Ako ang naatasang mag-layout ng welcome tarpaulin ng ikatlong principal na mamumuno sa akin at aking mga kasamahan. Malakas ang tiwala ko noon na magiging maunlad ang aming paaralan sa kanyang pag-upo.
Although, bagito pa lamang siya sa pamumuno, nakikita ko naman na mayroon siyang makabagong kaalaman.
Tama naman ako. Napatunayan ko ito nang lumaon. Sinikap niyang magampanan nang mahusay at buong puso ang kanyang tungkulin sa paaralan at mga guro.
Kaya lamang ay nagkaroon siya ng mga ala-alaga. Nagpaborito siya ng mga guro. Kung sino ang mga malapit o lumalapit sa kanya, siya lamang ang mabibiyayaan.
Iyon naman ay sa kanyang pangalawang taong paninilbihan sa paaralan. Naging mahusay naman siyang pinuno. Ang problema lang, hindi pantay ang kanyang pakikitungo at pagbibigay ng pabor.
Ako ay isa lang sa naging halimbawa. Sumama ang loob ko sa kanya.
Unahin ko muna ang unang taon niya sa paaralan.
Naging Filipino Coordinator na ako ng school. Isinalin iyon sa akin ng tita-titahan ko. Magkapareho kasi ng apelyido ang aming mga ina.
Ako na rin ang school paper adviser sa Filipino.
Parang dream come true ang nangyari. Gusto ko kasi ang mga iyon. I love Filipino subject so much!
Buwan ng Wika. Ginawa kong makulay, masaya at bago ang pagdiriwang nito. Halos, nakibahagi ang lahat ng guro at mga mag-aaral. Marami akong patimpalak na ginawa --pagtula, pag-awit, pagbabaybay, pagbasa, pag-rampa. Nagkaroon noon ng Lakambini at Lakan ng Wika.
Sumatotal, maganda at masaya ang patimpalak at pagdiriwang. Pagod na pagod nga lang ako. Nakatulong ko pa nga ang asawa ko. Okay lang basta magawa ko ang aking tungkulin.
Muli akong nasubukan nang dumating ang Buwan ng Pagbasa. Tumulong ako sa English coordinator para maging makabuluhang muli ang buwang iyon. Sila ang opening program. Ang Filipino naman ang closing program. Ako iyon. Kaya, nag-isip ako ng aking mga pakulo. At muli, nagtagumpay ako. Nagkaroon ng bagong uri ng pagdiriwang na hindi nakita sa huling dalawang taon ko sa GES.
Kaakakibat ng titulo ko ay ang mga report na ipapasa sa Division Office. Wala namang problema. Nagagawa ko nang maayos at sa takdang oras ang mga iyon, gaya ng narrative report at minutes of the meetings.
Alam ko, nagbago ang tingin sa akin ng mga kaguro ko. Marami ang humanga sa akin. Sakitin man ako, may kakayahan naman akong hindi pa nila nagagawa.
Oo, nagkasakit ako noon sa baga. Pero, hindi ako sumuko. Nagsumikap akong magpagaling para magawa ko ang mga obligasyon ko bilang adviser, subject teacher at coordinator.
Dumating sa point, na kailangan kong umabsent ng dalawang linggo para humupa ang ubo ko. Thanks, God dahil gumaling ako.
Isa ako sa mga dedicated teacher sa paaralan. Wala akong hinangad para sa mga estudyante, kundi ang mapatuto ko sila at magkaroon ng hangaring mapataas ang kanilang mga marka. Hindi naman ako nabigo. May ilang pasaway na mag-aaral pero halos lahat ay napabuti. Alam kong napabuti dahil napamahal sila sa akin. Minahal nila ako, bilang ama nila.
Naging makabuluhan ang aking ikatlong taon sa serbisyo, sa pamumuno ni. G. Socao.
Sa ikaapat na taon, ako pa rin ang Filipino Coordinator at School Paper Adviser.
Gaya ng dati, ginampanan ko nang buong husay at galing ang bawat aktibidades na aking sisimulan. Ang Buwan ng Wika at Buwan ng Pagbasa ay kasingganda ng naunang taon. Kaya lang, nagkaroon ako ng panibagong gawain, ang maging si Makata O.
Nabuhay noon si Makata O. dahil sa mga likong gawain ng administrasyon at mga alipores. Sa mga tula ko ay kinakalaban ko ang mga kamalian at pilit na ipinamumulat sa bawat isa. Namumuri rin ako kung kinakailangan.
Kasagsagan noon ni Napoles kaya ang mga tula ko ay naging double meaning.
Lumaon, nadawit ako sa alitan ng dalawang guro tungkol sa promosyon. Akala ng punungguro ay nasusulsulan ako para gumawa ng tula. Pinapahinto akong sumulat, na mariin ko namang tinutulan.
Dahil sa pagpapatawag sa akin, nailabas ko tuloy ang aking mga hinaing.
