Followers

Saturday, April 11, 2015

BlurRed: Pride at Outing

Pride
Ma-pride din pala si Jeoffrey. Hindi niya rin ako nilapitan sa bar. Akala niya siguro mawawala ng gano’n-gano’n na lang ang galit ko sa kanya. Balewala na ang awa ko sa kanya. Kung noon, nais ko siyang tulungan sa problema niya, ngayon hindi na. Traydor, e.
Hindi na rin nag-text si Dindee pagkatapos niyang magalit sa akin. Siyempre, mag-aaksaya lang ako ng panahon, load, at effort kung magso-sorry na naman ako sa kasalanang hindi ko ginawa. Pride na lang ang puwede kong itira sa sarili ko. Ibinuhos ko na ang pagmamahal ko sa kanya. Sarili ko naman ngayon ang pahahalagahan ko.
Dahil dito, napagtanto kong kailangan ko na palang mag-inquire sa PNU. Nag-decide na kasi akong maging teacher, gaya ni Mommy. Tinext ko si Riz sa plano ko kaya dalawa kaming tumungo sa Normal.
“Salamat, Red!” turan ni Riz, nang palabas na kami ng university.
“Sa’n?”
“Sa pagyaya mo sa akin...”
“Ah.. Wala iyon. Sabi mo kasi noong isang araw, ‘di ba? Desidido ka na ba?”
“Alam mo, kanina...wala pa sa loob ko na education na ang gusto ko... pero, kanina...” Tumingin muna siya sa akin. “…habang nakikipag-usap ka sa may registrar’s office.” Napangiti siya.
Naghintay ako. “Ano?’’
“Tinitigan kita. Ang guwapo mo pala talaga.” Humagalpak siya ng tawa. Yumugyog pa ang mga balikat. Na-miss ko ang ganoong tawa niya.
“Ikaw, ha, niloloko mo ako!”
“Hindi, a! Nagsasabi lang ako nang totoo. Natawa lang ako kasi, hindi ako sanay na purihin ka. Alam mo naman na magkaribal tayo school, ‘di ba? Galit ako sa ’yo. Dati! Oo, dati...”
“A...” Medyo na-gets ko na ang sinabi niya. Pero, alam ko, crush niya pa rin ako.
“Tara, tawid na tayo!” Unconsciously, kinuha niya ang kamay ko at hinila ako para tumawid ng kalsada.

Hindi agad kami umuwi. Tumambay kaming muli sa Luneta. That time, masaya na kami. Panay na ang biruan namin. Inalala rin namin ang mga kulitan namin sa school. Pinag-usapan din namin ang mga courses na kukunin ng barkada namin. Naging tampulan pa namin ng tukso si Gio. Sabi niya, “Ano kaya ang kukunin niya?” Sagot niya, “Education din.” Tawanan kami nang dugtungan niya  ng ‘‘Kawawang mga estudyante!”



Outing
Kahapon, tumawag si Riz sa akin. Kakausapin daw ng Mama niya ang Mommy ko. Nagkausap nga sila. Matagal.
Tungkol pala ito sa naudlot naming swimming noong April 5. Nagplano ang mga magulang ni Riz na ituloy ito. Nagkasundo naman sila ng nanay ko.
Kaya, summertime ngayong araw!
Dalawang pamilya.
Tig-tatatlong miyembro.
Ayos! Parang pinagtagpo.
Tuwang-tuwa si Riz. Alam ko ring thankful ang mga magulang niya sa mga magulang ko dahil pinagbigyan sila. Simple lang naman kasi ang bagay na ito. Maliit na bagay.
Sa resort, kain lang kami nang kain pagkaahon sa tubig. Unti-unti na ring nabubuo ang pagkakaibigan ng dalawang pares ng mag-asawa. Parang matagal na silang magkakakilala.
Walang nagbanggit ng tungkol sa rape o kaya kay Leandro. Ang moment na iyon ay para lang sa kasiyahan, bonding at pagkakaibigan. Masasabi kong na-enjoy ng bawat isa sa amin ang outing na kanina.
"Kung parati tayong ganito…" simula ni Riz. Nasa swimming pool kami. "…mabilis kong malilimutan ang masalimuot na pangyayari sa buhay ko."
"Oo. Sana. At, sana rin kahit walang bonding ay mabilis kang maka-get over."
"Tulungan mo ako, Red." May halong pagmamakaawa ang kanyang pakiusap niya.
Tumango lang ako.
"Kapag mag-isa ako, hindi ko maalis sa isip ko ang kahayupan ng demonyong ‘yon."
"Time heals. Ang importante, unti-unti mo nang natatanggap ang nangyari. Kaya mo ‘yan, Riz. Nandito lang ako."
Biglang napatitig siya sa akin, na tila may masabi akong maganda sa kanyang pandinig.
"Talaga, Red? Salamat! Salamat!"
Naku, nakapagpromise ako nang wala sarili ko. Patay! Baka umasa siya. Sabagay, iba-iba naman ang kahulugan ng 'Nandito lang ako.'

Samantala, wala pa rin kaming kibuan ni Jeoffrey kagabi sa bar. Hindi rin nagparamdam si Dindee maghapon. Kapag nagtagal ang ganitong sitwasyon, hindi malayong mawalan ako sa kanya ng amor. Gano’n ako, e. Matagal ko rin siyang sinuyo. Kahit hindi ko kasalanan, ako ang nagso-sorry. Nakakasawa rin pala.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...