Magandang araw sa inyong lahat!
Kumusta kayo? Kumusta ang bago ninyong mundo? Sana ay masaya kayo sa mga oras na ito.
Naalala niyo pa rin ba ang mga araw kung saan nasa klase tayo?
Alam kong hindi ninyo iyon makalilimutan dahil sa samot-saring karanasan. Naroon ang kulitan, tawanan, biruan, iyakan, awayan, sumbungan, at marami pang iba. Pero, siyempre, hindi ko rin maikakaila, na nakipagtalakayan kayo, sumagot at nagbigay ng kuro-kuro, nag-groupings, sumama sa parade, sumali sa mga contests at programs, at maraming pang magagandang gawain.
Alam ko ring dumaan din kayo sa hirap, pagod, sakit, sama ng loob, at galit dahil sa akin. Sorry... Labis akong nalulungkot sa mga ito. Patawad.
Sa araw na ito, taos-puso akong humihingi sa inyo ng kapatawaran dahil sa aking mga kasalanan, kamalian, at kakulangan sa inyo bilang guro. Sana ay maunawaan ninyo kung gaano kahirap para sa akin na tumayo bilang pangalawang magulang ninyong apatnapu't isang magkakaklase.
Sa totoo lang, labis akong nahirapan sa pagdidisiplina sa inyo. Dumating sa punto na nais ko nang sumuko.
Ang pananahimik ko at ang pambabalewala ko sa inyo ay isang paraan ko upang hindi ako makapanakit. Ngunit nagkamali ako... Ang ilan sa inyo ay mas nasasaktan pala kapag tahimik ako at kapag binabalewala ko kayo.
Nais ko lang ding patunayan sa inyo na masakit talaga ang mabalewala at hindi mabigyang ng respeto. Kulang na lang nga ay magmakaawa at mamalimos na ako sa inyo ng pagmamahal (love) mula sa inyo.
Sa totoo lang, minamahal ko ang bawat estudyanteng dumaraan sa akin... lalo na ang mga karapat-dapat mahalin. Naramdaman ko namang minahal ninyo ako. Naramdaman ko namang nais ninyo akong mapasaya. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ko kagustong matuto kayo, hindi lamang ng mga aralin, kundi ng mabubuting pag-uugali at mga praktikal na kaalaman sa buhay. Sana naramdaman din ninyo na nais ko kayong maging bahagi ng mga alaala ko hanggang sa aking pagtanda at hanggang sa bawian na ako ng memorya. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ako kasaya tuwing masisipag kayong pumasok, gumawa, makibahagi, at magbasa. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ko kayo kamahal kahit magkakaiba kayo ng ugali, gusto, at pangarap. Sana naramdaman din ninyo ang mga araw na pinoprotektahan ko kayo sa mga masasama at mga kaaway. Sana naramdaman din ninyo na naging kakampi ninyo ako noong mga panahong mahihina kayo at kailangan ng gabay. Sana naramdaman ninyo kung paano ko binuksan ang puso at buhay ko upang ipaalala sa inyo na ng kahirapan ay hindi hadlang para magtagumpay sa buhay. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ako kasaya tuwing magbibiruan tayo at magkuwentuhan tayo habang at pagkatapos ng aralin. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ako nasaktan nang mga sandaling wala na kayong pinakikinggan. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ako nasaktan nang mga sandaling hindi na ninyo ako makita, marinig, at makausap. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ako nasaktan nang mga sandaling halos pagsisihan kong naging mga mag-aaral ko kayo. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ako nasaktan nang mga sandaling hindi ko na rin kayo makita, marinig, at makausap. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ko kayo minahal at itinuring na mga anak. Sana naramdaman din ninyo kung gaano ko kayo pinahalagahan kahit sa mga huling araw ng ating pagkikita. Sana nga, naramdaman ninyo...
Sana, sana... kung magkakaroon ng pagkakataon, masabi ko ang mga ito sa inyo nang personal at harapan nang malaman ninyong tunay ang aking nararamdaman at masabi kong miss na miss ko na kayo.
Salamat sa inyong lahat! Salamat sa masasayang alaala. Salamat din sa mga pasakit na naging dahilan upang magbigay sa akin ng mga bagong karanasan bilang guro. Salamat sa magagandang salitang natanggap ko noon mula sa inyo. Salamat sa suportang natamo ko at sa mga inspirasyong napulot ko mula sa inyo.
Mahal ko kayo!
No comments:
Post a Comment