Followers

Monday, October 26, 2020

Mahalin Natin ang Kalikasan (diyalogo)

Pagkatapos ng talakayan, pinasulat ni Ginang Manaloto ang Grade Vi- Section Love ng mga akda tungkol sa kalikasan. Delia: Ma’am, maaari po bang takdang-aralin na lamang ito? Dalawang minuto na lang po kasi ang nalalabing oras. Ginang Manaloto: (Tiningnan ang relo) Okay, sige! Takdang-aralin na lamang ninyo iyan. Basta tandaan ninyo, bawal kopyahin ang akda ng iba. Alam ko kung paano kayo magsulat. Isa pa, naturuan ko na kayo kung paano magsulat ng mga akda, kaya walang raso upang mandaya kayo. Maliwanag ba? Halos sabay-sabay na sumagot ang kaniyang klase. Delia: Puwede ko po bang ipasa sa inyo sa Facebook Messenger? Ginang Manaloto: Ay, puwedeng-puwede! Mas mabuti iyon para makatipid tayo sa papel at ink ng ballpen. Tulong na rin iyon sa ating kalikasan. Delia: Salamat po, Ma’am! Francis: Ma’am, ako rin po, magpapasa sa Messenger. Ginang Manaloto: Okay! Sige! Paalam na! Kita-kita tayo sa Lunes! Lahat: Paalam na po, Ginang Manaloto! Salamat sa pagtuturo! Kinalunesan, bago nagsimula ng bagong aralin si Ginang Manaloto, may inanunsiyo siya. Ginang Manaloto: Binabati ko sina Delia at Francis dahil napakagaganda ng kanilang mga akda! Alam kung sila ang may-akda ng mga ito. Kaya, bago ang lahat, nais kong ibahagi sa inyo ang mga ito. Hayaan ninyong basahin ko ito sa inyo nang malakas. Narito ang akda ni Delia. Pinamagatan niya itong ‘Buhayin Natin ang Mundo.’ Mahigit-kumulang 100 milyong nilalang sa karagatan ang namamatay dahil sa basura, na kagagawan ng mga pinakamatatalinong nilalang sa mundo---ang mga tao. Alam ba natin na ang bawat basura ay may buhay rin katulad natin? Ang mga papel ay tumatagal hanggang 6 na linggo. Ang karton ay nabubulok sa loob ng 2 buwan. Ang damit na koton ay natutunaw sa loob ng 2 hanggang 5 buwan. Ang upos ng sigarilyo ay tumatagal mula 1 hanggang 5 taon. Ang plastic bag ay natutunaw sa loob ng 10 hanggang 20 taon. Ang gomang tsinelas ay nabubulok sa loob ng 50 hanggang 80 taon. Ang styrofoam ay hanggang 50 taon. Ang aluminum ay kayang magtagal hanggang 80-200 taon. Ang plastic na bote ay nagtatagal hanggang 450 taon. Samantalang, ang glass bottle ay hanggang 1 milyong taon. Kung alam natin ang mga ito, pahahalagahan natin sila at ang kalikasan dahil sa bawat basurang itanatapon natin, perwisyo sa ang idinudulot nito. Kung sa bawat maling pagtapon ng basura ay libo-libong buhay ang maaapektuhan, ano na lang ang magiging kinabukasan ng mga susunod na salinlahi? Ang tao ay nilikha na may pinakamataas na antas ng kaisipan. Ako, ikaw... tayo! Tayong lahat ay nararapat na maging matalino. Ang kalikasan ay bahagi ng ating mundo. Ang bawat nilalang dito ay nararapat ding ingatan, pangalagaan, at protektahan. Ang basura ang numero unong pumapatay sa mga hayop, kapaligiran, at tao. Kung alam lang sana natin kung paano maging responsable, disin sana'y isang paraiso ang mundo. Tayo, mga tao, ay kawangis ng Manlilikha. Huwag nating kitilin ang Kanyang mga obra. Sa halip, sinupin natin ang ating mga basura. Buhayin nating muli ang ating mundo. Nagpalakpakan ang mga kaklase ni Delia nang matapos basahin ni Ginang Manaloto. Ginang Manaloto: Heto naman ang tula ni Francis, na pinamagatan niyang ‘Luntiang Pilipinas.’ Halina't silipin ang araw sa kaniyang bukang-liwayway, Na sa bawat nilalang, ngumingiti't tumatanglaw; At ang mga fauna at flora sa mga kagubatan, Na siyang nagbibigay ng kulay sa sanlibutan. Halina't pakinggan ang lagaslas ng alon sa mga dalampasigan, Na nagsasabing may buhay sa ilalim ng karagatan; At ang sariwang hanging nagbubunyi at umaalingawngaw, Na sa mga tao, puno, halaman, at hayop ay nagbibigay-buhay. Halina't kilalanin ang mga anyong-lupa at anyong-tubig, Na may ambag sa pamumuhay ng sandaigdig; At ang mga magagandang tanawin sa Pilipinas, Na sa buong mundo at maipagmamalaki at maipamamalas. Halina't pangalagaan natin ang ating kapaligiran Upang ang global warming ay tuluyang matuldukan; At ang pagmamahal sa ating Inang Bayan Ang dapat manguna sa ating mga kaibuturan. Halina't mamuhay sa luntiang mundo at mayamang kalikasan, Tikman ang tamis ng mga bunga ng kaginhawaan, Maligo sa lawa at ilog na sariwa at may buhay At akyatin ang mga bundok nang hindi napapagal. Halina't tuklasin ang gamot sa mga polusyon, Isulong ang 3Rs, Clean and Green, at Green Revolution, Itigil ang illegal logging at ang mining na mapaminsala, At sumunod sa mga nakabubuting batas na itinakda. Halina't kulayang muli ang umitim na mundo, Sa ating mga kapabayaan, tayo'y matuto, At mga maling gawain, iwaksi na at tigilan Sapagkat ang kinabukasan nati'y nasa kalikasan. Muling nagpalakpakan ang buong klase ni Ginang Manaloto. Ginang Manaloto: Hayan! Hindi ba’t kahanga-hanga ang mga sulatin nila? Patunay ito na sina Delia at Francis ay may malasakit sa kalikasan. Sana lahat tayo ay magmamahal sa ating mundo. Hindi lang sa salita, kundi sa gawa. Mahalin natin ang ating kalikasan. O, sige na, ipasa na ninyo ang inyong mga akda upang makapagsimula na tayo sa bagong aralin. Godofredo: Ma’am, ayaw ko na pong magpasa. Ginang Manaloto: Bakit? Godofredo: May mga nanalo na po kasi. Nagtawanan ang lahat. Ginang Manaloto: Ano ka ba? Bawat akda ninyo ay maganda dahil kayo ang gumawa. Ipagmalaki mo iyan. Akin na… Inabot naman ni Godofredo ang kaniyang gawa, pero hiyang-hiya siya. Ginang Manaloto: Wow! Mukhang may babasahin uli ako bukas. Pinalakpakan din nila si Godofredo.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...