Followers
Wednesday, April 1, 2015
Ang Aking Journal -- Abril, 2015
Abril 1, 2015
Miyerkules Santo na. Wala pa ring tawag mula kay Emily. Gayunpaman, nananalig ako na nasa mabuti siyang kalagayan.
Si Ion, hindi pa naman naghahanap sa kanya. So far, enjoy siya na kasama ako. Sobrang init nga lang ng panahon kaya hindi ko siya masyadong pinagpapalaro.
Ako naman, patuloy akong nagwa-wattpad. Gusto ko rin sanang i-pursue ang photography. Wala nga lang lugar o ng subjects. Iba na ang Bautista. Di tulad noong wala pang mansion ang mga Diokno sa compound. Malaya akong nakakakuha ng mga larawan sa paligid. Kaya naman, si Zillion na lang ang kinukuhaan ko.
Abril 2, 2015
Huwebes Santo. Naalala ko last year, nasa Paco lang ako. Nagwa-wattpad habang naiinitan at nangangamot. Kasalukuyan kasi akong may skin disease noon. Mabuti na lang hindi na naulit.
Nainis lang ako sa signal ng internet. Ang hina. Andami ko pa naman sanang gustong i-research at isulat. Siguro ay gusto lang ni Lord na magnilay ako.
Past two-thirty, pumunta kami ni Ion sa Veterans. Namili kami ng pagkain. Wala ng makutkot si Ion. Mahinang kumain ng kanin. Naawa ako. Kaya, pagdating dun, pinapili ko siya ng mga gusto niya. Cupcake at biscuits with fillings ang napili niya. Bumili na rin ako ng tinapay.
Natuwa ako pagdating namin. Andami niyang nakain.
Abril 3, 2015
Biyernes Santo. Alas-8 na ako bumangon. Napuyat ako kagabi sa kababangon para umihi. Ayos lang naman kasi, dahil dito, nakasulat ako ng sanaysay na pinamagatan kong "Mga Kakatwang Paraan ng Pagtulog". Nag-Google ako at sinama ang mga sleeping rituals ko at ni Ion. Ang hirap kasing makatulog.
Alas-dose nanuod kami mg '7 Last Words'. Hindi masyadong nakakaiyak ang preach at patotoo ng iba. Siguro ay dahil di ako maka-focus dahil sa ingay ni Ion. Last year kasi, sobrang nabagbag ang loob ko.
Dumating sina Jano at ang tatlo niyang anak bandang alas-4. Naawa ako sa mga kuwento niya. Ramdam ko ang hirap nila sa pamumuhay lalo na't walang income ang shop nila. Gawa ito ng Lenten.
Wala din akong magawa. Nagigipit din ako.
Abril 4, 2015
Nakaplano na akong pumunta sa Malaking Parang, kina Jano kahapon pa. Kaya lang may plano na palang mag-swimming. Dumating nga siya pagkatapos kong mag-almusal.
Namalengke agad sila ni Taiwan sa Gate 2. Pagdating nila, sinama niya kami ni Ion sa bahay nila. Ako kasi ang pinag-ihaw niya ng liempo.
Ala-una, nasa Boso-Boso Highlands Resort na kami. Kumain agad kami. Pagkatapos ay lumibot kami ni Ion. Nagandahan ako sa lugar. Kaya pala sikat na rin ito.
Nag-swimming din kami ni Ion, dalawang beses kaming bumalik sa pool. Nagpangatlo si Ion, saka kami lumibot uli para mag-picture sa paligid. Nagsawa si Ion sa posing. Ang ganda kasi ng lugar. Overlooking. Nature pa.
Alas-sais, umuwi na kami. Hindi naman ako pagod. Sumakit lang ang balakang ko sa kakakarga kay Zillion habang nasa pool kami. Sayang! Gusto ko pa nga sanang magbabad kanina.
Gayunpaman, na-enjoy ko ang outing. Sulit ang entrance fee.
Abril 5, 2015
Napuyat ako kagabi. Madaling araw na kasi dumating si Taiwan mula sa resort. Nahirapan na akong makatulog uli. Mabuti na lang at nagising ako bandang alas-7:45.
Ang bigat ng katawan ko. Pagka-almusal ay nahiga na ako sa sofa at nanuod ng TV. Enjoy naman ako sa panunuod ng mga cartoons.
Mabigat din ang loob ko na bumalik sa Pasay. Kundi nga lang mahalagang mag-issue ng report card bukas, hindi na ako pupunta doon. Kailangan ko ring tapusin ang mga take-home final exam ko sa masteral at mag-print ng mga entries sa Gawad PPV.
Haharapin ko rin bukas ang mga traydor kong kasamahan. Kailangang maipakita ko sa kanila na hindi ako apektado sa mga paninira nila, dahil ang mahalaga sa akin ay ang kapakanan naming mag-ama.
Alas-siyete ay umalis na kami sa Bautista. Wala pa rin doon si Epr kasi dumiretso na siya sa office nila sa Cubao, all the way from Bulan. Magdadalawang buwan na rin kaming di nagkikita.
Pasado alas-8 ay nasa school na ako, kami ni Ion. Maya-maya ay nagsidatingan na ang mga magulang na kukuha ng card. Kasi, sarado pa ang Guidance. Naroon ang mga report cards. Past nine, ito nabuksan.
Nakakuwentuhan ko si Miss Kris bago kami nananghalian. Napag-usapan namin ang tungkol sa kanyang pagpasa ng papers sa Gawad PPV. Natulungan ko siya kahapon sa paggawa ng recommendation letter na Tagalog. Kailangan na lang ng pirma ni Mah.
Napagkuwentuhan din namin ang paninira sa akin ng mga traydor. Sinabi ko sa kanya na willing akong i-give-up lahat ng trabaho. Naipangako ko na rin sa kanya ang Filipino coordinatorship. Tinanggap niya.
Later, nakausap ko si Mam Vi. Pareho kaming may sentiment sa school. Ang mga pagmamalasakit namin sa school ay binabalewala nila. Minsan, kami pa ang napapasama.
Sunod ay si Mam Loida.
Pinag-iingat ako sa mga kumare ko. May point naman siya. Sabi ko pa, hindi niya ako pwedeng siraan dahil may nasasabi siya against sa detractor ko.
Nagpatulong ako sa mga pupils ni Mamu sa pagsauli ng mga books. Mabilis lang natapos.
Nakausap ko doon si Mam Ana. Nag-confide ako sa mga nagaganap sa akin. Sabi ko, naniniwala na ako sa ugali ng kasamahan namin. Totoo ngang may pagkatraydor.
Pagkatapos, si Mamu naman ang nakausap ko. Hay! Siniraan talaga ako ni Donya Choling kahit kay Ninang. Tindi!
Nakita ni Mam Deliarte for the first time si Ion. Pinagmano niya pa sa kanya. Then, nagtanong ako kung pwedeng hindi ako umattend ng meeting para sa summer reading camp bukas. Hindi daw pwede. Filipino Coordinator daw kasi ako.
Mabuti di ko nasabi na ayaw ko na kasi ng coordinatorship dahil nang nakakuwentuhan namin ni Mamu si Mam Loida, pinayuhan niya akong wag i-give up ang mga nasimulan ko. Huwag ko daw silang hayaang magbunyi. Mababalewala ang mga pinaghirapan namin.
Parang na-convince niya ako.
Next, umuwi muna kami ni Ion sa bahay para magbihis. Then, pumunta na kami sa hideout. First time ni Zillion doon. Sayang, di kami kompleto. Si Plus One at si Mamu lang ang nandoon.
Eight, umuwi na kami.
Abril 7, 2015
Dapat sa hideout kami mag-aalmusal. Invited kasi kami ni Mamu. Darating din si Papang. Kaya lang, napuyat ako kagabi. Ewan ko ba! Uminom naman ako ng gatas bago matulog, pero nahirapan pa rin akong makatulog. Sinabi ko na lang sa kanya na tulog pa si Ion.
Nine, nasa EDSES na kami. Dumating din si Sir Erwin. Ang saya!
Pagkatapos ng meeting, niyaya ako ni Sir Erwin sa DO para makiusap sila ni Mam Vicky na magsaswap sila ng school na tuturuan. Pumayag naman si Mam Polero at Mam Deliarte. Pinayuhan siya na kausapin si Mam Leny at gumawa ng sulat para kay Mam Ladines. Pinakiusapan niya ako na gawan ko siya ng letter of intent. Pumayag ako dahil sa kagustuhan kong makabalik siya sa Gotamco.
Later, naglunch kaming apat sa Jollibee. Antagal namin doon. Andami naming napagkuwentuhan.
Past 2:30, pumunta kami sa school. Sobrang init. Nakapagpalamig kami ni Ion sa Guidance. Pero, umuwi na kami bandang alas-tres kasi umalis na si Mam Amy.
Sumakit ang ulo ko. Nasusuka ako. Pagod, puyat at init in one. Tindi!
Mabuti na-draft ko na ang letter na pinapagawa niya sa akin. Na-approve niya na rin. Kaya lang, di ako nakapagbabad ng mga damit namin. Hindi ko rin natapos ang final exam ko sa Educational Leadership.
Naawa din ako kay Ion. Tinanong niya ako kung bakit wala kaming TV. Tapos, nauwi sa pag-uwi niya sa Aklan. Mas gusto daw niya doon. Napaisip tuloy ako. Kaya naman, pinanuod ko siya ng cartoons sa youtube.
Abril 8, 2015
Bago mag-alas-otso ay nasa carinderia na kami ni ion para mag-almusal. Since, hindi ako kumain ng kanin kagabi dahil sa sobrang sakit ng ulo ko, nagkanin kami. Nakabawi ako.
Then, tumuloy kami sa CUP para kumuha ng exam permit. Napaaga yata kami kaya sa PVES muna kami pumunta para ibigay kay Sir Erwin ang letter na pinagawa niya. Kaso, nakausap niya ang principal niya. Hindi siya pinayagan. Siya ang kailngan ng PVES/SPED, hindi ang ipapalit niya. Nalungkot ako. Akala ko ay makakasama na naming siyang muli.
Nakakuha naman agad ako ng permit kaya dumiretso na kami ni Ion sa school. Naroon na si Mam Joan R. Pero, di raw darating si Ms. Kris. Kami na lang ang nagplano. Maghapon din kaming nagkuwentuhan tungkol sa mga masasamang gawain o ginawa ni Baleleng at Donya Choling sa akin, sa kanya at sa iba pa naming kasamahan. Nakakagulat ang mga nalaman ko.
Muntik na nga nilang maiwala sa akin ang Filipino coordinatorship ko. Pero, di sila nagwagi. Naniniwala daw sila sa akin. Pinayuhan niya akong huwag i-give-up ang mga sinimulan ko.
Kaya naman, blessing-in-disguise ang pagkakaroon namin ng chance na mag-usap. Naiba rin ang tingin ko sa kanya. Dati ay di ko siya gusto dahil parang may itinatago siyang lihim. Ngunit nang marinig ko ang side niya, naging positibo ang lahat. Siya ay isang mahusay na lider. Mabuting kaibigan.
Unti-unti na ngang bumabalik ang kagustuhan kong manatili sa akin ang mga posisyon ko. Sapat na sana kung tutuusin ang mga magagandang salita mula kina Mam Loida, Mam Vi at Mam Joan R. Kaya lang, kailangan ko pa ang pitong tao pa, na kukumpleto sa sampung boto na itinakda ko.
Kailangan nila ako sa school paper. Hindi nila iyon magagawa, ayon sa kanila kaya naman, hindi raw ako pwedeng mawala. Nakakataba ng puso. Nasaktan lang naman ako sa mga ginawa sa akin ng magbiyenan.
Pagkatapos ng kuwentuhan namin ni Mam Joan R., pumunta kami ni Ion sa HP para magbayad ng bill sa wifi. Nag-grocery na rin ako. Masayang-masaya si Ion sa pamimili ng mga pagkain.
I hope, makatulog na akong mahimbing ngayong gabi. Buo na ang loob ko. Nakahanda na ang mga susunod kong hakbang para sa mga traydor. Sana, ito nga ang kagustuhan ng Diyos.
Abril 9, 2015
Holiday ngayon kasi Araw ng Kagitingan. Plano ko sanang pumunta sa school para magdilig ng halaman at magtanim, kaya lang nakatulog kami ni ion after lunch. Hindi kasi masyadong mainit ang panahon. Sayang din ang opportunity na maibigay na sana ni Jeff Vista ang pangako niyang toy car kay Zillion. Hinanap niya raw kami sa school, sabi niya sa FB. Di bale, nandun naman kami bukas kasi may meeting kami.
Hindi na naghahanap ngayon si Ion ng TV. Pinanood ko kasi siya ng cartoons sa laptop ko habang naglalaba ako. Naglaro din siya. Nakatulong din ang mga pagkain na pwedeng niyang pagpilian.
Wala pa ring balita kay Emily. Magtatatlong linggo na. Sana, tumawag na siya o kaya ay mag-FB.
Abril 10, 2015
Pasado alas-otso ay nasa school na kami. Napaaga kami. Kaya naman, nakapag-print pa ako ng entries ko para sa Gawad PPV at nakapagdilig ng mga halaman sa garden ko.
Pagkatapos ay bumaba na kami para naman sa meeting. Habang naghihintay, kinausap ako ni Mam Deliarte. Ako nga siguro ang pinamamahala ng 3rd Summer Reading Camp dahil ibinilin sa akin ang ilang mga dapat gawin.
Maya-maya ay nagsidatingan na ang mga co-teachers ko. Konti lang sila, pero itinuloy ko ang pagmemeeting. Naroon din si Mam Evelyn.
First time kong mag-preside ng meeting. So far, okay naman. Malinaw at naunawaan ako.
Halos kasado na ang camp. Ang drum and lyre na lang. Wala kasi si Mam Janelyn. Di rin nag-reply kay Mam Joan R.
Past two, pumunta kami ni Ion sa LBC- Harrison Plaza para ipadala ang entries ko sa Gawad PPV. Umuwi din kami agad para patulugin si Ion.
Gabi, nanuod kami ng 'Big Hero 6' na nasa laptop ko. Tuwang-tuwa nga si Ion dahil ang ganda. Tungkol sa mga robots ito.
Natuwa din siya kanina nang ibigay na ni Jeff Vista ang toy car na pangako niya. Araw niya ito!
Abril 11, 2015
Pasado alas-diyes ay nasa CUP na kami ni Ion. Ipinasa ko muna ang exam ko kay Dr. Yan, saka naghintay kami ng ilang saglit na matapos ang klase ni Dr. Llamas sa first period niya.
May kainan sila kaya nag-overtime sila. Ang ginawa namin ni Donya Ineng ay pinasa lang namin ang exam namin at nagpaalam na kaming umalis. Pinasalamatan niya rin ako sa by-laws na tinype at prinint ko.
Nagpagupit ako pagbalik namin. Si Ion pa ang nagpaalala sa akin. Tapos, sabi pa niya "Ang pogi ah!", pagkatapos akong tanggalan ng balabal. Natawa ako.
Abril 12, 2015
Hindi kami umalis ni Ion ngayong araw. Balak ko sanang pumunta kami sa National Museum kaya nakita kong marami na naman kaming labahan. Naglaba na lang ako.
Ngayong araw, nakita ko ang dalawang magkaibang ugali ni Ion. Una, makulit siya. Totoo nga na nagpapaamoy siya ng kamay na hinawak niya sa tutut niya. Nanghaharot siya. Nangingiliti at nanghahawak ng utong. Tawa pa ng tawa kapag nakikipagkulitan. Pangalawa, ayaw niyang magsumbong o magsalita kapag may ginawang kasalanan o mali.
Kanina kasi ay nabasag niya ang glass na pan-display, na may tubig sa loob at umiilaw. Ginawa niya kasi itong sirena ng police car. Nang mabasag, tumalungko siya doon. Pilit niyang itinatago. Nabasa tuloy ang mga unan. Natakot ako baka masugatan. Hindi ko na lang siya pinagalitan. Sabi ko, sa susunod ay magsabi na siya dahil di ko naman siya papaluin.
Unti-unti ko siyang nakikilala. Nakakatuwa din naman.
Bukas ay 3rd Summer Reading Camp na. God bless us!
Abril 13, 2015
Alas-singko y medya ay bumangon na ako para ihanda ang sarili sa unang araw ng 3rd Summer Reading Camp. Pasado alas-sais naman nang paliguan ko si Ion. Mabilis lang akong nakapaghanda dahil naihanda ko na kagabi pa ang mga damit na ipapadala k okay Mhel. Hihiramin niya daw kasi si Zillion.
Hindi ako nahirapan masyado sa paggising sa kanya pero nahirapan akong magpakain. Hindi inubos ang milk. Binaon pa namin. Nang kumain ako sa carinderia malapit sa school, ayaw naman niyang kumain.
Antagal naming naghintay sa mga kasamahan kong guro. Nauna pa si Mam Sharon. Tapos, nang nagsidatingan, wala naman palang drum and lyre na tutugtog sa aming parade. Nababad-trip na ako. Mabuti na lang ay nakapagtimpi ako. Kaya, ayun! Kinuha ko ang bass drum at nagsimula na ang parada.
Mahirap palang maging bass drummer. Masakit sa braso, kahit maiksing distanya lang ang nilakad namin.
Nag-enjoy din si Ion sa paglakad kahit mainit. Ngumiti pa nga siya pagdating sa school.
Walang masyadong bata ang dumalo. Naka-25 lang lang kami, maliban sa kinder. Dati, mahigit 100 ang dumalo sa unang araw pa lang. Palibhasa, nasabihan na ang mga bata bago nagbakasyon. Biglaan naman kasi akong na-aasign bilang isa sa mga chairman nito. Kakabuwisit. Wala tuloy direksiyon ang camp.
Gayunpaman, positibo akong bukas ay magiging marami na ang campers at magiging organisado na ang lahat. Sana rin ay may pakain na at may materials na mula sa MOOOE.
Pagkatapos ng unang-araw (11 AM), pumunta ako sa classroom ko para gumawa ng materials para bukas. The Gift ang video presentation na gagamitin bukas kaya tungkol naman sa regalo ang inihanda ko..
Bago pala natapos ang camp, dumating sina Mhel at ang girl friend niya. Kinuha na si Ion. Tuwang-tuwa sila kay Ion.
Sinabi ko na amoy-pawis na. Binalita ko rin na nahihirapan akong magpakain, dahil marami siyang ayaw kainin. Nalaman ko rin sa kanya na aalis na siya sa Huwebes, patungo sa ibang bansa. At, tumawag na si Emily sa nanay niya. Wala na daw load kaya di nakatawag sa akin. Sabi ko naman ay okay lang. Si Ion lang kasi, naghahanap na. Pag tinatanong siya ng mga co-teachers ko kung nasaan ang Mama niya, ang isasagot ay 'Nasa Manila'. Pinayo ko kay Mhel na ituro sa kanya ang tamang sagot.
Nangako naman siya na ibabalik niya before Friday si Ion dahil kailangan ko siyang isama sa Ilocos.
Past two, pagkatapos ng maiksing bonding kay Sir Erwin sa school, umuwi na ako. Kung hindi nga lang nagmamadali si Bebe na umuwi na sila, baka marami pa kaming napagkuwentuhan. Pero, okay lang. At least, nakapagpahinga ako sa bahay..kahit sobrang init.
Namiss ko si Ion, bandang alas-singko. Na-miss ko ang ingay at kulit niya. Tapos noong bumili ako ng ulam, biglang nag-iba ang isip ko. Sumagi sa isip ko na ibalik na lang kina Nanay at Tatay, sa Aklan, ang pangangalaga sa kanya. Tulad kasi ng pusit na binili kong ulam, hindi niya iyon magugustuhan. E, ano ang kakainin niya?
Nahihirapan akong makita siya na itlog o hotdog o gatas lang ang ulam niya. Minsan, ayaw pang kumain ng kanin. Ayoko namang maparatangan na pabayang ama.
Pero, bago ako sumubo, nag-decide ako. Akin pa rin siya. Kakayanin ko. Challenge ito sa akin. Magiging mabuti akong ama sa kanya. Sisiw ang problemang ito.
Abril 14, 2015
Second day ng summer camp. Kokonti ang bata pati ng teachers. May umabsent. May dumagdag. Gayunpaman, mas okay ngayon flow. May naihanda kasi akong activity sa Filipino, kahapon pa. Nagamit nga rin ng Grade 3 at 4. Sumatotal, naging mas masaya ang camp.
May free lunch pa dahil sa pag-aabono ni El Presidente.
Bago ako umuwi ay gumawa uli ako ng activity sheets para bukas.
Namiss ko talaga si Ion. Mabuti na lang nagpost si Mhel ng pictures nila. Nasilip ko. Kampante na ako. Isa pa, ikay naman na naroon siya dahil napakainit talaga sa kuwarto. Hindi rin siya makakatulog.
Abril 15, 2015
Ikatlong araw ng summer camp. Pangalawa ako sa dumating. Nauna si Mam Lolit.
Okay na sana ang system ng camp. May meryenda. May nadagdag mga teacher. Dumami ang bata. Kaya lang, nang dumating si Mam. Llanes, nainis kami. Andami niyang hinahanap. Parang gusto niyang palabasin na gawin naming formal classes ang summer camp. Hindi naman iyon ang kalakaran. Ang summer camp ay malaya. Ginagawa ito para matuto at mag-enjoy ang mga campers, hindi para ma-stress. Maghanda man kami ng matrix kung hindi naman masaya at matuto ang mga bata, wala din.
Tapos, lalo kaming nainis nang tumawag si Mam para lang sabihin na sobra ang teacher sa camp. Dapat walo lang daw. Ako na daw ang bahala. Nainis agad sina Mam Vi at Mam Loida. Nastress din ako kasi ako ang magsasabi kung sino ang hindi na kasali. Ano yun? Pinoy Big Brother House?
Nag-usap-usap kami. Maya-maya ay iisa na ang kagustuhan naming hindi pumunta bukas. Tutal darating na sina Mam Lucas at Mam Joan. Sila naman. Tuturuan naman ng leksiyon si Mam dahil hindi niya kami kayang ipagtanggol sa supervisor. Hindi niya pa ko kinausap sa telepono. Pinasabi niya lang.
Hindi kami gahaman sa service credit. After din kami sa welfare ng mga bata at sa samahan namin. Masaya kaming magkakasama kaya dapat pahalagahan niya na marami kami. Pwede namang sabihin niya na local service credit o kaya kahit wala.
Abril 16, 2015
Hindi talaga ako pumunta sa school para mag-facilitate ng summer camp. Nanuod na lang ako ng video maghapon.
Nabalitaan ko na lang na apat lang ang teachers doon kanina-- si Mam Joan V., Mam Lolit, Mam Jenny at Mam Amy. Si Mam Deliarte naman daw ang nag-storytelling. Nakakatawa. Talagang boycott ang nangyari.
Nagchat si Mareng Janelyn. Natuwa kami sa ginawa naming pagrerebelde. Napagplanuhan din naming maging mas palaban pa para sa ikakabuti ng lahat. May pinaplano kami against corruption.
Pasado alas-kuwatro ay naihatid na nina Mhel si Ion. Tinext ko kasi kaninang alas-onse ng umaga. Ayaw pa nga daw umuwi.
Napansin kong mainit ang isang kamay ni Ion, pati ang likod niya. Wala naman daw siyang nararamdaman. Hindi rin mainit ang leeg at noo.
Bago mag-alas-sais ay umalis na kami sa bahay. Nauna kami sa tagpuan (Baclaran Church). Sumunod ang Climacosa family. Past 8 na dumating ang van. Umalis naman agad.
First time kong mag-out of town na kasama si Ion. First time daw niyang makasakay sa van. Hehe. Bukas, tiyak na mag-eenjoy siya lalo't kasama si Makki, anak ni Sir Erwin.
Abril 17, 2015
Halos wala akong tulog. Okay lang. Maayos at masaya naman ang biyahe namin. Alas-singko ay nasa Vigan na kami. Nag-enjoy ako doon. Sa wakas kasi ay nakarating na ako sa one of the 7th Wonder Cities in the World.
First time din doon ni Ion. Andami niyamg pictures kahit minsan ay ayaw mag-pose.
Nag-almusal kami sa Daddy's Inn na malapit sa sa pinakasikat na kalye sa Vigan. Ang sosyal ng lugar kaya nasulit ang P100 na ibinayad ko.
Next stop ay pumunta kami sa Baluarte. Hindi ko na-enjoy ang lugar. Pero, si Ion ay nagustuhan ang mga man-made dinosaur.
Sumunod na destinasyon ay ang St. Augustine Parish Church. Maganda ang simbahan, lalo na ang bell tower na nakatayo sa ibabaw ng burol. Isa na naman itong koleksiyon sa mga narating kong simbahan at mga collection ko ng church pictures.
Sunod ay ang Paoay Church. Ayaw ni Ion magpalitrato. Sayang! Wala siyang kuha.
Sa may museleo naman ay wala ding kuha si Ion. Doon na rin kami sa Batac nag-lunch.
Next stop is Malacanang of the North. Nagustuhan doon ni Ion kaya pakuha siya ng pakuha ng mga pictures.
Sa Cape Borjeador naman ang sumunod. Dati-rati ay napapanuod ko lang iyon sa TV. Ngayon ay narating at naakyat ko na. Ang ganda ng view doon.
Dapat ay pupunta kami sa Kapurpurawan, kaya lang pagod na kami. May 20 minutes daw kasing trekking para marating iyon. Mainit pa ang panahon kaya nakakapagod. Dumiretso na lang kami sa tutuluyan naming bahay.
On the way, namangha kami sa ganda ng mga wind mills. Sayang, di pa namin mararating iyon ngayong araw.
Nagandahan din kaming lahat sa bahay na tutulugan namin. Sa Pagudpud iyon. Sulit talaga ang P3000 na binayad ko.
Bukas ay maliligo kami sa beach.
Abril 18, 2015
Past 7 ay umalis na kami patungong sa Patapat Viaduct. Matagal pa ang biyahe kesa sa inilagi namin doon. Nagpicture-picturw lang naman kasi kami. Narating ko na rin sa wakas ang isang kilometrong tulay na ipinatayo ni Marcos sa may paanan ng bundok at overlooking ang dagat. Ang ganda ng view!
Then, sa isang white sand beach o isa sa mga dinarayong blue water lagoon kami dumiretso. Namangha ako sa ganda ng lugar. Parang narating ko na rin ang Boracay. Hindi pa masyado matao pero may class.
Naligo kami ni Ion. Siguro ay mahigit isang oras lang. Mainit na kasi. Inuubo pa si Ion. Pero, naenjoy na ang mga sandaling iyon.
Ang sarap ng kainan namin pagkatapos. Busog. Sayang lang, hindi siya mahilig kumain. Pahirapan.
Alas-dos, umalis na kami sa beach na iyon. Sulit ang gastos.
Tapos, dumaan pa kami sa isa pang abandoned beach. Halos walang tao. Nagpicture-picture lang kami. Tulog si Ion kaya ako lang ang may kuha. Gumamit na lang ako ng timer.
Pasado, alas-tres ay nasa inuuwiang bahay na kami. Sobrang napagod kami at inantok kaya umidlip muna kami hanggang quarter to five. Kahit paano ay nakabawi kami ng lakas.
Abril 19, 2015
Ang sarap sanang matulog kanina kaya lang ay kailangang makaalis na kami ng bandang alas-7. Ayos lang naman. Gusto din naman kasi naming makauwi ng maaga.
Alas-8 yata iyon, nasa Bangui na kami. Narating at nakita ko na rin ng malapitan ang mga wind mills doon. Ayos! It's another milestone in my life. Tuwang-tuwa din si Ion.
Next stop ay sa Vigan (ulit). But, this time, nakapasok at napiktyuran ko ang Vigan Cathedral. Nagpicture din kami sa plaza doon.
Andami nga lang gastos. Halos masimot ang P5k na clothing allowance na nawithdraw ko noong Friday. Sabagay, di naman mapapalitan ang saya at experience ng anumang halaga. Sulit na sulit na ang gastos ko. Mabuti nga at dalawa na kami ni Ion. Libre pa siya sa pamasahe.
Alas-onse y medya ay nasa boarding house na kami. Pagod at antok kaming pareho ni Zillion pero masaya pa rin. Great experience!
Abril 20, 2015
Nakabawi na ako sa tatlong araw na pagod at puyat kanina. Kaya naman, nakapaglaba na ako.
Wala namang balita tungkol sa summer camp. Hindi nagtext o nag-PM sa Miss Kris sa akin. Kung ano man ang nangyari, di ako apektado. Talagang ayoko nang tumulong sa kanila.
Iniisip ko ngang magbakasyon sa Antipolo, kaya lang ay wala pang sahod. Kailangan ko ring mabayaran ang kulang sa equity ko sa bahay at lupa bago kami ni Ion mag-stay sa Bautista.
Inaalala ko lang si Mama. Magtatatlong linggo na rin nang huli kaming naroon. Ang P500 na iniwan ko ay hindi sapat. Sana ay binisita man lang nina Jano.
Di bale. Konting araw na lang. Pupunta na kami doon. At siguro ay matatagalan bago pa kami makaluwas ng Manila.
Pag may time at pag may sapat na akong pera, ipapakuha ko sina Hanna at Zildjian para magsama-sama silang tatlo. Nakita ko kasi sila sa Facebook kanina. Ang papayat nila, lalo na si Hanna. Naawa ako ng sobra. Gusto kong ibalik ang dating glow sa mukha nila. Kahit nagkaganito ang mga buhay namin, pangarap ko pa ring mapabuti sila.
Abril 21, 2015
Wala pa ring balita tungkol sa summer camp. Wala naman akong kaba o anumang nararamdaman Besides, kaya ko namang i-defend ang sarili ko. It's their fault.
Nag-wattpad at nag-Facebook na lang ako maghapon habang nag-aalaga sa aking anak. Nakapaglaba din ako.
Nag-decide ako ngayong araw na hindi na ako sasali ngayong taon sa Carlos Palanca Memorial Awards. Hindi pa kasi ready ang story na isa-submit ko. Kailangang i-print sa short bond paper at kailangang ipa-notary. Wala pa namang pera. Naalala ko ang mga bayarin ko sa RCBC. Lampas P20k na.
Marami pa namang time para sumali ako. Napaka-prestigious kasi ng contest na ito. Dapat ay handang-handa ako.
Umaasa din ako na makukuha ako sa Gawad PPV at maipa-publish ang mga story ko sa PSICOM. God knows when it the right time.
Abril 22, 2015
Maaga akong nagtanong kina Mamu at Donya Ineng kung may sahod na. Pero, di agad nakapagreply kaya nagdesisyon na akong magbaka-sakali sa Landbank. Nakasalubong ko naman sina Karen at EJ na galing doon. Kawiwithdraw pa lang daw nila. Natuwa ako dahil makakauwi na kami ni Ion sa Antipolo.
Inimbitahan din kami ni Karen sa birthday ng anak nila, sa Sabado. Umuo ako kahit hindi kami makakapunta. Nakita ko ang kagustuhan niyang maka-join kami kaya nakakatuwa.
Pagkawithdraw ko, tinext ko ang agent ko na si Ate Ning para magbayad ng equity. Malas ko dahil nasa hospital ang asawa niya. Di niya maiiwan. Kaya naman ako ang kailangang pumunta.
Wala kaming inaksayang panahon. Alas-diyes ay bumiyahe na kami. Sobrang init ng panahon kayo halos mabingi na naman ako sa pagod. Mag-aalas-dose na nang dumating kami sa Homemark, Inc.
Nagulat ako nang biglang sabihin na P17k plus ang equity ko. Sabi ng agent P15K+ lang kaya I expect na P4000 na lang ang balance ko. Ang nangyari, binayaran ko na lang ang P6,400+ na balance para matapos na.
Another problem is kulang pa ako ng employment certificate. Naiwan ko pala. Okay lang naman kasi kailangan din palang naka-notaryo. Grabe! Dagdag gastos pa.
Pasado alas-4 kami nakauwi ni Ion. Nagligpit lang ako sa boarding house tapos umalis ulit kami.
Dumaan lang ako sa school para bayaran si Mang Bernie sa pantalong pinautang niya sa akin at para kunin ang mga halamang ibibigay ko kay Mama. Tapos, nagbauad ako ng bills sa Bayad Center.
Grabeng pawis ko. Traffic kasi. Tapos, nakatulog pa si Ion sa jeep. Ang hirap bumiyahe kapag ganito.
Pasado alas-8 ay nasa Bautista na kami. Hindi kami ini-expect ni Mama. Sina Shimi at Taiwan kasi ang hinihintay niya. Hindi niya rin alam na nagpunta kami sa Ilocos. Pero matutuwa siya sa pagdating namin.
Abril 23, 2015
Ang sarap talaga kapag nakapagpahinga. Nakakasariwa ng utak.
Masarap din talaga ang lutong-bahay. Ito ang gusto kong uwian sa Bautista dahil nakakakain ako ng madami lalo na kapag bagong pamalengke si Mama.
Naging produktibo ang araw ko ngayon. Nakapag-edit ako ng Apokalipsis at nakapag-type ng dalawang journal account.
Napagbigyan ko rin si Ion na manuod ng cartoons sa laptop ko. Ayaw kasing matulog. Pareho kaming walang pahinga. pero, ayos lang, di naman siya pasaway.
Gabi, after dinner at habang nanunuod siya ng video ng 'Simpleng Pangarap', sinabi niya sa akin na bilhan ko siya ng musical instruments. Inakto niya pa kaya ko nalaman na gusto niya ng gitara at violin. Verbal naman niyang sinabi na bilhan ko rin siya ng drums at piano.
Nakakatuwa. Simpleng lang ang pangarap niya. Pangarap ko rin sa kanya na maging musikero at mang-aawit siya.
Thanks God! Alam ko na ngayon kung saan direksyon ko siya dadalhin. Maaga pa lang ay alam na rin niya ang gusto niya. Hindi na mahirap para sa akin na dalhin siya sa mga center na nagtuturo o nag-eenhance ng skills at talents. At least, konektado pa rin sa pag-aartista.
Abril 24, 2015
Sa sobrang dami ng panaginip ko, parang hindi naman ako nakatulog. Hindi man mga masasamang panaginip o bangungot, tila lagi akong busy, may kausap at may ginagawa sa aking pagtulog o panaginip. May artista pa akong nakita doon.
Tsk tsk. Kakaiba!
Alas-tres ng hapon, pumunta kami ni Zillion sa Gate 2 para i-claim ang padala ni Mareng Lorie, as bayad niya sa RCBC bill. Doon ay namili din kami ng pagkain. Hindi ko na muna iintindihin ang mga utang ko sa bangko. Ang mahalaga ay marami kaming makakain habang nasa bakasyon.
Isang buwan na si Emily sa Bahrain, pero hanggang ngayon ay di pa siya tumatawag. Okay lang naman. Nauunawaan ko siya.
Abril 25, 2015
Dumating si Jano, bandang alas-diyes y medya ng umaga. Sa kanya ko nalaman na na-stroke si Papay Benson. Kung hindi siya dumating di ko rin makikita ang pictures na pinost ni Aileen sa Facebook. Kagabi pa kasi walang signal ang Smart-Bro ko. Mabuti nga nakaconnect siya. Ilang minuto, connected na rin ako.
Nalungkot kaming tatlo nina Mama. Marami na rin ang kamag-anak na nagkomento sa post bago pa ako nagsabi ng 'Get well soon, Papay Benson. We're praying for your fast recovery. God bless you.' Ayos lang naman. Better late than never.
Si Mama ay maghapong di mapakali. Kaya daw pala hindi siya makatulog ilang gabi na at nag-empake siya kahapon. Sibling instinct.
Naiinis pa rin ako sa signal ng wifi. Pawala-wala. Hindi ko tuloy matapos-tapos ang pag-edit ng mga stories ko. Apektado rin ang pagdagdag ko ng chapter. Kailangan ko muna kasing basahin uli, bago dugtungan.
Useless ang buong araw ko ngayon. Hindi productive.
Abril 26, 2015
Kahit napuyat ako kagabi dahil sa birthday party o videoke party sa kabilang bahay, bumangon pa rin ako ng maaga, para mag-wattpad at mag-encode.
Marami-rami din akong natapos kanina. Isa na dito ang 10th chapter ng 'Dumb Found'. Gusto kong matapos ko na lahat ng mga stories na nasimulan ko bago magpasukan. Kung mas malakas lang sana ang signal, mas marami akong matatapos.
Abril 27, 2015
Habang nag-aalmusal ay hinarap ko kaagad ang pagse-search sa internet ng mga sikat na sulat, eulogy, mensahe, tula o speech para i-post ko sa wattpad story album ko na 'Bawal ang Plagiarism'. Kahapon ko pa ito sinimulan nang mabasa ko ang sulat ni Mary Jane Veloso, na nadawit sa drug trafficking sa Indonesia.
Hindi ko alam na ngayon araw na pala binawian ng buhay si Papay Benson. Nakita ko sa post ni Honey ang masamang balita. Agad kong niyaya si Mama kina Tito Boy para alamin kung alam nila. Hindi nila alam at di nila nabasa ang post. Nang maka-usap ko si Aileen saka ko nakumpirma.
Nalungkot ako. Ang taong nakatulong sa akin ng husto lalo na sa edukasyon ko, binawi na ni Lord.
Tinawagan ko sina Flor at Jano. Natext ko rin si Auntie Emol. Pero, nagdesisyon na kami ni Mama na mauuna na kami bukas. Parang di matutupad ang kagustuhan ni Jano na makahiram ng sasakyan. Okay lang. Basta kami ay makarating agad doon.
Abril 28, 2015
Alas-kuwatro y medya ay bumangon na ako para kulayan ang buhok ni Mama. Nauna lang siya ng ilang minuto.
Nakatext ko si Jano isang oras ang lumipas. Gusto daw niyang sumama sa Bulan. Naawa naman ako kahit pinasama ko na siya. Libre ko ang pamasahe niya papunta doon.
Pagkaalmusal ay umalis naman kami ni Ion papuntang Cubao para magpa-reserve ng bus ticket.
Gusto sana namin ng aircon bus. Kaso, ang mahal. Halos isang libo. Kaya, nag-ordinary na lang ako. P700 each. Konti lang ang diperensiya pero malaki ang matitipid. Baka kulangin din kami e.
Sobrang init na nang dumating kami ni Ion sa boarding house. Wala si Epr at ang gf niya. Nasabi ko kasi na isasama ko si Mama. Nahiya siguro. Pero mabuti naman kasi naging makalat kami ni Ion habang nag-eempake ako.
Pasado ala-una y medya ay umalis na kami ni Ion. Sobrang init pa rin. Matraffic pa. Muntik na nga kaming maiwanan ng bus. Pagkasakay namin ay umandar na. Ni hindi kami nakabili ng pasalubong.
Kahit hindi aircon nag nasakyan namin, so far, okay naman ang biyahe namin. God bless our trip.
Abril 29, 2015
Alas-otso nang dumating kami sa bahay ng mga Sia. Nakakaiyak ang mga sumunod na tagpo. Ang makita kong nakahimlay ang taong tumulong sa akin para marating ko ang kinaroronan ko ay sadyang nakakalungkot. Hindi man tumulo ang mga luha ko, tunay namang nahapis ang puso ko sa kanyang paglisan.
Almusal. Ang sarap ng kain ko. Inihaw ba lawlaw ang ulam.
Ang sarap din ng tanghalian. Manamis-namis na cocido. Ang sarap ng sabaw. Isang taon din akong di nakatikim ng ganung putahe.
Bago ang lunch, pumunta kami sa dagat. Binantayan ko sina Ion, France at Skye habang naliligo sila. Enjoy na lang enjoy sila.
Dapit hapon, bumalik kami ni Ion. Nandun din ang mga pinsan niya. Andami niyang naging pictures doon. Ang gaganda pa kasi na-capture ang sunset.
Maghapon. Unti-unti kong nalalaman ang mga pangyayari bago binawian ng hininga si Papay Benson, mula kina Ate Quennie, Aileen at iba pa. Nakatulong din ako sa paghahanda ng pagkain at pagliligpit.
Abril 30, 2015
Nakabawi na ako ng pagod at puyat, kahit alas-dos na ako natulog. Kaya naman, marami akong nagawa pagkatapos kong magkape.
Gaya ng dati. Sanay ako sa mga trabaho dito sa bahay ng Sia Family. Ang pinagkaiba lang, patay na ang padre de pamilya nila.
Maghapon akong walang internet. Nakakamiss. Gabi na nang mahanap ko ang spot kung saan malakas ang signal.
Nalaman ko tuloy na nagpost si Ms. Kris mga pasasalamat sa pagiging finalist niya sa Gawad PPV. Pareho man kaming di nanalo, tanggap namin. Pero, mapalad siya dahil mas pretigious ang category niya.
Isa ako sa mga pinasalamatan niya. Pangatlo sa mga binanggit niya.
Na-eenjoy ni Ion ang paglalaro sa bahay nina Kuya Bambi. Halos, ayaw na namang kumain. Ayaw din niyang umuwi agad para matulog. Tsk tsk!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment