"Kuya Paul, saan ka po pupunta?" tanong na sigaw ng kapatid na babae ni Rayson nang dumaan siya sa bahay ng kaibigan.
Kakamot-kamot lang ang dose anyos na si Nene nang hindi siya sinagot o nilinga man lang ni Paul. Sinundan niya pa ito ng tingin hanggang sa maging ga-langgam ang laki sa pilapil.
Pinagpatuloy naman ni Nene ang pagwawalis sa bakuran. Naisip niyang pupuntahan ng Paul ang kuya niya. Pero, hindi siya nagtaka kung bakit.
Sa palayan, makikita ang mga dayaming nakatambak. Mayroon ding bahagi ng sakahan na hindi pa naaani. Sa malayo ay may kasalukuyang naggagapas ng palay at may nagtre-thresher.
Alam ni Paul ang lupang sinasaka ng ama ni Rayson kaya alam niya ang direksiyon na kanyang tutunguhin.
Sa isang kamalig, siya tumuloy. Wala doon ang kanyang kaibigan. Ngunit, mula doon ay tanaw na tanaw niya si Rayson at ang ama niyang si Mang Bobet. Ang hula niya ay tinatantiya nila ang akmang panahon para anihin ang palay na kanilang sinaka.
Tumalungko siya sa poste ng kamalig. Nagagalit pa rin siya. Halata sa kanyang paghinga at pagsulyap kay Rayson.
"Walang siyang isang salita! Sabi niya, dito siya bubuo ng kanyang kapalaran. Sabi niya, gusto niyang bilhin ang lupang 'yan!" Nanggigil ang boses niya. "Pero, hindi pa nagtatagal, nag-iba siya ng plano. Iiwanan niya ako." Biglang lumambot ang kanyang mga salita at ngumoyngoy siya. "Lahat na lang ng minahal ko, iniiwan ako." Ikinubli niya ang kanyang mga mata sa likod ng kanyang mga tuhod at mga braso.
"Magtatagumpay ka, anak sa napili mong karera. Tatagan mo lang ang loob mo. Para din iyan sa sarili mo at sa kapatid mo. Di bale na kami ng nanay mo." wika ng tatay ni Rayson habang pinagmamasdan ang ginintuang palayan.
"Opo, Tay. Pero, ang pagsisikap ko ay para po sa ating apat. Kasama po kayo ni Nanay." Pumitas siya ng isang tangkay ng palay at inikot-ikot ito. "Pasasaan ba't ang sakahang ito ay mapapasaiyo." Ibinigay niya sa kanyang ama ang palay.
"Salamat, Ray." Inakbayan niya ang anak at tinapik-tapik.
"Uuwi na po ako, 'tay. Magsasabi na ako kay Paul."
"Mabuti pa nga. Hala, sige! Ako nama'y pupunta doon. Kakausapin ko ang mga tagagapas."
"Sige po!"
Hindi dumaan si Rayson sa kamalig. Hindi rin siya nakita ni Paul sapagkat nakatalungko ito't nag-iisip.
"Malas ka! Malas!" pambubuska ng tatlong bata kay Paul.
Dadampot na siya ng bato nang mahawakan siya ng dalawa at pinagsusuntok sa mukha at pinagsisipa siya ng isa.
"Lalaban ka pa?" Inagaw pa ang bato sa kanya.
Akma namang ipupukpok ito sa kanya ng dumating si Rayson. "Hoy, Abner!" pasigaw na sawata niya.
Nagtakbuhan ang tatlo.
"Ayos ka lang po ba, Paul? Gusto mo pong isumbong natin sa barangay?" sabi niya habang inaalalayan niya ang lupaypay na si Paul.
"Huwag na. Ayos lang ako. Salamat, ha? Niligtas mo ang buhay ko.''
"Wala po 'yun!"
"Ikaw na lang ang kaibigan ko. Huwag mo akong lalayuan, ah?"
"Ha?" takang-taka si Rayson.
"Ipangako mo. Mula ngayon, lagi mo akong pupuntahan sa bahay. Gusto ko ng kasama. Maglalaro tayo dun. Sige na ipangako mo."
"Pero, hindi po pwede. Ayaw ni Nanay na pupunta ako sa bahay niyo. Amo ka po niya. Nahihiya po siya.."
"Aasahan kita bukas ng hapon. Pagkatapos ng klase." Bumitiw na siya sa pagkakaakbay kay Rayson at paika-ika siyang tumakbo pauwi.
"Sir Paul!?" Narinig pa niyang tinawag siya ng kaibigan.
"Rayson?!" Tumayo si Paul mula sa pagkakatalungko at tinanaw ang kinaroroonan ng mag-ama. Wala na sila doon. Lalong nagpuyos ang dibdib niya.
Followers
Tuesday, April 14, 2015
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment