Followers

Wednesday, July 1, 2015

Ang Aking Journal -- Hulyo, 2015

Hulyo 1, 2015
Unang araw ng birth month namin nina Zillion, Emily at Hanna. Masasabi kong kontento na ako kung ano ang meron ako at sa natatanggap kong mga biyaya. Gamay ko na rin ang pag-aalaga kay Ion. Adjusted na kumbaga. Sanay na rin siya sa maagang paggising, pagligo at pagpasok. 

Gamay na gamay ko na rin ang klase ko, gayundin ang ibang section. Alam na alam ko kung paano sila mapatuto. Nagugustuhan ko na ring ituro ang English dahil natututo ako at tumatalino. Hindi nga ako nawalan, nadagdagan pa. Imagine, nakakasulat na ako ngayon ng English short story. 

Ayoko ring stress-in ang sarili ko sa mga bagay na di naman ako lalago at di ako nabibigyan ng benepisyo. Wala akong pakialam sa iba. Basta ang nais ko ay matulungan ko ang mga dati kong estudyante na maisakatuparan nila ang mga pangarap nilang makapagsulat saTambuli. 

Ang mga V-Mars nga ngayon ay naguging interesado sa pagda-diary. Ang iba ay nagtatanong ng wattpad ko. Mas makakaenjoy sana ang pagtuturo kobkung may creative writing o may journalism class. Ang sarap magturong magsulat. Napakarewarding!

Pero okay lang kahit wala. Naisisingit ko naman e. Wag lang ako mawala sa English. Kapag tinanggal na naman ako sa English, talagang magra-rant na ako. 

Malakas nang kumain si Ion. Siya na mismo ang naghahanap ng pagkain. Mapili nga lang. Di bale, ang mahalaga ay maging palakain siya.




Hulyo 2, 2015 
Wala na namang palitan dahil sa Holy Spirit Mass. Sayang na naman ang drive ko na magturo. Sayang ang inihanda kong IMs. Gayunpaman, naging epektibo akong English teacher sa advisory class ko. Gamit ko kanina ang essay ko na 'My Cat' para ituro ang adjective. Tuwang-tuwa sila kasi naging funny ako kanina. Kaya nga nang evaluation na, nabasa ko sa kanilang papel ang sentence na nagsasabing I'm a good, funny and disciplined teacher. Disciplined kasi madalas kong sabihin na "Ang taong disiplonado, daig ang matalino." Funny kasi, napapatawa ako sila. At good kasi, natututo sila kahit bago ako sa English. 

Thanks, God dahil may natututunan ako sa subject na ito. Nawala sa akin ang Filipino at Math pero may dagdag naman. 

Ala-una, ginanap ang journalism seminar (kuno). Nagtalk ako. Andami kong dapat sabihin, kaso limitado ang oras. Okay lang.. Ang mahalaga sa akin ay maisali ko sina Jannah, Marian at Khrizelle. Sana makuha rin si Samantha Fuchs.

Nag-stay kami ni Ion sa school para hintayin si Plus One. Magkikita kasi kami nina Sir Erwin. 

Sa new hideout namin kami nagkita. Kumain at nagkuwentuhan kami. Sayang, nakatulog na si Zillion kaya kailangan na naming magpaalam sa isa't isa. 

Andami naming napagkuwentuhan pero bitin pa rin. Kaya sana matuloy kami sa July 19 kina Mamah. Birthday treat ko 'yun..

Tumawag si Emily nang nandun kami sa new hideout. Sa katapusan pa daw siya makakapagpadala. Okay lang, kako. Nasabi ko rin na maghahanda ako sa birthday ni Ion.




Hulyo 3, 2015 
Nagkaroon ng parade sa school para sa kick-off ng Nutrition Month. Sumali ang mga pupils ko. Nagdala sila ng slogan at poster. Ang iba may head gear. Kasama rin namin si Zillion kasi wala pa ang teacher niya nang nagsimula ang parada. Hindi niya nakasama ang mga kaklase niya. Di bale masaya naman siya na kasama ang pupils ko.

Wala na naman kaming palitan dahil sa parada. Dahil na rin ito sa pag-alis ni Mam Rose para sa kanyang interview. Okay lang nagturo naman ako sa advisory class ko kung paano magsulat ng balita. Napili ko ang gawa ni Aussie. 

Isasama ko ito sa diyaryo naming 'The Martian'. Ilalabas ko ito bago maglabas ng Tambuli. I'm sure, magiging issue na naman ito sa Gotamco.

