaraw-arawin ko na ang pasulat sa dalawa. Kahit bakasyon ay pagagawin ko din sila ng lathalain, through Facebook. Sa ganito, maihahanda ko sila ng husto.
Hindi ako sumama sa invitation ni Sir Rey. Alam ko seminar lang iyon para sa multi-level marketing. Ayoko na magnegosyo lalo na ang ganung uri. Gusto ko ay sarili kong pundar.
Nagyayaya ang roommate namin na mag-videoke. Kasama daw ako sabi ni Emily. Libre daw niya. Nakakahiya man pero gusto ko.
Marso 11, 2015
Nainis ako nang malaman kong sinira ang padlock ng classroom ko. Hindi kami na-inform na gagamitin pala ang rooms ng Grade V sa NAT. Sinabi daw nila sa GL namin. Wala namang binanggit sa amin si Sir Rey kahapon. Mas inuna niya pa ang pag-imbita sa akin kesa sa may importante. Lumabas pa tuloy na nagpabaya ako o naging sakim.
Buhay nga naman!
Gayunpaman, naging kalma lang ako. Anuman ang kuro-kuro o saloobin nila, hindi na ako apektado. Nagpakasaya ako, lalo na't napag-usapan ang artikulo ko tungkol sa binibentang utot sa mga tindahan sa labas ng school. Naalarma sila. Kaya, kinausap ni Mam Amy si Ate Sol. Kinumpiska nila ang tira pang paninda. Nangako naman ang tindera na hindi na uli magtitinda.
Marami na rin ang nag-share ng sanaysay ko. Nag-comment din si Auntie Vangie, Mam Glo at Mam Deliarte. Nakatulong nga ako na ipalaganap ang posibleng problema.
After lunch, napasama ako sa Grade IV teachers at kay Mamu sa pagpunta sa Baclaran para maghanap ng uniform sa graduation. Ayoko naman kasing maiwan mag-isa sa school. Gusto ko na nga sanang umuwi na. E, sayang naman ang chance na maka-bonding sila. Enjoy tuloy ako na kasama sila. Napagod man kami sa kakalakad, may free meal naman.
Pag-uwi ko, inihanda ko ang mga isa-submit kong articles sa Gawad PPV. Sa Abril 15 na ang deadline of submission. Kailangan ko ng makapagpadala, lalo na't aalis ako patungong Aklan.
Sanaysay na lang ang kulang ko. Nag-reresearch pa ako. Bukas, baka matapos ko na ang article.
Marso 12, 2015
Second day ng NAT. Wala pa ring pasok ang mga pupils.
Malungkot ngayon ang kainan. Di tulad kahapon. Marami kaming nagsalo-salo. Maingay. Kanina, boring. Kainan lang talaga. Kaya nga, ilang minuto pagkatapos ng lunch, umakyat na ako sa classroom ko. Doon ay ginawa ko ang ribbon para sa class achievers ko. Nakapag-wattpad din ako. Nakaidlip din ako.
Alas-singko, nag-out na ako.
Nasa crisis stage pa rin kami. Gayunpaman, hindi pa umaabot sa punto na wala na akong ulirat. Kaya pa. I know God is the great provider.
Marso 13, 2015
Kokonti ang pumasok kong mga pupils kaya nakagawa ako ng mga forms ko, biglaan pa naman ang checking. Mabuti naman ang nangyari. Nakapagpa-check na ako. Medyo makakapagpahinga na ang isip at katawan ko. Hihintayin na lang namin magawa ang programme ng Recognition Day para masimulan na namin ang practice.
Nalaman ko kay Donya Ineng na may niluluto na naman si Donya Choling laban sa akin. Hmm. Hindi siya magwawagi.
Alas-otso y medya, nauwi sa dramahan ang usapan namin ni Emily. Haay, buhay! Mabuti na lang natapos ko na ang journal na ipapasa k okay Dr. Llamas. Hindi ko nga nagawa pa ang Redondo.
