Followers

Saturday, March 7, 2015

Wattpad: Nakakatulong ba?


        Ang wattpad ngayon ang kinahuhumalingan ng mga kabataan. Kasabay ng paglago ng teknolohiya, ito ay patuloy na umaakit sa milyong-milyong bilang ng mambabasa at manunulat, lalong-lalo na ang mga kabataan.
         Sa katunayan, dahil sa wattpad nakilala ang ibang kabataang manunulat. Nagkaroon din ng pag-asa ang ilan upang mailathala ang kanilang mga akda. Ang iba pa nga ay nangangarap na maisapelikula pa ang kanilang ng mga istorya.
         Tunay ngang malayo na ang narating ng application na ito. Marami na rin ang natulungang mag-aaral sa kanilang mga aralin at proyekto. Ito na nga ang bagong aklat ng mga kabataan. Napakadali kasi nitong ma-access. Kahit walang internet ang cellphone at maaaring mabasa ang mga akda. Kusa na ring nag-a-update kapag may internet na. Kaya naman, ang mga mahihilig magbasa ay hindi na kailangan pang magbitbit ng mga libro. Name it and you can read it.
         Ang wattpad.com ay isang napakahusay na inobasyon, bilang isang sa social media. Hindi lang nagkakaroon ng kaibigan ang mga netizens, kundi nagkakaroon din ng magandang kasanayan ang mga mag-aaral. Natututo silang magsulat. Nahahasa ang kanilang kakayahang umunawa. Ang wattpad, bilang social media for writers and readers, ay may malaking ambag sa literatura ng bansa. Dito kasi malilinang ang abilidad ng isang bata. Magsisimula kasi siya sa pagbabasa, hanggang dumating ang kanyang panahon kung kailan may nabuo nang ideya sa kanyang isip. Unti-unti nang gagana ang kanyang imahinasyon sapagkat marami siyang napulot na paraan, istilo at kaalaman sa kanyang mga binasa.
         May isang guro akong kilala na hinihikayat niyang mag-wattpad ang kanyang mag estudyante. Sa katunayan, ginawan pa niya ng account ang ibang mag-aaral. Nagturo din siya sa kanyang klase kung paano magsimulang mag-wattpad. Kamukat-mukat, dumami ang kanyang followers. Dumami rin ang naging mahusay sumulat ng tula, kuwento at sanaysay, dahil sinabayan niya ito ng pagtuturo kung paano magsulat. Naibabahagi din niya ang kanyang mga akda sa kanyang klase.
         Hindi nga matatawaran ang magandang epekto ng wattpad sa mga mag-aaral. Malaki ang naitutulong nito sa pag-unlad ng kabataan. Dahil dito, magiging proud sa atin ang mga dakilang manunulat noong unang panahon gaya nina Jose Rizal at Francisco Balagtas.
         Ngunit, pakatandaan na ang wattpad ay maaari ring maging malaking hadlang sa pag-aaral ng mga kabataan. Nakakaadik ito. Nakakawala sa pokus. Marami ding mga akda sa wattpad ang nag-o-offer ng mga malalaswang babasahin. Kaya naman ang mga mambabasa ay hinihimok na umiwas sa mga ganitong akda. Pumili ng genre o category na angkop sa iyong edad. Mas mainam pa ring basahin ang mga obra na may halaga at kabuluhan.
         Ang wattpad, bilang bagong aklatan, ay may magaganda at masasamang epekto sa mga mag-aaral. Ngunit nasa kamay pa rin ng mambabasa ang magiging epekto nito sa kanya. Kung iisiping mabuti, kahit nga ang tunay na silid-aklatan ay kinapapalooban din naman ng lahat ng uri ng babasahin, masama man o mabuti; pormal o di pormal; malaswa o hindi; nakakatawa o nakakaiyak; totoo o kathang-isip. Ang tamang pagpili ng babasahin pa rin ang sagot.

   

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...