Ako
si Lawrence. Hindi ako marunong umiyak. Buong buhay ko ay hindi pa tumulo ang
mga luha ko.
"Ma,
bakit ka po umiiyak?" Tandang-tanda ko pa na pinahiran ko ang kanyang
mata. "Wag ka na po iyak, Ma." Kahit pitong taon gulang pa lang ako
noon, alam ko na may mabigat na problema ang aking ina.
"Wala
ito, anak. Napuwing lang si Mama. Sige na, aral ka na."
"May
assignment po si Teacher. Family tree daw po." Ibinigay ko pa sa kanya ang
kuwaderno.
"Anak,
sabihin mo kay Teacher na tayo lang ang magkasama. Wala ka kamong ama. Iniwan
na tayo."
"Sabi
mo po, nasa abroad."
"Oo.
Di na siya uuwi. Wag ka na magtanong kung bakit. Magagalit na sa'yo si Mama.
Sige, gugupitan kita ng picture natin tapos ididikit ko dyan sa notebook mo."
"Opo."
Umiiyak
pa rin siya habang ginagawa ang assignment ko. Niyakap ko siya. "Mama,
paglaki ko, gusto ko pong maging abogado.."
Napangiti
ko si Mama. "Bakit iyon, Lawrence?"
"Ipagtatanggol
po kita."
Napatawa
ko pa siya. "Wala namang kaaway si Mama, e."
"Si
Papa po!"
"Hindi
natin kaaway ang Papa mo. Wag kang maghinanakit sa kanya, ha. Saka, darating
ang panahon, magkikita din kayo."
Lumaki
akong hindi ko nasilayan man lang ang mukha ng aking ama. Ni pangalan at
apelyido ay ayaw sabihin sa akin ni Mama. Walang nakakaalam, maliban sa kanya.
Habang
nagkakaisip ako, unti-unti ko na ring natatanggap ang kakulangan ko sa buhay--
isang ama. Gayunpaman, pinunan iyon ni Mama. Nagpakatulong siya sa ibang bansa
para lang mabuhay at mapag-aral ako.
Kuntento
na ako sa buhay ko na kami lang ni Mama ang magkasama. Pasalamat na ako sa
Diyos dahil nakatapos ako ng elementarya at sekondarya. Ngunit nang nagkolehiyo
ako, biglang nagbago ang pananaw ko. Tila, may gusto akong makasama. Hindi na
ako masaya na sa tawag ko na lang nakakausap ang aking ina at tuwing dalawang
taon lang kami nagkakasama, dahil doon lamang siya nakakauwi ng bansa.
Dumating
sa buhay ko si Anna.
Sa
isang gotohan, malapit sa unibersidad na aming pinapasukan, nabuo ang aming
pagtitinginan.
Dalawang
buwan, matapos magtagpo ang aming mga mata, naging kami. Simula iyon ng
pagkakaroon ko ng makulay na buhay. Pinunan niya ng maliligayang sandali ang
aking buhay.
Sobrang
mahal na mahal namin ang isa't isa kaya bago kami natapos sa aming mga
pangarap-- ako'y maging abogado; siya'y maging doktor, ay nagsama kami at
nagkaanak.
Si
Baby Jorge ang bumuo ng aking pagkatao. Siya ang nagbigay sa akin ng lakas at
inspirasyon. Tila nakalimutan ko rin ang mapait na nakaraan. At bilang ama,
sinikap kung ibigay sa kanya ang pagmamahal, na kailanman ay hindi ko naranasan
sa aking ama.
Sa
tulong ng pamilya ng aking asawa at sa suporta ng aking ina, namuhay kami ni
Anna ng masaya at payak sa aming bahay, kasama ng aming anak. Hindi man
nakaapelyido sa akin si Baby Jorge ay tanggap ko. Hindi pa kasi kami kasal.
Kondisyon namin iyon ni Anna. Kapag nakatapos na kami at nakasal, ililipat ko
sa aking apelyido ang apelyido ng aming anak.
"Lawrence,
gusto ko na uling mag-aral. Si Mommy, willing na mag-alaga kay Baby Jorge.
Hindi nga lang natin kasama. Pero, pag Sunday pwede naman natin siyang dalawin
sa Laguna."
Pareho
kaming may mataas na pangarap kaya pumayag ako. At sa totoo lang, nahihirapan
na rin ako financially at physically. Hindi ako makapag-concentrate sa mga
lesson ko.
Sa unang gabi na hindi namin kasama si Baby
Jorge at hindi namin naririnig ang kanyang mga tawa at iyak ay parang madudurog
ang mga puso namin. Pero, unti-unti ay natutunan na namin.
Tuwing
Linggo, dinadalaw namin siya. Kahit paano ay nagiging ama pa rin ako sa kanya.
Mapalad ang aking anak dahil may mga lolo at lola na may kakayahang pinansiyal.
Mapalad
rin si Anna dahil buo ang kanyang pamilya. Kaya nga nagsusumikap akong tapusin
ang abogasya upang makasama ko na ang aking pamilya nang sa gayon ay magkaroon
na ako ng sariling pamilya na matatawag kung akin.
Lumipas
ang mga taon, nalampasan ko ang mga hamon sa pag-aaral at pagiging asawa't ama.
"Hello,
Anna? This is it na. Dito na kami ni Mama. Nasaan kayo?" Masaya at excited
ako sa unang araw ng bar exam.
"Wait
lang, na-traffic kami. Malapit na. See you sa entrance."
Ilang
sandali pa ay na-meet na ni Mama sa kauna-unahang pagkakataon ang mga magulang
ni Anna.
Mali
yata ang ekspektasyon ko. Imbes na maging goodluck sa akin ang tagpong iyon ay
tila naging libing. Malungkot na nag-usap-usap ang mga magulang namin, habang
kami ni Anna ay nag-aabang.
"Goodluck
sa'yo, Anak. Galingan mo. Matagal mo na itong pangarap." Pilit na pinasaya
ni Mama ang kanyang boses.
"Opo,
Ma!" Nginitian ko siya, si Anna at ang kanyang mga magulang tapos pumasok
na ako.
Inspired
ako sa exam na iyon. Alam kong may laban ako.
Pag-uwi
ko ay isang katotohanan ang bumungad sa akin. Iisa ang ama namin ni Anna. Ang
ama na matagal ko nang itinatanong kay Mama, matagal na palang kasama ng aking asawa.
Shit!
Gustong kumawala ng mga luha ko.
Gusto
kong sumigaw, umiyak. Pero, hindi ko ginawa. Hindi ako umiiyak. Hindi ako
kailanman iiyak.
Sa
kagustuhan kong maging malakas at labanan ang pag-iyak, sinubsob ko ang sarili
ko sa pag-review para sa tatlo pang exam. Hindi ako kailanman magpapaapekto.
Ito na iyon. Malapit ko nang maabot ang pangarap ko.
Kaya,
pinatay ko lahat ang koneksyon kina Anna. Walang cellphone. Walang Facebook.
Wala lahat. Sarili ko lang.
Nakabalik
na rin si Mama sa Dubai.
Tagumpay.
Isang tagumpay ang nangyari. Nalampasan ko ang pagsusulit. Pumasa ako. Halos,
maiyak ang mga kasamahan ko sa tuwa. Pero ako, isang ngising demonyo ang
ginawa ko. Paghihiganti sa aking ama ang nasa isip ko.
Pero
huli na pala ang lahat.
Nag-migrate
na sa America ang pamilya ni Anna. Kasama nila ang anak ko. Mabaliw-baliw ako
nang malaman ko. Kaya pala.. Kaya pala, ang nasabi ko.
Mahal
na mahal ko si Anna, kahit magkapatid kami. Lalong mahal ko ang aming anak.
Pero, hindi ako umiyak.
Gusto
ko silang makasama habangbuhay..gusto ko silang hanapin, pero parang suntok sa
buwan, dahil si Anna mismo ang lumayo.
Sinikil
ko ang sarili kong luha. Naglakas-lakasan ako. Kahit sobrang sakit na, kahit
poot na ang nasa puso ko, hindi ako umiyak.
Unti-unti
ko na sanang kinakalimutan ang mga pangyayaring ito. Salamat sa pagdating ni
Pope Francis sa Pilipinas. Ipinaalala niya sa akin ang aking anak na si Jorge.
At ang pinakamahalaga, binuksan niya ang puso ko. Nang sinabi niya na learn how
to cry, umagos ang mga luha ko.
Hindi
ko pa alam ang gagawin ko, subalit, alam ko na kung paano umiyak at kung ano
ang dulot nito.
Si
Kristo na ngayon ang laman ng puso ko. Siya lang ang kasama ko sa pagharap ng
mga balakid na ito. Hindi na ako mahihiyang umiyak dahil alam ko, Siya ang tagapagtanggol
ko.
Tanggap
ko na rin ang katotohanan. Alam ko rin na maaaring maulit sa aking anak ang
nangyari sa amin ni Anna. Kung magmamahal ako ng iba at magkakaanak kami,
posibleng maulit ang masalimuot na buhay pag-ibig.
Hindi
na ako iibig pang muli.
Maninilbihan
na lang ako sa Panginoon at patuloy na aasahang isang araw ay magkita kami ng
aking anak. Mamaya ay oordinahan na ako upang maging isang pari.