Marso 14, 2015
Hindi ako na-late sa masteral class ko kahit alas-siyete y medya na ako nakaalis sa bahay.
Walang kulay ngayon ang klase ko. Hindi ko gusto ang topic. Pero, dahil nasa seminar si Dr. Penalosa maaga akong nakauwi. Nakapanuod pa ako ng ''Beyond the Blackboard". Tapos, sinunod ko na ang '3 Idiots'. Mahaba ang huling movie. Three hours. Kaya, inabot kami ng pasado alas-nuwebe ng gabi sa kakapanood. Mabuti hindi natuloy ang night out namin, kasama ang nakilala ni Emily sa OWWA.
Ang gagandang pelikula ng mga napanuod namin. Sulit!
Marso 15, 2015
Alas-otso y medya na dumilat ang mga mata ko. Sobrang puyat kasi kagabi. Tumawag ba naman ang magiging employer ni Emily sa kalagitnaan ng aming tulog. Madaling araw. Nag-interview. Gayunpaman, natuwa ako dahil binigyan kami ng sign ni Lord. Alam ko, malapit na siyang umalis.
Umalis si Emily kasama ang katulong ng landlady namin. Nagpasama sa pagbiyahe papuntang Novaliches. Maghapon siya wala.
Nagdilig muna ako ng mga halaman sa school tapos nanuod na ako ng "Open Road" sa youtube. Naiyak ako sa ending nito. Sobrang ganda.
Then, umidlip ako maghapon kahit sobrang init. Alas-sais na ako bumangon. Alas-siyete na yata iyon nang dumating si Emily. Saka lang ako nakapagkape at nakapagmeryenda.
Bago ako nakatulog, nakapagchat pa kami ni Sir Erwin. Di daw siya makakasama sa Aklan kasi required siyang dumalo sa graduation. Okay nga e. At least ako lang ang bibiyahe. Nasabi ko din sa kanya ang tungkol sa niluluto ni Donya Choling against me. Pinayuhan niya ako. Tama naman siya. I'm ready to give up my position, lalo ngayong makakasama ko na si Ion. I need time for the two of us.
Before dinner, nanuod ako ng 'Dumb and Dumber' ni Jim Carey. Nakakatuwang pelikula.
Marso 16, 2015
Lunes na naman. Pero, hindi na ako stress. Wala na magpapa-stress. Tapos na ang mga forms. Kaya lang, kinausap ako ni Mam Rose. Kailangan daw ni Mam Deliarte ng folk dancers. Ayaw daw kasi niya ng modern dance. Pinakiusapan niya ako na sayawin uli ng pupils ko ang Pandango Oasiwas. Pumayag ako nang pumayag ang mga dancers.
Later, naisip ko na palitan iyon ng ibang sayaw. Nakita na kasi iyon noong Buwan ng Wika. Kaya tinawagan ko si Emily. Tinanong ko siya kung willing siyang magturo ng sayaw. Oo naman siya.
Pasado alas-dose ay nagturo siya. Mabilis lang nakuha ng mga dancers ko ang steps ng Tiklos kaya, bago mag-alas-tres ay nakauwi na siya. Isasama daw kasi siya ni Liza sa MOA.
Ang gagaling ng dancers, ilang oras lang, kabisado na. Konting pulido na lang, araw-araw.
Pagkatapos ng practice (uli) ng sayaw at doxology, nagsalang ako s alaptop ko ng pelikula na panunuorin ng pupils ko. Ang sinalang ko ay 3 Idiots. Nakipagkuwentuhan naman ako kay Mamu habang nagmemeryenda.
Stress-free talaga.
Pag-uwi ko, nalaman kong di natuloy sina Emily. Nayaya siyang manuod ng pelikula sa youtube. Kaya nanuod kami ng Kimmy Dora. Tawa kami ng tawa. Nawala ang mga problema naming.
Pagkatapos, niyaya naman siya ni Liza. Tamang-tama. Nakakain na rin kami. Nasolo ko naman ang boarding house. Andami kong dapat i-type at i-post sa wattpad at blogger.
Marso 17, 2015
Nauna pang umalis si Emily sa akin. Sinama kasi siya ni Liza na magpa-pedicure. Hahatiran niya na lang ako ng pagkain para sa lunch ko. Late na siya dumating, kaya agad kaming nag-lunch pagdating niya.
Practice naman ang sinunod naming pagkatapos mag-lunch. Okay naman ang sayaw. Ang doxology, andami pang dapat ipulido, lalo na't andaming kulang.
Pagkatapos, pinanuod ko na lang sila ng pelikula sa laptop ko. Maghapon na. Hinayaan ko din maglaro sila sa loob. Umidlip din ako habang nakikipagkuwentuhan si Emily kay Mamu.
Past 5, nagkita-kita kami nina Sir Erwin. Sa suki naming canteen, kami dumiretso. Kumain kami at nagkuwentuhan at nagtawanan. Then, ipinagpatuloy namin sa hideout. Andami naming napagkuwentuhan at napagtawanan. Natuto din kami sa isa't isa. Hiniling ko din sa kanila na ipag-pray nila na mapili ang kuwento (Lola Kalakal) ko ng PSICOM. Oo daw. Makukuha daw talaga.
Past 8 na ako nakauwi sa boarding house.
Marso 18, 2015
Nag-check kami ng forms ni Sir Rey. Pagkatapos, inayos ko naman ang forms ko. Medyo kulang pa, pero, mabilis na lang i-finalize bukas, para sa checking, with the supervisor.
Naasar kami sa IT coordinator o ang committee ng program lay-out ng Recognition. Hindi pa niya natapos after almost a week. Nagpaka-bloks din ang GL namin. Nainis kami ni Diana. Sinabi naming kami na ang gagawa.
Kinausap din namin sina Mam Joanna at Mam Fatima para sila ang mag-emcee dahil tinanggihan iyon nina Jul at Mia. Mabilis lang namin silang napa-oo. As return, ako na ang gagawa ng script nila.
Nanlibre ng very late lunch si Don Façade. Nagkainan kami sa classroom ni Mamu. Nag-selfie din kami para sa aming FB page na 'Hideout'. Ginawa ko ito kagabi, after ng hideout bonding namin, para mang-inis ng mga inggiterang tao.
Mas lumalakas ang aming friendship habang kami ay inuuga.
Pag-uwi ko, agad kong hinarap ang script. Natapos ko ito bago mag-8:30.
Marso 19, 2015
Nang magising ako bandang alas-dos y medya ng umaga ay hindi na ako muling nakatulog. Nagpabiling-biling na lang ako sa higaan. At bandang alas-4, gumawa ako ng tula na pinamagatan kong "Don't Count". Ayos, may pakinabang ang pagkapuyat ko.
Kaya lang, pagdating sa school, wala ako sa mood magtrabaho. Inaantok ako. Idagdag pa ang kapabayaan at kakulangan ng aming GL. Hindi siya dumating ng alas-6. Alas-onse na siya dumating. Naiinis kami ni Mamu. Kulang-kulang ang mga info para sa programme. Hindi makausad ang ginagawa namin.
Ito namang Donya Choling ay kinuha niya ang mga papel at ibinalik kay Mam D para siya ang pumukpok sa IT namin, na siyang committee sa programme layout. Hindi kami nagrereklamao, nagsasabi kami ng hinaing namin dahil nababalahaw ang sistema. Ito namang MT ay iba ang diskarte. Hindi na nga makatulong, nakasira pa.
Nang dumating ang GL namin, wala pa rin siyang ginawa. Nagpa-meeting pa. Kaya pagkatapos, umuwi na kami.
Sa sobrang antok at gutom ko, nahiga muna ako. Alas-dos na yata ako bumangon para kumain. Hindi pa nga natatapos ang pagkain ko, tumawag si Donya Ineng para sabihing kailangan kami sa school para sa cross-checking. Nagmadali ako. Nakarating naman ako bago makapagsimulang ma-check-an ang mga forms ng Section 1. Nainis lang ako sa tinuran ng principal. "Diyos ko Miyo" daw. Umirap pa. Hala! Hindi naman nila sinabi na may bisita para sa cross-checking. Mas inuna pa nila ang pictorial. E, may sikmura naman akong nagugutom. Kailangan kong unahin.
Ang bilis lang namang nag-check. Wala pang limang minuto. Kailangan pa akong takutin na kay Mam Ladines magpapa-check. Akala nila matatakot ako.
Ang gulo!
Napagbintangan pa kami ni Mamu na nag-Harisson.
Kaya nang pinatawag ang Grade 5 at ang IT, pinagalitan pa kami ng principal. Nag-rason kami ni Mamu. Pumasok kami ng alas-6 dahil iyon ang usapan o sinabi ng GL namin. Pero siya ay duamting ng alas-11. Kami pa, kako, ang may kasalanan? Siya ang chairman ng Recognition pero hindi siya maasahan. PulpoLEADER!
Hindi sila nakaimik nang manggalaiti na ako. Hugas-kamay din ang MT. Aba! Papatalo ba ako. Nasa rason lagi ako. Kahit pa sabihin nilang dapat nagpapaalam kami. Never kaming nagpapaalam kapag magta-time out. Bakit ngayon lang nila kami ire-require.? Wala sa hulog.
Andaming issue ngayong araw sa Gotamco.
Nakasalamuha ko si Mam Dang. Nahirapan siyang magpaprima kay Mam D. Hindi pa nga pinirmahan kaya pending ang thesis niya. Nalaman ko sa kanya na nagkasagutan sina Ms. Kris at Baleleng dahil din sa cross-checking na 'yan! Later, tinext niya ako at nagkuwento siya. Napatunayan ko na, na masama talaga ang ugali ng kumare ko. She deserves more enemies. Last one, nagtapat si Mamu tungkol sa kuwentuhan nila ni Mam Dang kanina, habang pauwi. Sinisilip daw ni Donya Choling ang limang trainorship ko sa journalism. Dapat daw ay ibigay sa manugang niyang magaling ang iba. Hindi niya alam ang istorya kaya hindi dapat siya nangingialam. Kung alam niya lang na binigyan ko lang ng broadcasting ang manugang niya dahil sa apo niya. Saka ayoko mag-train ng English. Ipinamigay ko na nga ang iba. Ayaw naman nilang kunin. Ngayon school year, handa akong ibigay lahat sa kanila.
Marso 20, 2015
Alas-diyes pasado ay nasa Gotamco na ako. May mga pupils na rin ako kaya isinama ko na sa pag-akyat. Tapos ay naghanap ako ng makakausap. Wala si Mam Dang. Wala rin si Ms. Kris. Kaya si Mareng Janelyn ang nakausap ko. Hindi nga lang ganun katagal kasi kailangan kong balikan ang mga pupils ko. Prinaktis ko sila sa classroom ni Mamu. Siya na kasi ang mamamahala sa kanila.
Napag-usapan namin ni Mare ang tungkol sa mga kagaguhan ng magbiyenan. Napagkasunduan namin na ibigay sa kanila ang mga gawain namin sa school dahil iyon ang gusto nila. Nabanggit ko na magiging full time classroom teacher na lang ako at maging full-time father kay Zillion, na magki-Kinder next school year. Niyaya din niya akong maging Grade Six teacher. Gusto ko sanang panghapon kami ni Zillion para maka-focus ako sa sa kanyang almusal at pagpapaligo. Pero, may point naman siya. Mas active daw ang bata kapag umaga. Tutal malapit lang naman ang uwian namin, umoo na ako.
Sunod ay nakipag-bonding ako kay Mamu at sa mga pupils namin. Halos, gusto nila kaming makasama sa mga huling araw. Mayroon pang Grade Six pupils na gusto pang bumalik sa pagka-Grade 5. Hehe.
Pasado alas-dos, sinimulan namin ang rehearsal ng Recognition Day. Andami pang kulang. Labo-labo pa. Hindi talaga mahusay na lider ang chairman namin.
Habang nasa practice ako, nagtext si Emily. Flight niya na daw tonight. Nagulat ako kaya tinawagan ko siya. Umalis pala siya para magtanong sa agency nila. It so happened na may plane ticket na siya. Natuwa ako at the same time nataranta. Hindi pa siya handa. Nasa Caloocan pa ang maleta niya.
Gayunpaman, pinakalma ko siya. Kaya niyang magawa ang mga iyon sa mabilisang paraan.
Nang pauwi na ako sa bahay, nagtext siya. Hindi na daw tonight ang flight niya. Sa Sunday na. Ayos! Makakapaghanda pa siya.
Bumalik ako sa school pagkatapos. Nalimutan ko palang magpaalam kay Mam Deliarte. Pumayag naman siya agad. Kaya lang tila naplastikan ako sa kanya dahil nagparamdam naman siya ng pag-care niya sa health ko. Dati kasi ay sinabi niya na patatabain niya ako. Pero, ilang beses pa lang naman niya akong pinakain o niyayang kumain sa office. Ang hula ko ay dahil iniisip niya na maysakit ako sa baga at hindi ko kayang magtrabaho o tumanggap ng maraming coordinatorship at trainorship. Pag may sakit nga naman ako, malaya siyang ibigay iyon sa mga gumagapang ng mga posisyon ko. Nasulsulan na siya. Sorry sila. Handa na akong ibigay lahat. Back to zero ako.
Marso 21, 2015
Quarter to six nang magising kami dahil sa alarm. Maaga kasi aalis si Emily patungo sa agency. Mabigat man ang talukap ng mga mata ko ay bumangon na ako para ihatid siya sa baba. Masayang-masaya ako dahil natapos na ang mahaba niyang paghihintay. Aalis na siya bukas. Salamat sa Diyos!
Hindi na rin ako natulog pag-alis niya kaya naghanda na rin ako para sa aking masteral class.
Mag-aalas-nuwebe na yata iyon nang dumating si Dr. Yan. May nag-report agad. Pagkatapos, pumunta kami ni Donya Ineng sa Pasay City west High School. Naroon kasi ang mga professor, kabilang si Dr. Llamas. May seminar tungkol sa K to 12 at ASEAN Integration. Nakinig kami. Naengganyo kami sa certificate at sa information na makukuha namin.Okay lang naman. Tutal para lang kaming nasa classroom.
Alas-tres nang matapos ang seminar. Umuwi agad ako.
Nalungkot akong bigla. Tahimik kasi ang kuwarto. Isang buwan din halos naging maingay ang boarding house dahil sa presensiya ni Emily. Pero, ngayon wala na akong kausap. Nakakamiss din pala. Anyway, for good naman ang pag-alis niya. I know she will be successful.
Six, nanuod ako ng "Fifty Shades of Grey". Hindi tuloy ako agad nakapag-empake ng mga gamit ko sa pagpunta sa Aklan bukas. But, it's okay.
Marso 22, 2015
Alas-singko, ginising ako ng tawag ni Emily. Nasa Clark AirBase daw siya. Ten o'clock pa ang flight nila.
Isang oras pagkatapos kong matulog uli. Naghanda naman ako sa pag-alis ko. Alas-otso ay bumiyahe na akong patungong Cubao. Past nine naman ako nakakuha ng ticket sa 2Go. Alas-onse naman bumiyahe ang Alps bus patungong Batangas Pier. Doon ay naghintay ako ng napakatagal. Nine ng gabi pa kasi ang alis ng barko. Excited pa naman akong bumiyahe. First time ko sa barko at sa Aklan. Okay lang naman kasi maayos naman ang waiting area. Malamig at may telebisyon.
