Followers

Sunday, April 26, 2015

Alter Ego: Takot

Dumilim ang kalangitan kasabay ng pagdilim ng mga paningin ni Paul. Galit na galit siya. 

Padaskol siyang naglakad pabalik sa bahay nina Rayson. 

"Kuya Paul, nagkita po ba kayo ni Kuya?" tanong ni Nene. Napansin niyang matalas makatingin ang amo ng ina. Natakot siya ngunit di pinahalata.

"Asan siya?!" Asan ang kuya mo?" halos pasigaw na tanong ni Paul.

Hindi agad nakasagot si Nene. Nagulat siya sa ginawi ni Paul. Alam niyang hindi siya ganyan dati.

"Sabi ko, saan ang kuya mo?"

"S-si Kuya? Sa.. Sa ilog. Doon siya. Dala niya po ang.. ang kalabaw namin." Pagkasabi niyon ay tumakbo si Nene paloob ng bahay nila at sumilip kung pupuntahan ni Paul si Rayson o hindi. Natakot siya lalo nang papunta sa ilog si Paul.

"Ang tindi ng init kanina ngayon naman ay uulan pa." pabulong na wika ni Rayson habang binabasa ang kalabaw. 

Bago narating ni Paul ang ilog ay bumuhos ang malakas na ulan. Kasunod niyon ang kulog at kidlat. Nataranta siya't nanginig sa takot. 

Pinilit niyang talunin ang takot. Pinairal niya ang galit sa kanyang dibdib. Kailangang saktan niya si Rayson. Kaya dumampot siya matulis na bato nang matanaw niya ang kaibigan.

Muling kumulog at kumidlat.

"Mommy!" Gusto niyang isigaw pero paimpit niya itong nasabi. 

Mga limang hakbang ang layo niya kay Rayson nang muling kumulog at kumidlat. Hindi niya nagapi ang galit. Takot ang pumuno sa kanyang isipan. "Mommy?! Mommy!?" Napaluhod siya at nabitawan ang hawak na bato.

Luminga si Rayson nang marinig niya ang iyak ni Paul. "Paul?" Mabilis niyang tinulungang tumayo ang kaibigan. "Bakit andito ka, Paul? Anong nangyari sa'yo?" Nagulumihanan siya. 

Nanganagatal si Paul. Hindi alam ni Rayson na iyon ay sanhi ng pinaghalong takot at galit. Akala niya ay dulot ng lamig ng tubig-ulan. 

"Senyorito, ano ba talaga ang nangyari sa'yo kanina?" tanong ng yaya niya habang inuubos ng alaga ang mainit na gatas

Hindi pa rin nagsalita si Paul. At nang maubos ang iniinom, binalot niya ng kumot ang kanyang katawan.

Lumabas na lamang ang ina ni Rayson. Iiling-iling.




No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...