Followers

Tuesday, October 6, 2020

Natatanging Ama

            Ano nga ba ang katangian ng isang ama?

Iyan ang katanungang mahirap sagutan sapagkat magkakaiba ang perspektibo ng bawat tao. Ako, bilang isang anak at bilang bahagi ng isang masayang pamilya, ay may natatanging sagot sa katanungang iyan.

Galing sa idyomang ‘haligi ng tahanan,’ ang ama ay nararapat na matatag. Ang kaniyang katatagan ay hindi lang nasusukat sa kaniyang pisikal na kaanyuan, kundi pati na rin sa kaniyang mga pananaw, prinsipyo, paniniwala, at abilidad.

Ang isang ama ay dapat na matatag sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay na kinahaharap nilang mag-anak. May kakayahan siyang suungin ang anomang unos para lamang maitawid niya ang kaniyang pamilya sa anomang kapahamakan, sakit, paghihirap, at kalungkutan.

Ang isang ama ay dapat hindi madaling matumba sa hampas ng hangin. Hindi niya hahayaang mawalan ng bubong o anomang bahagi ang kaniyang tahanang kaniyang minamahal. Kaya, ipapanatili niyang buo ang kaniyang pamilya anoman ang mangyari. Mas gugustuhin niyang magsakripisyo para sa kanila.

Ang isang ama ay dapat na matibay at hindi marupok. Hindi siya basta-basta nadadarang sa apoy ng tukso, bisyo, at kasamaan. Siya ay magiging muog ng kabutihan, na maipapamana niya sa kaniyang mga supling. Hindi niya gugustuhing masira ng anay ang kaniyang tahanan.  

Ang mga iyan nakikita ko sa aking ama. Ang katatagan ay katangiang tinataglay niya. Kaya, natatangi siya.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...