Followers

Friday, October 30, 2020

Walang Iwanan

Nagbibisikleta noon ang magkaibigan nang mabangga ni Pilo ang kahoy na bakod, kaya nagbagsakan ang mga nakapasong halaman. Wala sanang nakakita sa nangyari kahit ang may-ari, kaya lang nag-ingay si Cris. “Hindi mo man lang ba tatawagin ang may-ari upang makahingi ka ng pasensiya at para makatulong ka sa pag-aayos ng mga nasira,” sabi ni Cris. “Huwag na. Alis na tayo kasi wala namang nakakita at saka baka mapagalitan pa tayo,” tugon ni Pilo. “Magagalit sa ‘yo, hindi sa akin lalo na kapag tinakasan mo.” Bago pa nakalayo si Pilo, dumating na ang may-ari ng bahay. “Hoy, kayo?! Tingnan ninyo ang ginawa ninyo sa mga halaman ko!” Nag-uusok ang tainga nito. “Sorry po, ale… Aksidente po ang nangyari. Hindi po niya sinadya.” Si Cris na ang nagsalita. “Hoy, Pilo, bumalik ka rito. Mag-sorry ka.” Agad namang bumalik si Pilo at nag-sorry. “Kung hindi ka pa sinabihan ng kaibigan mo, tatakasan mo talaga ang problemang ito,” sabi ng ale. “Pasensiya na po. Natakot lang po kasi ako,” sabi ni Pilo. “Aksidente nga, e... bakit ka natatakot? Dapat nga humingi ka ng tulong. So, paano ka ngayon? Nasaktan ka ba?” “Hindi naman po masyado.” “Kung gayon, tulungan ninyo akong ayusin at iligpit ang mga ito. Maaari ba iyon?” Sa wakas, ngumiti na ang ale. “Siyempre naman po.” Nawala na rin kahit paano ang kaba at takot ni Pilo. “Cris, okay lang ba sa iyo?” “Oo naman. Basta kaibigan hindi iniiwanan,” sabi ni Cris.

Thursday, October 29, 2020

Ugnayang Ina at Anak

Ang pagmamahal ng isang ina ay walang pasubali at walang hanggan. Ito ang pinakamatatag na uri ng pag-ibig sa lahat. Sa pagitan ng ina at anak ay may isang tanikalang nagdurugtong sa kanilang mga puso. Pambihira ang ugnayang anak at ina. Simula pa lamang ng pagdadalantao ng ina sa kaniyang anak hanggang sa isinilang niya ito, hindi na maipaliliwanag ang koneksiyon nila. Ang ugnayang ito ay hindi magtatapos sa pagpapasuso, pag-aaalaga, pagpapatulog, pagpapaligo, at pagpapalaki sa sanggol. Magtutuloy-tuloy ito hanggang sa magkaisip at lumaya na ang anak. Mauulit ang proseso ng ugnayang ina-anak sa susunod na henerasyon, ngunit ang pagmamahal sa pinagmulang ina ay hindi kailanman magmamaliw. Hindi rin mawawala ang pagmamahal ng ina sa anak, kahit may apo na siya. Ang isang malusog na relasyon ay nagmumula sa walang kondisyong pagmamahal ng ina sa anak.

Wednesday, October 28, 2020

Sino ang Mas Makatuwiran?

Tuwing matatapos si Lolo Caloy sa pag-ehersisyo, didiretso na siya sa tindahan ni Aling Bebe. Doon kasi ay marami siyang nakakausap at nakakadebate. Halos araw-araw itong ginagawa ni Lolo Caloy dahil ito ang nagpapalakas sa kaniya. Gustong-gusto niya ang makipagdebate sa kaniyang mga kapitbahay. Kilalang-kilala siya sa husay niyang makipag-argumento. Madalas niyang mapasuko ang sinomang makipagbaliktakan sa kaniya tungkol sa iba’t ibang paksa, lalo na kapag usapang politika. Ang iba nga ay umiiwas na sa kaniya. Isang araw, kinainipan ni Lolo Caloy ang paghihintay sa sinomang kapitbahay na makikipag-argumento sa kaniya. Kalahating oras ang lumipas, may dumating na lalaki. “Magandang umaga po! Maaari po ba akong magtanong? Lolo, saan po ba rito ang bahay ni Mister Chao?” Bago nagsalita si Lolo Caloy, sinipat-sipat muna niya ang lalaki. Sa loob-loob niya, kayang-kaya niya itong talunin. “Alam ko ang bahay niya, pero bago ko sabihin sa iyo, may isa akong tanong.” Nginitian niya ang estranghero. Nginitian din muna siya nito. “Sige po. Ano po ba ang tanong ninyo?” Lihim na nagbunyi si Lolo Caloy sapagkat hindi siya uuwing bokya. May isa pa rin siyang mapapataob sa larangan ng pakikipag-argumento at pakikipagdebate. “Ako si Lolo Caloy. Ikaw, ano’ng pangalan mo?” “Ako po si Larry. Ahente po ako ng insurance.” “Mabuti kung ganoon.” Ngiti-ngiti at tatango-tango pa si Lolo Caloy. Napatingin din siya kay Aling Bebe. “Maaari ko na po bang malaman kung saan ang bahay ni Mister Chao?” “Naku!” Natutop ni Lolo Caloy ang noo niya. Napahagalpak naman ng tawa si Aling Bebe, na kanina pa nakikinig sa dalawa. “Bakit po, Lolo Caloy?” Nagtataka si Larry, lalo na’t pangiti-ngiti pa si Aling Bebe. “Hindi pa iyon ang tanong ko,” sagot ni Lolo Caloy. “Po?” Napakamot si Larry at parang gusto na niyang umalis. Hindi na napigilan ni Aling Bebe ang sarili. Siya na ang tumugon. “Naku, Larry… kultura rito sa lugar namin na makipagdebate ka muna ka Lolo Caloy para makuha mo ang pabor na hinihingi mo.” “Po? Naku, nagmamadali po ako… Pagbalik ko na lang po, Lolo Caloy,” sabi ni Larry. “Hindi puwede iyon… Walang magsasabi sa iyon ng direksiyon patungo sa bahay ni Mister Chao.” “Sige po… Okay lang po. Tatawagan ko na lang siya.” Nagtinginan sina Lolo Caloy at Aling Bebe habang tumatawag si Larry. Nalungkot silang dalawa at agad ding sumaya nang wala nakontak ang ahente. “Sige po, Lolo Caloy, handa na po ako,” sabi ni Larry nang humarap siya sa tindahan. “Ano po ba ang tanong o paksa ng debate?” Nagtawanan muna sina Aling Bebe at Lolo Caloy, na animo’y nagwagi na. “Si Aling Bebe ang hurado. Siya ang magdedesisyon kung sino sa atin ang mas makatuwiran.” “Tama iyon. Wala pang nakakatalo kay Lolo Caloy,” dagdag ni Aling Bebe. “Ganoon po ba? Hindi ko na pala malalaman ang bahay ni Mister Chao?” natatawang tugon ni Larry. “Hindi naman. Depende naman sa argumento mo. Kaya, galingan mo. Ikaw na ang mamili ng paksa, tutal ikaw naman ang bata at ang bisita. Baka kasi sabihin mo, dinadaya kita,” sabi ni Lolo Caloy. Natatawa si Lolo Caloy habang nag-iisip si Larry. “Heto po ang paksa natin: Alin ang nauna, manok o itlog.” “Sisiw naman ng paksa natin! Sigurado ka na ba?” pagmamayabang ni Lolo Caloy. “Opo.” Ngumiti si Larry. “Kayo naman po ang mamili, tutal kayo naman po ang matanda.” Napatda si Lolo Caloy dahil parang may diin sa matanda ang pagkakabigkas niyon ni Larry. “A, e… Manok na lang ako. Sige, manok… Aling Bebe, simulan mo na.” “Kahit natatawa-tawa pa si Aling Bebe, agad niya itong sinumulan. Sinabi niya ang ilang patakaran sa pagdedebate. “Nauna ang manok dahil wala namang nilikha ang Diyos na itlog,” sabi ni Lolo Caloy. “Tama ka naman po walang nilkhang itlog ang Diyos. Pero, naniniwala akong itlog ang nauna kaysa manok,” sabi ni Larry. “Bakit nagkaroon ng itlog kung walang manok? Sino ang nangitlog? Aber.” “Alam mo po, Lolo Caloy, ang mga bagay sa mundo ay may pinanggalingan at may lumikha.” “E, saan nga galing ang itlog mo? Hindi ba sa manok ko?” Medyo naiinis na si Lolo Caloy. Napangiti na lang si Larry. “Ang itlog at manok po kasi ay iisa ang pinanggalingan. Ipagpalagay po ninyo na apo ninyo ako… Ikaw po ang manok at ako ang itlog.” “Ako pa rin ang nauna kasi ako ang mas matanda. Sa akin ka nanggaling.” Humalakhak pa si Lolo Caloy. “Teka, teka, may sasabihin ka pa ba, Larry?” tanong ni Aling Bebe. “Naku! Uuwi na yata siya,” tudyo ni Lolo Caloy. “Naku, hindi po… Kailangan ko po talagang makausap si Mister Chao.” “Kung gayon, ano pa ang argumento mo?” tanong ni Aling Bebe. “Lolo Caloy, matanong kita… Sabi mo po kasi kanina, ikaw pa rin ang nauna kasi ikaw ang mas matanda. Nanggaling ako sa ‘yo...” “Tama, sinabi ko iyon!” “Mali ka po roon, Lolo Caloy…” “Bakit?” “Paano po ako manggaling sa inyo? Inahin lang po ang nangingitlog. Tandang ka po...” Tumawa si Larry, na ikinainis ni Lolo Caloy. “Hay, naku!” Tumayo si Lolo Caloy at itinuro ang bahay ni Mister Chao. “Hayan ang bahay niya… Aling Bebe, bukas hindi na ako pupunta rito sa tindahan mo. Magbabasa na lang ako ng mga lumang komiks ko.” Nagtawanan sina ALing Bebe at Larry habang nagmamadaling umalis si Lolo Caloy.

Tuesday, October 27, 2020

Huwag Mahihiyang Lumapit

Maagang pumunta si Nicole sa bahay ng kaibigan niyang si Juvy upang magpatulong siya sa pagsagot sa module. Hindi kasi siya matulungan ng kaniyang abalang mga magulang. Tamang-tama ang dating niya dahil nagsimula na ring magsagot si Juvy. “Hello, Nicole! Halika, tuloy ka,” masayang bati sa kaniya ni Juvy. Nahihiyang lumapit si Nicole sa bago pa lang niyang kaibigan. “Pasensiya ka na, ha? Magpapatulong uli ako sa iyo.” “Okay lang. Pareho namang tayong Grade 4. Magkaiba man tayo ng section, pero pareho lang ang modules na ginagamit natin. Pagtulungan na lang natin ang mga ito. Huwag ka nang mahiya sa akin…” Mahinhing ngumiti si Nicole bago umupo. Agad na tinulungan ni Juvy si Nicole sa kinahihirapan nitong aralin. Pagkatapos, tahimik nilang sinagutan ang magkaparehong modules. Nawala kahit paano ang hiyang nararamdaman niya kanina pa. “Ano pa ang mahirap na aralin para sa iyo?” medyo nakangiting tanong ni Juvy. “Wala na. Naunawaan ko nang lahat. Sa bahay ko na lang sasagutan ang iba. Wala kasing bantay roon,” nakangiting sagot ni Nicole. “O, sige… Basta kapag may tanong ka tungkol sa aralin, huwag kang mahihiyang lumapit sa akin. Natutuwa ako kapag nakakatulong ako sa kapuwa.” “Salamat, ha?!” “Walang anoman!”

Monday, October 26, 2020

Palanggana

Palanggana Napansin ni Aling Menang ang kaniyang anak na si Gabbie, habang ito ay naghuhugas ng mga pinagkainan. “Anak, isara mo muna ang gripo. Sayang kasi ang tubig, e,” sabi niya sa anak. “E, ‘Ma, gusto ko po kasing matanggal na ang bula para madali na lang banlawan,” sagot ni Gabbie. “Mali iyon. Maaksaya kapag ganoon ang style mo ng paghuhugas. Ganito…” Isinara ni Aling Menang ang gripo. “Ipatong-patong mom una ang mga plato sa isang tabi habang sinasabon mo.” Pinatong-patong niya nang maayos ang mga plato. Tinanggal niyang ang mga nakaharang sa lalabo at nilagyan niya ng palanggan. “Pagkatapos mong sabunin lahat, saka ka magbanlaw. Mas matipid sa tubig kapag gagamit ka ng palanggana. “Sige, tapusin mo muna ang pagsasabon mo habang pinupuno ko ng tubig ito.” Tahimik namang sumunod si Gabbie. “O, ayan, puwede ka nang magbanlaw. Sa dalawa o tatlong banlaw, makauubos ka lang ng dalawa o tatlong palanggana ng tubig. Magkapareho ang linis, pero mas tipid ang estilong ganito.” “Pero, mas matagal po, ‘Ma.” “Hindi na bale, Anak. Ang mahalaga, makatipid tayo ng tubig. Ang matitipid natin sa pagbabayad ng water bill ay maipapambili natin ng ibang pangangailangan. Tandaan mong mahalaga ang bawat sentimo.” “Sabagay, tama po kayo, ‘Ma.” “Napilitan ka lang yata, Gabbie.” “Hindi po, ‘Ma… Hayaan mo po, hindi na po ako maghuhugas.” “Ano?” Naipatong ni Aling Mena ang kaniyang mga kamay sa kaniyang baywang. “Biro lang po, ‘Ma… Opo, susundin ko na po kayo. Basta kapag Malaki po ang natipid natin… bili mo po ako ng bagong damit.” “Ay, naku, Gabriela!” Kinurot niya kunwari ang anak. “ Natawa na lang si Gabbie sa ina. Iniwan na siya nito. Pagkatapos, sinunod naman niya ang suhestiyon ng kaniyang ina.

