Followers

Sunday, July 26, 2015

Double Trouble 41

DENNIS' POV

Absent si Bruno. Gumawa na lang ako ng paraan para mahanap ko ang mga baklang kumuha ng picture sa amin sa CR. Nahanap ko naman sila nang recess na.

Sa canteen, nilapitan ko ang dalawang bakla, na mukhang kabayo at baboy. "Hindi ko alam kung crush n'yo lang ako o..." Kinalma ko ang sarili ko. "...o may masama kayong balak sa picture ko." Umupo ako sa harap nila at tiningnan ko sila isa-isa.

Hindi sila nakaimik. Nagtinginan lang sila.

"Gusto n'yo ba ang katawan ko o ang kamao ko?" Kinuyom ko pa ang kanang kamao ko, tinaliman ko ang titig, at kinagat ko aking mga ngipin.

"Uy, girl, it's time. Gora na!" Nagmamadaling tumayo si Kabayo.

"Baboosh, Dennis!" Agad ding sumunod ang baboy.

Sinundan ko sila. Hindi ko naman talaga sila aanuhin. Sinisindak ko lang. Ayaw ko namang masira ang pangalan ko dahil sa mga katulad nila.

Nakita ko kung paano lumakad-takbo ang mga ito. Halos naging lalaki na ang mga kilos ng mgaito dahil sa takot. Kaya lang, nang makakita ang mga ito ng mga babaeng kaibigan sa pasilyo, tumigil ang dalawa at nagkunwaring nakikipagkuwentuhan. Wala na akong nagawa, kundi ang iwanan ang mga bakla. Bumalik na ako sa classroom.

Asar na asar ako. Hindi ko kasi alam kung ano'ng plano ng mga iyon sa picture ko na nakahubo. Ang duda ko lang, pakana iyon ni Denise. Parte iyon ng rivalry namin kay Krishna.

Akala ko, ako lang ang may planong sirain siya. Naisahan ako, lalo na't palpak naman ang mga kuha ng abnoy na photographer na `yon. `Tapos, ang lakas ng loob makasingil. Kaniya na ang picture niya! Wala naman akong nakikitang something fishy sa kuha nito. Tatawanan lang ako ng kakambal ko. Hindi rin maniniwala ang mga magulang namin na tomboy ang kapatid ko. E, paano, magkatabi lang naman sa upuan. Nag-uusap. May hinahampas. May nag-aapiran. Ano'ng big deal doon?

Kailangan kong makaisip ng bagong strategy, bago pa ako masira ni Denise.

Habang tinitingnan ko ang mga kilos ni Krishna at kapatid ko, naisip kong baka hindi rin nakakuha ng magandang anggulo ang mga beki. Napangisi ako.

Tama! Hindi nga nila kami nakuhaan ng malaswang anggulo. Baka malabo. Biglaan, e. Low tech pa ang gadget ng mga bakla.

Nakahinga ako nang maluwag. Bukas, kapag pumasok na si Bruno, kakausapin ko ito. Gagamitin ko ang ano ko para mapaamin ito. Iyon naman ang habol nito sa akin, e.

Si Denise, hahayaan ko muna siya. Hindi na siya makaririnig ng anomang pambubuska mula sa akin. Matindi na ang laban. Kailangan kong pag-isipang lahat ang gagawin ko. Kailangan kong kumilos nang palihim at pailalim, sa ngalan ng pag-ibig.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...