Wala kaming klase ngayon ni Dinde dahil Pista ng Itim na Nazareno, gayundin sina Mommy at Daddy. Kaya, pumunta ang dalawa sa boarding dati ni Mommy para hakutin ang mga gamit niya doon. Kami naman ni Dindee ay pinag-stay nila sa bahay. Nasarili ako ni Dindee.
“Parang naninibago ako ngayon sa’yo, Red. May problema ba tayo?” tanong niya habang paulit-ulit kung ini-scroll ang phonebook ng cellphone ko. May gusto kasi akong i-text, pero di ko alam kung sino.
Tiningnan ko siya at in-off ko ang cellphone ko. “Wala naman. Bakit may nagawa ba akong mali sa’yo?”
“Wala! Napapansin ko kasi na ilang araw ka ng tahimik simula nang galing ka sa Batangas.”
“Ah ganun ba?’’ mabilis kong sagot. “Wala namang problema.”
“May nangyari bang di maganda doon?”
Hindi agad ako nakaimik. Tinitigan ko siya. “Halika nga dito.” Hinila ko siya sa tabi ko. Sa sofa kasi ako nakaupo. Hindi naman siya tumanggi. Tapos, inakbayan ko siya. “Pasensiya ka na, siguro ay na-stress lang ako sa school. Gusto ko kasing maungusan si Riz. Alam mo naman na aspiring valedictorian ako, di ba?” Isinandal ko pa ang ulo ko sa balikat niya habang mahigpit ang pagkakayakap ko sa kanya.
“Huwag kang ma-stress. Kaya mo ‘yan..”
“Salamat, Dee sa pang-unawa. Sorry ulit. Masaya ka ba sa akin?”
“Oo naman! Lalo na ngayong buo na ang pamilya mo. Alam ko buo na rin ang pagkatao mo. Kaya dapat no worry ka na. Inspired ka na dapat. Ha? Sige na..smile ka na.” Hinagkan pa niya ang buhok ko.
Nag-smile ako kahit hindi niya nakita. “Promise mo, di mo ako iiwan?”
“Ano ka ba? Wag ka ngang magsalita ng ganyan. Hindi nga ako umuwi ng Aklan para sa’yo. Ngayon mo pa ba sasabihin yan! Umayos ka nga, Red! Magagalit na ako sa’yo, e.”
“O, yan na! Nagagalit ka na nga!” Bumitiw na ako sa pagkakayakap.
“Ikaw e. Nag-e-emote ka, e.”
“Hindi na po. Kiss na kita.”
“Sapak gusto mo? Uber ka dyan, ah! Sige na, maggitara ka na uli. Miss ko na ang boses mo. Maglalaba muna din ako. Bye!”
“Sige, bye!” Pagtalikod niya ay sinikap kong kalimutan ang mga bagabag ko. Naggitara din ako kahit hindi ako tutugtog mamayang gabi sa MusicStram.
No comments:
Post a Comment