Takot AKo sa Ulan
Natakatakot ang ulan sapagkat nagdudulot ito ng baha, na siya namang madalas na sanhi ng iba't ibang problema.
Pero, iba ang takot ko sa ulan...
Isang gabing madilim noon, nang kumidlat at kumulog. Kasunod niyon ang napakalakas na pagbuhos ng ulan. Maaga pa iyon ngunit dahil nakatira kami sa liblib na lugar sa isang baryo, kung saan hindi naaabot ng kuryente, kailangan na naming mahiga pagkatapos ng hapunan.
"Bumili ka ng gamot sa sentro," utos sa akin ng isa sa aking mga magulang. Hindi ko lamang matandaan kung sino’ng nag-utos sa akin. Ang aking ama ba o ang aking ina? Hindi ko rin maalala kung sino ang may sakit. Alam ko namang may nakatatanda at nakababatang akong kapatid na maaari akong samahan sa pagbili subalit hindi nila iginiit.
Sa kung anumang dahilan, kailangan kong bumalikwas sa higaan upang pagbigyan ang kanilang utos, sa kabila ng aking pagtanggi at pag-alburuto. Halos, umiyak na ako sa pagtutol. Ang naalala ko lang ay pinalakas nila ang loob ko, kahit madalas nila akong tuksuhing duwag sa dilim. Marahil, naging hamon sa akin ang kanilang panghihikayat na suungin ko ang nakapanghilakbot na dilim, mabatong kalye, malakas na ulan, matatalim na kidlat at madagundong na kulog.
Buong tapang kong sinuot ang malaking plastic na kunwari ay isang kapote. Balewala ang sulo o ang lampara kung magdadala pa ako. Wala rin kaming flash light na magagamit, kaya sa tulong ng panaka-nakang pagkidlat ay nagsimula akong humakbang palayo sa bahay. Mabigat ang mga paa ko. Kumakabog ang dibdib ko. Humalo na sa tubig ulan ang luha ko, habang naiisip ko ang mga halimaw, na maaari kong makaengkuwentro sa daan. Ilang metro pa lamang ang layo ko mula sa bahay ay basang-basa na ang patpatin kong katawan. Hindi umubra ang aking panangga. Hindi rin ako makausad nang mabilis dahil dito. Kaya, itinapon ko ito at kumaripas ako ng takbo patungo sa nag-iisang tindahan sa sentro. Matagal kong narating ang tindahan sapagkat umaamot lamang ako ng liwanag mula sa kidlat. Hindi rin naman nakakatulong ang mga gasera sa mga kabahayang nadaraanan ko. Pinutol pa noon ang serbisyo ng kuryente.
Nakabili ako ng isang tabletas pagkatapos ng mahabang pakikipagbaka sa kalikasan at sa aking takot. Ngunit hindi pa ako tuluyang nagwawagi. Ang pag-uwi ko ay isa na namang pakikipagtunggali.
Mas lumakas ang sampal sa akin ng ulan. Nagkapangil ang kidlat. Mas nagalit ang kulog. Sinalubong na rin ako ng magkahalong tubig, putik, buhangin, lupa, at bato. Nahirapan akong tumakbo. Higit akong naging maingat sa pag-apak, habang kuyom-kuyom ko ang gamot sa aking kanang palad. Hindi ito maaaring mahulog at anurin ng tubig-baha. Nakalampas ako sa bahay na may maramot na liwanag, kaya kahit balot na ako sa lamig ay nakadama pa rin ako ng pagtaas ng mga balahibo. Naisip kong muli ang mga halimaw, lamang-lupa at iba pang nakakatakot na nilalang na maaari kong mabangga. Muling tumulo ang mga luha ko, nang maalala ko ang mga sandaling halos ayaw kong lumabas ng bahay kapag madilim na. Ngunit sa mga oras na iyon ay nagawa ko. Nagawa kong magapi ang aking takot. Natalo ko ang takot na ilang taon ding nagpahirap sa akin.
Pagdating ko sa bahay, tila nagtawanan pa ang aking mga magulang. Hindi man lamang nila ako binati sapagkat nagawa kong lampasan ang kanilang pagsubok. Mabuti na nga lang ay pinaliguan nila ako ng maligamgam na tubig upang hindi ako magkasakit.
Tagumpay ngang maituturing ang pangyayaring iyon, ngunit isa namang parusa ang nagpahirap sa akin pagkatapos niyon. Hindi na ako takot sa dilim, ngunit takot na ako sa ulan.
Oo, takot ako sa ulan, lalo na kapag ako lang mag-isa... Ilang taon na rin akong nilulukuban ng takot na ito. Ayaw na ayaw kong mag-isa sa bahay o isang kuwarto kapag umuulan. Pakiramdam ko ay susunggaban ako ng mga halimaw, mga lamang-lupa, at mga ligaw na kaluluwa…
Oo, takot pa rin ako... hanggang ngayon.
No comments:
Post a Comment