Followers

Monday, July 27, 2015

Double Trouble 42

DENISE' POV

"Ano 'yang pinagtatawanan n'yo?" sigang tanong ni Kuya Dennis, pagbungad pa lamang niya sa pintuan ng classroom namin. Animo'y pininturahan ng pula ang mukha niya. Naabutan niya kasi kaming naghahagikhikan nina Krishna, habang nakatingin sa cell phone ko.

Agad kong naitago sa bulsa ng skirt ko ang cell phone ko dahil alam kong aagawin niya ito. "Wala! May pinanood lang kaming video na nakakatawa," sabi ko. Hindi ko ipinahalatang natatakot ako sa kaniya.

"Patingin..."

"Good afternoon, class!" bati ng Science teacher namin. Saved by the bell. Natawa ako. Gusto ko pang bumelat sa kapatid ko.

Patingin-tingin si Kuya sa amin ni Krishna habang may discussion. Ni hindi na nga halos siya makapag-recite. Iba ang dating sa kaniya ng eksenang iyon.

Ang suwerte ko ngayong araw. Una, napaniwala ko siyang may hawak akong picture o video. Pangalawa, hindi niya ako makakanti, kahit ang mga tropa kong beki. Hindi niya rin ako nakasabay sa pag-uwi. Pagdating nga sa bahay, nag-lock ako ng pinto sa kuwarto. Nag-sound trip ako. Malakas na malakas ang sound sa headphone ko para hindi ko marinig ang mga katok niya, kung sakali. Sa awa ng Diyos, hindi niya ako naistorbo, hanggang sa dumating na ang mga magulang namin.

Kaya lang, sa hapag-kainan, napansin kami ni Mama. "Hindi na naman kayo nag-iimikan. Ano ba ang lagi ninyong pinag-aawayan, ha, Dennis? Ha, Denise?" Isa-isa kaming tiningnan ni Mama at Papa.

Tahimik lang si Papa. Si Mama naman ay nag-aabang ng sagot mula sa isa sa amin ni Kuya.

Mga kalahating minuto yata kami nagpalitan ng tingin ni Mama, bago ako nakasagot. "W-wala po. Kahit itanong mo pa kay Kuya. `Di ba, Kuya?'' Pinilit kong tingnan sa mata si Kuya Dennis. Halatang hindi siya handa sa ganoong usapin.

"Wala po, `Ma. Napagod lang po kami kanina sa dami ng gawain..." Sumubo siya ng maraming kanin at ulam. Obvious na ayaw niya nang magpaliwanag. Natawa tuloy ako nang lihim. Bumilib din ako sa kaniya dahil mabilis talaga siyang mag-isip.

"Kumusta naman ang studies ninyo?" Si Papa naman ang nagsalita, matapos ang ilang sandali.

"Maayos naman po, `Pa," mabilis at confident kong sagot. Totoo naman kasi. Simula nang mapalapit ako kay Krishna ay nagbago na ang study habits ko. Nabawasan na rin ang pagkahilig ko sa online games. Madalas na rin akong nakakapagtaas ng kamay para sumagot sa recitation. Kung puwede nga lang ay talunin ko pa si Kuya Dennis sa pagiging consistent honor student, e. Kaya lang, suko na ako agad sa kaniya. Linya niya ang pag-aaral. Isa pa, tama na sa akin ang atensiyong inuukol sa akin ni Krishna at ng mga kaibigan namin.

"Good! Ilang buwan na lang... moving up n'yo na. Ngayon pa lang, pag-iisipan n'yo na kung ano ang kukunin n'yo sa senior high," payo pa ni Papa.

Tumango lang ako. Tumango na rin lang si Kuya.

Nang matapos ang hapunan namin, ako ang naghugas ng mga pinagkainan. Wala akong kawala kay Kuya.

"Kapag hindi mo dinelete ang mga pictures ko sa CR, yari ka sa `kin," bulong niya sa akin, saka binangga niya ang balikat ko, na akala mo ay naghahamon ng away. Hindi ako umimik. Natawa pa nga ako.

Andami kong tawa-- mga forty-two.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...