Bago ako umalis kagabi, para tumugtog sa bar ni Boss Rey, nagsabi na si Riz sa mga magulang niya na iuwi na siya sa bahay nila. Alam ko, ito ay dahil sa akin. Nasabi ko kasi na hanggang Linggo ng gabi lang akong magbabantay sa kanya.
Nasabi na rin niya sa wakas ang may gawa nito sa kanya kaya ora mismo ay tinawagan ng anyang ama ang inspector ng kaso para sa ikadarakip ni Lenadro.
Pinasalamatan ako ng mga magulang ni Riz. Sobra-sobra ang pasasalamat nila sa akin, na animo'y ako pa ang naging dahilan ng pagtapat ni Riz. Ang totoo, nagi-guilty pa rin ako. Kung alam lang nila. Kung alam lang nila na binalewala ko si Riz bago siya magahasa. Kung alam lang nila na hinayaan ko siyang lumakad-lakad, palayo. Hindi ko naisip na may mangyayari sa kanya sa hapong iyon.
Pinisil ko ang palad ni Riz pagkatapos kong magpaalam sa kanya. Walang lumabas na salita mula sa kanyang bibig. Pumikit lang siya at tumango ng bahagya. Ramdam ko ang pait sa kanyang puso. Kung pwede lang sanang mamalagi ako sa tabi niya. Kaso, may problema na namang akong kakaharapin sa aking kasintahan, si Dindee.
Pagkatapos ng klase ay umuwi ako ng maaga. Nag-print ako sa computer ng mga letters na 'S.O.R.R. at Y. Tapos, idinikit ko ito sa pinto ng kuwarto ni Dindee. Habang naghihintay sa kanya ay humiga ako sa kama nina Daddy at nag-isip ng mga sasabihin sa kanya.
Nakatulog pala ako. Paggising ko, wala na ang SORRY sa pinto. Nakita ko Dindee na nakahiga sa kama, patalikod sa pinto. Nasa lapag ang nilamukos na mga papel. Ang sorry ko, di niya tinanggap.
"Sorry na, Dee. Kung kasalanan mang tumulong sa katulad ni Riz na biktima ng pang-aabuso, sana mapatawad mo pa ako.." litanya ko. Pinilit kong maging dramatiko para mabagbag ang puso niya.
Wala siyang sagot, kaya lumapit ako sa kanya at lumuhod sa harap niya. Nakita kong may luha sa mata niyang nakapikit. Pinahid ko ito.
"Dee, mahal na mahal kita. Huwag mo namang pag-isipan ng masama ang pagtulong ko kay Riz. Walang malisya ang ginawa ko. Lumapit sa akin ang ama niya para matulungan sila. At nagawa ko. Tapos na. Hindi na ako babalik sa hospital. Isa pa, iniuwi na siya. Sa bahay na siya magpapalakas. Pinaghahanap na rin ngayon si Lenadro."
"Bakit kailangan mong mag-explain?'' sarkastiko si Dindee.
"Kasi..nagagalit ka. Nagkakagayan ka!"
"Hindi ako magkakaganito kung hindi ko nararamdaman na may pagtingin ka pa rin kay Riz. Ang awa ay pwedeng maging dahilan ng pagmamahal mo sa kanya.."
"Hindi mangyayari yun, Dee. Sa'yo lang ako.. Sorry na." sinabayan ko ng hawak sa kanyang pisngi, yugyog sa kanyang katawan at pangingiliti.
Natawa siya. Pero, nasampal niya ako ng bahagya. "Ilang araw mo din akong pinahirapan. Grrr!"
Hindi na ako nagsalita. Ngumiti na lang ako....para pogi.
No comments:
Post a Comment