Hindi ko maikakaila na nahahabag ako kay Riz. Alam ko kung paano ang pakiramdam ng pilit kang kukuhaan ng isang pag-aari mo. Naranasan ko iyon, mahigit isang buwan lang ang lumipas. Pero, mas matindi ang sakit na dinaranas niya ngayon. Babae siya. Ako ay lalaki. Nawala na ang kanyang kainosentihan.
Kagabi ay napilitan akong tumugtog sa MusicStram. Nagalit si Boss Rey. Absent na kasi ako noong Friday.
Nalungkot si Riz nang nagpaalam ako. Pero, kaninang alas-otso ay bumalik ako sa hospital. Tulog pa siya. Kinausap ako ng tatay niya sa labas. Gawin ko daw ang lahat ng paraan para maikuwento sa akin lahat ang mga nangyari. May mga pulis na daw kasing nag-iimbestiga ng kaso.
Humingi ako ng panahon at space sa magulang ni Riz. Lumabas sila room. Naiwan kami ni Riz.
Nung una ay nagkuwento ako ng masayang pangyayari sa bar kagabi. Hindi ko siya napangiti. Sunod ay sinabi ko na dadalaw sina Roma, Gio, Nico, Rafael at iba pa naming kaklase mamayang gabi. nagsalita na siya. Sabi niya ay huwag ko na daw munang papuntahin. Okay, sagot ko.
Wala na akong maisip na ibang paraan para mapangiti siya.
Maya-maya..
"Sana.. ikaw na lang ang girl friend ko." Yumuko ako. Kunwari ay nalulungkot ako.
Ramdam ko na tumingin siya sa akin.
"Red.. sana noon pa.." Hinawakan niya ang kamay ko. Tapos, nagkatitigan kami. Malungkot pa rin ang mga mata niya.
"Riz, sorry.."
"Huwag kang mag-sorry sa akin. Si Lean.." Hindi na niya itinuloy ang sasabihin.
"Riz, si Lenadro ang gumawa sa'yo nito, di ba. Riz? Gusto kong managot siya sa'yo. Tulungan mo ang sarili mo, Riz. Mahal na mahal ka ng mga magulang mo. Gusto nilang maparusahan si leandro. sabihin mo lang sa amin na siya nga ang gumahasa sa'yo. Please, Riz.." Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Na-pressure ko na siya. Gusto ko kasing lumabas mismo sa bibig niya na si Leandro nga ang salarin.
"Pag siya nga.. anong mangyayari? Mamahalin pa ba ako ng taong minamahal ko?" Tumulo na ang mga luha niya.
Natigilan ako ng ilang segundo. "Oo! Mabuti kang tao, Riz. Hindi mo deserve ang ganito. Please.. Riz."
"Mahal kita, Red. Pero, di mo ako minahal. Siguro nga ay deserve ko ito dahil pumayag akong makipaglaro kay Leandro." Malinaw niyang sinabi ang mga salitang ito.
"Sorry, Riz. Pero, kahit hindi man tayo ngayon..alam kong nagmahalan tayo. Hindi nga lang naging tayo. Isipin mo na lang na narito ako ngayon para tulungan ka. Alam mo bang hindi ako kinikibo ng.. ng gf ko dahil dito? Pero, ayos lang. Ang mahalaga sa akin ngayon ay makasama ka. Gagawin ko ang lahat..."
"Lahat?"
"Oo, Riz! Lahat.."
No comments:
Post a Comment