Followers

Saturday, January 3, 2015

Redondo: It's God's Will

“Daddy! Daddy!” pasigaw na tawag ko nang matanggap ko ang text message mula sa numero ni Mam Dina. Nasa labas sina Mommy at Daddy. Naglilinis sila sa bakuran.

“Red, bakit? Anong nangyari sa’yo?” turan ni Daddy. Hindi pa rin siya lumalapit.

“Halika po muna rito, saglit!” Itinaas ko pa ang cellphone ko. Narinig kong inutusan pa siya ni Mommy na lapitan na ako.

Ipinabasa ko ang mensahe kay Daddy. Pagkatapos niyon ay parang tinakasan siya ng dugo. Nakunan kasi si Mam Dina. Nalungkot din ako, lalo na nang nakita kong maluha-luha si Daddy. Ni hindi siya nakapagsalita.

Lumabas uli siya pagkabalik sa akin ng cellphone. Tapos, tiningnan ko sila ni Mommy. Natanaw kong  malungkot na naupo si Daddy sa garden set at mapagmahal na nilapitan ni Mommy. Ang mga sumunod na nangyari ay hindi ko na nakita. Pumasok na ako at nakipag-usap ako kay Dindee.

Alam ko, kahit paano ay nalungkot si Mommy sa nangyari, although, natapos na ang pananagutan ni Daddy sa magiging kapatid ko sana, napatunayan ko ito nang pumasok na sila.

“Samahan mo ang Daddy mo sa hospital, Red.” Malamyos ang tinig ni Mommy. Supportive siya.

“Opo!”

Sa hospital, naroon ang mga magulang ni Mam Dina. Naroon din ang isa niyang kuya. Pero, wala silang galit na ipinakita o ipinadama kay Daddy. Noon lamang din kasi sila nagkita-kita at nagkakila-kilala.

Sa ilang oras na naroon kami, nalaman ko ang sanhi ng pagkakalaglag ng sanggol sa sinapupunan ni Mam. Ayon sa kanya, selos at hinanakit. Sa amin lamang niya iyon sinabi. Hindi iyon alam ng pamilya niya. Kaya pabulong niya itong sinabi sa amin.

Oo, nagselos siya kay Mommy dahil nagkabalikan na siya. Sama ng loob ang dahilan ng pag-iba ng kanyang pakiramdam at emosyon, hanggang sa duguin siya.

Nag-sorry si Daddy. Pero, higit na nag-sorry sa amin si Mam.

“Wag kang humingi ng tawad sa amin, Dina. Kagustuhan ito ng Diyos. Lets’ just move on pagkatapos nito.” Hinawakan ni Daddy ang palad ni Mam at hinagkan. “Salamat at naging bahagi ka ng buhay ko. Sorry dahil ganito ang naging wakas ng ating love story.” Pagkatapos niyon ay napayuko si Daddy. Alam kong emosyonal na rin siya.

Umiiyak na si Mam nang nagsalita ito. “Oo, Joaquin.. Sana matutunan na kitang makalimutan.” Tiningnan ako ni Mam. “Red, you’re so lucky. Buo na uli kayo. Salamat! Be a good boy. Promise me, na walang makakaalam ng mga bagay na ito. Ipangako mo..”

“Pangako ko po, Mam.” Agad kong sagot.

Humingi din ng paumanhin si Daddy sa pamilya ni Mam. Tinanggap naman nila ito ng maluwag sa dibdib. At bilang respeto, nagbigay si Daddy ng limang libong piso para sa pandagdag sa hospital bill. Nagpasalamat naman ang mga magulang ni Mam Dina.

Sayang, di ko nadala ang pera ko. Magbibigay din sana ako kahit P2000. Di bale, sa Monday ko na lang iaabot kay Mam. Sana makapasok na siya.

Pag-uwi namin sa bahay. Hindi muna kami nagkulitan. Nakisimpatya si Mommy sa amin. Alam niya kami na pareho kaming nawalan ni Daddy. Siya ay nawalan ng anak. Ako ay nawalan ng kapatid.


Narinig ko pa kay Mommy ang mga katagang “It’s God’s will”,  habang  nagkukuwentuhan sila ni Daddy. Kami naman ni Dindee ay tahimik na nagpapakiramdaman. Alam ko ang nasa isip niya. Hindi niya lang masabi sa akin. Gayunpaman, hindi naman ako magagalit kung sabihin niya na mabuti nga na nangyari iyon para tuluyan nang makalaya si Daddy sa responsibilidad kay Mam Dina at sa magging anak sana nila.  Sa kabilang banda, gayundin ang nasa isip ko. Lord, patawad..

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...