Pinauwi namin ang mga bata ng alas-dose dahil kailangang ituloy ang journalism seminar. Nagtalk uli ako. Nagpasulat kami. Then, nakapamili na sila. Masaya ako dahil napili si Jannah Rose sa Filipino Collaborative Publishing. Sana makuha din sina Marian at Khrizelle. 

Dapat pupunta ako ngayon sa HomeMarks para isumite ang requirement at pumirma (raw), sabi ng agent ko, kaso may GPTA election of officers pa, na kung saan ay napili ako one of the board of directors. Whoah! Trabaho na naman..

Instead na papunta kaming Antipolo, umuwi na lang kami ni Ion sa boarding house. Bukas kasi ay maaga kami dapat na makarating sa kanya HomeMarks. Hanggang alas-12 lang sila.




Hulyo 4, 2015 
Maaga pa lang ay gising na ako. Kailangan ko na kasing maipasa ang notarized employment certificate sa HomeMark, Inc. sa Quezon City.

Alas-otso nga ay naroon na kami kaya lang antagal kong naghintay. Nainis ako. Ang bilis lang naman pala. Pumirma lang ako. Wala pang limang minuto ay tapos na. 

Naabutan na kami ng gutom kaya trineat ko si Zillion at sarili ko sa isang food chain. Then, bumiyahe na kami papuntang Bautista. Ala-una ay nandoon na kami. 

Hapon, nagtanong si Flor kung tuloy ang pagsundo niya kina Hanna at Zildjian. Kinumpirma ko agad. Kaya lang gabi pa siya uli nagtext dahil kinausap niya pa si Mj. Payag naman ang dati kong asawa. Kaya lang, wala palang hawak na pera si Flor. Imbes na magpapabili ako ng cake at Jollibee food para sa bahay ni Mama kami magcelebrate, ang napagkasunduan ay sa Gate 2 na lang kami magkikita. 

Babalik kasi agad kami ni Ion sa Pasay. Kailangan ko namang ihanda ang party niya bukas sa klase niya. 

Nakachat ko ang estudyante kong si Jhamaica. Nagconfide siya sa akin tungkol sa kanyang problema at nararamdaman. Itinuring at tinawag niya akong tatay/Daddy. Nakakataba ng puso.



Hulyo 5, 2015 
Sa kabila ng ulan at pagdadalawang-isip ni Mama na sumama sa amin, natuloy pa rin kaming mag-celebrate.

Sa Robinson's Antipolo kami unang pumunta dahil akala namin ay may Mc Do. Wala pala. Kaya nang dumating na sina Hanna at si Zildjian, nag-SM Masinag na lang kami. Doon ay masaya kaming naglunch. Sa Jollibee pa rin ang bagsak namin dahil wala nang Minions sa Mc Do.

Magsisine rin sana kami. Kaya lang wala pang Minions. Tapos, alas-5:30 pa ang simula ng Jurassic. Pinalaro na lang namin ang mga bata sa isang playground (na may bayad) pagkatapos kong bilhan ng cellphone, as birthday gift sa kanya.

Alas-tres ay nahiwa-hiwalay na kami. Si Flor ang maghahatid sa dalawang anak ko. Si Jano naman ay kasama si Mama at dalawang anak niya.

Magpapadeliver sana ako ng Jolly spaghetti bukas, hindi pala pwede pag less than 3k ang order. Kailangan ko pang i-pick up. Okay na rin. Nagbayad na ako. Maghahanap na lang ako ng mauutusan bukas. Sana lang ay hindi masuspend ang klase bukas para matuloy ang birthday celebration ni Zillion.




Hunyo 7, 2015 
Natuloy din ang blowout ni Ion sa kanyang mga kaklase dahil umaraw na. Agad ko rin kasing tinawagan ang Jollibee para i-resume ang delivery. 

Hindi ko man napakain ang lahat ng co-teacher ko, napakain ko naman lahat ng pang-umagang kaklase ni Zillion. Iyon naman ang mahalaga.

Nagtext nga pala si Emily kaninang umaga. Naospital daw siya dahil sa hilo. Ayos naman ang dugo niya. Siguro ay dahil lamang sa pagod at puyat. Ilang araw pa bago matapos ang Ramadan. Sana ay makayanan niya pa. 

Nagpalitan kami sa pagtuturo. Pagkatapos naman ng lunch, nagpasulat naman ako ng balita sa advisory class ko. Desidido kasi akong simulan ang Official Publication of V-Mars ang The Martian. Kaya nang nasa bahay na ako, binigyan ko ito ng oras. 

Idagdag pa ang training ko kina Khrizelle at Marian kanina. Napost ko rin ngayong gabi ang mga output nila. Edited pero pwede na.



Hulyo 8, 2015
Nakabihis na kami ni Zillion nang ma-receive ko ang PM ni Mam Loida. Suspended na raw ang klase. Kung hindi pa siya nagsabi, baka nakapasok pa kami. Nanuod naman ako ng TV pero hindi agad binalita sa Kapamilya. Siguro ay habang naliligo ako, saka inanunsiyo. 

Mabuti na lang! 

Maghapon kong inipon ang mga kabanata ng Red Diary para ipasasa ko sa mga publishing companies. Nakapagsubmit din ako ng ilang akda ko sa Bookware. May confirmation kaagad. After three weeks ay i-message ko raw sila para sa evaluation. Thanks, God! Hihintayin ko pa ang sa iba, like sa Liwayway. Pasasaan ba't makakapagpalimbag din ako ng masterpiece ko.

Bukas, dahil wala pa ring pasok, itituloy ko ang pag-ipon ng 200 kabanata ng Redondo, na siyang Book 2 ng Red Diary. Sana at matapos ko kaagad para maisunod ko naman ang Book 3. Nais ko na ring matapos ang iba ko pang stories at scripts.



Hulyo 9, 2015
Alas-7:30 ako nakamulat. Gusto ko pa sanang matulog kaso gising na si Zillion. Panay na ang laro niya. Kulang na naman ang tulog ko. Hindi ko nabuo ang 8 hours. Di bale, plano ko namang umidlip sa hapon.

Kaya lang, di ko rin nagawang umidlip o matulog ng matagal kasi nagtext si Sir Randy na dadaan daw siya after niya mag-renew ng PRC license. Pinaghandaan ko iyon. Naglinis ako. 

Hindi siya dumaan. Gabi na siya nagtext. Nalakad naman niya ang card niya. Next time na lang daw. Okay lang sa akin dahil marami akong natapos na writing works. Naipon ko na ang Book 2 ng Red Diary. Nakapagsulat din ako ng mga quotes. Bukas, since wala pa ring klase, tiyak ako na matatapos ko ang Book 3.



Hulyo 10, 2015 
Ikaltlong araw na walang pasok. Pasalamat ako dahil marami akong natapos sa mga gagawin ko. Medyo nalulungkot lang ako nang maisip ko na ang tatlong araw na walang pasok at katumbas na naman ng make-up classes. Ganun din!

Gayunpaman, mas kailangan ko ngayon ang bakasyon upang masubmit ko na sa Viva-PSICOM Publishing, Inc ang "Ang Alamat ng Pahilis". Sinimulan ko na ngang dagdagan ng iba kong akda para lamang mabuo ang minimum number of words na 30K. Iyon na lang naman ang problema ko.

Birthday ngayon ni Emily kaya nagload ako para batiin siya. Tumawag naman siya bandang alas-7:30 ng gabi. Pinakinggan ko lang ang mga kuwento niya. Malakas talaga ang loob niya kaya hindi ako nangangamba. 

Pagkatapos niyang tumawag ay sumulat ako ng tula na pinamagatan kong "Ako't Ikaw sa Ating Pangarap".

Hindi naman siya kinausap ni Zillion dahil busy daw siya. Busy sa panunuod ng cartoons sa Youtube. Hehe



Hulyo 11, 2015
Gusto ko sanang ipasyal si Zillion, kaya lang parang ang bigat ng katawan niya. Hindi siya nagpakita ng eagerness na umalis. Tinamad na rin tuloy ako. Mabuti nga at ganun dahil marami akong nagawa. Marami akong na-update na stories. Naisubmit ko na rin ang "Ang Alamat ng Pahilis" sa VivaPSICOM. Hihintayin ko na lang ang confirmation na natanggap nila ang entry ko. 

Marami akong naisingit na akda sa "Pahilis" ko. Nagamit ako ang mga quotes ko at  ang ibang sanaysay para lamang maabot ko ang 30,000 words na minimum. 

I know, mataas ang edge nito na makuha o magustuhan ng publishing. Think positive, 'ika nga.



Hulyo 12, 2015 
Pumunta kami ni Zillion sa HP bago mag-ten ng umaga. Nagbayad kami ng bill sa SM, bumili ng ink at Liwayway sa NBS, nag-dinner sa MD at nag-grocery sa SW. 

Umuwi rin kami agad dahil marami pa akong gagawin. Hindi na nga ako umidlip. Kaya lang, hindi naman pag-eedit ang ginawa ko. Inipon ko lang ang journal ko. Instead na one day entry, ginawa kong one month. Pinatungan ko ang ibang book para di masayang ang likes at reads. Gumawa din ako ng mga quotes na kalokohan at medyo seryoso para mabago ang Zilyonaryo: Kami na inaabangan ng isa kung estudyante. Ayoko namang mabasa agad niya ang recent post ko. Kaya, hahanapin o aabangan niya ito. Hehe


Hapon o magggabi, nagtext si Emily. Naawa ako dahil sa sinabi niya. Mahirap ang trabaho niya. Kailangang matulungan na siya ni Cecila Baclayo, kaibigan niya. Nag-PM kaagad ako. Wala namang reply. Tsk tsk!




Hulyo 13, 2015

Nakakabuwisit kagabi ang ingay ng lumalanding pusa! Nabulahaw ang pagtulog ko. Nahirapan akong makabuo ng tuloy-tuloy na tulog. Kaya nang magising ako bandang alas-4 ng umaga, parang gusto ko na lang matulog maghapon. Ang bigat ng katawan at talukap ng mga mata ko. Kundi ko lang naisip na Lunes ngayon at mahaba na ang panahon na walang pasok. Kaya, pinilit kong bumangon.

Ready naman ang sarili ko sa pagtuturo. Kaya lang, absent si Sir Rey kaya naging hassle na naman ang pagkanlong ko sa ilang estudyante niya. 


May dumating na teacher bilang kapalit ni Mamu. Umakyat din ang principal at nagkaroon kami ng maikling pag-uusap. Later, in-orient ko na siya. Sinama ko rin siya sa klase ko sa Sections Mercury at Earth para mag-observe sa akin. Iniwan din sa kanya ang Mercury dahil may meeting si Mam Rose.


Antok na antok ako pagkatapos ng klase. Kaya lang di agad kami nakauwi ni Zillion dahil nakatulog siya sa classroom nila. Hinayaan ko lang hanggang 3:45. Nang hindi ko na kaya, ginising ko na siya at umuwi na kami. Umidlip naman kami bandang alas-5. 


Alas-8, nagtext na naman si Emily. Nabagabag na talaga ako kaya lumabas ako para magpaload. Ni-reply-an ko siya at sinabing magpaalam na siya sa amo niya. Pagdating ko naman sa bahay, in-open ko ang FB account niya at tsinek kung nag-reply na sa PM ko ang kaibigan niya. Good thing is nag-reply na. Gagawin niya raw ang magagawa niya para makuha niya ang asawa ko. Thanks, God! Makakatulog na ako nang mahimbing.





Hulyo 14, 2015
Napuyat uli ako kagabi. Antagal ko bago dinalaw ng antok. Andami kasing ideyang pumasok sa aking kaisipan.

Wala kaming palitan at turo kanina dahil inayos namin ang class program, kasama na ang bago naming co-teacher na si Mam Anne Joyce. Ang hirap! Ilang beses kaming nagpalit-palit ng mga time at subject. Umalis pa sina Sir Rey at Mam Rose para sa meeting kaya naiwan sa aming tatlo ang pag-finalize nito. Nagawa ko naman kaya lang, di ko naman na-encode dahil may faculty meeting pa kami. Alas-kuwatro na natapos. Antok na antok na nga ako.

Pagod na pagod talaga ako sa schedule namin. Bakit kasi ginawa pang pang-umaga. Okay naman sana para makauwi ng maaga. Ang problema ay ang paggising ng maaga.



Hulyo 15, 2015
Nagpasaway si Zillion kaninang ala-una ng madaling araw kaya naabala na naman ang tulog ko. For the first time, tinalo pa niya ang sanggol na umiihi sa higaan. Tsk tsk!

Ayaw ko sanang pumasok dahil nakamulat ako bandang alas-6:40, kaso, mahalagang makapasok ako. Medyo na-late nga kami ng konting minuto. Ang bigat nga lang ng ulo ko habang nagtuturo ako. Pero, napansin kong mas witty at funny pala ako kapag puyat. Panay ang tawa ng mga pupils ko habang nagtuturo ako. Hinaluan ko kasi ng katatawanan. I found it effective, lalo na't  Math na ang subject area ko.

Hindi na kami matutuloy sa Cavite, kina Mamah sa birthday ko kasi hindi makakasama si Papang. Sa halip, niyaya ko na lang sila sa hideout. Magjo-join din sa amin si Mam Joyce.

Alas-4 na kami nakauwi ni Ion dahil nakatulog na naman siya sa classroom nila.



