Followers

Wednesday, April 22, 2015

Ang Kasaysayan ng Broadcasting sa Aking Paaralan


        Ang radio broadcasting ay isa sa mga kategorya sa taunang Young Writers Conference at Contests, mula dibisyon hanggang nasyonal, na nagsimula noong 2010. Ngayon ay nasa ikalimang taon na ito bilang isang regular na patimpalak sa journalism.
        Naging bahagi ako ng unang grupo ng pitong mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa Pasay noon ding 2010 dahil napili ang aking sinanay na si Renato Osit sa elimination round para sa English Radio Broadcasting Team na isasabak sa 32nd Metro Manila Young Writers Conference and Contests.
         Isang malaking karangalan ang naiuwi namin noon sa paaralan dahil hindi namin inakala na makakabilang kami sa koponan ng broadcasting, samantalang si Renato ay inilaban ko sa kategoryang feature writing. Pero, dahil nga siya ay nagkamit ng 10th Place, siya ay isinalang sa isa pang laban, pagkatapos mismo ng paggawad ng gantimpala. Kasama niya ang 8th, 9th  at 10th placers sa lahat ng mga kategorya, gaya ng headlining, editorial writing, sports writing at iba pa. Dahil may natural na galing, siya ay napili na maging miyembro ng team.
         Agad naman siyang sinalang sa training, kasama ng anim na mag-aaral.
         Hindi ko man iyon linya, ngunit nagustuhan ko iyon. Nakakabilib! Kaya lang, pagkatapos ng ilang araw na training nina Renato at ng kanyang kasamahan, nagkasakit siya. Sa kamalasan, iyon na ang huling araw ng kanilang practice, kaya kaagad siyang pinalitan. Hindi na siya nakaranas na ilaban sa regional competition. Nakakalungkot man ngunit natuwa din ako kalaunan sapagkat nagkaroon ako ng panibagong karanasan, gayundin  si Renato. Inisip ko na lang na iyon ay isang biyaya.
          Biyaya nga iyon na aking maituturing sapagkat sa sumunod na taon, ako pa rin ang naatasan ni Sir Tirso Gali at ng mga haligi ng journalism na sina Mam Lolita De Paz at Mam Gloria Lopez. Masaya ko itong tinanggap, kasama ang mga kategoryang Editorial Cartooning at Paglalarawang-Tudling . Nabigo man akong mapasaakin ang Pagsulat ng Lathalain, na siyang aking unang mahal, ay natutuwa pa rin ako.
         Si Julia Beneth Centino ang napisil ko para sa English radio broadcasting. Si Ana Clarissa Sultea naman ang sa Filipino. Sina Alexandra Wayne Ramirez at Hana Gieva Martillan naman ang sa English at Filipino editorial cartooning.
         Apat man sila ay kinaya ko silang sanayin, sapagkat gusto ko ang aking ginagawa. Ngunit dahil sadyang mahirap ang ganitong set-up, si Hana Gieva lamang ang nakapasok sa regional, nang manalo siya bilang ikapitong puwesto sa paglalarawang-tudling.
        Ang mga manok ko sa broadcasting ay nag-uwi naman ng bagong karanasan. Hindi iyon basta nararanasan ng ibang mag-aaral, lalo na’t ikalawang taon pa lamang ito. Naging bagong hamon din sa akin, bilang tagapagsanay ang pagkakataong iyon sapagkat mas naunawaan ko ang mga sistema ng patimpalak. Although, naiba ang paraan ng pagpili ng mga kalahok upang makabuo ng isang group na may pitong miyembro.
       Ang ginawa sa DYWCC ay pinabasa lahat ng mga kalahok ng isang balitang nasyonal sa harap ng ibang kalahok at manunuod. Nahuli kaming dumating dahil sinundo ko pa si Julia. Kaya naman, hindi nila alam laruin ang contest. Hindi nila napag-aralan sa mga sandaling iyon ang mga dapat gawin o hindi dapat gawin habang nagbabasa ng balita. Bunga nito, hindi sila nakapasok sa ikalawang pagbasa. Hindi na rin sila pumasok sa pagpipilian. Sa madaling sabi, talo sila. Okay lang. Charge to experience.   
        Sa ikatlong taon ng broadcasting, hindi ko alam kung bakit hindi ako nakasali. Ang hula ko ay dahil wala akong kalahok na nagwagi bilang ikawalo hanggang ikasampung puwesto sa mga kategorya ng journalism.
        Sa ikaapat na taon ng broadcasting, nag-iba naman ang sistema ng patimpalak. Kung dati ay division agad, ngayon ay mamimili muna ang bawat district. Nag-usap-usap ang mga SPA advisers, kasama ako, na magdala ng tig-dadalawang kalahok sa bawat kategorya ( Filipino at English broadcasting) sa itinakdang oras, petsa at lugar upang mapili ang pitong miyembro na bubuo sa West District Team.
        Dahil dalawang kategorya, apat ang dala ko sa ABES--- sina Aila Mae R. Bautista at Karryle Leila P. De Leon (Filipino);Princess Anne O. Banawa at Carlos Corleone Tahup (English). Sa pangunguna ni Bb. Rejuso, punungguro ng ABES, ay makatarungang nabuo ang dalawang koponan. Masayang-masaya ako sapagkat tatlo sa apat ko ang nakalusot sa elimination. Si Carlos ang hindi pinalad. Deserve naman ng tatlo ang kanilang pagwagi.