Nine, pinaakyat na ang mga pasahero sa barko. Natuwa ako. Para sa akin, sulit ang P1152 na binayad ko. Makakatulog ako ng mahimbing dahil may kama bawat isang pasahero.
Marso 23, 2015
Masarap ang tulog kagabi sa barko. Hindi ko nga namalayan na pumasok ang tubig-ulan.
Alas-siyete ay nag-sight-seeing na ako. Ang ganda ng karagatan. Kalmado. Sarap magbiyahe. Hindi nakakatakot.
Alas-otso ay nakasakay na ako sa bus patungong Iloilo. Bababa ako sa Altavas. Halos apat na oras ang biyahe. Nagutuman ako. Pero, ayos lang. Naabutan ko namang maayos si Zillion, saka safe ang biyahe ko.
Expected pala ni Nanay na may kasama ako. Naghanda pa naman sila ng hipon. Sarap ng lunch. May sinabawang isda pa.
Past two, natulog kami ni Ion. Alas-singko na kami bumangon. Bawing-bawi na ang puyat at pagod ko.
Hindi pa nagtext si Emily. Siguro ay hindi pa siya nakabili ng roaming na sim card. Ayos lang. Alam kong nasa mabuti siyang kalagayan.
Marso 24, 2015
Ang sarap matulog. Tamang-tama ang temperatura. Maaga lang bumangon si Ion kaya medyo naabala ang pagkakahimbing ko. Pero, ayos lang. Nakabawi na ako sa puyat.
Pinagmasdan ko ang kilos ni Ion. Ang likot niya, lalo na't may kalaro. Ang ingay pa. Ang husay na niyang mag-Aklanon.
Pagkatapos ng lunch, pinatulog ko siya. Iyon lang ang paraan para mapatigil siya sa kalikutan. Pagkagising niya, pumunta kami sa park. Piniktyuran ko siya doon.
Nalungkot ako nang makita ko ang program ng graduation ni Ion bukas. Wala siyang honors. Hindi siya kasali sa outstanding pupils. Sa dami ng nabigyan, siya ang wala doon. Mabuti na lang Most Polite, Most Friendly, Most Courteous, Most Humble, Best in Writing at Best in Math siya.
Marso 25, 2015
Maaga kaming nagising para sa Recognition Day ni Ion. Sa sobrang aga, antagal naman naming naghintay sa pagsisimula nh program. Mga nine AM na uata nang nagsimula. Tapos, antagal pa bago ang Recog kasi inuna ang graduation ng Kinder 2. Mabuti na lang ay na-enjoy ni Ion ang pag-akyat ng stage para sa kanyang mga awards. Anim na beses siyang umakyat. Pinaakyat ko din si Inday at Nanay para i-pin ang mga ribbon.
Bago mag-12 ay nakauwi na kami. Gutom na gutom na ako.
Mabuti at di ako inabot ng diarrhea. Thrice ako nag-poo ngayong araw.
Sana gumaling na ako. Bibiyahe na kasi kami ni Ion bukas, pabalik sa Pasay..
Marso 26, 2015
Nakipag-kuwentuhan ako kay Nanay sa hapag-kainan habang nag-aalmusal. Andami niyang bilin tungkol sa kabutihan ni Ion. Marami tuloy akong napulot na idea.
Pasado alas-9 ay nagpaalam na ako kay Mommy Ofie at kina Nanay at Tatay. Pinasalamatan ko sila.
Hinatid naman kami ni Inday Rizza sa waiting place ng Dimple Star Bus. Doon ay pinasalamatan ko siya ng husto. Alam ko hindi sapat ang P500 na ibinigay ko sa kanya bilang pasasalamat. Ang laki ng ginampanan niyang papel kay Zillion.
Sana makabalik nga kami para di siya makalimutan ni Ion. Very close kasi sila sa isa't isa.
