Followers

Wednesday, October 21, 2020

Ang Pamana

Ang Pamana Dahil sa kakapusan sa badyet ng pamilya, matagal nang pinoproblema ni Aling Lagring ang distance learning ng kaniyang tatlong anak. Hindi niya maibili ng gadyet ang mga ito upang makasabay sa online class o kaya’y magamit sa pagsasaliksik. Labis niyang kinahihirapan ang paggabay sa pagsagot sa mga modyul. Hindi rin makatulong si Mang Pilo dahil pagod na ito sa maghapong paghahanapbuhay. Isang araw, umuwi siyang may hawak na flyer. “Mga anak, ano ba ito? Pakibasa nga ninyo. Binigay sa akin ng isang babae sa may kanto. Ang hirap talaga kapag greyd wan lang ang natapos,” bungad ni Aling Lagring. “ Agad na inabot ni Rizza ang papel at binasa ito nang malakas. Malugod kayong inaanyayahan ng Ang Pamana Publishing para sa kanilang MULING pagbubukas sa Disyembre 31, 2020 @ 8:00 ng umaga. Ang Pamana Publishing ay hindi na lang bahay-palimbagan. Ito ay may sarili na ring silid-aklatan na magagamit nang libre ng mga mag-aaral. Mayroon ditong samot-saring pangkalahatang sanggunian, na kailangan sa pananaliksik at edukasyon. “Ang Edukasyon ay isang Pamana.” (Insert ADDRESS here) “Ano ang ibig sabihin niyan?” tanong ng ina sa panganay na anak. “Magbubukas na po uli ang ‘Ang Pamana Publishing.’ Ito ang kompanya na nagpa-publish ng mga libro. Malapit lang ito sa atin. Sa Disyembre 31 po ay bukas na uli sila, pero may dagdag po,” paliwanag ni Rizza. “May library na po sila. Ito ay silid kung saan makikita ang iba’t ibang uri ng aklat at babasahin.” “Ate, Ate… puwede ba tayong pumunta roon?” tanong ng bunsong si Rico. “Oo. Iniimbitahan nga tayong mga estudyante. Libre roon.” “Libre?” Bumilog ang mga mata ng ina. “Ay! Gusto ko iyan, mga anak. Sige, punta tayo roon. Sa wakas, marami na tayong pagkukuhaan ng mga sagot sa mga modyul ninyo.” “May kompyuter po kaya roon, Ate Rizza?” tanong naman ni Richelle. “Maaaring meron kasi ang computer, lalo na kapag may koneksiyon sa internet, ay isa na ring uri ng pangkalahatang sanggunian. Kaya, mapalad tayo dahil may isang publishing house na nagbibigay ng ganito sa mga katulad natin,” paliwanag ng ate. “At mapalad ako kasi masisipag, maunawain, at mababait ang mga anak,” sabi ng ina. “Kaya kahit mahirap lang tayo, nagsusumikap kayong makapagtapos ng pag-aaral.” “Oo naman po, Mama, kasi palagi ninyong sinasabi sa amin na ang edukasyon lang ang tanging maipapamana ninyo sa aming magkakapatid.” “Korek! Kaya, push na ito!” masayang sagot ng ina.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...