Paranoiac
Nagparinig si
Fatima. May mga kabataan daw ngayon na sira. Saka, hindi raw lahat ng magaslaw
ay nagalaw na. Meron ngang mahinhin nga, mahihindutin naman.
Pinalakpakan pa
siya ng mga kaklase namin. Ang mga kaibigan niya, tumingin pa kay Riz.
"Ano bang problema mo kay Riz!?" Nasaklot ko
ang braso ni Fatima nang mag-dismiss na ng klase ang prof namin. Nasa may pinto
pa kami, kaya nagtinginan ang mga kaklase namin. Agad ko siyang binitawan.
"Problema? Malay ko sa inyo! Huwag niyo
nga akong idamay... Heller! Paranoiac." Ngumisi muna siya, saka sumenyas sa
mga kaibigan, na sila ay umalis na.
Si Riz... nasa
upuan pa rin. Nilapitan ko na siya't niyayang magmeryenda.
"Kapag ‘di na ako nakapagtimpi...
papatulan ko na siya." Noon lamang siya nagsalita simula nang nasa
classroom kami.
"Hayaan mong tulungan kita."
"Marumi ba akong babae, Red?" mahinang
tanong ni Riz. Nangingilid na ang luha niya.
Tumingin muna ako
sa palibot, baka may makarinig. Wala. "Riz, wala silang karapatang husgahan ka.
Hindi nila alam."
"Iyon nga, e! Ang sakit, Red." Yumuko na siya.
Itinago na niya sa bag ang tira niyang sandwich.
Ramdam ko ang sakit
na nararamdaman niya. Kaya nga ayaw ko nang sabihin sa kanya, na si Dindee ang
may kasalanan niyon. Kung hindi niya sinabi kay Fatima, disin sana tahimik ang
buhay niya.
Grabeng pagsubok
ang nararanasan ni Riz. Pati nga si Boss Rey ay nangingialam na rin. Paano ko
ba siya matutulungan kung ako nga mismo ang nagiging dahilan ng pinagdadaanan
niya?
"Red, pakiusap... lumayo ka muna sa akin."
"Bakit?"
"May gusto sa 'yo si Fatima. Alam mo
'yan. Kanya ka na. Tama na muna. Parang ‘di ko na kaya... Please…" Tumayo na
siya. Umakma akong tumayo. "Huwag ka na munang sumunod sa akin. Pakiusap..."
Naiwan ako.
Hindi ko gustong
lumayo sa kanya. Hindi ko kayang ilapit ang sarili ko kay Fatima para lamang
itigil na niya ang panggugulo kay Riz, pero... pag-iisipan ko.
No comments:
Post a Comment