Una. Nang nag-professional meeting kami, nagtanong siya sa Math VI teacher kung kumusta ang MTAP result. Mababa daw ang rank dahil hindi pa rin master ng mga kalahok ang multiplication table. Tiningnan niya agad ako, imbes na ang nagsalita. Masakit iyon sa akin. Ang ibig niyang ipakahulugan ay sinisisi niya ako bilang Math V teacher. Samantalang, ginawa ko ang lahat para matuto ang mga bata. Grade 3 pa lang sila ay tinuruan na silang mag-multiply. Kasalanan ko pa ba? Hindi ako umimik noon. Hindi pa kasi ako tuluyang tinutubuan ng sungay at buntot. Ang ginawa ko, bumuo ako ng samahan na tinawag kong GES Math Club. Kinasangkapan ko ang mga pupils ko para gawin itong makabuluhan. Nag-create ako ng FB group para sa club na ito. Doon ay nagpo-post ako ng mga Math quizzes, trivias, jokes at riddles na kung saan matuto sila. Nag-elect din kami ng mga officers na siyang mamumuno sa mga activities namin, like Math Quiz-Bee at Math Olympics.
Binuo ko rin ang Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino o KAMAFIL. Kapareho ng GES Math Club ang layunin nito.
Salamat sa hinanakit! Nakabuo ako ng mga makabuluhang simulain.
Pangalawa. Ilang araw ang lumipas, pagkatapos ng hinanakit ko lumapit ako sa principal at ibinalita ko ang aking mga clubs. Hindi naman daw niya makikita sa Facebook dahil bihira siya mag-open. Hindi naman iyon ang ibig kong sabihin. Nais ko lang naman na gawin naming pormal ang mga organisasyon para makatulong lalo sa mga mag-aaral. Ngunit binalewala niya. Ni hindi niya ako minsan natanong kung kumusta na ang orgs ko. Wala. Busy siya masyado.
Ang sama ng loob ko. Pero, ginawa ko itong challenge para pag-igihan pa ang aking adhikain. Lalo ko ring pinalakas at pinatulis ang mga salita ni Makata O.
Kaya nga nang pinatawag ako, sinabi kong lahat ang mga hinanakit at hinaing ko. Inisa-isa ko. Sinabi ko rin ang linyang ito: "Alam mo, Sir, isa ako sa mga maaasahan mo sa paaralang ito, kung hindi lang nakapako ang tingin mo sa mga taong malapit sa'yo."
Ang totoo, napaluha ako sa nangyari. Sabi ko pa nga'y patapon na ang buhay ko. Kasalukuyan kasi akong hiwalay sa asawa at mga anak ko. Pero, gumagawa ako ng mga bagay na ikabubuti ng paaralan at mga mag-aaral.
Nag-sorry siya sa akin at nangakong susuportahan ako sa mga gawain at balakin ko. Pero, hindi ko ipinangakong ititigil ko ang pagsusulat at pagpapatama sa mga lumiliko ng landas.
Sinuportahan niya nga ako. Sa katunayan, nagbigay siya ng mga medalya para sa Math Olympics namin. Nauna na ang Palarong Pinoy ng KAMAFIL, kaya wala na siyang kontribusyon doon.
Pinagkatiwalaan niya rin akong gumawa ng exhibit ng before and after ng papasinayaang covered court. Sa tulong ng aking mga kagrupo ay nagawa namin itong kaakit-akit.
Hinikayat ko rin ang mga kasamahan ko na mag-landscape kami sa mga bakanteng lupa sa paaralan dahil sa Mancom. Nabiyayaan tuloy ang grade level namin ng printer dahil sa mga initiative ko.
Usapang journalism o school paper. Unang taon ni Sir Socao ay pinagawa ako ng diyaryo. Ginawa ko naman kahit di pa sapat ang kaalaman ko sa desktop publishing. Expected ko na maglalathala, pero hindi. Fifth year ko na natuklasan na ginawa lang pala nilang annual report ang diyaryo ko.
Second year, na dapat kaming magpa-publish, nagkaproblema naman ako sa parent ng journalist-kuno. Nireklamo ako dahil akala niya ay humihingi ako ng USB, instead na article. Grabe! Ang tindi ng magulang na iyon. Concerned parent daw pero 'di nakipagkita sa akin. Hindi ko na iyon itinuloy. Wala pa ring diyaryo ang school.
Overall, naging aktibo ako sa school year na iyon. Maraming bata ang natuto at na-inspired ko. Isa sa mga paraan ko sa pag-motivate ay ang pagsulat ng kuwento at pagbasa nito sa kanila. Ang kuwento ni Lola Kalakal ang isa sa mga kuwentong gusto nila. Dumami at naging nobela iyon dahil sa paghingi nila ng kasunod na istorya.
Lumabas din ang iba ko pang kakayahan.
Nang lumipat ng ibang school ang principal, pinasulat ako ng tula para sa kanya. Nagawa ko iyon nang mahusay at nakaka-touch, sapagkat wala ng masamang tinapay sa amin. Mainam talaga ang pag-uusap para sa maluwat na samahan.
Pareho kaming natuto sa bawat isa.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment