Hindi ko muna ginulo ang isip ni Riz. Hindi kasi siya nag-Facebook. Ibig sabihin, gusto niyang sarilinin ang nararamdaman niya. Kung ano man ang dahilan ng kanyang pag-iyak kahapon, hindi ko lubos na maunawaan. Ang tangi ko lang alam ay hindi biro ang kanyang pinagdadaanan ngayon.
Nagsimba kami. Gaya ng dati, taimtim akong nagdasal sa Diyos. Hiniling ko sa kanya ang matalinong pagpapasya. Kailangan kong maging maingat sa bawat salitang bibitawan ko para kay Riz. Maramdamin siya ngayon. Hindi niya deserve ang masaktan nang masaktan.
Mahal na mahal ko naman talaga siya. Hindi ako pwedeng magkamali. Kung gaano ko ko siya minahal noong wala pa o hindi pa dumating si Dindee sa buhay ko, ganito pa rin ang pagmamahal ko sa kanya.
Bukas... magkikita at magkakasama na naman kami. Sana hindi na niya gustuhing layuan ko siya. Kapag nangyari iyon, maproprotektahan ko siya lalo laban kay Fatima. Sisikapin kong iparamdam sa kanya na buong-buo pa rin ang pagkatao niya. Kaya, hindi siya dapat na manliit sa sarili niya.
Bago gumabi, naggitara ako. Namiss ko ang gig. Nakakapanghinayang ang kikitain ko pero ayos lang. Ayoko kasing ginugulo ako ni Boss Rey. Mabuti nang malayo ako sa kapahamakan. Pasasaan ba't makakahanap din ako ng bagong bagong napagtutugtugan ko. Nagpapahanap nga ako kina Gio, Rafael at Nico. Sabi ko, i-text nila ako agad kapag may nakita sila.
Bukas, dadalhin ko ang gitara ko sa school... Gusto kong tugtugan si Riz.
No comments:
Post a Comment