Followers

Wednesday, April 15, 2015

Pilipinas 2030

Traffic. Basura. Kahirapan. Polusyon. Kalamidad. Gutom. Krisis. Krimen. Prostitusyon. Isama na natin ang korupsiyon. Ilan lamang iyan sa mga problema ng ating bansa. Namulat akong ganiyan na ang mga suliranin ng Pilipinas. Isinilang na ako sa ganiyang senaryo. Hanggang sa libro at larawan ko na nga lang nakikita ang Pilipinas na may maunlad na pamumuhay, may malinis na kapaligiran, may pagkakaisa, may katahimikan, may kapayapaan, at may matatapat na pinuno. Kung nangyari man iyan sa nakaraan, posible bang maibalik natin ang ganiyang sitwasyon? Posible bang sa darating na 2030 ay tuluyan nating makamtan ang hinahangad ng bawat Pilipino---ang masagana, payapa, malinis, at maunlad na PIlipinas? Posible… Marami namang organisasyong nagmamalasakit sa ating bansa at kapuwa Pilipino. Kung mangilan-ngilan ang gahaman at walang pakialam sa kapakanan ng kapuwa-tao, mas marami pa rin ang umaasam ng kabutihan para sa lahat. Ang Bantay-Bata 163, Bantay Kalikasan, Kapuso Foundation, BayaniJuan at Haribon Foundation ay ilan sa mga grupong seryoso sa pagtulong tungo sa kabutihan ng iba. Magkakaiba man ang kanilang mga sakop ng tinutulungan, iisa pa rin ang kanilang adhikain. Nakakatuwang isipin na ang mga ito ay walang hinihinging kapalit kundi ang suporta mula sa pamahalaan at sa mga Pilipino. Kung atin lamang silang bibigyang-pansin, mas marami pa ang kanilang magagawa at matutulungan. Grupo man o indibidwal ay may malaking tulong na maiaambag sa bansa o sa kapwa. Ating lamang pakakalimiin. Totoong ang isang piraso ng walis tingting ay hindi makapaglinis ng kalat kapag nag-iisa. Dapat ay isang bungkos sila. Hindi ito gaya ng tao. Ang isang tao ay hindi minsan kailangan ng grupo para makatulong sa kapuwa. Mag-isa man siyang kikilos para sa kaniyang adhikain ay mararamdaman siya ng iba. Kaya, tayo na at labanan ang mga nagpapahirap sa ating bayan! Puksain. Wakasan, para sa Pilipinas 2030!

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...