        Dahil limang schools ang west district, limang trainers din ang nagsasanay sa 14 na kalahok. Halos dalawang beses sa isang linggo kaming magti-train. Bawat training ay dumadayo kami sa iba’t ibang school o sa school ng isang trainer para maiba ang ambience. Epektibong paraan ito marahil sapagkat pagdating ng awarding ang English broadcasting team namin ang napiling 3rd Best Team. Not bad! At, ang Filipino broadcasting team namin ang itinanghal na champion sa division. Halos maiyak kami sa tuwa ng mga oras na iyon. Sa dami kasi ng pinagdaanang hirap naming lahat at sa kontrobersiyang naganap noon din araw na iyon, hindi namin akalaing kami ang magwawagi.
       Pinaratangan kaming nandaya o ginamit ang script at music stinger ng east district. Mahabang istorya at usapin ito. Ang pinagmulan ay isang walang kabuluhang bagay, sapagkat alam naming hindi kami nandaya. Ginawa namin ang lahatng mabuti at mabisang paraan para manalo.
       Naging talk-of-the-town ang pangyayaring iyon. Pinagharap-harap pa kaming mga trainers. Nagkaroon pa ng muntikang kaso, hanggang sa magdecide kami na ibigay na lang sa kanila ang pagkakataong lumaban sa MMYWCC.
       Sayang man ang tsansa ay tinanggap na namin ng maluwag ang nangyari. Ang mahalaga ay nalinaw sa dibisyon na ang pagbibitiw namin ay hindi nangangahulugang pag-amin ng pandaraya. Kami pa rin ang kampeon sa dibisyon ng Pasay. Nahirapan lamang kaming mga tagapagsanay na ipaliwanag sa aming mga kalahok kung bakit hindi kami lalaban sa regional. Masakit para sa kanila, gayundin sa amin ngunit wala na kaming magagawa.
      Sa ikalimang taon ng broadcasting, maaga akong mamili ng apat na kalahok na isasabak sa district elimination sa ABES. Isa si Josaiah Lorrence Sibonga sa mga pinagpilian ko, kahit Grade 4 pa lamang siya sapagkat nakiusap ang kanyang ina o ang aking kumare na isali ko ang kanyang anak. Last year pa lamang ay nagsabi na siya. Bilang guro na may bukas na isipan, I consider him. May talento naman ang bata sa larangang ito kaya kinuha ko siya. Kasama niya si Vie Necherose Gracia, na dati kong estudyante at pinangakuan kong isasabak siya sa broadcasting. Pinili ko naman sa Filipino broadcasting si Marijo B. Maramba na makasama ang dating kampeon na si Aila Mae R. Bautista.
       Ginawa uli namin ang mechanics ng elimination gaya ng nakaraang taon. Ang pinagkaiba lang, ay hindi na si Mam Rejuso ang namili, kundi kaming mga tagapagsanay.
       May nadagdag na ring trainer at may napalitan. Si Mrs. Lorie Sibonga ay personal kong pinakiusapan na maging tagapagsanay ng English broadcasters ng Gotamco na sina at Josaiah. Sabi ko, mas mapopokusan niya ang kanyang anak kapag siya ang trainer niya. Pumayag naman agad siya.
       Gaya ng dati, twice a week ang training namin sa iba’t ibang west district schools. At dahil collaborative publishing trainer din ako, halos isang linggo akong nasa training. Friday lang ako nasa school. Nakakapagod pero nakaka-enjoy.
       Ang usaping collaborative publishing ay hiwalay dito. Unang taon nito sa journalism kaya sa akin napunta. Isa pa, SPA ang pinadalo sa seminar kaya ako ang naging trainer. Another thing is ayaw magsanay ni Sir Erwin, na siyang SPA-English, kaya sa akin napuntang pareho ang kategorya.
       Noong ika-5 ng Setyembre, 2014, itinanghal ang West District English Broadcasting Team na 2nd Best Team. Sa kasamaang-palad, hindi sila sasabak sa MMYWCC sa Valenzuela City. Ang West District Filipino Broadcasting Team ang masuwerteng nagwagi at papasok sa susunod na level.
       Doble ang saya ko noong mga oras na iyon dahil champion din ang team ko sa English collaborative publishing. Malungkot lang dahil hindi naman nakapasok ang aking mga kalahok sa feature writing at pagsulat ng lathalain. Napabayaan ko kasi sila. Lesson learned. Dapat pala ay isinasama ko din sila sa bawat training ko, gaya ginagawa ng mga co-trainers ko.
        Isang malaking karangalan sa bawat paaralan ang pagwagi ng isang mag-aaral, kahit sa anumang patimpalak. Ang broadcasting nga sa Gotamco ay isa sa mga nagbigay ng ambag ng karangalan sa paaralan sa loob ng dalawang magkakasunod na taon. Dahil dito, sisikapin kong itaguyod ito upang magtuloy-tuloy ang ganitong sitwasyon. Habang kasama ito sa taunang patimpalak, ako ay mananatiling tagapagsanay nito.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...