Mahalin Natin ang Kalikasan (diyalogo)

Pagkatapos ng talakayan, pinasulat ni Ginang Manaloto ang Grade Vi- Section Love ng mga akda tungkol sa kalikasan. Delia: Ma’am, maaari po bang takdang-aralin na lamang ito? Dalawang minuto na lang po kasi ang nalalabing oras. Ginang Manaloto: (Tiningnan ang relo) Okay, sige! Takdang-aralin na lamang ninyo iyan. Basta tandaan ninyo, bawal kopyahin ang akda ng iba. Alam ko kung paano kayo magsulat. Isa pa, naturuan ko na kayo kung paano magsulat ng mga akda, kaya walang raso upang mandaya kayo. Maliwanag ba? Halos sabay-sabay na sumagot ang kaniyang klase. Delia: Puwede ko po bang ipasa sa inyo sa Facebook Messenger? Ginang Manaloto: Ay, puwedeng-puwede! Mas mabuti iyon para makatipid tayo sa papel at ink ng ballpen. Tulong na rin iyon sa ating kalikasan. Delia: Salamat po, Ma’am! Francis: Ma’am, ako rin po, magpapasa sa Messenger. Ginang Manaloto: Okay! Sige! Paalam na! Kita-kita tayo sa Lunes! Lahat: Paalam na po, Ginang Manaloto! Salamat sa pagtuturo! Kinalunesan, bago nagsimula ng bagong aralin si Ginang Manaloto, may inanunsiyo siya. Ginang Manaloto: Binabati ko sina Delia at Francis dahil napakagaganda ng kanilang mga akda! Alam kung sila ang may-akda ng mga ito. Kaya, bago ang lahat, nais kong ibahagi sa inyo ang mga ito. Hayaan ninyong basahin ko ito sa inyo nang malakas. Narito ang akda ni Delia. Pinamagatan niya itong ‘Buhayin Natin ang Mundo.’ Mahigit-kumulang 100 milyong nilalang sa karagatan ang namamatay dahil sa basura, na kagagawan ng mga pinakamatatalinong nilalang sa mundo---ang mga tao. Alam ba natin na ang bawat basura ay may buhay rin katulad natin? Ang mga papel ay tumatagal hanggang 6 na linggo. Ang karton ay nabubulok sa loob ng 2 buwan. Ang damit na koton ay natutunaw sa loob ng 2 hanggang 5 buwan. Ang upos ng sigarilyo ay tumatagal mula 1 hanggang 5 taon. Ang plastic bag ay natutunaw sa loob ng 10 hanggang 20 taon. Ang gomang tsinelas ay nabubulok sa loob ng 50 hanggang 80 taon. Ang styrofoam ay hanggang 50 taon. Ang aluminum ay kayang magtagal hanggang 80-200 taon. Ang plastic na bote ay nagtatagal hanggang 450 taon. Samantalang, ang glass bottle ay hanggang 1 milyong taon. Kung alam natin ang mga ito, pahahalagahan natin sila at ang kalikasan dahil sa bawat basurang itanatapon natin, perwisyo sa ang idinudulot nito. Kung sa bawat maling pagtapon ng basura ay libo-libong buhay ang maaapektuhan, ano na lang ang magiging kinabukasan ng mga susunod na salinlahi? Ang tao ay nilikha na may pinakamataas na antas ng kaisipan. Ako, ikaw... tayo! Tayong lahat ay nararapat na maging matalino. Ang kalikasan ay bahagi ng ating mundo. Ang bawat nilalang dito ay nararapat ding ingatan, pangalagaan, at protektahan. Ang basura ang numero unong pumapatay sa mga hayop, kapaligiran, at tao. Kung alam lang sana natin kung paano maging responsable, disin sana'y isang paraiso ang mundo. Tayo, mga tao, ay kawangis ng Manlilikha. Huwag nating kitilin ang Kanyang mga obra. Sa halip, sinupin natin ang ating mga basura. Buhayin nating muli ang ating mundo. Nagpalakpakan ang mga kaklase ni Delia nang matapos basahin ni Ginang Manaloto. Ginang Manaloto: Heto naman ang tula ni Francis, na pinamagatan niyang ‘Luntiang Pilipinas.’ Halina't silipin ang araw sa kaniyang bukang-liwayway, Na sa bawat nilalang, ngumingiti't tumatanglaw; At ang mga fauna at flora sa mga kagubatan, Na siyang nagbibigay ng kulay sa sanlibutan. Halina't pakinggan ang lagaslas ng alon sa mga dalampasigan, Na nagsasabing may buhay sa ilalim ng karagatan; At ang sariwang hanging nagbubunyi at umaalingawngaw, Na sa mga tao, puno, halaman, at hayop ay nagbibigay-buhay. Halina't kilalanin ang mga anyong-lupa at anyong-tubig, Na may ambag sa pamumuhay ng sandaigdig; At ang mga magagandang tanawin sa Pilipinas, Na sa buong mundo at maipagmamalaki at maipamamalas. Halina't pangalagaan natin ang ating kapaligiran Upang ang global warming ay tuluyang matuldukan; At ang pagmamahal sa ating Inang Bayan Ang dapat manguna sa ating mga kaibuturan. Halina't mamuhay sa luntiang mundo at mayamang kalikasan, Tikman ang tamis ng mga bunga ng kaginhawaan, Maligo sa lawa at ilog na sariwa at may buhay At akyatin ang mga bundok nang hindi napapagal. Halina't tuklasin ang gamot sa mga polusyon, Isulong ang 3Rs, Clean and Green, at Green Revolution, Itigil ang illegal logging at ang mining na mapaminsala, At sumunod sa mga nakabubuting batas na itinakda. Halina't kulayang muli ang umitim na mundo, Sa ating mga kapabayaan, tayo'y matuto, At mga maling gawain, iwaksi na at tigilan Sapagkat ang kinabukasan nati'y nasa kalikasan. Muling nagpalakpakan ang buong klase ni Ginang Manaloto. Ginang Manaloto: Hayan! Hindi ba’t kahanga-hanga ang mga sulatin nila? Patunay ito na sina Delia at Francis ay may malasakit sa kalikasan. Sana lahat tayo ay magmamahal sa ating mundo. Hindi lang sa salita, kundi sa gawa. Mahalin natin ang ating kalikasan. O, sige na, ipasa na ninyo ang inyong mga akda upang makapagsimula na tayo sa bagong aralin. Godofredo: Ma’am, ayaw ko na pong magpasa. Ginang Manaloto: Bakit? Godofredo: May mga nanalo na po kasi. Nagtawanan ang lahat. Ginang Manaloto: Ano ka ba? Bawat akda ninyo ay maganda dahil kayo ang gumawa. Ipagmalaki mo iyan. Akin na… Inabot naman ni Godofredo ang kaniyang gawa, pero hiyang-hiya siya. Ginang Manaloto: Wow! Mukhang may babasahin uli ako bukas. Pinalakpakan din nila si Godofredo.

Saturday, October 24, 2020

Mga Problema sa Online Class

Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahaharap na problema ang mga mag-aaral, gayundin ang mga guro. Nang nagsimula na ang online classes, doon naglabasan ang iba pang problema. Unang-una na riyan ang internet connection. Batay sa Speedtest Global Index, ang Pilipinas ay pang-109 sa 139 na bansa pagdating sa mobile internet speed. Ang mga Pinoy ay gumagamit lang ng 19.48 Mbps, samantalang ang Norway, na may pinakamabilis ay 67.54 Mbps. Nangangahulugan ito na ang pagsasagawa ng online classes ay lubos na apektado. Kaya naman kadalasang maririnig ang mga sumusunod: “Lagging ka po.” “Naririnig niyo ba ako?” “Nawala si Ma’am/Sir.” “Choppy ka po.” Madalas ding problema ang audio ng mga gadgets o ang earphone o headset mismo. Minsan, hindi compatible sa gadgets. Minsan, hindi makuha ang tamang settings. Kapag nag-present ka, may video nga, Nawala naman ang audio. Minsan naman, may audio nga, Nawala naman ang video. Ang masama pa, parehong wala. Naubos na ang oras at ang data ng iba dahil sa audio problem. Tapos, mauulit na naman ang mga pahayag na nabanggit kanina. “Lagging ka po.” “Naririnig niyo ba ako?” “Nawala si Ma’am/Sir.” “Choppy ka po.” Natuklasan din nang may online classes ang mga outdated na software and hardware. Luma na ang operating system, kaya hindi na maaaring makasabay sa Zoom, Google Meet o iba pang platform. Hindi na rin makapag-install ng apps ang ibang device. At upang makasabay, kailangang bumili ng bago, which is isa na namang pasanin ng mga magulang. Ang technical problem ay madalas ding nangyayari. Nariyan ang hindi pag-play ng video presentation. Nang-hang pa, kaya kinain na ang oras mo. May mga estudyante rin na hindi makapasok sa link, dahil hindi nila alam na may required na email address. At kung alam man, nakalimutan o kaya hindi napalitan dahil nakikihiram lang ng gadget sa magulang. Dahil dito, hindi agad nakakapasok. May late palagi. At kapag matagal nang nakababad ang mga estudyante sa screen, umiiksi ang attention span nila. Kahit sa face-to-face, nangyayari ito. Lalo na kung online, kasi wala namang ibang matatanaw sa screen kundi ang mga letra, larawan, at iilan pang bagay. Lalo na kapag nagsimula na ang klase, nababagot sila kasi hindi naman talaga aktibo ang interaksiyon, hindi tulad noong normal ang klase. Mas gising ang diwa ng mas estudyante sa harapang klase kaysa sa distance learning. Marami pang problema sa online classes. Kung tatanungin lahat ang bawat mag-aaral, maaaring hindi lamang ito ang mabanggit. Gayunpaman, tuloy ang distance learning! Ang mga problemang ito ay kayang-kayang solusyonan.

Mamuhay nang Normal sa New Normal

Patuloy na nakakagambala sa mga buhay sa buong mundo ang pandemyang CoViD-19. Ang bawat isa ay nakaranas ng malaking pagbabago sa pamumuhay. Ang iba naman ay dumaraing na dahil sa negatibong epekto ng quarantine sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Kung dati-rati, malaya tayong kumakain sa labas, bumibisita sa pamilya, nakikipag-usap kasama ang mga kaibigan, at bumiyahe, subalit dahil sa krisis na ito, kinailangan na nating maging maingat. May mga bagay na tayong hindi na nagagawa ngayon. Dahil din sa pandemyang ito, may mga taong nakararanas ng pagkabalisa. Nawawalan na rin ang iba ng konsentrasyon sa ginagawa. Sabi ng mga health experts, hindi ito dapat na maramdaman ng bawat tao dahil ito ay global phenomenon. Ang lahat ay apektado. Laban ito ng bawat isa. Bukod sa malusog na katawan, ang malusog na kaisipan ay makatutulong din upang malampasan natin ang pagsubok na ito. Nagbago man ang mga nakasanayan natin, pero kung masasanay uli tayo sa New Normal, para na rin tayong nagwagi sa virus na ito. May mga paraan upang makaya nating mamuhay nang normal, katulad ng dati. Maglaan tayo ng oras para sa ating sarili upang mag-adjust. Hindi madaling masanay sa isang bagong gawain o sitwasyon. Kailangang magbigay ng sapat na panahon upang ang New Normal ay hindi maging isang kasumpa-sumpang panahon. Darating ang araw na magiging maayos lahat ang ating pamumuhay. Magbigay rin tayo ng oras sa aking mahal sa buhay na sila’y makapag-adjust din. Magkakaiba tayo ng paraan ng pagtanggap sa New Normal. Maaaring magkaroon tayo ng problema o hindi pagkakaunawan dahil dito. Kaya nga kailangang may tiyaga, respeto, at malasakit tayo sa kanila. Tulungan din natin silang ayusin ang kanilang kaisipan at damdamin tungo sa pagbabago. Gumawa tayo ng mga bagay-bagay na makatutulong sa ating kalusugang pangkaisipan. Ang pagkakaroon ng mga gawain araw-araw ay higit na magdadala sa atin tungo sa pagtanggap sa pagbabago. Ang gagawing bagay ay dapat na nakapagsasaya at nakapagbibigay ng kapayapaan sa atin. Mas marami tayong oras upang gawin ang mga hindi natin nagagawa dati, gaya ng pagbabasa, paggawa ng likhang-sining, at marami pang iba. Umiwas tayo sa paggamit ng social media. Minsan, sa social media pa natin makikita o mababasa ang mga bagay, balita, pangyayari o isyu na makapagdudulot ng stress sa atin. Hindi masamang malaman natin ang mga nangyayari sa paligid dahil sa pandemya, ngunit kung ito pa ang magpapalala sa ating pagkabalisa, mas mabuti pang iwasan ang mga ito. Palakasin din nating ang ating pisikal. Kailangan nating isagawa palagi ang social distancing upang makaiwas sa pagkahawa o maiiwas ang kapuwa sa pagkahawa. Dapat nating ipagpatuloy ang pagpapalakas ng ating immune system at isagawa ng good hygiene. Ang kalinisan ng katawan ay kalusugan. Kung isasagawa natin ang mga ito, hindi maaapektuhan ang ating kalusugang pangkaisipan anomang pagbabago ang maganap.

Friday, October 23, 2020

Ang Pagsubok kay Arnel

Ang Pagsubok kay Celso Dahil sa kahirapan ng buhay sa probinsiya, nagdesisyon si Celso na lumuwas ng Manila upang maghanap ng trabaho. Gusto kasi niyang makatulong sa kaniyang mga magulang at sa mga kapatid na nag-aaral pa. Dati naman siyang construction boy sa kanilang bayan. Marami na siyang karanasan, kaya malakas ang loob niyang mangibang-bayan para sa mas malaki at permanenteng trabaho. Kaya nga nang nag-chat sa kaniya ang kaniyang pinsan na si Arnel, nagkaroon siya ng interes. Nagtratrabaho si Arnel bilang karpintero sa isang malaking project sa Makati. Naghahanap daw ng isa pang karpintero ang kanilang engineer. Dahil naging all-around naman si Celso sa construction at dahil mabilis siyang matuto, tinanggap niya ang alok ng pinsan. Kahit first time siyang makakarating sa Makati, bumiyahe siyang mag-isa. Hindi siya masusundo ni Celso, kaya binigay na lamang nito ang complete address ng boarding house, na tinutuluyan nito. Sabi pa nga nito, malapit lamang daw iyon at lalakarin lang pagkababa niya sa provincial bus. Siguradong daw na hindi siya maliligaw. Tutal marunong naman siyang magbasa at magsalita. Pinayuhan siya nitong magtanong kung hindi na niya alam ang kaniyang kinaroroonan. Ligtas na nakababa si Celso sa sinakyang bus. Umupo muna siya sa waiting shed upang balikan ang text conversation nilang magpinsan at upang siguruhin niyang tama ang kaniyang binabaan. Tama naman ang kinaroroonan niya, kaya lalong lumakas ang kaniyang loob. Naisaloob niya, “Basta para sa aking pamilya, wala akong hindi tatahakin.” Dahil maaga pa naman, hindi muna siya naglakad. Pinagmasdan muna niya ang paligid. Busog na busog ang kaniyang mga mata sa matatayog na gusali at naglalaking billboard. Aniya, sa telebisyon niya lamang nakikita ang mga iyon, ngayon ay personal na nating nakita. Pagkatapos niyon, naglakad na siya patungong hilaga. Natatandaan pa niya ang sinabi ni Arnel, na kailangan daw niyang makita sa timog silangan ang convenience store dahil liliko siya sa silangan. Naroon ang McArthur Street. Susunod naman niyang hahanapin sa kanluran ang Montero’s Male Boarding House. Doon niya hahanapin ang landlady na si Misis Montero upang makapasok siya. Sasabihin lamang niya ang kaniyang pangalan at ang pangalan ng kaniyang pinsang si Arnel. Hindi na nagdalawang-isip pa si Celso. Binaybay niya ang mahabang kalsada. Nasa isip na niya ang mga landmarks na kailangan niyang hanapin. At sa loob lamang ng kinse minutos, kausap na niya si Misis Montero. Sinamahan siya nito sa kuwarto ni Arnel. Parang antagal na nilang hindi magkita, kaya hindi matapos-tapos ang kanilang kumustahan. Tuwang-tuwa ito sa lakas ng loob ni Celso. “Alam mo, pinsan, sinubukan lang talaga kita,” pag-aamin ni Arnel. “Alam ko naman, e. Puwede mo naman talaga akong sunduin kasi maaga naman akong dumating, pero hindi n akita inabala. Madali lang naman talagang hanapin ang lugar na ito lalo na’t alam ko ang mga direksiyon.” “Magpinsan nga tayo! Probinsiya tayo, pero hindi tayo tunto!” Nakipag-apir pa si Arnel sa kaniya.

Window Shopping

Window Shopping Namasyal ang mag-anak na Filemon sa isang malaking mall. Wiling-wiling ang magkakapatid na sina Valerie, Vivian, at Valentino sa mga nakikitang nila sa paligid. Manghang-mangha sila sa mga naka-display sa bawat boutique o stall doon. Pumasok sila sa tindahan ng mga sapatos, damit, at libro. Kahit hindi sila bumili, masaya na silang tumingin-tingin. “Window shopping lang talaga tayo, mga anak, ha?” laging paalala ni Daddy Emerson. “Opo, Daddy!” halos magkasabay na sagot nina Valerie at Vivian. Hindi naman nila napansin na napangiwi si Valentino. May nais siyang sabihin sa ama, ngunit hindi niya masabi. Pagkatapos ng mahaba-haba nilang paglilibot-libot, may napansin si Mommy Lorie. “Nasaan si Valentino?” “Oo nga! Nasaan ang kapatid ninyo, Val and Vivs?” nag-aalalang tanong ng ama. “Hindi po namin alam,” tugon ng isa sa mga kambal na si Vivian. “Hala! Kaya pala kanina ko pa siya hindi naririnig,” sabi naman ni Valerie. “Diyos ko, saan na kayo nagsuot ‘yon? Sa laki ng mall na ito, ang hirap natin siyang makita. Emer, paano na si Val-Val?” naiiyak na tanong ng ina. “Kalma lang, ‘Mi… Teka, tatawagan ko… Nasa kaniya ba ang smartphone?” tanong ng ama. “Opo, Dad! Nilalaro niya iyon kanina,” tugon ni Vivian. “Mabuti! Video call ko siya.” Agad niyang kinontak ang anak. “Hello, Dad? Nasaan po kayo?” tarantang tanong ni Valentino. “Okay, calm down, Anak,” sagot ng ama. “Gusto mo bang puntahan ka naming kung nasaan ka ngayon? O ikaw ang pupunta kung nasaan kami?” Mabilis na sumagot si Valentino. “Ako na lang po ang pupunta sa inyo.” “Okay! Pero, follow my instructions, ha? Naunawaan mo?” “Opo.” “Sige… Una, i-reverse mo ang camera mo saka mo ipakita sa amin ang paligid mo.” “Okay po!” Agad ding inikot ni Valentino ang camera. “Alam ko na kung nasaan ka… Sundan mo lang ang sasabihin ko. Kaya mo kaming makita sa loob lamang ng dalawang minuto.” “Okay, Dad! Tinuruan na kami ni Teacher ng mga direksiyon.” “That’s great! Okay, let’s start! Una, pumunta ka pagitan ng Sarah Fashion at Joel Jewelry Shop. Pangalawa, lakarin mo ang daan sa iyong silangan. Kapag nakita mo ang Delixious, lumakad ka sa patungong hilaga. Makikita mo ang isang gadget store. Katabi nito sa kanan ang bilihan ng digital single lens reflex camera. Sa kaliwa ang bilihan ng collectible toys. Dito mo kami makikita.” “Po? Nandiyan na po kayo? Iyan po ang hinahanap ko kanina.” “Oo, Anak. Kaya, bilisan mo para makapili ka ng gusto mo.” “Sige po, Dad, Mom, at mga ate… Papunta na po ako riyan.” “Teka lang… Nakabisado mo na ba ang direksiyon patungo sa CollecXion?” “Opo! Gusto niyo po ba, ulitin ko?” “Huwag na, Val. Sige na… Lakad ka na. Hintayin ka namin dito. Ingat!” “Bye po!” Nakahinga nang maluwag ang mag-asawa at kambal. Pagkalipas ng dalawang minuto, kapiling nila si Valentino. Hindi nila ito pinagalitan, bagkus binigyan nila ito ng payo na huwag basta-basta lalayo. “Payong ate… Magpalaam ka naman, Bunso,” sabi ni Valerie. “Oo nga. Huwag kang magtatampo kapag hindi nabibili ang gusto mo kasi magkakasama naman tayo,” dagdag pa ni Vivian. “Sorry. Hinanap ko kasi ito. Nandito lang pala. Akala ko kasi ayaw ninyo akong isama rito para hindi ako magpabili. May naipon naman akong pambili,” paliwanag ni Valentino. “Naku, nagtatampo naman pala ang bunso natin,” sabi ng ina. “Hayaan niyo… Basta hindi na ito mauulit, ha?” tanong ng ama. “Opo!”

Wednesday, October 21, 2020

Ang Pamana

Ang Pamana Dahil sa kakapusan sa badyet ng pamilya, matagal nang pinoproblema ni Aling Lagring ang distance learning ng kaniyang tatlong anak. Hindi niya maibili ng gadyet ang mga ito upang makasabay sa online class o kaya’y magamit sa pagsasaliksik. Labis niyang kinahihirapan ang paggabay sa pagsagot sa mga modyul. Hindi rin makatulong si Mang Pilo dahil pagod na ito sa maghapong paghahanapbuhay. Isang araw, umuwi siyang may hawak na flyer. “Mga anak, ano ba ito? Pakibasa nga ninyo. Binigay sa akin ng isang babae sa may kanto. Ang hirap talaga kapag greyd wan lang ang natapos,” bungad ni Aling Lagring. “ Agad na inabot ni Rizza ang papel at binasa ito nang malakas. Malugod kayong inaanyayahan ng Ang Pamana Publishing para sa kanilang MULING pagbubukas sa Disyembre 31, 2020 @ 8:00 ng umaga. Ang Pamana Publishing ay hindi na lang bahay-palimbagan. Ito ay may sarili na ring silid-aklatan na magagamit nang libre ng mga mag-aaral. Mayroon ditong samot-saring pangkalahatang sanggunian, na kailangan sa pananaliksik at edukasyon. “Ang Edukasyon ay isang Pamana.” (Insert ADDRESS here) “Ano ang ibig sabihin niyan?” tanong ng ina sa panganay na anak. “Magbubukas na po uli ang ‘Ang Pamana Publishing.’ Ito ang kompanya na nagpa-publish ng mga libro. Malapit lang ito sa atin. Sa Disyembre 31 po ay bukas na uli sila, pero may dagdag po,” paliwanag ni Rizza. “May library na po sila. Ito ay silid kung saan makikita ang iba’t ibang uri ng aklat at babasahin.” “Ate, Ate… puwede ba tayong pumunta roon?” tanong ng bunsong si Rico. “Oo. Iniimbitahan nga tayong mga estudyante. Libre roon.” “Libre?” Bumilog ang mga mata ng ina. “Ay! Gusto ko iyan, mga anak. Sige, punta tayo roon. Sa wakas, marami na tayong pagkukuhaan ng mga sagot sa mga modyul ninyo.” “May kompyuter po kaya roon, Ate Rizza?” tanong naman ni Richelle. “Maaaring meron kasi ang computer, lalo na kapag may koneksiyon sa internet, ay isa na ring uri ng pangkalahatang sanggunian. Kaya, mapalad tayo dahil may isang publishing house na nagbibigay ng ganito sa mga katulad natin,” paliwanag ng ate. “At mapalad ako kasi masisipag, maunawain, at mababait ang mga anak,” sabi ng ina. “Kaya kahit mahirap lang tayo, nagsusumikap kayong makapagtapos ng pag-aaral.” “Oo naman po, Mama, kasi palagi ninyong sinasabi sa amin na ang edukasyon lang ang tanging maipapamana ninyo sa aming magkakapatid.” “Korek! Kaya, push na ito!” masayang sagot ng ina.

Tuesday, October 20, 2020

Puyos


Sa baryo Mapolot, ang lahat ay may kakaibigang pangalan. Hindi nga kilala si Apolonio dahil mas kilala siya bilang 'Puyos.' Halos lahat ng kapitbahay niya, kinakantiyawan siya. Madalas, mga kalaro niya tumutukso sa kaniya.

"Puyos, kailan ka ba magpapatuli?" tanong ng pinsan niyang si Ugis."

Puyos, malapit na ang bakasyon. Sasabay ka ba sa amin nina Manoy?" dagdag pa ni Saday.

"Bakit kasi ayaw mong magpatuli? Parang kagat lang naman ng langgam, e," sabi ni Andong. Natawa pa ang kuya niyang si Temyong, kaya sobra siyang nainis.

Kapag ang kaniyang ama naman ang tumutukso sa kaniya, parang gusto niyang umiyak. "Kakausapin ko na si Lolo Supoy. Ipapatuli ko na kayo," sabi ni Mang Eliseo kina Apolonio at Temyong.

Napalunok si Apolonio sa narinig.

"O, bakit para kang tinakasan ka ng dugo? Puyos ka talaga!"

"Ako po? Puwede nang magpatuli?" sagot ng anim na taong gulang na kapatid ni Apolonio, na si Angelo.

Natawa ang kanilang ama. "Naku, hindi pa. Liit ka pa, e. Sina kuya muna, ha? Mabuti pa si Angelo, hindi duwag sa dugo.

"Kapag naririnig ni Apolonio ang usapang pagtutuli, hindi na siya mapakali.

Isang araw, naabutan niyang naghahasa ng labaha sa ilog ang nag-iisang manunuli sa Baryo Mapolot.

"Bukas, may mga tutuliin ako. Sasabay ka ba?" tanong ni Lolo Supoy.

Namutla si Apolonio sa kaniyang narinig. Hindi makalabas ang kaniyang tinig.

"Mamaya, pagkatapos kong maghasa, gagawa na ako ng lukaw," sabi uli ng manunuli.

"Ano po ang lukaw?" tanong ni Apolonio.

"Ang lukaw ay isang pakawil na kahoy na may pinanipis na dulo at ang isang dulo ay itutusok sa lupa. Kailangan ko ring maghanda ng kahoy na pamukpok. Ang sanga ng bayabas ang pinakamagandang gawing lukaw at pamukpok."

"Hindi po ba kayo natatakot sa ginagawa ninyo?"

"Hindi naman nakakatakot ang pagtutuli at pagpapatuli. Ang totoo, nakabubuti ito sa kalusugan ng tao. Saka, tradisyon ito na dapat maranasan ng bawat lalaki. Ikaw, gusto mo bang tawagin kang puyos habambuhay?"

Napalunok si Apolonio. Napatingin lang siya kay Lolo Supoy at hindi siya nakasagot.

Sinipat-sipat ni Lolo Supoy ang kaniyang labaha. "O, handang-handa na labaha ko. Marami na namang puyos ang magbabago nito! Sige, iwan na kita... Punta ka uli rito bukas, ha?"

Tumango na lamang si Apolonio kahit hindi niya talaga gustong makakita ng tinutuli.

Sa kanilang bahay, naabutan niya ang kaniyang tatay at nanay na may ginugupit mula sa lumang damit.

“O, nandito na si Puyos," sabi ni Mang Eliseo.

"Anak, sumabay ka na kay Kuya Temyong mo bukas. Magpapatuli na siya kay Lolo Supoy," sabi naman ni Aling Nacion. "Heto o, tingnan mo." Ipinakita nito ang isang parisukat na tela, na may butas sa gitna.

"Ano po iyan?" tanong ni Apolonio. Hindi pa rin nawawala ang kabog sa kaniyang dibdib.

"Ito ang pamutpot. Ito ang ipambabalot sa ari ng bagong tuli."

"At ito naman ang panali," dagdag ng ama.

"Ano, handa ka na?" nakangiting tanong ng ina.

Napatingin na lang sa malayo si Apolonio.

"Naku! Puyos talaga! Ikaw na yata ang tagapagmana ni Lolo Supoy." Natatawa na lang ang ama.

"Eliseo, baka hindi pa nga siya handa. Puwede namang sa susunod na taon na siya. Sige na, Apolonio, pauwiin mo na ang kuya mo. Magpahinga na kamo para bukas may lakas siya," utos ng ina.

Naririnig pa rin niya ang tawanan ng kaniyang mga magulang. Lalo tuloy siyang naiinis sa sarili.

Kinabukasan, hindi na naman siya mapakali habang hinihintay ang kapatid na nagpatuli at habang hawak ang pamutpot at panali.

"Tuli na ako! Hindi na ako tatawaging puyos!" bungad ni Temyong habang hawak ang harapan ng salawal.

"O, ikaw, Puyos?"

Tuwang-tuwa ang kanilang mga magulang, habang hindi naman maipinta ang kaniyang kalungkutan.

"Kumusta, Temyong? Masakit ba?" tanong ng ina.

“Sobrang sakit po sa una, pero nang tumagal, hindi na, Hindi ako umaray," mayabang na sagot ni Temyong. "Tingnan niyo po, o!"

"Ay, huwag! Huwag mong ipakita sa akin kasi baka mangamatis iyan!" sawata ng ina.

Nagkatawanan pa sila, habang si Apolonio ay nagawa nang lumabas ng bahay. Wala sa loob siyang pumunta sa ilog.

Doon, nakita niya ang mga kabataang puyos na nagbababad sa ilog. Nakita niya ring nakaluhod na si Saday sa harap ni Lolo Supoy.

Maya-maya pa, tumawa nang tumawa ang mga batang nasa tubig habang iyak nang iyak at aray nang aray si Saday. Lalo tuloy siyang pinanghinaan ng loob.

Gusto rin niyang matawa sa mga kilos ni Saday, pero mas lamang ang takot at kaba.

"Sunod!" sigaw ni Lolo Supoy.

"Uy, Apolonio, magbabad ka na sa tubig para lumambot na!" bati nito sa kaniya.

“Ngumuya ka na rin ng dahon ng bayabas."

Binilang niya ang katulad niyang puyos na nasa tubig. Walo pa sila. Ang tantiya niya, umaabot ng lima hanggang pitong minuto ang pagtutuli. Naisip niyang umakyat muna ng bayabas sa bandang ilaya ng ilog.

Doon ay nakakuha siya ng dalawang hinog na bunga. Habang kumakain, nanguha na rin siya ng dahong talbos ng bayabas.

Mula roon, dinig niya ang bawat iyak at ang tawanan. Lalo siyang nakaramdam ng takot at kaba.

Nang bumalik siya, wala nang puyos ang nagbababad sa tubig. Isa na lang ang tinutuli ni Lolo Supoy."

Hindi na nila ako tatawaging puyos," bulong ni Apolonio sa sarili.

Pagkatapos, hinubad niya ang kaniyang salawal at damit, saka lumublob sa ilog.

"Araaaay! Tatay ko... Nanay ko! Ang sakit! Ang sakit!" sigaw ng puyos na tinutuli ni Lolo Supoy.

Natatawa na lamang si Apolonio sa kaniyang nakikita at naririnig. Pagkatapos, hinugasan niya ang mga dahon ng bayabas, saka isa-isang nginuya. Ang pambihirang lasa at amoy niyon ay nakapagbigay pa sa kaniya ng lakas ng loob.

"Ikaw na, Apolonio!" tawag ng manunuli.

Agad na lumapit si Apolonio pagkatapos magbihis.

"Ikaw ang huling puyos na sisigaw," biro ni Lolo Supoy.

Ngumiti lang siya at lumuhod sa harap ng lukaw. Siya na rin ang nagbaba ng kaniyang salawal.

"Akin na ang pamutpot at panali. Ang dahon ng bayabas, nasaan?

Itinuro niya ang kaniyang bibig. Natawa na lang sa kaniya ang manunuli.

Maya-maya pa, tahimik na ipinasok ni Lolo Supoy ang kawil sa pagitan ng ulo at balat ng ari ni Apolonio. "Huwag kang gagalaw para hindi matanggal sa lukaw."

Tumango lang si Apolonio at nag-abang. Hindi na niya tiningnan ang labaha ni Lolo Supoy. Naramdaman na lamang niya ang talim niyon nang ipatong ng manunuli sa balat ng kaniyang ari. Sa tulong ng dahon ng bayabas, hindi lumabas ang salitang 'aray' sa kaniyang bibig.

"Dalawa o tatlong pukpok lang ito, Apolonio. Uulitin ko, huwag kang gagalaw," utos ni Lolo Supoy, sabay angat sa pamukpok.

Pumikit na lamang si Apolonio at nag-abang.

Dalawang magkasunod na pukpok ang kaniyang naramdaman at narinig. Kasunod niyon ang kirot. Naisip niyang tama ang sabi-sabi, hindi iyon gaanong masakit lalo na kapag biglaan ang pagpukpok. Ngunit, nang sinilip niya ang kaniyang ari, tila may balat pang hindi nahiwa. Pumikit uli siya at pinakiramdaman ang sakit ng paghiwa. "Akin na ang bayabas," sabi ni Mang Noli.

Halos mangalahati na lang ang nginuyang bayabas na ibinigay ni Apolonio kay Lolo Supoy. Kinailangan pang ngumuya uli nito ng ilan pang dahon.Ramdam ni Apolonio ang sakit habang inilalagay na ni Lolo Supoy ang nginuyang dahon ng bayabas sa kaniyang sugat. Ngunit namayani sa kaniya ang tuwa dahil sa wakas, mababaon na sa limot ang pangalan niyang Puyos. Gusto niyang maiyak, hindi sa sugat, kundi dahil nagawa niyang talunin ang takot.Pagkatapos niyon, isinuot na ni Lolo Supoy ang pamutpot sa ulo ng ari ni Apolonio at itinatali ang bawat kanto niyon sa puno ng ari.

"Hindi ka na puyos. Tuli ka na!" bati ni Lolo Supoy.

"Maraming salamat po!"

Tinapik-tapik ni Lolo Supoy ang kaniyang balikat.

"Hihingi na lang po ako ng sigarilyo kay Papa. Ibibigay ko po sa inyo. Bayad.”

Natawa ang manunuli. "Naku, huwag na. Libre ang tuli. Tulong ko ito sa mga puyos... Sige na, uwi ka na. Huwag ka munang kilos nang kilos. Bawal magbuhat at tumalon-talon."

"Opo! Salamat po uli." Paika-ikang naglakad pauwi si Apolonio.

Sa kanilang bahay, ginulat niya ang kaniyang mga magulang at kapatid. "Ikaw na lang Angelo ang puyos," biro niya.

Sa unang pagkakataon, humanga sa kaniya si Mang Eliseo. "Ang tapang mo, Anak! Hindi pala ikaw ang tagapagmana ni Lolo Supoy," sabi nito.

"Gusto ko pong maging doktor, pero hindi po ako manunuli. Manggagamot po ako ng may sakit," paliwanag ni Apolonio.

Nagtinginan at nagtawanan sina Aling Nacion at Mang Eliseo.

"Atin-atin lang ito, mga anak, ha?" sabi ng ama.

"Ano po iyon?" tanong ni Apolonio.

"Si Lolo Supoy ang orihinal na puyos ng Baryo Mapolot."

Nagagap ni Apolonio ang kaniyang bibig, habang nagtatawanan sina Angelo at Temyong. Hindi nagtagal, natawa na rin siya.

 

Sunday, October 18, 2020

Ang Bonsai ni Lolo

Ang Bonsai ni Lolo Nasa hardin si Lolo Nestor nang dumating si Isay. “Lolo, ang ganda naman niyang hawak niyo!” bungad ng apo. “Ay! Butiki! Nakakagulat naman itong apo ko!” “Sorry po, Lolo Nestor.” “Ito ang tinatawag na bonsai,” paliwanag ng lolo. Dalawampung taon na ito sa akin.” “Po? Mas matanda pa po pala iyan sa akin? Bakit ang liit-liit po niyan? Paano po iyan nabubuhay sa ganiyang kaliit na paso? Bakit hindi po lumalaki?” Natawa ang matanda. “Teka lang, Isay. Hinay-hinay… Okay. Isa-isahin ko ang tanong mo. Umupo ka riyan.” Nang nakaupo na si Isay, ipinatong naman ni Lolo Nestor ang bonsai sa garden set, kung saan sila magkaharap na nakaupo. “Mas matanda nga ito sa iyo ng mahigit-kumulang walong taon. Maliit talag ito dahil ang bonsai ay salitang Hapon, na nangangahulugang ay isang pandekorasyong puno na pinigilang maabot ang normal na laki nito. Nabubuhay ito sa ganitong kaliit na paso dahil inaalagaan ko. Hindi ko ito pinalalaki gaya ng normal o natural na laki ng isang puno… Hayan! Nasagot ko ba ang mga tanong mo?” Saglit na nag-isip ang apo. “Opo! Pero may tanong pa po ako.” “Ano iyon?” Ngumiti muna si Isay. “Ano po ba ang kasiyahang nakukuha ninyo sa pag-aalaga ng bonsai?” “Magandang tanong iyan, Isay! Alam mo bang parang hindi ko nararamdamang dumaragdag ang edad ko dahil dito o sa pagbo-bonsai.” Natawa si Isay. “Oo nga po, Lolo Nestor! Kahit po sixty-five years old na po kayo, para po kayong fifty.” “Naku naman itong apo ko, napakabolera.” “Hindi naman po. Totoo po ang sinasabi ko. Para po kayong bonsai na ito. Matanda na, pero mukhang bata pa.” Lalong natawa ang lolo. Lalo rin niya itong ikinabata. Kay gandang tingnan ng lolong ngumingiti o tumatawa. May narinig silang ingay sa loob ng kanilang bahay. “Nandiyan na pala ang mga pinsan mo,” sabi ni Lolo Nestor. “Kaya nga po. Sige po, doon na po kami maglalaro baka po makasira kami ng mga pananim ninyo. Salamat po!” “Mabuti pa nga, Isay.”

Ang Sikreto ng Hardin

Ang Sikreto ng Hardin Naabutan ni Romulo ang kumpare niyang si Antonio, habang ito ay nasa hardin. Napansin ni Romulo na iniipon ni Antonio ang mga tuyong dahon. “Ano’ng gagawin mo sa mga tuyong dahon na iyan?” tanong ni Romulo. “Ito ang sikreto ng aking hardin!” tugon ni Pareng Antonio. Naging interesado si Romulo sa sinabi ng kumpare. “Saan mo ba itinatapon ang mga nabubulok ninyong basura?” tanong ni Pareng Antonio. “Doon sa likod ng bahay namin, Pare,” tugon ni Romulo. “Alam mo ba? Maaari kang gumawa ng compost mula sa mga pinagbalatan ng prutas at gulay, gayundin ng mga dahon. Ang compost ay abono, galing sa nabulok na organikong materyal. “Talaga? Paano ba gawin iyon?” “Madali lang naman. Ganito... Maghukay ka sa bakanteng lote ninyo. Ang tawag sa hukay na magagawa mo ay compost pit. Doon mo itatapon ang mga basurang nabubulok. Alam mo naman ang mga biodegradable, ‘di ba?” “Oo… at bawal ilagay roon ang mga plastic, bote, lata, bakal, at iba pang hindi nabubulok na basura.” “Tama ka riyan!” “Compost ba ang mga gamit mong pataba sa mga halaman mo rito?” “Oo, dahil sa compost kaya ang lulusog ng mga ito. Tingnan mo, para ang sasaya nila, ‘di ba?” “Oo nga. Hayaan mo, gagayahin kita. Salamat sa ideya! Alam ko na ng sikreto mo.” “Walang anoman!” Pagkatapos ay natawa na lamang sila.

Ang Pinakabatang Plantita

Ang Pinakabatang Plantita Margarita: Hello, Tita Aurea! Ang gaganda na po ng halaman ninyo! Tita Aurea: Hello, Marge! Oo nga… nakakawala kasi ng problema ang mga halaman. Margarita: Iyan din po ang sabi Mama. Tita Aurea: Tama ang Mama. Naku! Ang hilig din niyon sa gardening. Margarita: Sinabi niyo pa po... Nahihilig na rin po siya ngayon sa cactus and succulents. Tita Aurea: Ay, oo! Maganda ang CNS. Less ang pag-aalaga. Margarita: Tita, ano succulent din po ba ito? Tita Aurea: Snake plant? Yes, succulent din iyan. Margarita: Ang gaganda po ng snake plants ninyo! May apat po yatang ganiyan si Mama. Tita Aurea: Ako, bale sampung variety na. Teka, bibigyan ko ang mama mo. Alin ba sa mga narito ang mayroon siya? Margarita: Ito po, wala siya. Ito, meron siya. Iyon po ang wala siya. Iyong nasa puting paso po. Tita Aurea: Sige, kukuha ako ng suhi… Margarita: Sige po. Sigurado po akong matutuwa niyan si Mama. Tita Aurea: O, heto… Pakisabi kay Mare, semi-rare pa ito. Sanseviera Kirkii Coppertone. Margarita: Salamat po! Ang ganda nga po nito. Para itong kinakalawang. Ganito po ba talaga ang kulay nito? Tita Aurea: (Natawa) Oo, ganiyan talaga. Nakamamangha talaga ang mga likha ng Diyos. Margarita: Totoo po. Para nga pong mahihilig na rin po ako sa paghahalaman. Tita Aurea: Wow! Go! Baka ikaw na ang pinakabatang plantita! Nagtawanan ang dalawa. Batid nilang pareho ang ganda ng likha

Mayaman sa Hangin

Simula nang nagkaroon ng pandemya, lalong nahilig si Aling Cora sa paghahardin. Katuwang niya ang kaniyang mga anak sa pag-aalaga ng kanilang mga halaman. Mayroon silang mga gulay, bungang-kahoy, at halamang ornamental. "Carlo, pakikuha nga riyan ng shovel," utos ng ina sa panganay na anak. "Saan po ba rito?" "Diyan ko lang nilagay iyon kahapon." "Wala po talaga, e. Gloves lang po at mga paso lang ang narito. Baka po nandoon sa loob." "Pakitawag mo nga si Clara," utos ng ina. "Clara, tawag ka ni Mama," pasigaw ni Carlo. "Sandali lang po," sagot ng bunso. "Nandito po kasi ako sa banyo." Naghintay sina Aling Corazon at Carlo kay Clara at nang dumating ito, hawak na nito ang hinahanap ng ina. "Ito po ba ang hinahanap ninyo?" nakangiting tanong ni Clara. "Iyan nga! Nariyan lang pala sa iyo. Akin na nga't may huhukayin ako rito." Agad na lumapit si Clara upang iabot ang shovel. "Heto po." "Ililipat ko itong palmera sa malaking paso. Tulungan ninyo ako, ha?" "Sige po... Kuya, halika muna rito sandali. Ikaw na ang maghukay. Kami na ni Mama ang maglipat sa paso," sabi ni Clara. Agad namang kumilos si Carlo. Hindi niya alintana ang hirap niyon dahil alam niyang mapapasaya niya ang kanilang ina. "Hayan! Malapit na!" tuwang-tuwang bulalas ng ina. Teka, kukuha na ako ng paso para mailagay mo na diretso." Agad na nakabalik si Aling Cora. May dala na siyang malaking terracota pot. "Dito bagay iyan, di ba, Clara?" "Opo, ‘Ma. Maganda ang pasong ito. Ganito rin po ang paso na nakikita ko sa bahay ng mayayaman." "E, ‘di... mayaman na rin pala tayo nito?" biro ng ina. "Yes po. Mayaman po tayo sa halaman," sabi naman ni Carlo. "Hindi lang iyon... Mayaman tayo sa oxygen kasi mas maraming halaman at puno, mas sariwa at malinis ng hangin. Hayan o, naaamoy ko ang simoy ng hangin." Suminghot-singhot pa ang ina. "Try niyo, dali!" Suminghot-singhot din ang magkapatid. "Ay, oo nga po! Ang sarap!" natatawang sabi ni Carla. Nagkatawanan na lang silang mag-iina. Lalo nilang napatunayan na hindi naman mahirap magtanim. Bagkus, ito ay nakawiwiling gawain.

Saturday, October 17, 2020

Matalik na Magkaibigan

Si Kelvin, isang Ikaapat na Baitang, ay hindi mahilig mag-aral. Hilig niyang asarin ang kaniyang mga kaklase, lalo na ang kanilang class president. "Putol ang paa, naglalakad mag-isa." Kinakanta niya ito nang madalas. Walang ideya ang kanilang guro na kinakanta niya ito upang inisin si Vaughn, hanggang sa makita niya nitong umiiyak. Pinagsabihan ng guro si Kelvin na itigil ang pambu-bully sa kaniyang mga kaklase lalo na kay Vaughn. "Hindi mo dapat biruin ang nanay niya dahil hindi mo siya kilala. Humingi ka ng tawad kay Vaughn at ipangako mo sa amin na hindi mo na ito uulitin," sabi ng guro. Humingi ng paumanhin si Kelvin at nangako rin siyang hindi na niya iyon uulitin. Gayunpaman, hindi nagbago si Kelvin. Inaasar pa rin niya si Vaughn. Narinig at nakitang muli iyon ng kanilang guro. Nalaman niya ang pang-aasar ay nagsimula nang si Kelvin ay hindi nanalo bilang pangulo ng klase dahil si Vaughn ang nakakuha ng karamihan ng mga boto mula sa kanilang mga kamag-aral. "So, nagseselos ka lang sa posisyon ni Vaughn?" sabi ng kanilang guro nang makausap nila ang dalawang magkaaway na lalaki. "Gusto mo bang maging pangulo ng klase ngayon?" "Hindi po, Ma’am!" sagot ni Kelvin. "Kung ganon, ano ang problema mo kay Vaughn?" galit na tanong ng guro. "Hindi na normal ang ugali mo. Gusto kong makausap ang magulang mo bukas." Nagsusumamo ni Kelvin. Magagalit daw ang kaniyang mga magulang kung malalaman ang tungkol sa kaniyang pag-uugali. Gayunpaman, ang desisyon ng guro ay buo na. Inaaasahan niyang darating ang mga magulang ni Kelvin sa Biyernes. Hindi pumasok sa paaralan si Kelvin kinabukasan upang maiwasan ang pagdala ng kaniyang mga magulang. Alam niyang hindi na maaalala ni Ginang Soliven ang napag-usapan nila. Linggo ng umaga, si Kelvin at ang kaniyang pamilya ay nagpunta sa zoo para mamasyal. "Mommy, bakit ba palagi tayong pumupunta rito? Sawa na ako sa lugar na ito!" sabi ni Kelvin "Kelvin, hindi ito tungkol sa lugar," mahinahong tugon ng ina. "Tungkol po saan? Gusto kong pumunta sa isang theme park!" Nagmamaktol ang tono ng boses ni Vaughn. Pagkatapos, tinalikuran niya sa kaniyang mga magulang. Sinundan pa rin ni Kelvin ang kaniyang mga magulang at ang kaniyang kuya habang naglalakad sila. Humihinto siya nang huminto at nagkukunwaring tumitingin sa mga hayop upang iwasan ang mga ito. "Kelvin, halika rito!" tawag ang ama. Maya-maya, nanginig siya sa takot nang makita ang kaniyang pamilya habang kasama ang ina ni Vaughn. Hindi niya akalain na papagalitan pa rin siya sa kahit nasa zoo sila. Sa kabila ng pag-alog ng kaniyang tuhod at kakila-kilabot na tibok ng puso, nagawa niyang lumapit at batiin si Ginang Senia. "Kumusta ka, Kelvin?" bati ni Aling Senia. "M-mabuti po." Binigyan siya ni Aling Senia ng matamis na ngiti, kaya nakaramdam siya ng pagkaawa para kay Vaughn sa mga ginagawa niya rito. "Ito na siguro ang araw…" sabi ng kaniyang ina. "Tama!” Inakbayan siya ng ina. "Kelvin, tingnan mo ang paa ni Ginang Senia… Alam mo ba kung anong nangyari sa kaniya?" Mas lalong kinabahan si Kelvin. "Hindi po, Ma..." "Anim na taon na ang nakalilipas, nang iligtas ka niya mula sa posibleng pag-atake ng buwaya na iyon. Muntik ka nang mawala sa amin ng Papa mo," deklara ng ina habang itinuturo nito ang isang sampung talampakang buwaya. "Narito tayo ngayon upang magpasalamat sa kaniya… Magpasalamat ka sa kaniya." Namangha at natuwa si Kelvin. Niyakap niya kaagad si Ginang Senia at nagpasalamat. Halos maiyak siya sa kaniyang reaksiyon, ngunit walang nagtanong kung bakit. Nang pumasok siya sa paaralan kinabukasan, humingi siya ng kapatawaran kay Vaughn. Pinatawad naman siya nito. Naging matalik na magkaibigan na sina Kelvin at Vaughn simula noon. Sinuportahan na rin nila ang anti-bullying campaign sa kanilang silid-aralan at kalaunan sa campus ng paaralan.

Mga Naging Pangulo ng Pilipinas

Mga Naging Pangulo ng Pilipinas Sa kasalukuyan, labinlimang pangulo na ang naninilbihan sa ating bansa. Sa kalukuyan, si Pangulong Rodrigo R. Duterte ang pinuno ng ating bansa. Siya ang ika-16 na pangulo ng Republika ng Pilipinas. Kilalanin natin ang mga naging pangulo ng Pilipinas. Si Emilio Aguinaldo ang unang pangulo. Nanilbihan siya sa bansa simula Enero 23, 1899 hanggang Marso 23, 1901. SI Manuel L. Quezon ang ikalawa. Nanmuno siya noong Nobyembre 15, 1935 hanggang Agosto1, 1944. Si Jose P. Laurel ang ikatlo. Siya ay naging pangulo ng bansa nong Oktubre 14, 1943 hanggang Agosto 17, 1945. Si SergioOsmeña Sr. ang ikaapat na pangulo. Siya ay nanungkulan sa bansa noong Agosto 1, 1944 hanggang Mayo 29, 1946. Si Manuel A. Roxas ang ikalimang pangulo. Nagsilbi siya simula Mayo 29, 1946 hanggang Abril 15, 1948. Si Elpidio Quirino ang ikaanim. Siya ay nanungkulan sa bansa noong Abril 17, 1948 hanggang Disyembre 30, 1953. Si Ramon Magsaysay ay ang ikapitong pangulo. SIya ay naluklok noong Disyembre 30, 1953 at nagtapos ito noong Marso 17, 1957. Si Carlos P. Garcia ang ikawalong pangulo. Siya ay namuno noong Marso 18, 1957 hanggang Disyembre 30, 1961. Si Disodado Macapagal ang ikasiyam na pangulo. Siya ay namuno simula Disyembre 30, 1961 hanggang Disyembre 30, 1965. Si Ferdinand E. Marcos ang ikasampung pangulo. Siya ay ang may pinakamahabang taon ng panunungkulan—simula Disyembre 30,1965 hanggang Pebrero 25, 1986. Si Corazan C. Aquino ang ikalabing-isang pangulo. Siya ay nanilbihan sa simula Pebreo 25, 1986 hanggang Hunyo 30, 1992. Si Fidel V. Ramos ang ikalabindalwang pangulo. Siya ay nahalal noong Hunyo 30, 1992 at nagtapos ang termino noong Hunyo 30, 1998. Si Joseph E. Estrada ang ikalabintatlong pangulo. Siya ay namuno noong Hunyo 30, 1998 hanngang Enero 20, 2001. Si Gloria M. Arroyo ang ikalabing-apat na pangulo. Siya ay naluklok noong Enero 20, 2001 at bumaba noong Hunyo 30, 2010. Si Benigno S. Aquino III ang ikalabinlimang pangulo. Siya ay umupo simula Hunyo 30, 2010 hanggang Hunyo 30, 2016. At ang kasaluluyan nating pangulo ay si Pangulong Duterte, na siyang ikalabing-anim, ay nanalo sa eleksiyon at nagserbisyo sa bayan noong Hunyo 30, 2016. Ang bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang paraan ng pamumuno. Kung sino ang “pinaka,” kayo na ang humusga.

Metamorphosis

Metamorphosis Ang buhay ng paruparo ay may apat na bahagi. Halina’t tuklasin natin ang tinatawag na metamorphosis. Ang isang paruparo ay simula sa napakaliit na itlog. Karaniwang matatagpuan ito sa ibabaw ng dahon ng mga halaman. Ang itlog ng paruparo ay mapipisa sa loob ng dalawa hanggang apat (2-4) na araw. Pagkatapos nito, ang itlog ay magiging larva. Unti-unti siyang lalaki at magiging ganap na caterpillar o ang uod. Sa loob ng sampu hanggang labing-apat (10-14) na araw, kakain ito nang kakain ng dahoon upang maging pupa o chrysalis. Ito ay matigas na nakabalot sa isang pupa bago ito maging paruparo. Ang pupa ay magtatagal sa ganoong kondisyon sa loob ng sampu hanggang labing-apat (10-14) na araw bago ito tuluyang maging paruparo, na kawangis ng paruparong nag-iwan ng itlog sa dahon. Iyan ang apat na yugto ng metamorphosis ng paruparo. Cool, ‘di ba?

Pananakop sa Pilipinas

Nagsimula ang kasaysayan ng Pilipinas nang dumating ang mga sinaunang tao sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga tulay na lupa 67,000 taon na ang nakalilipas. Magkakaiba ang panahon at paraan ng pagdating at pamumuhay ng mga pangkat ng mga sinaunang tao. Namuhay sila ng malaya at sagana dahil sa likas na yaman ng bansa. Ito ang protohistorikong panahon ng mga Pilipino. Ang pagkakatuklas ni Ferdinand Magellan sa Pilipinas ang nagbigay-daan sa panibagong yugto ng mga Pilipino. Naitala ang pagbisita ni Magellan sa pulo ng Homonhon, sa timog-silangan ng Samar noong ika-16 Marso 1521. Nagtayo sila ng mga permanenteng tahanan sa Cebu. Kasabay nito ang ekspedisyon ni Miguel López de Legazpi noong 1565. Kaya naman, nabuo ang kolonisasyon ng Espanya sa Pilipinas. Nagtagal ito ng 333 taon. Dahil sa pagkamulat ng mga Pilipino, nagsimula ang rebolusyon laban sa Espanya noong Abril ng 1896. Nabuo ang mga himagsikan, kabilang ang Katipunan. Pagkaraan ng dalawang taon ng pakikipaglaban ng mga Pilipino, nagtagumpay silang makamit ang kalayaan at ang pagkatatatag ng Unang Republika ng Pilipinas, sa tulong ng ilang mga sundalong Amerikano. At noong hunyo 12, 1898, idineklara ang Kalayaan ng Pilipinas. Ang pananakop ng mga Amerikano sa bansa ay kasunod na nangyari Dahil sa Kasunduan sa Paris, nailipat sa Estados Unidos ang pamamahala sa Pilipinas noong Disyembre ng 1898. May iilang Pilipino naman ang naging bahagi ng pamahalaan, lalo na noong 1905. Noong 1935, naghanda ang mga Pilipino para sa isang ganap na kalayaan mula sa Estados Unidos, na nakamit naman noong 1945. Noong Hulyo, 1946 naging ganap na ang kalayaan ng Pilipinas. Nagsimula ang pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas noong 1941 at nagwakas noong 1945. Ito ay naganap noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Binomba ng hukbo ng mga sundalong Hapones ang Pilipinas noong Disyembre 8, 1941. Nagtagal nang tatlong mga taon ang pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas. Nagtatag sila ng isang dummy government, na ang nagsisilbing pangulo ay si Jose P. Laurel. Sa tulong nga mga sundalong Amerikano sa pangunguna ni Heneral Douglas McArthur, noong Oktubre 1944, nagsimula ang digmaan ng pagpapalaya sa Pilipinas mula sa mga Hapones. Noong Agosto 10, 1945, sumuko na ang mga Hapones. At noong1946 hanggang sa kasalukuyan, ang bansa ay tinawag nang Republika ng Pilipinas.

Si Andres Bonifacio at ang KKK

Si Andres Bonifacio at ang KKK Si Andres Bonifacio ay Pilipinong rebolusyonaryo at bayaning nagtatag ng Kataastaasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK), isang lihim na katipunang nakipaglaban sa mga mananakop na Espanyol. Siya ang isa sa mga unang nagkaroon ng malinaw na pananaw sa pagkakaroon ng kalayaan ang Pilipinas. Siya ay kinikilalang ‘Ama ng Himagsikan at Rebolusyong Pilipino.’ Siya ay bantog sa tawag na Supremo. Siya ay ipinanganak noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa Tondo, Maynila. Sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro ang kaniyang mga magulang. Lumaki siya sa mahirap na pamilya. Hindi naging madali ang buhay niya lalo na nang pumanaw ang kaniyang mga magulang noong 14-anyos pa lang siya. Dahil dito, natigil siya sa kaniyang pag-aaral. Sa kabila ng kakulangan niya sa pormal na edukasyon, nagsumikap siyang matutong magbasa at magsulat wikang Espanyol at Tagalog sa pamamagitan ng pagsasariling-sikap. Naging dahilan ito upang matanggap siya bilang clerk-messenger sa isang kompanyang Aleman. Mahilig magbasa si Bonifacio. Naging interesado siya sa klasikong kanluraning rasyonalismo at mahilig magbasa ng mga gawa nina Victor Hugo, Jose Rizal, at Eugene Sue. Kahanga-hanga rin ang interes niya sa mga libro tungkol sa French Revolution at ang mga buhay ng mga presidente ng Amerika. NAgresulta ito sa pagkakaroon niya ng malalim na hangarin na magbago ang kalagayan ng mga Pilipino sa pagiging kolonya ng Kastial. Napasali siya sa La Liga Filipina. Ang La Liga Filipina ay isang samahang itinatag ni Jose Rizal noong Hulyo 3, 1982. Layunin nitong pagkaisahin ang mga Pilipino upang magkaroon ng reporma, maayos na edukasyon, kooperasyon, at malayang bansa. Noong ika-7 ng Hulyo, 1892, apat na araw pagkatapos ng pagkatatatag ng La Liga Filipina, itinuloy ni Bonifacio ang pakikibaka sa pamamagitan ng pagbuo ang Katipunan sa bahay ni Deodato Arellano sa Calle Azcarraga, Maynila. Isinagawa nila rito ang sandugo. Ito ay isang pangako ng pag-ibig at kapatiran sa bawat kababayan. Naniniwala ang mga kasapi ng Katipunan na makakamit lamang ang tunay na kaginhawaan at kalayaan kung ang mga tao ay may mabuting kalooban para sa bawat isa. Dito na rin niya tinanggap ang titulong ‘Supremo.’ Noong ika-19 ng Agosto, 1896, natuklasan ng mga Espanyol ang Katipunan. Nakatakas naman si Bonifiacio at iba pang mga Katipunero sa Manila mula sa paghahanap ng mga Espanyol. Nakarating sila sa isang baryo sa Caloocan, Balintawak. Bitbit lang bolo, sibat, paltik, at ilang mga lumang Remington rifle, nagpulong ang mga Katipunero noong Agosto 24, 1896. Ang pagdalo 500-1,000 katao ay naging hudyat ng magandang simula ng himagsikan. Dito na isinagawa ‘Ang Sigaw sa Balintawak,’ na kilala rin sa tawag na ‘Ang Sigaw ng Pugad Lawin.’ Sa kalagitnaan ng pulong, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng salungat at pabor sa pag-aalsa. Dala ng galit, nasambit ni Bonifacio ang linyang ito: "Kalayaan o kaalipinan? Kabuhayan o kamatayan? Mga Kapatid, halina't ating kalabanin ang mga baril at kanyon upang kamtin ang sariling kalayaan." Pagkatapos nito’y pinunit niya ang kaniyang cedula at sumigaw ng “Mabuhay ang Katipunan!” Ang pagsuway na ito ng Katipunan sa mga Kastila ay naging isa sa mga pinakamainam sa araw sa kasaysayan ng Pilipinas. Noong ika-30 ng Agosto,1896, pinamunuan ni Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang paglusob sa El Polvorin sa San Juan. Ito ay imbakan ng pulbura at estasyon ng tubig. Nagawa itong makuha ng mga katipunero, kahit binabantayan ito ng mga armado at bihasang kawal ng Espanyol. Gayunpaman, mahigit 150 Katipunero ang nasawi sa labanan. Ang tagumpay na iyon ay umalingawngaw sa buong bansa, kaya ang bayan ng San Juan del Monte ay naging isang pambansang simbolo ng pagkakaisa, kalayaan, a banal na lugar ng lakas ng loob ng mga Pilipino.

Leonardo: Kuyang-Kuya

Sa apat na magkakapatid, si Leonardo ang pinakapanganay. Napakaresponsable niya bilang anak at kapatid. Kuyang-kuya talaga siya! Simula kasi nang bawian ng hininga ang kanilang padre de pamilya dahil sa aksidente, siya na ang tumatayong ama. Nahinto na siya sa pag-aaral upang tulungan ang kanilang ilaw ng tahanan sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Tumutulong siya sa pagtitinda ng gulay sa palengke. Bunga nito, marami ang naaawa sa kaniya. Marami rin naman ang nagpapayong bumalik siya sa pag-aaral. Sa ngayon, hindi pa ang pagtatapos ng pag-aaral ang nasa puso niya. Gusto na muna niyang mapag-aral ang kaniyang kapatid. Nais kasi niyang tuparin ang bilin sa kaniya ng ama bago ito sumakabilang-buhay. Naniniwala siyang hindi sa pag-aaral magtatagumpay ang isang tao. Lagi niyang sinasabi sa kaniyang mga kapatid na, ang pagiging masaya at kuntento sa buhay ay maituturing nang tagumpay.

Hilaw na Sinaing

Nagpaalam si Aling Moring sa kaniyang tatlong anak na sina Kate, Kane, at Kale. Mamamelengke lang daw siya. Ibinilin niya kay Kate ang sinasaing niya. Ibinilin naman niya kay Kane na tingnan-tingnan ang kapatid na si Kale. Ilang minuto ang lumipas pagkatapos makaalis ang ina, dumating ang kaibigan ni Kane. Nagyaya itong umalis sila. “Isama mo si Kale kung aalis ka,” galit na sabi ng ate. “Mangunguha kami ng mangga. Ikaw na ang bahala sa kaniya. Luto na naman yata ang sinaing, e,” tugon ni Kane. “Hindi pa nga, e. Kailangan ko pang bantayan.” “Basta, bahala ka na!” mabilis na umalis si Kane at ang kaibigan nito. Inis na inis si Kate sa kapatid, pero wala siyang nagawa kundi ang bantayan ang kapatid at ang sinaing. Okay na sana ang lahat, kung hindi lang umiyak si Kale. Masakit daw ang tiyan nito sa kinaing mangga na dala ng kaibigan ni Kane. Kaya sa halip na sinaing ang asikasuhin ni Kate, ang kapatid ang inintindi niya. Pagdating ng ina, nakita nitong hindi maayos ang pagkakaluto ng kanin. Katakot-takot na sermon ang narinig ni Kate. Sinisi pa siya ng ina sa kabila ng kaniyang pangangatuwiran. Inis na inis naman siya sa kapatid. Naisip niya tuloy gumanti sa ibang paraan. Pero, sa bandang huli, binawi niya iyon dahil lalo silang hindi magkakasundo. Bilang ate, naisip niyang, ipaunawa kay Kane ang kasalanan nilang dalawa. Inunawa niya lang din ang kaniyang ina.

Si Monay

Simula nang mamatay si Lolo Ramos, nagpagala-gala na ang aso niyang si Monay. Madalas ko siyang makita sa basurahan na nanginginain doon. Minsan, kapag nagagawi) siya sa bahay naming, pinakakain ko siya. Ipinagtitira ko talaga siya ng pagkain dahil minsan, hindi naman kayang ubusin ng alaga naming aso. Tumagal, naging marungis si Monay. Kinatatakutan na rin siya ng aking mga kapitbahay. Pinalalayo nga siya ng iba dahil baka raw makakagat. Bihira ko na nga siya makita. Isang gabi, nagsigawan ang mga kapitbahay naming dahil nilooban daw sila ng magnanakaw. Sumuot ito sa dating bahay ni Lolo Ramos. Ilang sandali pa ang lumipas, narinig at napansin nila ang malakas na pagkahol ni Monay sa dati nitong tahanan. Tinatahulan pala nito ang magnanakaw at handang mangagat kapag ito ay kumilos. Sa mga sandaling iyon, humanga ang lahat sa ipinakitang tapang ni Monay. Kaya, nagdesisyon ang kapitan ng aming barangay na isali at gawin si Monay bilang barangay aso. Magiging kasa-kasama na siya ng mga barangay tanod sa pagpapatrolya at pagroronda tuwing gabi.

Pananampalataya

Napakahalaga sa mga Pilipino ang kanilang pananampalataya. Sa katunayan, binubuo ng 85% ang mga Kristiyano sa Pilipinas. Malaking porsyento rito ang Katolisismo. Makikita ang masidhing pananampalataya ng mga Katolikong Pilipino sa dami ng tao sa mga simbahan tuwing Linggo, hilig sa pagdarasal, pagpapahalaga sa moralidad, pagdiriwang ng mga pista, at pagsasagawa ng mga ritwal tuwing Semana Santa. Masasabing ang Katolisimo ay hindi lamang relihiyon at pananampalataya. Ito ay isang kultura.

Kasipagan

Numero uno sa kasipagan ang mga Pilipino. Saanman magtrabaho, lagi nating ipinapakita ang ating kasipagan. Kaya naman, paborito tayo ng mga ibang bansa bilang kanilang empelyado. At kahit sa sarili nating bansa o tahanan, tunay tayong may kasipagan. Lagi tayong determinadong tapusin ang bawat gawain. Anomang uri ng trabaho, masaya nating ginagawa at may kasipagan nating tinatapos. Lagi nating isinasaalang-alang na sa kasipagan ay may magandang kinabukasang nag-aabang para sa ating sarili, sa pamilya, at sa bayan. Ang mga Pilipino ay talagang hanep sa kasipagan!

Masiyahin ang mga PIlipino

Isang katangian ng mga Pilipino ang pagiging masiyahin at palabiro. Marunong magbiro ang mga Pilipino sa kahit anong sitwasyon. Madali tayong makatakas sa sakit na dulot ng krisis at problema dahil tayo ay palatawa, palangiti, at palabiro. Kahit hindi angkop sa situwasyon ang pagbibiruan, sinasalamin nito ang pagiging mayasahin at determinado ng mga Pilipino sa harap ng kahirapan, sakuna, kalamidad, at anomang pagsubok sa buhay. Kaya, para sa mga Pilipino, ‘Tawanan na lang ang problema.’

Palabra de Honor

Sinabihan ka na ba ng “Wala kang palabra de honor!”? Kung oo, tiyak akong may sinabi o pangako kang hindi mo natupad. Ang palabra de honor ay katumbas ng ‘may isang salita.’ Ibig sabihin, ito ay pagtupad sa pangako o sinabi. Isang kaugalian nating mga Pilipino ang manalig sa salita o pangako ng ating kapuwa, gayundin ang pagtupad nito. Kaya nga, kung wala kang palabra de honor, para ka na ring sinungaling.

Pagtanaw sa Utang na Loob

“Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.” Ito na yata ang motto nating mga Pilipino dahil tayo ay tumatanaw ng utang na loob. Hindi natin kinalilimutan ang taong tumulong sa atin sa oras ng ating pangangailangan, gayundin ang maliit o malaking tulong na kaniyang nagawa. Kaya sa oras na siya naman ang mangailangan, tayo rin ang tutulong sa kaniya. Magkaiba man ang paraan ng pagtulong, ang pagtanaw sa utang na loob ay iisang paraan lang. Ang pagpapasalamat at patuloy na pagpapakabuti sa taong tumulong sa atin ay isang uri ng pagtanaw ng utang na loob. Hindi raw ito nababayaran, pero matutumbasan pagdating ng panahon. Patuloy lang nating lingunin kung saan tayo nagmula at kung sino ang mga naroon noong panahong hindi ka pa nakakaabante.

Pakikisama

Ang mga Pilipino ay mahusay makisama sa kapuwa. Maraming banyaga, na nakarating na sa ating bansa, ang nagsasabing mahusay tayong mga Pilipino sa pakikisama. Kahit ang kapuwa natin ay nakakapagsabi rin. Totoo naman kasing magagaling tayong makisalamuha. Ginagawa natin ang lahat upang hindi tayo magkaroon ng alitan, sama ng loob o inis sa kapuwa natin. Tinitiyak natin na puro magagandang salita lamang ang masasabi ng ating kapuwa tungkol sa atin. Minsan pa nga, nagiging sobrang mapagbigay na tayo. Sa ngalan ng pakikisama, kampeon ang mga Pinoy riyan! Tataki to ng ating bayan.

Ang Pasko sa Pilipinas

Ang Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko. Isang patunay rito ay ang Simbang gabi. Ang simbang gabi ay tradisyon ng mga Pilipino tuwing Disyembre. Nagdaraos ng Santa Misa ang mga Katolikong simbahan tuwinng madaling araw ng Disyembre 16 hanggang Disyembre 24, bago magPasko. Tinatatawag din itong Misa de Gallo dahil ang pagtilaok ng lalaking manok o tandang ang gumigising sa bawat pamilyang Pilipino upang magsimbang gabi. Tunay ngang kay haba ng pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas!

Pamamanhikan

Ang pagpapakasal noon ay isang malaking pagdiriwang, kaya pinag-uusapan ito ng magkabilang pamilya. Minsan pa nga ay kasama pa ang punong barangay o iba pang maimpluwensiyang tao. Dumadaan muna sa pamamanhikan bago ang kasalan. Ito ay isang pagtitipon ng dalawang pamilya upang pagkasunduan ang petsa, lugar, mga ninong, ninang, abay, at gastusin sa pagpapakasal ng dalawang nag-iibigan. Kadalasan, may malaking salusalo sa araw ng pamamanhikan. Hindi pa ito ang kasal, kaya mas kaabang-abang ang araw ng pag-iisang-dibdib. Ang pagpapakasal noon ay hindi lang desisyon ng magpapakasal. Pinag-uusapan ito at pinaghahandaan ng magkabilang partido, minsan pa nga, ng buong barangay.

Pamilya ay Mahalaga

Sa mga kanluraning bansa, umaalis na sa bahay ng magulang ang anak kapag tumuntong ito sa edad na labingwalo upang mamuhay nang malaya. Sa Pilipinas, hindi lilisan ang anak hanggang gusto nito at gusto ng mga magulang. Para sa mga pamilyang Pilipino, mahalaga ang pagkakabuklod-buklod nila. Ang sama-sama nating pamumuhay ay isang simbolo ng kaligayahan. Namumuhay tayo nang sama-sama dahil naniniwala tayong maaalagaan natin ang isa’t isa. Kaya nga, kadalasan ang pagtitipon ng magkakapamilya at magkakamag-anak. Salo-salo tayo sa kainan. Sama-sama rin nating hinaharap ang mga masasaya at malulungkot na bahagi ng buhay. Pinatatatag tayo ng pagiging buo ng ating pamilya. Pambihira ang kaugaliang ito nating mga PilipinoSa totoo lang, araw-araw nating ipinagdiriwang ang kahalagahan ng pagiging malapit sa pamilya.

Pagmamano

“Mano po!” Kasabay nito ang pagkuha sa kamay ng nakatatanda at paglapat nito sa iyong noo. Iyan ang bati natin sa mga nakatatanda—kamag-anak man natin o hindi. Ito ay isang magandang kaugaliang Pilipino. Ang pagmamano ay nagpapakita ng paggalang sa nakatatanda. Madalas itong gawin bilang pagbati sa pagdating o bago umalis. Ito ay dapat itinuturo nang maaga sa mga bata

Bayanihan

Bayanihan Sa paglaganap ng pandemya, lalong umigting ang bayanihan, isang kaugaliang Pilipino. Gumawa ng batas ang mga mambabatas upang lalong maghari ang pagtutulungan sa oras ng krisis. Ang bayanihan ay nag-ugat sa pagtutulungan ng magkakapitbahay o magkakabaranggay sa pagbuhat at karaniwang paglipat ng isang bahay, na noon ay kubo na gawa sa kawayan, kahoy, nipa, pawid, at iba pang magagaan na materyales ng kanilang kasamahan patungo sa isang bagong puwesto. Sa paglipas ng panahon, nagbago ang mga gawain sa pagtutulungan at pagkakabit-bisig, ngunit hindi nagbago ang adhikaing maging matulungin at mapagmalasakit sa kapuwa, lalo na oras ang kagipitan, krisis, at kalamidad,

Alagang Ahas ng Kapitbahay

Hindi ko talaga maintindihan ang kapitbahay ko kung bakit nag-aalaga siya ahas. Isang araw, tinanong ko siya kung ano ang kasiyahan ang naibibigay sa kaniya ng alaga niya. “Hindi ko maintindihan ang nadarama ko kapag nakikita ko si Cornik. Basta! May kakaibang dulot sa akin ang ahas na ito,” sagot ni Mang Arnold. “Hindi po ba kayo natatakot?” tanong ko. “Hindi. Ang mga corn snake kasi kagayan nito ay isang napakamahinahong hayop. Para sa mga beginner, isang magandang alagang hayop ang ahas na ito sapagkat ito ay harmless. Wala itong kamandag.” “Paano po kung lumaki na iyan? Maaari na po bang makapanakit iyan?” “Hindi ito makakapanakit ng tao. Sa katunayan, nakatutulong ito sa atin dahil binabalanse nito ang ecosystem natin. Kinakain nila ang mga daga, na sumisira ng ating mga pananim at nagdudulot ng sakit.” Medyo naniniwala na ako kay Mang Arnold. Inilabas ni Mang Arnold ang corn snake. “Nakita mo? Mabait ang uri ng ahas na ito.” Pumulupot ang ahas sa palad ni Mang Arnold. Maya-maya, napasigaw ako at agad na napaurong.

Ang Marungis na Kuting

Ang Marungis na Kuting “Meow! Meow!” iyak ng marungis na kuting nang makasalubong ko siya sa pasilyo. Lumapit pa ito sa akin at akmang hihilahid sa paa ko. “Ano ba ‘yan! Ang dungis mo naman! Lumayo ka sa akin.” Agad akong lumayo sa kaniya at naglakad pauwi. Agad din naman siyang sumunod sa akin. “Meow! Meow!” tawag niya sa akin. Tumakbo ako nang matulin upang hindi niya ako masundan. ___________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________________. Kinabukasan, binalikan ko ang marungis na kuting. Nalungkot ako dahil hawak na siya ng matandang babae. “Akin ka na lang, ha? Mag-isa na lang ako sa buhay.” “Meow! Meow!’ sagot ng kuting.

Asthmatic

Asthmatic Bata pa lamang daw ako, sabi ng Mama ko, asthmatic na raw ako. Kaya, bawal sa akin ang makalanghap ng mga usok, alikabok, balahibo ng pusa o aso. Mahilig akong mag-alaga ng mga hayop, gaya ng isda, ibon, at pagong. Gusto ko rin sanang mag-alaga ng aso, ngunit mahigpit na ipinagbabawal sa akin ng doctor na huwag magkakaroon sa bahay ng alagang aso o anomang hayop na may balahibo. Sinikap kong hindi ako mainggit sa mga kaibigan kong may mga alagang aso. Nakatagpo sila ng matalik na kaibigan sa kanilang alaga. Sa tingin ko, sobrang ligaya ang naidudulot niyon sa kanila. Dahil wala naman akong kapatid, nagnanais akong magkaroon ng alagang aso. Minsan nga, naitanong ko sa aking mga magulang kung puwede na ba akong magkaroon ng alagang aso. Pinagalitan lamang nila ako. Isang araw, nalulungkot na naman ako. nakadungaw lang ako sa aming bintana. Maya-maya, matanaw ko sa aming bakuran ang isang cute na tuta. Para itong naliligaw. Alam kong hindi iyon pang-aari ng isa sa aming kapitbahay, kaya agad akong bumaba upang lapitan ang tuta.

Ang Ati-Atihan

Ang Ati-Atihan Ang Ati-Atihan Festival ay isa sa mga masasayang pagdiriwang ng Pilipinas, na ginanap tuwing Enero bilang parangal sa Santo Niño maraming bayan ng lalawigan ng Aklan, Panay Island. Ang malaking pagdiriwang ay ginanap sa panahon ng ikatlong linggo ng Enero sa bayan ng Kalibo, ang kabisera ng lalawigan. Ang pangalang Ati-Atihan ay nangangahulugang "gayahin si Ati," ang lokal na pangalan ng mga Aeta, ang mga unang nanirahan sa Pulo ng Panay at iba pang mga bahagi ng kapuluan. Ang kasiyahang ito ay orihinal na isang paganong pagdiriwang upang gunitain ang Barter ng Panay, kung saan ang Aeta ay tumanggap ng mga regalo mula sa mga pinuno ng Bornean na tinawag na Datu, na tumakas kasama ang kanilang mga pamilya upang makatakas sa isang malupit na pinuno, kapalit ng pinapayagan na manirahan sa mga lupain ng Aeta. Ipinagdiwang nila ito sa pamamagitan ng masayang pagsayaw at musika, kasama ang mga Borneans na pininturahan ang kanilang mga katawan upang ipakita ang kanilang pasasalamat at pakikitungo sa Aeta na may maitim na balat. Nang maglaon, ang kasiyahan ay binigyan ng ibang kahulugan ng simbahan sa pamamagitan ng pagdiriwang ng pagtanggap ng Kristiyanismo, bilang simbolo ng pagdadala ng isang imahe ng Banal na Bata habang nagpruprusisyon.

Si Kapitan Ito at ang Kaniyang Barangay

Si Kapitan Ito at ang Kaniyang Barangay Isa ang Bucal sa mga barangay sa bayan ng Tanza ang apektado ng pandemya. Subalit dahil sa masipag na kapitan, wala pang sampu ang nagpositibo sa CoViD-19 simula nang pumutok ito sa Pilipinas. Mahal ni Kapitan Ito ang Bucal, gayundin ang kaniyang mga kabarangay, kaya ginawa niya ang lahat upang hindi sila lubos na maapektuhan. Mabuting pinuno si Kapitan Ito. Napakasigasig niya sa kampanya laban sa virus. Hindi hamak na mas mababa ang bilang ng mga natamaan nito kaysa sa ibang barangay. Dahil dito, labis ang pasasalamat ng kaniyang barangay sa kaniyang marubdob na serbisyo.

Ang 20-20-20 Eye Rule

Ang 20-20-20 Eye Rule Dahil sa pandemyang CoViD-19, apektado ang lahat, kabilang ang edukasyon at trabaho. Naging work from home ang iba at hindi pinayagan ang face-to-face learning. Kaya naman, ang karamihan ay nagkaroon ng mahabang oras sa pagharap sa computer, laptop, cellphone, o tablet. Ang paglabo ng mata ay isa sa mga epekto nito, kaya upang maiwasan ito, ang 20-20-20 eye rule ay mainam na isagawa. Ano ba ang 20-20-20 eye rule? Paano ito isasagawa? Ito ay pagtingin sa 20 talampakang layo sa loob ng 20 segundo tuwing ika-20 minuto. Pagkatapos mong gumugol ng 20 minuto sa harap ng screen, tumingin ka sa isang bagay. Ang halaman o puno ay ang pinakamagandang tingnan. Tiyakin mo lamang na ang layo ng bagay na iyong titingnan ay 20 talampakan mula sa iyong kinatatayuan o kinauupuan. Gawin mo ito sa loob ng 20 segundo. Mas mainam din kung mas matagal mo itong gagawin. Ulit-ulitin mo ang 20-20-20 eye rule hanggang matapos ang ginagawa mo. Ang pagsasagawa ng 20-20-20 eye rule ay makatutulong upang manatiling malusog ang iyong paningin sa panahon ng pandemya. Subukan mo ito nang makita mo.

SuMaKaH

SuMaKaH Narinig mo na ba ang SuMaKah? Halika, sumama ka. Kilalanin natin ito! Tayo na’t mamasyal sa Antipolo! Ang Antipolo ay bahagi ng rehiyong CALABARZON. Kilala ito bilang ‘Pilgrimage Capital of the Philippines.’ Dahil ito ay pinaghalong siyudad at nayon, dinarayo ito ng mga turista, lalo na kapag panahon ng SuMaKaH. Ang SuMaKaH ay isang piyesta na idinaraos tuwing Mayo 1. Ito ay nangangahulugang ‘suman, mangga, kasoy, at hamaka’ dahil ang mga produktong ito ang ikinabubuhay ang mga taga-Antipolo. Sa Antipolo lamang matatagpuan ang mga destinasyong ito: Hinulugang Taktak, Pinto Art Museum, Cloud 9, Luljetta’s Hanging Gardens & Spa, Antipolo Cathedral, PACEM Eco Park, Casa Santa Museum, at Boso-boso Church. Ang Hinulugang Taktak ang kilalang talon sa Antipolo. Ang pangalan nito ay nagmula sa paghulog sa kampana sa talon noong ika-16 siglo dahil sa ingay nito tuwing oras ng Angelus. Ginawan pa nga ito ng kanta ni German San Jose. Mayroon ditong swimming pool, spider web platform, hanging bridges, wall-climbing facility, at iba pang amenities, na tiyak magbibigay ng pambihirang kasiyahan sa puso. Ang Pinto Art Museum ay isang kilalang museo. Mula sa pangalan nitong pinto, ito ipinaghihiwalay ng mga pintuan tungo sa iba’t ibang galerya. Kapag pumasok ka rito, tiyak na mapapaisip ka kung nasa Pilipinas ka pa rin ba o wala dahil sa kolonyal na arkitektura nito. Ang mga likhang-sining na narito’y kinolekta ng may-aring si Dr. Joven Cuanang upang maging tulay sa pagkakaiba-iba ng nasyonalidad, pananaw sa mundo, at mga pamayanan. Ang Cloud 9 ay ang lugar kung saan matatanaw ng mga turista ang bahagi ng Metro Manila. Napakapopular nito sa mga kabataan, lalo na sa mga magsing-irog dahil sa romantikong kapaligiran nito. Ito ay perpekto rin para sa mga magkakaibigan at magkakapamilya na naghahanap ng masayang paglalakbay. Ang Luljetta’s Hanging Gardens & Spa ay isa ring romantikong lugar. Nakaluklok ito sa mga burol ng Antipolo, kaya abot-tanaw ang Laguna de Bay at Kamaynilaan. Sa mga nais makaranas ng gumaan ang pakiramdam at mawala ang mga pagod, ito ang bagay sa kaniya. Tiyak na mawawala ang lumbay at bigat ng katawan sa taglay na kagandahan nitong lugar. Ang Antipolo Cathedral o National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage ay tanyag na simbahan sa Antipolo, na dinarayo ng mga deboto, lalo na tuwing Mahal na Araw. Ito ang dahilan kung bakit ang bayang ito ay tinatawag na ‘Pilgrimage Capital of the Philippines.’ Sa mga bibiyaheng abroad, dito sila pumupunta upang magdasal, humingi ng gabay, proteksiyon, at awa. Sa paligid nito ay makikia ang mga tindahan ng mga suman, mangga, kasoy, at iba pang local na produkto. Ang PACEM Eco Park o ‘Peace And Care For Earth Ministry’ Eco Park ay nagkakanlong ng isang maliit na zoo, butterfly sanctuary, organic garden, at iba pang amenities. Maaaaring makabili rito ng kanilang ani mula sa mga organikong pananim. Ito ay isang perpektong pook-pasyalan para sa mga bata at magkapapamilya. Ang Casa Santa Museum ay kilalang museo ng mga Santa Claus at iba pang dekorasyong Pampasko. Kung ang Pilipinas ang bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko, ang museong ito naman ang buong taong bukas upang tumanggap ng mga turista at upang ipakita ang kanilang mga koleksiyon. Dahil dito, ang museo ito ay kinikilala na sa ibang bansa. Ang Boso-boso Church o The Nuestra Señora de la Annunciata Parish ay isa sa mga makasaysayang pook sa Antipolo. Ito ay itinayo noong ika-16 na siglo ng mga pari sa panahon ng Espanya. Dumaan man ito sa mga pagsubok, gaya ng giyera, sunog, at lindol ay nananatili pa rin ng orihinal na disenyo ng arkitektura nito. Kaya naman, paborito itong gamitin sa mga taping at shooting ng mga artista. Ang mga lugar na ito ay ilan lamang sa kokompleto ng pamamasyal mo sa Antipolo. At siyempre, marami rito ang mga pook-kainan na bubusog sa iyo. Ang SuMaKaH ay isa ring dapat mong dayuhin dito. Huwag lamang kakalimutang bumili ng pasalubong na suman, mangga, kasoy, at hamaka upang ma-enjoy naman ng iba ang Antipolo kahit hindi sila nakasama.

Cavite, Dapat Ipagmalaki

Cavite, Dapat Ipagmalaki Ang Cavite ay isa sa mga lalawigan sa Rehiyon IV-A, na pinakamalapit sa Metro Manila. Kilala ito pang-industriyang parke at magagandang tanawin. Ito ay mayaman din sa kasaysayan bilang isa sa mga lalawigan na humantong sa Rebolusyong Pilipino laban sa mga Espanyol. At dito rin ipinanganak ang kalayaan ng Pilipinas, kaya't ang lalawigan ay tinawag na ‘Historical Capital of the Philippines.’ Kadalasan, ang Cavite ang destinasyon para sa mga educational tours, subalit hindi lahat ay napupuntahan. Narito ang ilan sa mga makasaysayang lugar sa Cavite na dapat marating ng bawat isa at dapat na ipagmalaki. Ang Museo de La Salle sa Dasmariñas ay nagpapanatili ng isang lifestyle museum, kung saan makikita ang daan-daang antigong kasangkapan ng isang pamilya. Ang mga halimbawa nito’y mga muwebles, pigurin, at iba pang makasaysayang koleksiyon. Ang Immaculate Conception Parish Church sa Dasmariñas ay makasaysayang simbahang Katoliko, na itinayo noong panahon ng mga Kastila. Ang batong simbahang ito ay ang lugar ng pagdanak ng dugo sa panahon ng labanan ni Perez Dasmariñas ng rebolusyong Pilipino laban sa Espanya. Ang Imus Cathedral sa Imus ay isang produkto ng mahusay na arkitektura. Ang disenyo nitong baroque ay mahirap makalimutan. Kilala ito bilang Home parish. Ito ay nakaharap sa lokasyon kung saan unang idineklara ni Emilio Aquinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas. Ang Cuenca Ancestral House sa Bacoor. Ito ay mas kilala sa tawag na ‘Bahay na Tisa’ dahil ang bubong nito yari sa hinurnong luwad. Ito ang dating tanggapan ni Emilio Aguinaldo. Nanatili siya rito bago lumipat ng opisina sa Malolos. Ang Bacoor Church sa Bacoor ay tinatawag ding Saint Michael the Archangel Parish. Ito ay isa sa mga pinakamatatandang simbahan sa lalawigan. Ito ay ginamit noon bilang bahagi ng pueblo (bayan). Si Mariano Gomez, isa sa mga Gomburza, ay naging parish priest ng simbahang ito hanggang dakpin siya noong 1872. Ang Aguinaldo Shrine sa Kawit ay tahanan ni Pangulong Aguinaldo. Dito naganap ang pagdeklara ng Kalayaan ng Pilipinas. Kapag ginalugad ang bahay, matutuklasan ang mga lihim na silid at daanan. Ang Kawit Church sa Kawit ay kilala rin bilang St. Mary Magdalene Church. Ito ay isa sa mga pinakalumang simbahan sa Pilipinas. Ang pagtatayo nito ay nagsimula noong 1737, at ang simbahan ay huling naibalik noong 1990. Dito bininyagan si Emilio Aguinaldo. Ang Corregidor Island sa Cavite City ay makasaysayang isla dahil dito ginamit ito bilang isang bahagi ng depensa ng Manila Harbor, na may kompletong armas at mga sasakyang pandigma. Ang parola rito ay ang pinakakilalang tampok ng isla. Itinayo rito ang Japanese Garden of Peace at Filipino Heroes Memorial. Ang Malinta Tunnel ay hindi rin dapat makalimutang pasyalan sa lugar na ito. Ang Calle Real sa Tanza ay isang restawran, na dating sinaunang bahay. Ito ay isa sa mga pinakamatanda bahay sa Cavite. Naghahain dito ng mga klasikong pagkain at putaheng Caviteño tulad ng pancit choko (squid pancit). Ito ay isa mga namanang resipe. Ang 13 Martyrs Monument sa Trece Martires ay itinayo bilang pagpupugay sa tatlumpung paring martir na hinatulan ng kamatayan ng mga Espanyol noong 1896 dahil sa pakikipagtulungan sa mga Katipunero. Ang Puente de Binambangan sa Indang ay hindi tipikal na historical site. Ito ay isang tulay, na itinatayo noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. May mga nakaukit na Baybayin sa mga bato nito. Ang hamon para sa mga bibisita rito ay ang pagsasalin ng mga mensahe ng mga ito. Ang Andres Bonifacio Shrine and Eco-Tourism Park sa Maragondon ay sinasabing lugar kung saan pinatay si Andres Bonifacio at ang kaniyang kapatid noong 1897. May dalawang monumento sa lugar na ito na may nakadisenyong ‘Bayani’ at ‘KKK.’ Ang kabuuan ng parkeng ito ay may mga likhang-sining at mga eskultura. Ang Museo ng Paglilitis ni Andres Bonifacio sa Maragondon ay isang museo kung saan makikita ang malalaking diorama, na kakikitaan ng mga eksena sa paglilitis kay Bonifacio. Ang Cavite ay tunay na maipagmamalaki. Sa kasaysayan, pambihira ang ambag nito at bahagi. Kaya, bumista na’t huwag nang magpahuli.

Sorsogon, Isang Destinasyon

Sorsogon, Isang Destinasyon

Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligiran nito. Ito na marahil ang mga dahilan kung bakit kailangan isama ito sa bucket list sa inyong susunod na paglalakbay.

Narito ang ilang bayan sa Sorsogon na tiyak akong magugustuhan at babalik-balikan ninyo. Sa Bacon ay matatagpuan ang Paguriran Lagoon, isang kamangha-manghang tanawin. Kay sarap lumublob sa tubig dito. At kay gandang akyatin ang mga rock formations, kung saan matatanaw ang mga kalapit na dalamapsigan at karagatan.

Sa Donsol ay matatagpuan ang mga butanding. Ito ang pangunahing pang-akit ng lalawigan. Ito rin ang tamang lugar kung nais ninyong lumangoy kasama ang mga ‘gentle giants.’ Sa gabi naman, maaari kayong manood ng mga alitaptap sa tabi ng Donsol River. Ang ilaw mga alitaptap sa gitna ng kadiliman ay isang pambihirang karanasan. 

Sa Matnog ay matatagpuan ang Subic Beach at Tikling Island. Ang Subic Beach ay may mala-pulbos at puting dalampasigan at mala-salamin at turkesang tubig. Ang Tikling Island, hindi man ganoon kasikat, ay kasingganda ng Bohol at Boracay. Ang dalawang ito at Instagramable talaga! Sa Bulusan ay matatagpuan ang Bulusan National Park. Ito ay nabuo dahil sa pagsabog ng Bulkang Bulusan. Isa itong lawa, na napapaligiran ng luntiang kagubatan. Masisiyahan talaga ang mga mahilig sa kalikasan.

Sa Barcelona ay matatagpuan ang St. Joseph Church. Ito ay isa sa mga bakas ng kolonyalismo ng mga Kastila at isa sa mga istrukturang magpapaalala sa Katolisismo noong panahon. Ang simbahang ito ay siyang pinakamatandang simbahan sa lalawigan.

Sa Irosin ay matatagpuan ang San Benon Hot Spring. Ito ay isang mainam na lugar upang makapagpahinga at buhayin muli ang pagod na katawan. Ang mainit na tubig lamang ang kailangan pagkatapos ng isang nakakapagod na araw ng mga aktibidad.

Sa Bulusan at Casiguran naman ay maaaring mag-waterfalls-hopping. Ang Bayugin, Nasipit, Palogtoc, and Namuat Falls ay ilan lamang sa mga ito na maaaring isasama sa inyong itinerary. Ang malalamig na tubig ang magpapanatili ng enerhiya sa inyong paglalakbay.

At sa Gubat ay matatagpuan ang Rizal Beach kung saan ang bagong tuklas na dalampasigan para sa mga surfers. Dito ay maaaring mag-arkila ng surfboard at magsanay sa paggamit nito sa napakamurang halaga.

Exciting, ‘di ba?!

Ang Sorsogon ay isang destinasyon na may samot-saring karanasang matatamo. Ito ay lalawigang ipinagmamalaki ng mga Bicolano. Kaya siguradong ang biyahe ninyo’y sulit at garantisado.




Diyalogo: Dakilang Guro

Athena: Kumusta ka na, bespren kong maganda? Erna: Mabuti naman. Ikaw, kumusta rin? Sayang hindi na tayo magkaklase. Athena: Oo nga, e. Paano kasi dito kami sa Cavite naabutan ng nakatatakot na pandemya. Erna: Hindi bale, may aktibong group chat naman tayo… Athena: Oo. Miss ko na nga ang maiingay nating kaklase. Erna: Miss ka na rin namin. Athena: Maiba ako… sino na ang bagong)adviser ninyo? Erna: Si Ma’am Saadvedra na. Siya talaga ang gusto nating maging adviser, ‘di ba, dahil siya ang isa sa mababait sa mga KKES. Natupad na… Sayang nga lang, nasa New Normal tayo. Athena: Wow! Sana all! Kahit wala namang normal na klase mararamdaman pa rin ninyo ang pagmamahal niya sa inyo. Erna: Tama ka! Ang bait niya. Maunawain pa siya. Athena: Ang suwerte) ninyo talaga. Kaya dapat mag-aral kayo nang mabuti. Erna: Siyempre naman. Idolo natin siya noon pa. At kahit sinong maging guro natin, dapat nating irespeto, mahalin, at pahalagahan dahil sila ay dakila. Athena: Korek ka diyan!

Si Mang Andoy

Si Mang Andoy ay masipag at responsableng OFW noon. Bilang padre de pamilya, ginagawa niya ang lahat upang mapunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Isa siyang welder sa Saudi Arabia tuwing umaga. Nagiging barbero irn siya kapag wala siya sa trabaho upang sumapat ang kinikita niya sa iba pang gastusin, gaya ng pag-aaral ng tatlo niyang anak, na pare-parehong kumukuha ng engineering sa kolehiyo. Nakilala siya bilang manggagawang napakapalad. Hindi sa pagtratrabaho sa ibang bansa, kundi sa pagkapanalo niya sa loterya. Umuwi siya sa Pilipinas, bitbit ang napakalaking halaga. Sobra-sobra iyon upang makapagpatayo siya ng maliit na welding shop sa kanilang lugar. Tuwang-tuwa ang kaniyang pamilya, gayundin ang kaniyang mga kapitbahay sa kaniyang natamo. At dahil biglang-yaman siya, binigyan niya ng ayuda ang ilang higit na nangangailangan. Sabi ng karamihan, napakasuwerte raw ng kaniyang mga anak dahil makapagtatapos na ng kani-kanilang pag-aaral. May iilan ding nagsasabing bigla na lang daw mauubos ang kanilang pera dahil hindi naman talaga pinaghirapan ang pera. Dahil sadyang taingang-kawali si Mang Andoy, hindi na lamang niya pinansin ang mga salitang iyon. Siya ay matatag sa mga negatibong komento. Hindi siya balat-sibuyas sa mga naririnig niya, bagkus pinatutunayan niyang masikap siya sa buhay. Kung anoman ang natamo niya, hindi niya iyon ninakaw, kundi pinagsikapan. Nagbabahagi rin siya ng kaniyang biyaya sa kaniyang mga kababaryong lubos na nangangailangan. Sa ngayon, may dalawang branch na si Mang Andoy ng welding shop. Masasabing matatag na talaga ang kaniyang negosyo, lalo na’t katuwang niya ang butihin niyang asawa, na si Aling Nida sa pagpapatakbo nito, gayundin ang kaniyang mga anak.

Diyalogo: Bayani

Drew: Kumusta na ang mama mo sa Dubai? Iya: Mabuti naman daw siya. Ayaw siyang pauwiin ng mga amo niya. Drew: Bakit? Iya: Kailangan daw kasi nila si Mama. Mababait naman ang mag-asawang amo niya. Iniisip din nila ang kaligtasan ng aking ina. Drew: Mabuti kung ganoon nga. At least, ligtas siya sa pandemya. Iya: Oo nga. Saka naiisip niya rin ang kabuhayan namin kung uuwi siya rito sa Pilipinas, na pinahihirapan din ng CoViD-19. Drew: Matatalinong desisyon iyan! Iya: Sabi nga niya, wala raw siyang katatakutang pandemya, maibigay lamang niya ang aming mga pangangailangan. E, ang mommy mo, kumusta naman sa UK? Drew: Naku! Napadelikado ng kalagayan niya roon bilang medical frontliner. Iya: E, paano iyan? Drew: Tuloy pa rin siya. Iyon daw kasi ang sinumpaan niyang tungkulin. Katulad ng karamihang nars at doktor, matapang siya sa anomang posibleng mangyari. Naging madasalin kaming mag-anak dahil dito. Iya: Tama! Ganyan din kami. Pananalig sa makapangyarihang Diyos na lamang ang ating sandata sa panahon ngayon. Drew: At lagi nating panatilihing malulusog ang ating katawan. Iya: Oo. Sabi nga, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Mag-iingat tayo palagi. Drew: Tama ka! Pero, parehong kahanga-hangaa ang mga trabaho ang ating mga magulang. Iya: Totoo iyan. Bayani ang turing ko sa mga overseas Filipino workers. Drew: Ang susuwerte rin nila kasi may anak silang mababait. Nagtawanan ang magkaklase.

Hard Lockdown (teksto)

Nagpaalam si Andrew na lalabas upang manghiram ng paint brush sa kaklase. “Naku, huwag na… Bawal kang lumabas,” sawata ng ina. “Magsusuot naman po ako ng facemask.” “Kahit na… Ako na lang ang pupunta.” “Huwag na po… Ako na lang po kasi… Wala namang manghuhuli sa akin. Kilala naman po ako ang mga barangay tanod at barangay chairman natin. Tropa ko po sila.” Natawa pa si Andrew sa kaniyang tinuran. “Naku, paano kung hindi sila ang bantay? Paano kung mga sundalo, military o pulis? E, lockdown nga tayo kaya naghigpit? Hindi mo ba alam na buong pamilya ang may CoViD diyan sa kabilang block?” “Hindi naman ako pupunta sa kanila, e.” “Kahit na…” “Sige na, Ma… Inaatake na ako ng anxiety… Kailangan ko na pong mag-paint. Bakit po kasi itinapon mo ang mga paint brush ko, e… Pinatutuyo ko lang ang mga iyon. Hindi pa dapat itapon.” “Sorry na… E, kasi sa labas mo naman nilagay.” “Kaya nga po payagan na ninyo akong lumabas para makahiram ako kay Arnel.” Hindi agad nakatugon ang ina dahil may hinanap ito sa cellphone. “O, heto, pakinggan at panoorin mo.” Iniabot ng ina ang cellphone sa anak. “Pinatutupad ngayon sa isang barangay ng Cavite ang hard lockdown dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng CoViD-19. Narito si Arvin Barton para sa mga detalye,” sabi ng tv anchor. “Dahil sa mabilis na paglobo ng CoViD positive, ipinatutupad ngayon sa Spring Ville Subdivision ang hard lockdown. Narito ako ngayon sa may gate ng naturang subdivision kung saan nagkakaroon ng mahigpit na security para sa mga lalabas at papasok. Kung nakikita ninyo sa aking likuran, isa-isang hinahanapan ng quarantine pass ang mga residente. Kinukuhaan din sila ng temperatura at sinisiguradong nakasuot ng facemask at face shield. Makikita rin ninyo na mahigpit din para sa mga motorista. Tinitiyak nilang sumusunod sa safety and health protocols ang mga ito. Hindi naman pinapayagang lumabas ang mga residenteng hindi 21 hanggang 59 ang edad. Ito po si Arvin Barton, nag-uulat.” Ibinalik n ani Andrew ang cellphone sa ina. “Ano? Aalis ka pa?” “Hindi na po, Ma. Magbabasa na lang po ako.” “Mabuti pa nga.”

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...