Bago ako tumugtog kagabi, nilapitan ako ni Joeffrey. "Bro, mukhang pasan mo ang daigdig ah. May problema ba?"
Tamad akong ngumiti. "Wala. Ilang araw lang kasi akong puyat."
Gusto niya akong yayain sa bahay nila. Pero, tumanggi ako. Dinahilan ko ang graduation at ang valedictory address na kinakabisado ko.
"Jeoffrey, Red..bakit diyan kayo nagkukuwentuhan? Doon sa bakanteng table." Hindi namin namalayan na nakalapit na pala si Boss Rey sa amin. Inakbayan niya kami pareho.
"Okay lang po. Dito na lang." si Jeoffrey ang sumagot.
"Sige. Kayo ang bahala." Tumalikod na siya pero bumalik. "Jeoff, lika muna sa office."
Mukhang may binabalak na naman si Boss. Alam kaya ni Jeoffrey ang katauhan ng employer namin?
Tsk tsk.
Paglabas ko ng bar, tinext ako agad ni Boss Rey. Naiinip na raw siya sa desisyon ko.
Napuyat na naman ako sa kakaisip. Pagbigyan ko na kaya? Sabi iyan ng demonyo sa utak ko. Sabi naman ng anghel, huwag magsumbong ka sa mga magulang mo.
Kanina, kinausap ko ng sikreto si Daddy. Siya ang dapat na unang makaalam ng problema ko.
Kinuwento ko sa kanya ang simula niyon. Sinabi kong ayaw ko malaman ni Dindee, o kahit ni Mommy. Bakit daw ngayon ko lang sinabi? Wala akong nasabi kundi nahihiya ako.
"Akong bahala, Red. Hindi ka niya masisira. Ipapa-blotter ko siya pag di siya madala sa pakiusapan."
"Sige po, Dad." Nahihiya ako. "Sorry po."
"Next time, anak, huwag ka ng maglilihim. Last na ito, ah? Pagbibigyan kita ngayon na ilihim sa dalawa. Pero, no next time. Okay?"
"Ok po. Salamat!" Nakahinga ako ng maluwag. Tiwala ako kay Daddy.
No comments:
Post a Comment