Hulyo 16, 2015 
Ang bigat ng mga talukap ng mata ko. Kulang na kulang talaga ako sa tulog. Bakit ang hirap kong makatulog once na mamulat ako sa madaling araw para umihi? Kaya nang nasa school na ako, gusto kong matulog. Hindi lang pwede dahil kailangang magturo. Naging effective pa rin naman ako sa Math. Napatuto ko sila sa prime and composite numbers. Sa advisory class ko, nakapagpagawa pa ako ng Dream Wall, kung saan nagtrace sila ng kamay nila sa colored paper, sinukatan nila ng name nila at idinikit doon. Piniktyuran ko rin sila para masaya.

After class, pumunta kami sa hideout-- si Mam Joyce, Mam Dang, si Mam Roselyn, si Mam Sheila, si Sir Archie, si Zillion at ako. Nandoon na si Papang. 

Nagpabili ako agad ng pagkain sa apat. Naiwan kami nina Papang at Mumu. Nagkuwentuhan kami. 

Natuwa ako dahil sa halagang 3 thousand plus ay may masaganang handaan na ako. Nakapag-blow pa ako ng cake, for the first time. Kinantahan nila ako. Napakasaya ko! 

Ang isa pang nakakatuwa dahil may bagong recruit ang hideout. Mas lalong maingay at  iingay ang aming lugar-huntahan.

Past eight na kami nakauwi. Busog na busog na kami ni Ion pero antok na antok na. Pinagbigyan ko ang sarili kong matulog. It's God's blessing. Hindi na ako nakapagsulat ng journal at BlurRed. It's okay..



Hulyo 17, 2015
Maghapon lang akong nag-internet. Andami kong nagawa at nasulat--- nakapag-update ako sa wattpad. Nakagawa rin ako ng account sa issuu.com at nakapagpublish. Nilagay ko doon ang Tambuli at My Wattpad Pamangkin. Nakapagpost din ako ng story na gawa ng pupil ko. Tapos, nakapag-message ako kay Ms. Kristelle, editor-in-chief ng Lapis Sa Kalye (Online Magazine) kung saan nakuha ang "Si Lola Kalakal'' ko.

Gabi, nakachat ko si Cecilia Baclayo, kaibigan ni Emily na tumutulong o tutulong para makuha siya sa employer niya ngayon. Nabubuhayana ang loob ko dahil sa ipinapakita niyang willingness para tumulong. Alam ko magiging matagumpay sila sa ibang bansa.



Hulyo 18, 2015 
Nasaktan ako nang nireply- an ako ni Hanna ng "Sino po to?". Nung isang araw lang ay nagtetext siya. Kinahapunan, nakilala niya na rin ako. Sabagay, di ko rin naman sigurado kung siya nga ang katext ko.

May mga bago na naman ako sa wattpad-- ang AmAnak at Guro Problems. Mga dati chapters iyon ng aking journal. Pinatungan ko lang para hindi masayang ang likes at reads. 

Niloadan ko si Emily kaninang tanghali pero di niya ako tinext. Ayos lang. Nachat ko naman ang friend niya na si Cecilia. Tatawagan daw niya ang asawa ko. Naging mas kampante ako.


Napakadaldal ni Ion. May sense naman kaya lang minsan ayoko nang pakinggan dahil busy ako. Ang iba naman ay nagiging literary pieces ko. Salamat sa kadaldalan niya.



Hulyo 19, 2015
Ang sarap matulog kaya alas-otso y medya na kami bumangon. Nagkakape pa lang ako nang dumating naman si Epr. Pagkatapos ay gumayak na kami ni Ion para pumunta sa HP. 

Past 10 ay nasa HP na kami. Nagbayad lang ako ng internet bill. Niregaluhan ko rin ang sarili ko ng polo as birthday gift. Then, nag-grocery ng konti. Nag-take out na lang kami ng pagkain para makasalo namin si Epr sa pananghalian. Enjoy na ang kaarawan ko. Maliban sa andaming bumati sa akin sa FB, binati rin ako ng wattpad through email. Ang sarap sa pakiramdam. Tumawag din si Emily para batiin ako. Wala nga lang akong masyadong wattpad update dahil sa pagrereply ko sa mga greetings nila.  Okay lang..



Hulyo 20, 2015
Marami pa rin ang bumati sa akin, personal at through FB. May regalo rin akong natanggap mula kay Ivan. Nakakatuwa dahil nakabalot lamang sa bond paper. Nag-effort pa. Tapos, Pretzels ang laman. Nakakataba ng puso. Kahit paano ay naalala niya ako, gaya ni Maritess kahapon, na nag-effort pang hanapin ang boarding house namin para iabot ang gift niyang class records. Nagpasama pa sa mga kaklase niyang sina Virginai at Louisse.

Usap-usapan kanina ang pag-alis ng mga newly-promoted MT's, principal at iba pang guro, especially Grade 3 dahil kailangan nilang umalis sa oras ng klase para lang kumain sa labas. Ganyanan pala! 

Sinikap kong makaidlip pag-uwi namin ni Ion. Tamang-tama, wala si Epr. Alas-singko na siya dumating at umalis din agad. Pero, masakit pa rin ang ulo ko. Sa sobrang init siguro ito. 

Bago ako nag-wattpad, nag-edit muna ako ng mga articles para  XXX Magazine. Kailangan na kasi ang mga iyon sa July 24. Nalalapit na ang MIBF. Excited na ako.



Hulyo 21, 2015
Wala ako sa mood magturo. Apektado ako sa inis na naramdaman ko kahapon. Mabuti na lang at may dumating na Values teachers from Bethany Baptist Church. Sila ang pumasok sa aming first period classes. Nakapag-almusal din ako at nakapagkuwentuhan sa aking mga kaibigang guro like Mam Vi, Mam Roselyn at Mam Loida.

Nagturo ako sa Mercury. Pero, after recess, sa Earth, tinupad ko ang sinabi ko kahapon na hindi ko sila tuturuan. Tinuruan ko sila ng leksiyon—ang mahalin at pahalagahan ang mga aralin at irespeto ang mga guro.


Antok na antok ako kaninang hapon. Peor pag-uwi ko, nabuhayan ako ng dugo dahil lumabas na ang name ko as nomimee for ‘Inspiring Educator’ sa Astech and Benq. Sinikap kong i-PM ang mga FB friends ko upang i-vote at mag-comment sa entry ko. Halos wala na akong nagawa. Mabuti na lang at nakatulog si Zillion. After, 8PM, marami na rin ang nag-comment at bumoto. Thanks, God! Thanks din kay Ms. Kris na siyang nag-nominate sa akin. Nakakataba ng puso dahil magaganda ang kanilang mga komento.



Hulyo 22,2015
Nainis ako sa advisory class ko kaya hindi ko sila tinuruan. Tumahimik naman sila. Nagsumikap silang unawain ang nilagay kong learning material. Nasagot din nila ang quiz ko. Effective pala ang di magturo.

Binayaran ko ang tutee ni Zillion, gayundin ang kasalo niya sa pananghalian na si Mam Leah G. Pasasalamatan ang mga iyon sa pag-care nila sa anak ko.

Later, in-integrate ko ang nomination ko sa ‘Astech and Benq Inspiring Educator 2015’ sa aking pagtuturo. Hinikayat ko rin ang iba kung mga kaguro na iboto ako.

After class, nagpagupit kami ni Ion at pumunta sa Hp para magbayad ng RCBC bill at mag-grocery. Binilhan ko na rin siya ng Happy Meal kung saan nakumpleto na namin ang Transformers. Ang saya-saya niya. Kaya lang, inabutan kami ng napakalakas na ulan. Basang-basa kami, lalo na ang mga sapatos namin.



Hulyo 23, 2015
Nagturo ako sa advisory class ko at sa V-Earth, pero sa V-Mercury, hindi. Tinupad ko ang sinabi ko sa kanila kahapon. Tumahimik din. Nakapagsermon pa ako habang ginagawa nila ang activity.

Absent si Sir Rey kaya nasa akin ang iba niyang pupils. Grabeng hirap kapag ganoon. Maingay at magulo. Mabuti na lang at nagpalitan kami. Nagkaroon din ng earthquake drill kaya medyo nabalahaw na naman ang klase.

Sobrang antok ko kanina. Sumakit pa ang ulo ko kaya umuwi na agad kami ni Zillion. Gusto ko sanang i-train pa si Veronica sa Science Writing..

Uminom ako ng gamot bago kami natulog ni Ion. Nawala naman ang sakit ng ulo ko paggising ko kaya nakapag-send ako ng PM sa mga FB friends ko para iboto ako sa Astech. Marami-rami rin akong na-PM. Marami-rami na rin ang Likes at Comments. Kahit paano ay hindi na ako kulelat.



Hulyo 24, 2015
For the first time, nakapag-almusal ako ng kanin bago pumasok. Maganda pala talaga sa katawan. Naging energetic ako at hindi naging bugnutin. Panay nga ang patawa ko habang nagsa-summative test ang mga pupils ko. Hindi rin ako inantok.

Naging busy ako sa ginagawan naming magazine. So far, nararamdaman ko na ang success nito. Naniniwala akong magugustuhan ito ng publisher. Ito na ang magiging simula ng aking karera sa pagsulat.



Hulyo 25, 2015
Maaga pa lang ay inipon ko na ang mga labahan ko. Naisip kong ipa-laundry na lang ito dahil marami akong dapat asikasuhin. Deadline of submission na kasi ngayon ng mga edited or proofread articles ng ginagawa naming magazine. Kaya, pagkatapos kong mag-almusal, tumutok na ako sa laptop ko. Mabuti naman at naipasa ko ito nang kinuha ni Ms. Ange, ang manager namin.

Nakaraos din kaming lahat. Layouting na lang. Soone ror later ay makikita ko na ang pinaghirapan naming lahat. Nakakatuwa dahil sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay nakasama ako sa ganitong proyekto. I hope, I know, magiging sauccessful ito.

Tumawag si Emily bandang quarter to two. Ikinuwento niya ang ilang problema niya sa amo iyang lalaki. Pinaparamdaman kasi niya nito ng pagkagusto. Siniseduce siya. May gusto raw sa kanya. Wala akong nasabi sa sobrang awa ko. Sana ay makayanan na lang niya ang sitwasyon. I know hindi siya papabayaan ng Maykapal.

Kinausap niya rin si Zillion bago naubos ang load niya.



Hulyo 26, 2015
Ang sarap magpahinga buong araw. Nakaka-refresh ng utak at katawan. Tamang-tama, Lunes na naman bukas. May lakas na naman para harapin ang mga 'stressers'.

Alas-kuwatro, nag-post sa XXX Magazine Fb Group ang aming manager na si Ms. Ange. Tinatanong niya kung sino ang gustong sumama sa Bookware Publishing dahil pinapatawag kami ng publisher. Siyempre, nag-confirm agad ako. Excited ako sa ganyang bagay dahil para sa akin, isa itong dream come true. Malapit nang matupad ang pangarap ko. Unti-unti nang lumalapit ang opportunity. Pagkakataon ko na ring maka-experience makapunta sa isang publishing company. At pag binigay ng pagkakataon, maitatanong ko na rin doon ang tungkol sa sinubmit kong manuscript na magtatatlong linggo na sa July 29. Sa Miyerkules kami pupunta. Alangain. Bahala na. Ang mahalaga, malaman ko kung gaano nag-work ang mga pinaghirapan naming magazine.




Hulyo 27, 2015
Okay naman ang klase ko kanina. Nagturo ako ng fractions, my favorite topic. Naunawaan ng dalawang section. Sayang, di ako nakapagturo sa Section Mercury dahil umalis ang kalahati kasama ang adviser nila para sa filmshowing sa MOA. Maaga silang nag-recess kaya nakain ang oras ko.

May meeting kami sa Miyerkules kaya di ako makakasama kay Ms. Ange sa Bookware. Tinext ko kaagad siya. Sayang..

Pagkatapos naman ng klase, nakimeeting ako sa dalawang HPTA Officers. Akala ko nga ay kumpleto sila. Pero, ayos lang. Natuloy pa rin ang agendum namin-- ang pagpapaambag para makabili ng ceiling fan.

Umuwi agad kami ni Ion. Matutulog sana ako kaya lang nakipagtext si Ms. Ange at humingi ng favor. May pinagawa siya tungkol sa magazine namin. Ayos naman. Nagawa ko. Para naman iyon sa amin.

Then, tuloy-tuloy na ang aming convo. Binigyan niya pa ako ng mga tips para makapagpublish at makasali sa mga contests. Sayang nga lang ang iba niyang referral dahil malapit na ang deadline. Gayunpaman, naniniwala akong makukuha namin ang kontrata sa Bookware.






Hulyo 28, 2015
Maayos naman ang pagtuturo ko kanina. Alam kong na-gets agad ng mga bata. Favorite ko ang fraction kaya nagustuhan din nila. Nahawa kumbaga. Kaya naman, effortless ako maghapon. Maliban sa konting pagsasaway.

Alas-tres umuwi na kami ni Ion. Dumating na si Epr.

Alas-kuwatro, tumawag si Emily. Nagmamadali sa pagsasalita. Ibinigay niya ang address pero di ko naman na-gets ang mga spelling. Nagkunsumo pa tuloy ako ng oras sa kaka-Google map. Nachat ko na rin si Cecilia. Later, si Cath naman ang nagchat. Dapat makauwi na siya ng Pilipinas para makapunta siya sa Dubai, sa tulong ni Cecilia. Hay, nabagabag ako sa mga kuwento niya.

