Followers
Friday, March 6, 2015
PAGSUBOK (Kabanata 12: Si Robert)
Punong-puno ako ng pag-asa nang magpaalam at lumayo ako sa munting tahanan ni Lolo Bert. Hindi ko kayang tumbasan ang tulong na binigay niya sa akin. Munti man ay nagdulot sa akin ng kakaibang ginhawa at katatagan.
Habang hila-hila ko ang maleta palayo sa simbahan ay naglaro sa aking isapan ang mga katagang binigkas ni Lolo Bert. Parang si Lola Esme ang nagwika. Parehong-pareho ang linya nila. Naisip ko tuloy na ginagabayan pa rin niya ako sa aking paglalakbay.
Wala pa rin akong direksiyon. Hindi ko pa alam kung saan ang tungo ko. Kaya, sa isang bench sa parke ay saglit akong umupo para magplano. Binilang ko rin ang natitira ko pang pera.
Three hundred and forty-three na lang. May dalawang bente-sinko sentimos pa. Nanlumo ako. Saan kaya ako
dadalhin ng halagang ito?
Parang napako ako sa kinauupuan ko. Ayoko na sanang umalis. Kundi lang talaga sa kagustuhan kong maiuwi ang mga buto ni Lola Esme, para sa kanyang ikatatahimik, ay hindi na ako kikilos. Naisipan ko nang bumalik sa Manila. Pero, imposible na rin dahil hindi na sapat ang pera ko para sa pamasahe pabalik. Lalo akong pinanghinaan ng loob.
Kinse minutos na akong nakaupo doon, pero wala pa akong naisip na paraan. Napatingin na lang ako sa kalawakan.
Nagulat ako nang may batang kumalabit sa braso ko. Nakasahod ang palad niya. “Kuya, pahingi po ng piso.” Isinalin ko lang sa Tagalog. Binisaya niya kasi.
Tinitigan ko siya. Ang lamlam ng mga mata niya. Payat. Madungis. Gula-gulanit ang damit. Siguro ay siyam na taong gulang na siya, pero maliit siya sa kanyang edad.
“Anong pangalan mo?” tanong ko, sa tonong ‘di nakakatakot. Gusto ko lang siyang kausapin.
“Robert po.” Ibinaba na niya ang palad niya at yumuko siya.
Nahabag ako. Hindi ko kayang tiisin ang batang
katulad niya, kaya kinuha ko ang palad niya. “Robert, ang mapalad ka dahil may mga paa’t kamay ka pa. Eto na lang ang pera ko…”
Tumingin si Robert sa aking palad at sa aking mga mata. Nakinig siya.
“Kapag binigyan kita ng piso, may tira pa rin ako. Pero, sa palagay mo ay makakain ka na o makakabili ka ng pagkain sa halagang piso?”
Hinintay ko ang sagot ni Robert. Maya-maya ay umiling siya.
“Alam mo ba, galing pa ako sa Maynila? Nakarating ka na ba doon?”
Umiling uli siya.
“Masalimuot ang buhay doon, Robert. Marami ding kagaya mo. Alam mo ba ang laman ng maletang ito?”
Tiningnan niya muna ang maleta ko, saka siya umiling.
“..ang laman nito ay mga buto ng isang matandang pulubi na nakilala ko sa Manila.”
Nag-iba ang ekspresyon ng mukha ng bata. Gusto na niyang umalis. Nahawakan ko lang sa braso. “Gusto mong mag-almusal tayo?”
Huminto siya sa pagkawag at tumango.
“Saan mo ba gustong kumain?” tanong ko. Hindi ko pansin na kapos ako sa budget.
Tinuro niya ang lugar. Diyos ko po! Sa isang fast food chain na pambata at kagaya kung saan ko pinakain si Lola Esme.
Wala akong nagawa. Nagtanong ako, kaya sinagot niya. Kapos man ako sa pera, kailangan kong pagbigyan ang hiling ng bata. Hindi na lang ako oorder para sa sarili ko, naisip ko.
Lumiksi ang bata. Nauna pa sa akin. At nang makita akong nahuhuli, binalikan niya ako at hinawakan ang aking kamay para hilahin niya ako at pagmadaliin. Natuwa ako. Naramdaman ko kasi ang excitement niya. Parang nawala tuloy ang agam-agam ko. Naalala ko si Lola Kalakal nang yayayin ko siyang mag-almusal.
Hanggang sa makatawid kami sa kalsada at marating namin ang salaming pinto ng fast food chain ay hawak ni Robert ang kamay ko.
“Good morning, Sir! Kasama niyo po?” Masaya sana ang bati sa akin ng guard, pero nainis ako sa tono niya sa bandang huli.
“Bawal ba rito ang katulad niya?” sarkastiko kong tanong.
“Hindi naman po. Welcome po, Sir! At Sir!” Tapos, binuksan niya ang pinto para sa amin.
Parang nangyari na ito dati sa amin ni Lola Esme. Naulit lang.
Sa loob ay marami-rami na ang kumakain. May mga nakatingin na rin sa amin, lalo na kay Robert.
Nang maipuwesto ko siya sa upuang kutson na pang-apatan, tinanong ko siya kung anong gusto niyang kainin. Hindi siya nakapagsalita. Marahil ay ngayon pa lamang siya nakapasok dito. Mabilis ako. “A, sige, ako na ang bahala. Dito ka lang, ha? Bantayan mo ang maleta.” Nginitian ko pa siya. Ngumiti rin siya.
Habang nasa pilahan ako, tinitingnan-tingnan ko si Robert. Napagmasdan ko rin ang mga customers. Nakatingin pa rin sila sa bata. Tila ba, may pandidiri. Ibinalik ko sa kanila ang tingin na para ring nandidiri. Mas nakakadiri kasi ang mga ugali nila.
“Heto na ang almusal mo!” Masaya kong nilapag ang tray ng order ko para kay Robert. “Eto, hot chocolate para mainitan ang sikmura mo. Eto naman ang hamburger. Tapos, meron ka pang French fries. Isawsaw mo dito sa catsup.” Nakita kong natakam siya, pero agad kong naalala na hugasan ang kanyang mga kamay. “Pero, bago mo kainin ang mga ito, kailangan munang maghugas ng kamay. Halika!” Kinuha ko ang kamay niya at marahang hinila patungo sa faucet.
Habang sinasabunan ko ang mga kamay ni Robert, sumagi na naman sa aking alaala si Lola Kalakal. Naulit na naman.
Ramdam kong pinagtitinginan pa rin kami ng ibang customers at ng mga crew doon, pero hindi ko iyon inintindi. Ang mahalaga ay mapasaya at maturuan ko ng tama ang bata.
Hindi yata sanay si Robert na maputi at malinis ang kanyang mga palad. Sinipat-sipat niya muna kasi ang mga ito, bago lumantak ng pagkain.
Tahimik ko siyang pinagmasdan sa kanyang pag-aalmusal. Inalok niya ako, pero sabi ko ay tapos na ako.
Sobrang ligaya ko sa mga oras na iyon. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam na nakatulong ako sa bata, sa munting bagay.
“Robert...” wala sa loob ko na tawagin ang atensiyon niya.
Tumigil naman siya sa pagnguya at tiningnan ako.
“Mag-iingat ka palagi. Maraming masasamang loob sa mundo. Tandaan mo, masalimuot ang buhay. Pero, masaya. Maligaya. Wala ka mang yaman ngayon, darating ang panahon, ikaw naman ang magbibigay.”
Parang naunawaan ako ni Robert. Tumango siya. Tapos, sumubo uli ng fries.
“Masalimuot ang buhay, Robert.. Kailangan mong paghandaan ang buhay at bukas. Hindi ka makakatakas sa pagsubok ng Diyos. Ngayon, mayroon ka. Bukas... maaaring mawala lahat sa’yo ang mga iyan… sa isang iglap.” Para akong robot. Natawa ako. Hindi pala iyon ang dapat kong sinambit. “ Ngayon, wala ka. Bukas, maaaring mayroon ka… sa isang iglap.”
Tumango uli si Robert sa pagitan ng kanyang pagnguya. Maya-maya ay binalot niya ang nakalahating hamburger sa papel nito at binilot niya ang ilang pirasong fries sa lagayan nito. Iuuwi niya daw sa kapatid niya.
“Huwag na. Kainin mo na ‘yan. Ibibili na lang kita uli para sa kapatid mo.” Hindi ko na naman naisip na baka kapusin ako nang husto sa pera. Ang naalala ko lang ay ang anak ko. Ayaw ko kasing may nagugutom na bata, lalo na pag sariling anak ko.
Bumilog ang mga mata ni Robert sa tuwa. Tapos, agad niyang binuksan ang mga tira niya at kinain niya. Pinagmasdan ko siya at nginitian habang nasa pila ako.
“Salamat po! Ang bait niyo po. Ingat po kayong lagi. Ang katulad ninyo ang pinagpapala ng Panginoon.” Tumalikod na siya, bitbit ang isang supot ng pagkain. Nagtinginan pa kami sa pagitan ng salamin, bago siya tuluyang nawala sa aking paningin. Saka lamang nanumbalik ang aking pangamba. Binilang ko uli ang pera ko. Eighty-three pesos na lang.
Lumabas ako sa establisyementong iyon na mabigat ang isipan, ngunit masaya ang kaluluwa ko at punong-puno ng pag-asa ang puso ko. Si Robert ang naging instrumento ng lahat ng ito. Salamat sa kanya!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment