Followers

Monday, January 19, 2015

Hindi Ako Umiiyak

Hindi ako marunong umiyak. Buong buhay ko ay hindi pa tumulo ang mga luha ko.

"`Ma, bakit ka po umiiyak?" Tandang-tanda ko pa na pinahiran ko ang kaniyang mata. "`Wag ka na po iyak, `Ma." Kahit pitong taon gulang pa lang ako noon, alam ko na may mabigat na problema ang aking ina.

"Wala ito, Anak. Napuwing lang si Mama. Sige na, aral ka na."

"May assignment po si Teacher. Family tree daw po." Ibinigay ko pa sa kaniya ang kuwaderno.

"Anak, sabihin mo kay Teacher na tayo lang ang magkasama. Wala ka kamong ama. Iniwan na tayo."

"Sabi mo po, nasa abroad."

"Oo. `Di na siya uuwi. `Wag ka na magtanong kung bakit. Magagalit na sa 'yo si Mama. Sige, gugupitan kita ng picture natin, `tapos ididikit ko d'yan sa notebook mo."

"Opo."

Umiiyak pa rin siya, habang ginagawa ang assignment ko. Niyakap ko siya. "Mama, paglaki ko, gusto ko pong maging abogado."

Napangiti ko si Mama. "Bakit iyon, Lawrence?"

"Ipagtatanggol po kita."

Napatawa ko pa siya. "Wala namang kaaway si Mama, e."

"Si Papa po!"

"Hindi natin kaaway ang Papa mo. `Wag kang maghinanakit sa kan’ya, ha. Saka darating ang panahon, magkikita rin kayo."

Lumaki akong hindi ko nasilayan man lang ang mukha ng aking ama. Ni pangalan at apelyido ay ayaw sabihin sa akin ni Mama. Walang nakakaalam, maliban sa kaniya.

Habang nagkakaisip ako, unti-unti ko na ring natatanggap ang kakulangan ko sa buhay-- isang ama. Gayunpaman, pinunan iyon ni Mama. Nagpakatulong siya sa ibang bansa para lang mabuhay at mapag-aral ako.

Kuntento na ako sa buhay ko na kami lang ni Mama ang magkasama. Pasalamat na ako sa Diyos dahil nakatapos ako ng elementarya at sekondarya. Ngunit nang nagkolehiyo ako, biglang nagbago ang pananaw ko. Tila may gusto akong makasama. Hindi na ako masaya na sa tawag ko na lang nakakausap ang aking ina at tuwing dalawang taon lang kami nagkakasama, dahil doon lamang siya nakakauwi ng bansa.

Dumating sa buhay ko si Anna.

Sa isang gotohan, malapit sa unibersidad na aming pinapasukan, nabuo ang aming pagtitinginan.

Dalawang buwan, matapos magtagpo ang aming mga mata, naging kami. Simula iyon ng pagkakaroon ko ng makulay na buhay. Pinunan niya ng maliligayang sandali ang aking mundo.

Sobrang mahal na mahal namin ang isa't isa, kaya bago kami natapos sa aming mga pangarap-- ako'y maging abogado; siya'y maging doktor, ay nagsama kami at nagkaanak.

Si Baby Jorge ang bumuo ng aking pagkatao. Siya ang nagbigay sa akin ng lakas at inspirasyon. Tila nakalimutan ko rin ang mapait na nakaraan. At bilang ama, sinikap kong ibigay sa kaniya ang pagmamahal, na kailanman ay hindi ko naranasan sa aking ama.

Sa tulong ng pamilya ng aking asawa at sa suporta ng aking ina, namuhay kami ni Anna ng masaya at payak sa aming bahay, kasama ng aming anak. Hindi man nakaapelyido sa akin si Baby Jorge ay tanggap ko. Hindi pa kasi kami kasal. Kondisyon namin iyon ni Anna. Kapag nakatapos na kami at nakasal, ililipat ko sa aking apelyido ang apelyido ng aming anak.

"Lawrence, gusto ko na uling mag-aral. Si Mommy, willing na mag-alaga kay Baby Jorge. Hindi nga lang natin kasama. Pero, 'pag Sunday, puwede naman natin siyang dalawin sa Laguna."

Pareho kaming may mataas na pangarap, kaya pumayag ako. At sa totoo lang, nahihirapan na rin ako financially at physically. Hindi ako makapag-concentrate sa mga lesson ko.

Sa unang gabi na hindi namin kasama si Baby Jorge at hindi namin naririnig ang kaniyang mga tawa at iyak ay parang madudurog ang mga puso namin. Pero unti-unti ay natutuhan na namin.

Tuwing Linggo, dinadalaw namin siya. Kahit paano ay nagiging ama pa rin ako sa kaniya. Mapalad ang aking anak dahil may mga lolo at lola siya na may kakayahang pinansiyal.

Mapalad din si Anna dahil buo ang kanyang pamilya. Kaya nga nagsusumikap akong tapusin ang abogasya upang makasama ko na ang aking pamilya nang sa gayon ay magkaroon na ako ng sariling pamilya na matatawag kong akin.

Lumipas ang mga taon, nalampasan ko ang mga hamon sa pag-aaral at pagiging asawa't ama.

"Hello, Anna? This is it na. Dito na kami ni Mama. Nasaan kayo?" Masaya at excited ako sa unang araw ng bar exam.

"Wait lang, na-traffic kami. Malapit na. See you sa entrance."

Ilang sandali pa ay na-meet na ni Mama sa kauna-unahang pagkakataon ang mga magulang ni Anna.

Mali yata ang ekspektasyon ko. Imbes na maging goodluck sa akin ang tagpong iyon ay tila naging libing. Malungkot na nag-usap-usap ang mga magulang namin, habang kami ni Anna ay nag-aabang.

"Goodluck sa 'yo, Anak. Galingan mo. Matagal mo na itong pangarap." Pilit na pinasaya ni Mama ang kaniyang boses.

"Opo, `Ma!" Nginitian ko siya, si Anna, at ang kaniyang mga magulang, pagkatapos ay pumasok na ako.

Inspired ako sa exam na iyon. Alam kong may laban ako.

Pag-uwi ko, isang katotohanan ang bumungad sa akin. Iisa ang ama namin ni Anna. Ang ama na matagal ko nang itinatanong kay Mama, matagal na palang kasama ng aking asawa.

Gustong kumawala ng mga luha ko.

Gusto kong sumigaw, umiyak, pero hindi ko ginawa. Hindi ako umiiyak. Hindi ako kailanman iiyak.

Sa kagustuhan kong maging malakas at labanan ang pag-iyak, sinubsob ko ang sarili ko sa pag-review para sa tatlo pang exam. Hindi ako kailanman magpapaapekto. Ito na iyon. Malapit ko nang maabot ang pangarap ko.

Kaya pinatay ko ang lahat ng koneksiyon kina Anna. Walang cellphone. Walang Facebook. Wala lahat. Sarili ko lang.

Nakabalik na rin si Mama sa Dubai.

Tagumpay. Isang tagumpay ang nangyari. Nalampasan ko ang pagsusulit. Pumasa ako. Halos maiyak ang mga kasamahan ko sa tuwa, pero ako, isang ngising demonyo ang ginawa ko. Paghihiganti sa aking ama ang nasa isip ko.

Pero huli na pala ang lahat.

Nag-migrate na sa America ang pamilya ni Anna. Kasama nila ang anak ko. Mabaliw-baliw ako nang malaman ko. Kaya pala... Kaya pala, ang nasabi ko.

Mahal na mahal ko si Anna, kahit magkapatid kami. Lalong mahal ko ang aming anak. Pero hindi ako umiyak.

Gusto ko silang makasama habambuhay... Gusto ko silang hanapin, pero parang suntok sa buwan dahil si Anna mismo ang lumayo.

Sinikil ko ang sarili kong luha. Naglakas-lakasan ako. Kahit sobrang sakit na, kahit poot na ang nasa puso ko, hindi ako umiyak.

Unti-unti ko na sanang kinakalimutan ang mga pangyayaring ito. Salamat sa pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas. Ipinaalala niya sa akin ang aking anak na si Jorge. At ang pinakamahalaga, binuksan niya ang puso ko. Nang sinabi niya na “Learn how to cry,” umagos ang mga luha ko.

Hindi ko pa alam ang gagawin ko, subalit alam ko na kung paano umiyak at kung ano ang dulot nito.

Si Kristo na ngayon ang laman ng puso ko. Siya lang ang kasama ko sa pagharap ng mga balakid na ito. Hindi na ako mahihiyang umiyak dahil alam ko, Siya ang tagapagtanggol ko.

Tanggap ko na rin ang katotohanan. Alam ko rin na maaaring maulit sa aking anak ang nangyari sa amin ni Anna. Kung magmamahal ako ng iba at magkakaanak kami, posibleng maulit ang masalimuot na buhay-pag-ibig.

Hindi na ako iibig pang muli. Maninilbihan na lang ako sa Panginoon at patuloy na aasahang isang araw ay magkita kami ng aking anak.

Mamaya, oordinahan na ako upang maging isang ganap na pari.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...