Noong bata pa ako, ayaw kong matulog. Nahihirapan ang mga magulang ko na mapatulog ako sa hapon. Ngunit ngayong malaki na ako, gustong-gusto kong matulog. Hindi naman ako dalawin ng antok.
Whew! Napaka-ironic!
Hindi lang naman ako ang nakakaranas nito. Halos lahat tayo, di ba? Mahirap kasi talagang matulog lalo na kapag ikaw ay may suliranin at bagabag sa buhay. Ang iba, kapag pagod ay hindi makatulog, lalo na ang mga propesyonal, atleta, artista o trabahador.
Kaya naman, kanya-kanyang ritwal ang ginagawa natin para lang antukin at makatulog. Ako, pinupuyat ko ang sarili ko. Pinapagod ko ang mga mata ko sa radiation ng cellphone o computer para susuko na o kusa nang sasara ang mga talukap ng mata ko.
"Pa, yakap." sabi ng anak kong si Zillion kapag di siya makatulog.
Ang kaibigan kong si Epr, ang sarap ng tulog kapag may nakasalpak na earphone sa kanyang mga tainga. Tanggalin mo, tiyak magigising siya.
Ang pinsan ko namang lalaki ay laging may nakalamukos na kulambo sa kanyang mga paa upang makatulog.
Kakatwa, di ba?
Pero, ganyan talaga! Kailangang gawin para makatulog ng 6 hanggang 8 oras. Kailangang magkaroon ng estilo kung gusto mong hindi magka-insomnia.
Ang Olympic Gold Medalist nga na si Michael Phelps ay natutulog sa mataas na higaan (8,500 hanggang 9,000 feet) dahil napupuwersa ang kanyang katawan na gumana kahit nagpapahinga. Naniniwala kasi siyang inihahanda siya nito sa kanyang mga paligsahan.
Samantalang ang sikat na manunulat na si Charles Dickens ay laging nakaharap sa hilagang bahagi kapag natutulog upang mas maging malikhain siya sa pagsusulat.
Si Tom Cruise ay natutulog sa sound-proof 'snoratorium' dahil grabe siya kung humilik. Kaya, komportable siya sa maliit at madilim na silid na iyon.
Si Winston Churchill naman ay umiidlip ng dalawang oras kada araw. Tuwing alas-5 ng hapon, umiinom siya ng whisky at soda, bago siya umidlip. Para sa kanya, ito ay isang paraan upang makayanan niyang magtrabaho ng isa't kalahating araw kada 24 oras. Bilang 'night owl', aktibo siya sa gabi. At dahil sa kanyang paiba-ibang schedule, minsang nagpapulong siya habang naliligo.
Pinalilibutan naman ni Mariah Carey ang kanyang kama ng 20 humidifiers para makatulog dahil kailangan at gusto niyang laging matulog ng 15 oras bawat araw.
Ang lahat ng unan ni Stephen King ay nakaturo sa iisang direksiyon. Kahit ang mga punda nito ay kailangang magkakapareho ng harap. Nagsisipilyo at naghuhugas ng kamay din siya ng kamay bago matulog.
Sinusunod ni Leonardo da Vinci ang polyphasic sleep schedule o ang Uberman sleep cycle. Ito ay ang 20-minutong pag-idip tuwing ikaapat na oras. Ang estilo ito ay nakakapagbigay sa kanya ng mas mahabang oras para sa kanyang mga gawain.
Kung ang iba ay mas gusto ang madilim na silid kapag natutulog, ibahin niyo si Eminem. Naglalagay siya ng tin foil sa kanyang mga bintana para mapanatili ang liwanag sa kanyang kuwarto. Gusto rin niyang may tugtog habang natutulog dahil natutulungan siya nitong makarating sa iba't ibang time zones.
Ang nobelistang si Emily Brontë ay umiikot muna sa bilog na hapag-kainan hanggang antukin.
Si Marissa Mayer naman ay nagbabakasyon at natutulog lang buong isang linggo tuwing ikaapat na buwan. Bilang CEO ng Yahoo siya ay workaholic, kung saan nagtratrabaho siya ng halos 130 oras bawat linggo, na nagiging dahilan para makulangan siya sa tulog. Kaya naman ang estilo niya sa pagtulog ay kanyang ginagawa sa tuwi-tuwina para makabawi.
Anumamg sleeping style o ritual ang ginagawa natin bago matulog, walang pakialamanan! Ang mahalaga, makatulog tayo at makapagpahinga para sa ating mga gawain at trabaho. Mas mabuti na ang mga ito kaysa sa kemikal o iligal na paraan para makatulog.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment