Followers

Tuesday, October 20, 2020

Puyos


Sa baryo Mapolot, ang lahat ay may kakaibigang pangalan. Hindi nga kilala si Apolonio dahil mas kilala siya bilang 'Puyos.' Halos lahat ng kapitbahay niya, kinakantiyawan siya. Madalas, mga kalaro niya tumutukso sa kaniya.

"Puyos, kailan ka ba magpapatuli?" tanong ng pinsan niyang si Ugis."

Puyos, malapit na ang bakasyon. Sasabay ka ba sa amin nina Manoy?" dagdag pa ni Saday.

"Bakit kasi ayaw mong magpatuli? Parang kagat lang naman ng langgam, e," sabi ni Andong. Natawa pa ang kuya niyang si Temyong, kaya sobra siyang nainis.

Kapag ang kaniyang ama naman ang tumutukso sa kaniya, parang gusto niyang umiyak. "Kakausapin ko na si Lolo Supoy. Ipapatuli ko na kayo," sabi ni Mang Eliseo kina Apolonio at Temyong.

Napalunok si Apolonio sa narinig.

"O, bakit para kang tinakasan ka ng dugo? Puyos ka talaga!"

"Ako po? Puwede nang magpatuli?" sagot ng anim na taong gulang na kapatid ni Apolonio, na si Angelo.

Natawa ang kanilang ama. "Naku, hindi pa. Liit ka pa, e. Sina kuya muna, ha? Mabuti pa si Angelo, hindi duwag sa dugo.

"Kapag naririnig ni Apolonio ang usapang pagtutuli, hindi na siya mapakali.

Isang araw, naabutan niyang naghahasa ng labaha sa ilog ang nag-iisang manunuli sa Baryo Mapolot.

"Bukas, may mga tutuliin ako. Sasabay ka ba?" tanong ni Lolo Supoy.

Namutla si Apolonio sa kaniyang narinig. Hindi makalabas ang kaniyang tinig.

"Mamaya, pagkatapos kong maghasa, gagawa na ako ng lukaw," sabi uli ng manunuli.

"Ano po ang lukaw?" tanong ni Apolonio.

"Ang lukaw ay isang pakawil na kahoy na may pinanipis na dulo at ang isang dulo ay itutusok sa lupa. Kailangan ko ring maghanda ng kahoy na pamukpok. Ang sanga ng bayabas ang pinakamagandang gawing lukaw at pamukpok."

"Hindi po ba kayo natatakot sa ginagawa ninyo?"

"Hindi naman nakakatakot ang pagtutuli at pagpapatuli. Ang totoo, nakabubuti ito sa kalusugan ng tao. Saka, tradisyon ito na dapat maranasan ng bawat lalaki. Ikaw, gusto mo bang tawagin kang puyos habambuhay?"

Napalunok si Apolonio. Napatingin lang siya kay Lolo Supoy at hindi siya nakasagot.

Sinipat-sipat ni Lolo Supoy ang kaniyang labaha. "O, handang-handa na labaha ko. Marami na namang puyos ang magbabago nito! Sige, iwan na kita... Punta ka uli rito bukas, ha?"

Tumango na lamang si Apolonio kahit hindi niya talaga gustong makakita ng tinutuli.

Sa kanilang bahay, naabutan niya ang kaniyang tatay at nanay na may ginugupit mula sa lumang damit.

“O, nandito na si Puyos," sabi ni Mang Eliseo.

"Anak, sumabay ka na kay Kuya Temyong mo bukas. Magpapatuli na siya kay Lolo Supoy," sabi naman ni Aling Nacion. "Heto o, tingnan mo." Ipinakita nito ang isang parisukat na tela, na may butas sa gitna.

"Ano po iyan?" tanong ni Apolonio. Hindi pa rin nawawala ang kabog sa kaniyang dibdib.

"Ito ang pamutpot. Ito ang ipambabalot sa ari ng bagong tuli."

"At ito naman ang panali," dagdag ng ama.

"Ano, handa ka na?" nakangiting tanong ng ina.

Napatingin na lang sa malayo si Apolonio.

"Naku! Puyos talaga! Ikaw na yata ang tagapagmana ni Lolo Supoy." Natatawa na lang ang ama.

"Eliseo, baka hindi pa nga siya handa. Puwede namang sa susunod na taon na siya. Sige na, Apolonio, pauwiin mo na ang kuya mo. Magpahinga na kamo para bukas may lakas siya," utos ng ina.

Naririnig pa rin niya ang tawanan ng kaniyang mga magulang. Lalo tuloy siyang naiinis sa sarili.

Kinabukasan, hindi na naman siya mapakali habang hinihintay ang kapatid na nagpatuli at habang hawak ang pamutpot at panali.

"Tuli na ako! Hindi na ako tatawaging puyos!" bungad ni Temyong habang hawak ang harapan ng salawal.

"O, ikaw, Puyos?"

Tuwang-tuwa ang kanilang mga magulang, habang hindi naman maipinta ang kaniyang kalungkutan.

"Kumusta, Temyong? Masakit ba?" tanong ng ina.

“Sobrang sakit po sa una, pero nang tumagal, hindi na, Hindi ako umaray," mayabang na sagot ni Temyong. "Tingnan niyo po, o!"

"Ay, huwag! Huwag mong ipakita sa akin kasi baka mangamatis iyan!" sawata ng ina.

Nagkatawanan pa sila, habang si Apolonio ay nagawa nang lumabas ng bahay. Wala sa loob siyang pumunta sa ilog.

Doon, nakita niya ang mga kabataang puyos na nagbababad sa ilog. Nakita niya ring nakaluhod na si Saday sa harap ni Lolo Supoy.

Maya-maya pa, tumawa nang tumawa ang mga batang nasa tubig habang iyak nang iyak at aray nang aray si Saday. Lalo tuloy siyang pinanghinaan ng loob.

Gusto rin niyang matawa sa mga kilos ni Saday, pero mas lamang ang takot at kaba.

"Sunod!" sigaw ni Lolo Supoy.

"Uy, Apolonio, magbabad ka na sa tubig para lumambot na!" bati nito sa kaniya.

“Ngumuya ka na rin ng dahon ng bayabas."

Binilang niya ang katulad niyang puyos na nasa tubig. Walo pa sila. Ang tantiya niya, umaabot ng lima hanggang pitong minuto ang pagtutuli. Naisip niyang umakyat muna ng bayabas sa bandang ilaya ng ilog.

Doon ay nakakuha siya ng dalawang hinog na bunga. Habang kumakain, nanguha na rin siya ng dahong talbos ng bayabas.

Mula roon, dinig niya ang bawat iyak at ang tawanan. Lalo siyang nakaramdam ng takot at kaba.

Nang bumalik siya, wala nang puyos ang nagbababad sa tubig. Isa na lang ang tinutuli ni Lolo Supoy."

Hindi na nila ako tatawaging puyos," bulong ni Apolonio sa sarili.

Pagkatapos, hinubad niya ang kaniyang salawal at damit, saka lumublob sa ilog.

"Araaaay! Tatay ko... Nanay ko! Ang sakit! Ang sakit!" sigaw ng puyos na tinutuli ni Lolo Supoy.

Natatawa na lamang si Apolonio sa kaniyang nakikita at naririnig. Pagkatapos, hinugasan niya ang mga dahon ng bayabas, saka isa-isang nginuya. Ang pambihirang lasa at amoy niyon ay nakapagbigay pa sa kaniya ng lakas ng loob.

"Ikaw na, Apolonio!" tawag ng manunuli.

Agad na lumapit si Apolonio pagkatapos magbihis.

"Ikaw ang huling puyos na sisigaw," biro ni Lolo Supoy.

Ngumiti lang siya at lumuhod sa harap ng lukaw. Siya na rin ang nagbaba ng kaniyang salawal.

"Akin na ang pamutpot at panali. Ang dahon ng bayabas, nasaan?

Itinuro niya ang kaniyang bibig. Natawa na lang sa kaniya ang manunuli.

Maya-maya pa, tahimik na ipinasok ni Lolo Supoy ang kawil sa pagitan ng ulo at balat ng ari ni Apolonio. "Huwag kang gagalaw para hindi matanggal sa lukaw."

Tumango lang si Apolonio at nag-abang. Hindi na niya tiningnan ang labaha ni Lolo Supoy. Naramdaman na lamang niya ang talim niyon nang ipatong ng manunuli sa balat ng kaniyang ari. Sa tulong ng dahon ng bayabas, hindi lumabas ang salitang 'aray' sa kaniyang bibig.

"Dalawa o tatlong pukpok lang ito, Apolonio. Uulitin ko, huwag kang gagalaw," utos ni Lolo Supoy, sabay angat sa pamukpok.

Pumikit na lamang si Apolonio at nag-abang.

Dalawang magkasunod na pukpok ang kaniyang naramdaman at narinig. Kasunod niyon ang kirot. Naisip niyang tama ang sabi-sabi, hindi iyon gaanong masakit lalo na kapag biglaan ang pagpukpok. Ngunit, nang sinilip niya ang kaniyang ari, tila may balat pang hindi nahiwa. Pumikit uli siya at pinakiramdaman ang sakit ng paghiwa. "Akin na ang bayabas," sabi ni Mang Noli.

Halos mangalahati na lang ang nginuyang bayabas na ibinigay ni Apolonio kay Lolo Supoy. Kinailangan pang ngumuya uli nito ng ilan pang dahon.Ramdam ni Apolonio ang sakit habang inilalagay na ni Lolo Supoy ang nginuyang dahon ng bayabas sa kaniyang sugat. Ngunit namayani sa kaniya ang tuwa dahil sa wakas, mababaon na sa limot ang pangalan niyang Puyos. Gusto niyang maiyak, hindi sa sugat, kundi dahil nagawa niyang talunin ang takot.Pagkatapos niyon, isinuot na ni Lolo Supoy ang pamutpot sa ulo ng ari ni Apolonio at itinatali ang bawat kanto niyon sa puno ng ari.

"Hindi ka na puyos. Tuli ka na!" bati ni Lolo Supoy.

"Maraming salamat po!"

Tinapik-tapik ni Lolo Supoy ang kaniyang balikat.

"Hihingi na lang po ako ng sigarilyo kay Papa. Ibibigay ko po sa inyo. Bayad.”

Natawa ang manunuli. "Naku, huwag na. Libre ang tuli. Tulong ko ito sa mga puyos... Sige na, uwi ka na. Huwag ka munang kilos nang kilos. Bawal magbuhat at tumalon-talon."

"Opo! Salamat po uli." Paika-ikang naglakad pauwi si Apolonio.

Sa kanilang bahay, ginulat niya ang kaniyang mga magulang at kapatid. "Ikaw na lang Angelo ang puyos," biro niya.

Sa unang pagkakataon, humanga sa kaniya si Mang Eliseo. "Ang tapang mo, Anak! Hindi pala ikaw ang tagapagmana ni Lolo Supoy," sabi nito.

"Gusto ko pong maging doktor, pero hindi po ako manunuli. Manggagamot po ako ng may sakit," paliwanag ni Apolonio.

Nagtinginan at nagtawanan sina Aling Nacion at Mang Eliseo.

"Atin-atin lang ito, mga anak, ha?" sabi ng ama.

"Ano po iyon?" tanong ni Apolonio.

"Si Lolo Supoy ang orihinal na puyos ng Baryo Mapolot."

Nagagap ni Apolonio ang kaniyang bibig, habang nagtatawanan sina Angelo at Temyong. Hindi nagtagal, natawa na rin siya.

 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...