Followers

Saturday, July 25, 2015

Hijo de Puta: Ciento katorse

"Pagkatapos ng libing, bukas, sasabay na ako kay Paulo." sabi ko kay Lianne, habang naggagayat siya ng sibuyas.

Tumingin siya sa akin ng saglit. "Ikaw ang bahala... Ouch!" 

Nahiwa niya ang daliri niya. 

Nilapitan ko kaagad siya at kinuha ang daliri. Isinubo ko ito upang mapupo ang pagdurugo. Kaya lang itinulak niya ako ilang segundo pa lang na nasa bibig ko ang daliri niya na naging dahilan upang maduguan na naman ang dibdib ko mula sa dugo ni Lianne. 

"Sorry.." aniya.

"Ano ba kayong dalawa?!" si Paulo ang nagsalita. Agad namang inalalayan ang kaibigan. 

Lumabas sila para gamutin ang sugat. Ako naman ay napaisip. Ikailang beses na ba ako naduguan sa dibdib? Nagtaka na ako. Ilang minuto rin akong natahimik. Kundi nga lang ako hinarot ni Paulo, hindi ko ito nawaglit sa isip ko.

Nagdagsaan na ang nakikipaglamay. Palibhasa huling gabi na ng lamay. Hindi ko na rin halos makita at makausap si Lianne. Inalalayan ko na rin si Leonardo sa pag-aasikaso ng mga pagkain. Taga-serve ako.

"Pare, isang kape nga." panghihinging sabi ng isang lasing na lalaki. 

"Magtitimpla po muna ako, Kuya." kako. Ipnakita ko pa sa kanya ang tray na walang laman.

"Bilisan.. mo! Kani..na pa ako dito. Dina.. daan-daanan mo l..ang ako. M-may galit ka ba sa akin?

Agad akong tumalima. Hindi na ako nagdala ng marami. Isa lang. Para lang talaga sa kanya. Kaya lang pagdating ko sa kanya. Ayaw na raw niyang magkape. Ipinaiinom sa akin. Minura-mura pa ako. Gusto ko nang ibuhos sa kanya ang kape. Mabuti naawat ako ni Leonardo. 

Napagod din ako sa pag-assist sa bereaved family pero inisip ko na lang na malaking tulong iyon para sa kanila. Pinagpapahinga na nga ako ng ina ni Lianne, hindi lang ako pumayag. Sabi ko, lamay ang pinunta ko sa kanila, hindi pahinga.

Nakakapagpahinga rin naman ako kahit paano. Nasisilayan ko si Lianne. Nakakatitigan kami. para niyang sinasabing may araw ding magkakausap kami at magkakasarilinan. 

Nakatayo ako sa likod ng mga lalaking nakapalibot sa mga naglalaro ng mahjong, bandang alas-dos ng madaling araw. Naramdaman ko na lang ang pagtarak ng isang matalim na bagay sa aking tagiliran. Bumagsak ako..


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...