“Ang pagtakwil sa Wikang Filipino ay isang kamangmangan’, sabi ni Makata O.
Hindi pa man aprubado ang pag-alis ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay kasingkahulgan na ito ng pagtawil sa ating pambansang wika, sapagkat ito ay ating kultura. Ang kultura ay nararapat na isinasagawa at ipinagmamalaki sa tuwi-tuwina. Kaya kung matutuloy ang planong ito, magiging mangmang ang mga Pilipinong mag-aaral sa sariling wika.
“Education is a continuous process, ika nga. Kaya, dapat lamang na ipagpatuloy natin ang pagpapayaman ng ating wika, sa pamamagitan ng pagpapanatili nito sa kurikulum sa kolehiyo. Hindi sapat na ituro lamang ito sa elementarya at sekondarya. Ilabas natin ang usaping K-12 Curriculum. Natitiyak kong magiging maunlad ang ating kultura kung maunlad ang ating wikang Filipino. Kung unti-unti nating lilimitahin ang pag-aaral at pagpapayabong sa asignaturang Filipino, malamang kakainin tayo ng mga wikang banyaga, gaya ng pagsakop noon sa ating bansa ng mga Kastila, Hapones at Amerikano, ilang dantaon na ang lumipas.
Oo, kailangan nating umingles upang mabuhay sa mundo. Tama ang tinuran ni Joselito D. Delos Reyes sa kanyang akdang “Ang Wika Bilang Economic Policy”. Hindi nga naman tayo mapapakain ng wikang Filipino. Pero, kapag mahusay kang mag-Ingles, patok ka sa call center. Tiyak ang trabaho mo. Uunahin pa ba naman natin ang pagiging intelekwal kesa sa kumakalam nating sikmura? Pero, naniniwala siyang kailangan nating palaganapin at paunlarin ang Filipino.
Kung hindi nating kayang mabuhay nang hindi umiingles, mas lalong hindi natin kayang mabuhay nang hindi nagsasalita ng wikang Filipino. Or vice versa.
Siguro ay tama lang na tayo ay mag-taglish. Code switching, sabi nga. Sabay nating pagyabungin ang dalawang wika. Habang nagnanais tayong mabuhay, patabain naman natin ang ating kaalaman at pagmamahal sa ating sariling wika. Hindi naman kasi basehan ang Ingles ng katalinuhan. Mas kahanga-hanga ang taong maalam sa Filipino, dahil ipinagtatanggol niya ito. Subalit, mas mainam kung tayo ay polyglot kagaya ng ating pambansang bayani. Mas maganda kung marami tayong alam na wika o diyalekto, habang Filipino ay ating pinatatatag.
Tandaan lamang na ang code switching ay inaayon sa lugar at pagkakataon. Basta huwag nating itinatakwil ang wikang Filipino habang hinahaluan natin ng ibang diyalekto.
No comments:
Post a Comment