Alas-onse, dumating ang bus. Alas-tres maman kami dumating sa Caticlan. At 4 PM, umalis ang Starlite Ferry na sasakyan namin mg apat na oras patungong Roxas.
First time ni Ion sa barko. Ayaw niyang matulog. Enjoy na enjoy. Galing ng anak ko. Hindi maselan sa biyahe. Sarap isama. Kain pa ng kain. Mabuti na lang, andaming pabaon ng mga biyenan ko.
Nahirapan naman ako sa biyahe patungong Calapan Port. Ang init sa loob ng bus. Natutulog na kasi si Ion. Tapos, sobramg tagal pa kaming naghintay doon para makasakay sa barko--- from past 11 to 3am. Pawis na pawis kami sa sobrang init. Ayaw magsipagbukas ng mga bintana. Bwisit na bwisit ako. Sana pala nag-aircon na lang kami.
Marso 27, 2015
Asar na asar ako kaninang madaling araw. Halos, apat na oras anim na oras kaming naghintay sa pantalan ng Calapan. Ang init pa naman sa loob ng bus. Tulog si Ion. Basa ang likod at dibdib ko sa kakakarga sa kanya.
Alas-tres, nagising siya. Lumabas kami sa bus. Nagkape ako. Mabuti na lang, dumating ang barko ng 4AM. Nakapasok kami doon at nakahiga-higa. Pero, di pa rin agad ito umalis. Five o'clock pa ito lumarga, kaya past 8 na kami nakarating sa Batangas Port. Past-eleven naman kami dumating sa Pasay.
Naasar pa ako sa taxi driver. Sinisingil ako ng P300. Buti nga binayaran ko pa ng P150. At mabuti, naubusan ako ng load. Hindi ko nai-send ang complaint ko sa LTFRB.
Natulog kami ni Ion, after naming mananghalian. Past 3 na ako nagising. Kulang pa rin ako sa tulog. Pero kahit ganun, pumunta pa rin kami ni Ion sa GES. Inimbita kasi ako ni Jeff sa kanilang Grad Ball. Akala ko ay gabi pa. Mabuti na lang ng-PM siya.
Doon ay sinalubong kami ng mga estudyante. Yakapan sila sa akin at kay Zillion. Instant celebrity ang anak ko.
Naging masaya ang grad ball nila. Andaming umiyak habang nagpapaalam sa isa't isa. Andami ring yumakap at nag-thank you sa akin.
Pag-uwi ko, in-upload ko kaagad ang mga picures nila, I mean namin. Si Zillion, nakarami din.
Thanks, God dahil naging bahagi ako ng Grad Ball nila. Hindi man ako nakadalo sa graduation nila, gaya ng gusto nila, nakapunta naman ako sa grad ball.
Marso 28, 2015
Wala pang alas-otso ay nasa City University of Pasay na kami ni Ion. First time niya doon. First time ko rin magsama ng anak sa masteral class ko. Agaw-pansin tuloy kami. Pero, nakakatuwa naman ang mga reaksiyon nila, lalo na pareho kami ng shade ng suot na checkered long sleeves polo. Sabi ng mga kaklase ko sa Educ. Leadership, carbon copy ko daw si Zillion. Sabi naman ng iba, mini-me ko daw. Natuwa din sa kanya ang ibang propesora na nakakasalubong namin.
Natutuwa nga rin ako dahil hindi naman siya malikot. Natatawa pa kami ni Roselyn dahil panay ang Aklanon. Di namin maintindihan.
Alas-kuwatro ay nakauwi na kami. Pinatulog ko si Ion pagkatapos naming magmeryenda. Nakapagbabad ako ng labahan habang tulog pa siya.
Grabe! Nararamdaman ko na ang challenge ng pagiging ama ko sa kanya. Kaming dalawa lang ang magkasama.
Okay naman. Hindi naman siya mahirap alagaan. Kayang-kaya.
Naka-chat ko si Mamu. Nalaman ko na hindi naman siya binigyan ng request form para sa x-ray. Tama ang hinuha ko. Pakulo na naman ito ng mga kalaban ko. Nakasali pa tuloy ang school nurse.