Gabi, gumawa ako ng test sa Math 5. Hindi ko natapos dahil kailangan ko nang magpahinga. Kailangan pa naman bukas sa meeting. tsk tsk.



Hulyo 29, 2015
Ako ang nag-beat sa flag ceremony kanina. Hindi ko talaga gusto ang ginagawa ko kaya hindi ito lumabas na maganda. Nangangatog pa ang mga tuhod ko.

Di bale.. Nabawi naman iyon nang nagturo ako. Agad akong naunawaan ng mga bata. Masaya at pakenkoy kasi akong nagturo, lalo na sa Section Earth. Sa Section Mercury naman ay nagkuwento ako kung bakit ayaw ko na nang mga trainorship. Tinanong kasi ako ng isang MTAPper-wannabe kung bakit ayaw kong mag-train.

After lunch, isang mahabang kuwentuhan ang naganap sa aming tatlo nina Mam Rose at Mam Dang. Hinintay kasi namin ang pagsisimula ng meeting with the principal.

Inabot kami ng dalawang oras sa meeting. Antagal tuloy namin bago nakadalaw kay Ninang Elsa sa Sanitarium.

Doon, halos maiyak din ako nang makita siyang umiiyak. Naawa ako.

Bago kami pumunta sa hideout, kumain muna kami ng taho doon. Ilang minuto lang kami doon.

Sa hideout, isang simple at masayang hapunan ang naganap. Tawanan at kuwentuhan ang mga sumusunod. Sayang wala si Papang.

Alas-9 na kami nakauwi ni Zillion. Pagod pero masaya. Nawala ang mga stress ko.



Hulyo 30, 2015
Hindi ako nagturo sa Math. nagbigay lang ako ng test dahil mag-aalisan ang dalawa kong kasamahan at may Metro Manila Shake Drill pa. Gayunpaman, naenjoy ko ang Huwebes. Una, dahil naging successful ang drill. Tapos, nakapagpasulat pa ako ng mga akda tungkol dito kahit wala akong napisil masyado pero at least sinubukan nilang magsulat.

After class, nag-train ako ng science and health writing. Si Veronica ang trainee ko. Section 2 siya pero may potential siya. Mabuti na lang at tinanggiha ni Mam Milo ang category na ito. At least, di ako hassle sa training dahil sarili ko ang estudyante.




Hulyo 31, 2015
May meeting si Sir Rey kaya nasa akin ang iba niyang estudyante. Wala ring palitan pagkatapos bumaba ni Mam Joyce para tulungan si Mam Amy sa cooking contest sa ibaba. Kaya, nagturo ako sa klase ko ng pagsulat ng sanaysay, pagsulat ng tanka at pagsulat ng maikling kuwento. Binantayan ko rin at in-inspire ang Section Mercury habang wala si Mam Rose. Inaasikaso niya ang bisita at ang observation.

Okay lang naman. Kayang-kaya kong i-manage ang dalawang classroom. Nakatulong ang mga litanya ko at pag-iinspire sa kanila na magsulat. Pinuri ko na rin si Jonas na nakapagsulat kahapon ng short story.

Ang sarap magturo sa pagsusulat. Rewarding..

Ang saya-saya ko na sana kasi nakikita ko ang interes ng mga mag-aaral ko na makapagsulat. Kaya lang bigla itong nabaligtad nang mabsasa ko ang reply email ng Bookware Publishing. Hindi raw nila nagustuhan ang "Alamat ng Pahilis" ko.

It's okay ang sabi ko. Pero, masakit pala. Sisikapin kong patunayan na nagkamali sila ng pagtanggi sa akda ko. Time will come, mapa-publish din ito. Magpapasa ako nang magpapasa, hanggang maging matagumpay ako.

Mabuti na lang at naging successful ang lakad ni Ms. Ange sa Bookware. Ipa-publish ang aming magazine. May mga idadagdag lang pero ayos na.

Alas-dos, tinanong ako ni Mam Joan R kung payag akong maging speaker sa collaborative publishing training sa August 4-5 sa JRES. Si Mam Normina raw ang nag-suggest sa akin. Hindi na ako nagdalawang-isip. It's my pleasure, kasi..

Pag-uwi namain, wala si Epr. Hindi ako nakalabas para bumili ng ulam. Nakatulog si Ion. Hindi ko siya pwedeng iwanan. Nagluto na lang ako ng oatmeal.













No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...