Followers
Friday, October 23, 2020
Window Shopping
Window Shopping
Namasyal ang mag-anak na Filemon sa isang malaking mall. Wiling-wiling ang magkakapatid na sina Valerie, Vivian, at Valentino sa mga nakikitang nila sa paligid. Manghang-mangha sila sa mga naka-display sa bawat boutique o stall doon.
Pumasok sila sa tindahan ng mga sapatos, damit, at libro. Kahit hindi sila bumili, masaya na silang tumingin-tingin.
“Window shopping lang talaga tayo, mga anak, ha?” laging paalala ni Daddy Emerson.
“Opo, Daddy!” halos magkasabay na sagot nina Valerie at Vivian.
Hindi naman nila napansin na napangiwi si Valentino. May nais siyang sabihin sa ama, ngunit hindi niya masabi.
Pagkatapos ng mahaba-haba nilang paglilibot-libot, may napansin si Mommy Lorie. “Nasaan si Valentino?”
“Oo nga! Nasaan ang kapatid ninyo, Val and Vivs?” nag-aalalang tanong ng ama.
“Hindi po namin alam,” tugon ng isa sa mga kambal na si Vivian.
“Hala! Kaya pala kanina ko pa siya hindi naririnig,” sabi naman ni Valerie.
“Diyos ko, saan na kayo nagsuot ‘yon? Sa laki ng mall na ito, ang hirap natin siyang makita. Emer, paano na si Val-Val?” naiiyak na tanong ng ina.
“Kalma lang, ‘Mi… Teka, tatawagan ko… Nasa kaniya ba ang smartphone?” tanong ng ama.
“Opo, Dad! Nilalaro niya iyon kanina,” tugon ni Vivian.
“Mabuti! Video call ko siya.” Agad niyang kinontak ang anak.
“Hello, Dad? Nasaan po kayo?” tarantang tanong ni Valentino.
“Okay, calm down, Anak,” sagot ng ama. “Gusto mo bang puntahan ka naming kung nasaan ka ngayon? O ikaw ang pupunta kung nasaan kami?”
Mabilis na sumagot si Valentino. “Ako na lang po ang pupunta sa inyo.”
“Okay! Pero, follow my instructions, ha? Naunawaan mo?”
“Opo.”
“Sige… Una, i-reverse mo ang camera mo saka mo ipakita sa amin ang paligid mo.”
“Okay po!” Agad ding inikot ni Valentino ang camera.
“Alam ko na kung nasaan ka… Sundan mo lang ang sasabihin ko. Kaya mo kaming makita sa loob lamang ng dalawang minuto.”
“Okay, Dad! Tinuruan na kami ni Teacher ng mga direksiyon.”
“That’s great! Okay, let’s start! Una, pumunta ka pagitan ng Sarah Fashion at Joel Jewelry Shop. Pangalawa, lakarin mo ang daan sa iyong silangan. Kapag nakita mo ang Delixious, lumakad ka sa patungong hilaga. Makikita mo ang isang gadget store. Katabi nito sa kanan ang bilihan ng digital single lens reflex camera. Sa kaliwa ang bilihan ng collectible toys. Dito mo kami makikita.”
“Po? Nandiyan na po kayo? Iyan po ang hinahanap ko kanina.”
“Oo, Anak. Kaya, bilisan mo para makapili ka ng gusto mo.”
“Sige po, Dad, Mom, at mga ate… Papunta na po ako riyan.”
“Teka lang… Nakabisado mo na ba ang direksiyon patungo sa CollecXion?”
“Opo! Gusto niyo po ba, ulitin ko?”
“Huwag na, Val. Sige na… Lakad ka na. Hintayin ka namin dito. Ingat!”
“Bye po!”
Nakahinga nang maluwag ang mag-asawa at kambal.
Pagkalipas ng dalawang minuto, kapiling nila si Valentino.
Hindi nila ito pinagalitan, bagkus binigyan nila ito ng payo na huwag basta-basta lalayo.
“Payong ate… Magpalaam ka naman, Bunso,” sabi ni Valerie.
“Oo nga. Huwag kang magtatampo kapag hindi nabibili ang gusto mo kasi magkakasama naman tayo,” dagdag pa ni Vivian.
“Sorry. Hinanap ko kasi ito. Nandito lang pala. Akala ko kasi ayaw ninyo akong isama rito para hindi ako magpabili. May naipon naman akong pambili,” paliwanag ni Valentino.
“Naku, nagtatampo naman pala ang bunso natin,” sabi ng ina.
“Hayaan niyo… Basta hindi na ito mauulit, ha?” tanong ng ama.
“Opo!”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment