Followers

Monday, March 30, 2015

Redondo: Mag-isip

“Bro, balita ko, uuwi na si Dindee sa Aklan.” Nagulat ako sa tinuran ni Jeoffrey kagabi habang naghihintay kami ng aming time na tumugtog.

“Bakit mo alam?’’ Naiinis akong nagtanong.

Ngumiti muna siya. Tapos, tinapik-tapik pa ang likod ko. “Huwag kang magselos, Red. Mahal na mahal ka ni Dindee.”

Medyo, lumuwag ang nagpupuyos kong puso. Pinakinggan ko siya’t tiningnan sa mga mata kahit medyo madilim sa bar.

“Oo, nagte-text kami…bilang magkaibigan. Ang totoo, gusto niyang bantayan kita.”

“Bantayan? Bakit?”

“Sa dami ng mga nangyayari sa’yo, ayaw daw niyang mapahamak ka. Nakikita niya daw sa akin na maipagtatanggol kita sa masasamang loob..” Napangiti siya. “Maniwala ka man sa hindi, sobra ka niyang mahal. Nasaaktan siya ng husto sa tuwing nasasaktan ka, gaya noong binugbog ka ng karibal mo dati.”

“Sinabi niyang lahat sa’yo ‘yun? Sa ganoong kabilis na panahon na kayo ay magkakilala?”

“Oo! Kaya nga, naramdaman naming na nagseselos ka. Minsan din, nagsasabi siya ng mga sama ng loob niya sa’yo. Pero hanggang doon lang iyon, Bro! Sorry kung nag-isip ka man ng di maganda.” Nakipag-apir pa siya sa akin bago siya tinawag ng kabanda para tumugtog.

Naunawaan ko na ang lahat. Kaya lang huli na. Huling-huli na ako. Pauwi na si Dindee sa Aklan. Dumating na ang plane ticket na ipinadala ng Mommy niya.

Alas-otso ng umaga, pumasok ako sa kuwarto niya. Naabutan ko siyang nag-eempake.

“Nag-usap kami ni Joeffrey kagabi. Sinabi niyang lahat sa akin. Sorry.” Hinarap ko siya’t hinawakan ang kamay. “Sorry na. Ayokong umalis ka na ganito tayo.

Hindi agad nagsalita si Dindee. Tinuloy niya ang ginagawa. hanggang hawakan ko uli ang dalawa niyang kamay.

“Bati na tayo, please.” Hinintay ko siyang mag-respond habang nasa dibdib ko ang mga kamay niya.

“Pagod na ako, Red.” Sa wakas, nagsalita na siya. Pero, malungkot siya. “Bigyan natin ng panahon ang isa’t isa. Mag-isip ka. Mag-iisip-isip din ako sa Aklan.”

“Dee, hindi ito ang solusyon. Maliit na bagay lang ang problema.” protesta ko.

“Desidido na ako, Red. Salamat sa lahat. Nagkausap ko na rin sina Tito at Tita kagabi. Sorry sa lahat ng mga pagpapsakit ko sa’yo..”

Niyakap ko siya. Bumuhos na ang mga luha ko. “Mahal na mahal kita, Dee. Huwag nating sayangin ang mga araw na naging maligaya tayo, dahil lamang sa maliit at walang kuwentang bagay.”

Hindi siya humulagpos sa pagkakayakap ko. “Hindi naman sayang ang mga iyon. Mananatili sila sa puso ko.”

Wala akong nagawa. Ayaw na niya talagang magkaayos kami. Hindi na rin siya nagpahatid sa airport. Ayaw daw niyang makita ko ang pag-iyak niya.

Sobrang lungkot ang pag-alis ni Dindee. Ramdam ko pati nina Mommy at Daddy. Wala kaming salitaan.

Nasasaktan ako. Akala lang ni Dindee siya lang ang nasasaktan. Pareho kaming biktima. Pareho kaming nawalan. Pareho kaming malulungkot.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...