Nagtataka lang kasi ako. Ako lang yata ang magpapa-xray. Para ano? Para malaman nila na incapable ako humawak ng mga trainorship at coordinatorship?
Napagdesisyunan ko na hindi ako agad na magpapa-xray. Bibitinin ko sila. Hindi rin ako papasok sa Monday at Tuesday. Mabuti pang magbakasyon na ako sa Antipolo. Sa April 6 na kami babalik.
Marso 29, 2015
Alas-siyete pasado ay pumunta kami ni Ion sa Gotamco para magdilig ng mga halaman, kumuha ng bond paper na gagamitin ko sa aking final exam at para lagyan ng stick glue ang gulong ng toy car ni Ion.
Mabilis ko lang nagawa iyon kaya agad kaming nakaalis sa school. Pupunta naman sana kami sa hideout para humiram ng libro kay Donya Ineng at magpakuha ng exam permit sa CUP, kaya lang hindi ko nadala ang resibo ko. Nasayang ang lakad namin.
Pag-uwi, pinanuod ko ng youtube si Ion habang ako ay naglalaba. Pagkatapos ay naligo kami para pumunta sa Harisson Plaza. Nagbayad ako ng RCBC bills. P1000 at P500 lang each. Anlaki pa ng balance ko. Di bale basta mabawasan.
Pinakain ko rin si Ion sa Jollibee. Binigyan kasi siya ni Plus One noong Friday ng P100 para dito.
Nagtext si Malot baka daw pumunta si Mhel para kunin ang hipon na padala. Hinintay ko, pero nang nagtext uli, hindi na raw. Dalhin ko na lang daw sa Antipolo. Iyon naman kasi ang sabi ko nang hindi rin makakapunta si Edward. Sayang naman kasi kung iiwanan ko sa ref doon. Malapit ng masira.
Ala-una medya, umalis na kami ni Ion papuntang Antipolo. Pasado, alas-kuwatro naman kami dumating. Kalahating oras lang ay pumunta naman sina Jano para makita lang si Ion. Tinext siya ni Taiwan. Iyon kasi ang bilin niya. Natuwa sila sa kadaldalan at pag-a-Aklanon ng anak ko.
Maagang nagising si Ion kaya maaga rin akong napamulagat. Hindi na ako nakatulog uli kaya nag-almusal na ako para maharap ko na ang take-home final exam sa Philosophy of Education.
Nasimulan ko lang i-handwrite. Hindi ko natapos kasi masakit sa kamay. Sinimulan ko ring i-encode ang by-laws ng CUP-Young Writers' Guild na pinapagawa sa akin ni Dr. Llamas. Natapos ko iyon kahit dumating si Jano at ang kanyang tatlong anak.
Nag-aalala na ako kay Emily. Hindi pa siya tumatawag o nagpi-Facebook. Pero, malakas ang paniniwala ko na nasa mabuti siyang kalagayan. Hindi lang siya marahil makahanap ng paraan para maka-communicate sa akin.
Nagtatanong si Mamu sa text kung kumusta ang meeting at clearance ko. Wala akong load kaya di ko nasagot. Hindi niya lang alam na di ako pumasok. Wala akong pakialam sa meeting na 'yun. I'm sure, maiinis lang ako.
Marso 31, 2015
Para akong nag-fasting kaninang umaga. Kape lang ang almusal. Wala kasing magpapandesal na nagtinda. Mabuti na lang ay nakapag-almusal si Ion. Early bird catches fish, talaga. Hehe
Masarap naman ang tanghalian namin. Binawi ko ang gutom. Tapos, may handaan pa sa hapon dahil birthday ni Yoshimi. Naging maingay at magulo nga lang ang kabahayan. Pero, ayos lang. Mabilis lang namang natapos.
April na bukas. Sana tumawag na si Emily. Nag-aalala na nga rin si Mama.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment