Followers

Saturday, October 24, 2020

Mamuhay nang Normal sa New Normal

Patuloy na nakakagambala sa mga buhay sa buong mundo ang pandemyang CoViD-19. Ang bawat isa ay nakaranas ng malaking pagbabago sa pamumuhay. Ang iba naman ay dumaraing na dahil sa negatibong epekto ng quarantine sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Kung dati-rati, malaya tayong kumakain sa labas, bumibisita sa pamilya, nakikipag-usap kasama ang mga kaibigan, at bumiyahe, subalit dahil sa krisis na ito, kinailangan na nating maging maingat. May mga bagay na tayong hindi na nagagawa ngayon. Dahil din sa pandemyang ito, may mga taong nakararanas ng pagkabalisa. Nawawalan na rin ang iba ng konsentrasyon sa ginagawa. Sabi ng mga health experts, hindi ito dapat na maramdaman ng bawat tao dahil ito ay global phenomenon. Ang lahat ay apektado. Laban ito ng bawat isa. Bukod sa malusog na katawan, ang malusog na kaisipan ay makatutulong din upang malampasan natin ang pagsubok na ito. Nagbago man ang mga nakasanayan natin, pero kung masasanay uli tayo sa New Normal, para na rin tayong nagwagi sa virus na ito. May mga paraan upang makaya nating mamuhay nang normal, katulad ng dati. Maglaan tayo ng oras para sa ating sarili upang mag-adjust. Hindi madaling masanay sa isang bagong gawain o sitwasyon. Kailangang magbigay ng sapat na panahon upang ang New Normal ay hindi maging isang kasumpa-sumpang panahon. Darating ang araw na magiging maayos lahat ang ating pamumuhay. Magbigay rin tayo ng oras sa aking mahal sa buhay na sila’y makapag-adjust din. Magkakaiba tayo ng paraan ng pagtanggap sa New Normal. Maaaring magkaroon tayo ng problema o hindi pagkakaunawan dahil dito. Kaya nga kailangang may tiyaga, respeto, at malasakit tayo sa kanila. Tulungan din natin silang ayusin ang kanilang kaisipan at damdamin tungo sa pagbabago. Gumawa tayo ng mga bagay-bagay na makatutulong sa ating kalusugang pangkaisipan. Ang pagkakaroon ng mga gawain araw-araw ay higit na magdadala sa atin tungo sa pagtanggap sa pagbabago. Ang gagawing bagay ay dapat na nakapagsasaya at nakapagbibigay ng kapayapaan sa atin. Mas marami tayong oras upang gawin ang mga hindi natin nagagawa dati, gaya ng pagbabasa, paggawa ng likhang-sining, at marami pang iba. Umiwas tayo sa paggamit ng social media. Minsan, sa social media pa natin makikita o mababasa ang mga bagay, balita, pangyayari o isyu na makapagdudulot ng stress sa atin. Hindi masamang malaman natin ang mga nangyayari sa paligid dahil sa pandemya, ngunit kung ito pa ang magpapalala sa ating pagkabalisa, mas mabuti pang iwasan ang mga ito. Palakasin din nating ang ating pisikal. Kailangan nating isagawa palagi ang social distancing upang makaiwas sa pagkahawa o maiiwas ang kapuwa sa pagkahawa. Dapat nating ipagpatuloy ang pagpapalakas ng ating immune system at isagawa ng good hygiene. Ang kalinisan ng katawan ay kalusugan. Kung isasagawa natin ang mga ito, hindi maaapektuhan ang ating kalusugang pangkaisipan anomang pagbabago ang maganap.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...