Followers

Wednesday, October 28, 2020

Sino ang Mas Makatuwiran?

Tuwing matatapos si Lolo Caloy sa pag-ehersisyo, didiretso na siya sa tindahan ni Aling Bebe. Doon kasi ay marami siyang nakakausap at nakakadebate. Halos araw-araw itong ginagawa ni Lolo Caloy dahil ito ang nagpapalakas sa kaniya. Gustong-gusto niya ang makipagdebate sa kaniyang mga kapitbahay. Kilalang-kilala siya sa husay niyang makipag-argumento. Madalas niyang mapasuko ang sinomang makipagbaliktakan sa kaniya tungkol sa iba’t ibang paksa, lalo na kapag usapang politika. Ang iba nga ay umiiwas na sa kaniya. Isang araw, kinainipan ni Lolo Caloy ang paghihintay sa sinomang kapitbahay na makikipag-argumento sa kaniya. Kalahating oras ang lumipas, may dumating na lalaki. “Magandang umaga po! Maaari po ba akong magtanong? Lolo, saan po ba rito ang bahay ni Mister Chao?” Bago nagsalita si Lolo Caloy, sinipat-sipat muna niya ang lalaki. Sa loob-loob niya, kayang-kaya niya itong talunin. “Alam ko ang bahay niya, pero bago ko sabihin sa iyo, may isa akong tanong.” Nginitian niya ang estranghero. Nginitian din muna siya nito. “Sige po. Ano po ba ang tanong ninyo?” Lihim na nagbunyi si Lolo Caloy sapagkat hindi siya uuwing bokya. May isa pa rin siyang mapapataob sa larangan ng pakikipag-argumento at pakikipagdebate. “Ako si Lolo Caloy. Ikaw, ano’ng pangalan mo?” “Ako po si Larry. Ahente po ako ng insurance.” “Mabuti kung ganoon.” Ngiti-ngiti at tatango-tango pa si Lolo Caloy. Napatingin din siya kay Aling Bebe. “Maaari ko na po bang malaman kung saan ang bahay ni Mister Chao?” “Naku!” Natutop ni Lolo Caloy ang noo niya. Napahagalpak naman ng tawa si Aling Bebe, na kanina pa nakikinig sa dalawa. “Bakit po, Lolo Caloy?” Nagtataka si Larry, lalo na’t pangiti-ngiti pa si Aling Bebe. “Hindi pa iyon ang tanong ko,” sagot ni Lolo Caloy. “Po?” Napakamot si Larry at parang gusto na niyang umalis. Hindi na napigilan ni Aling Bebe ang sarili. Siya na ang tumugon. “Naku, Larry… kultura rito sa lugar namin na makipagdebate ka muna ka Lolo Caloy para makuha mo ang pabor na hinihingi mo.” “Po? Naku, nagmamadali po ako… Pagbalik ko na lang po, Lolo Caloy,” sabi ni Larry. “Hindi puwede iyon… Walang magsasabi sa iyon ng direksiyon patungo sa bahay ni Mister Chao.” “Sige po… Okay lang po. Tatawagan ko na lang siya.” Nagtinginan sina Lolo Caloy at Aling Bebe habang tumatawag si Larry. Nalungkot silang dalawa at agad ding sumaya nang wala nakontak ang ahente. “Sige po, Lolo Caloy, handa na po ako,” sabi ni Larry nang humarap siya sa tindahan. “Ano po ba ang tanong o paksa ng debate?” Nagtawanan muna sina Aling Bebe at Lolo Caloy, na animo’y nagwagi na. “Si Aling Bebe ang hurado. Siya ang magdedesisyon kung sino sa atin ang mas makatuwiran.” “Tama iyon. Wala pang nakakatalo kay Lolo Caloy,” dagdag ni Aling Bebe. “Ganoon po ba? Hindi ko na pala malalaman ang bahay ni Mister Chao?” natatawang tugon ni Larry. “Hindi naman. Depende naman sa argumento mo. Kaya, galingan mo. Ikaw na ang mamili ng paksa, tutal ikaw naman ang bata at ang bisita. Baka kasi sabihin mo, dinadaya kita,” sabi ni Lolo Caloy. Natatawa si Lolo Caloy habang nag-iisip si Larry. “Heto po ang paksa natin: Alin ang nauna, manok o itlog.” “Sisiw naman ng paksa natin! Sigurado ka na ba?” pagmamayabang ni Lolo Caloy. “Opo.” Ngumiti si Larry. “Kayo naman po ang mamili, tutal kayo naman po ang matanda.” Napatda si Lolo Caloy dahil parang may diin sa matanda ang pagkakabigkas niyon ni Larry. “A, e… Manok na lang ako. Sige, manok… Aling Bebe, simulan mo na.” “Kahit natatawa-tawa pa si Aling Bebe, agad niya itong sinumulan. Sinabi niya ang ilang patakaran sa pagdedebate. “Nauna ang manok dahil wala namang nilikha ang Diyos na itlog,” sabi ni Lolo Caloy. “Tama ka naman po walang nilkhang itlog ang Diyos. Pero, naniniwala akong itlog ang nauna kaysa manok,” sabi ni Larry. “Bakit nagkaroon ng itlog kung walang manok? Sino ang nangitlog? Aber.” “Alam mo po, Lolo Caloy, ang mga bagay sa mundo ay may pinanggalingan at may lumikha.” “E, saan nga galing ang itlog mo? Hindi ba sa manok ko?” Medyo naiinis na si Lolo Caloy. Napangiti na lang si Larry. “Ang itlog at manok po kasi ay iisa ang pinanggalingan. Ipagpalagay po ninyo na apo ninyo ako… Ikaw po ang manok at ako ang itlog.” “Ako pa rin ang nauna kasi ako ang mas matanda. Sa akin ka nanggaling.” Humalakhak pa si Lolo Caloy. “Teka, teka, may sasabihin ka pa ba, Larry?” tanong ni Aling Bebe. “Naku! Uuwi na yata siya,” tudyo ni Lolo Caloy. “Naku, hindi po… Kailangan ko po talagang makausap si Mister Chao.” “Kung gayon, ano pa ang argumento mo?” tanong ni Aling Bebe. “Lolo Caloy, matanong kita… Sabi mo po kasi kanina, ikaw pa rin ang nauna kasi ikaw ang mas matanda. Nanggaling ako sa ‘yo...” “Tama, sinabi ko iyon!” “Mali ka po roon, Lolo Caloy…” “Bakit?” “Paano po ako manggaling sa inyo? Inahin lang po ang nangingitlog. Tandang ka po...” Tumawa si Larry, na ikinainis ni Lolo Caloy. “Hay, naku!” Tumayo si Lolo Caloy at itinuro ang bahay ni Mister Chao. “Hayan ang bahay niya… Aling Bebe, bukas hindi na ako pupunta rito sa tindahan mo. Magbabasa na lang ako ng mga lumang komiks ko.” Nagtawanan sina ALing Bebe at Larry habang nagmamadaling umalis si Lolo Caloy.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...