“Isang bar lang ang pinagtratrabahuan ninyo, hindi pa kayo magkasundo.”
Nakakurba ang mga kilay ni Boss Rey, pagpasok ko sa opisina niya. Hindi pa ako
nakakaupo. Naroon din si Jeoffrey, na nakaupo na. “Upo ka.”
“Pati po ba ito ay sakop na ng management ninyo?” Hindi pambabastos ang
tanong ko. Ginawa ko itong may respeto pa rin sa aking employer.
“Hindi nagsumbong sa akin ang kaibigan mo. Napansin ko lang. Ngayon ko lang nakumpirma nang ipatawag ko kayo,”
depensa ni Boss.
Kahit ano pang sabihin niya o pagkampi niya sa ‘tuklaw’ na ‘yon, hindi
pa rin ako naniniwala.
“Bakit ba kayo nagkakaganyan? Apektado ang mga performances ninyo.
Apektado ang negosyo ko!” May galit sa tinuran niya.
“E... boss, hindi naman po kasi tama na paratangan niya akong sinusulot
ko ang girlfriend niya. Ang totoo nga niyan, tinutulungan ko pa silang
magkabalikan.”
Ang tibay ng loob, naisip ko. Wala akong nasabi. Napangisi na lang ako.
Tinutulungan daw.
Wala ring nagawa si Boss Rey. Hindi na rin kasi ako nagsalita pa.
Pinilit kaming magkamayan. Nakipagkamay ako, pero pagkatapos n’yon, gano’n pa
rin. Nauna pa nga akong lumabas.
Kagabi ‘yan.
Kanina naman, pinuntahan niya ako sa bahay. Akala niya ay okay na kami.
Nagdala ng meryenda. Natawa ako. Burger kasi ang pasalubong niya. Naalala ko si
Riz. Para tuloy nagka-trauma rin ako. Hindi nga rin ako kumain. Hindi dahil
galit ako kay Jeoffrey, kundi dahil nakikisimpatya ako kay Riz.
Ngayon lang. Bukas, kakain uli ako.
Seriously. Nag-sorry uli si Jeoffrey. Naramdaman ko naman ang sinseridad
niya kasi nag-effort pa siya sa kabila ng lahat. Pinatawad ko siya dahil
pinabasa niyang lahat ang palitan nila ni Dindee ng text messages, simula sa
umpisa.
Nagkaayos na kami. Ako naman ang nag-apologize. Mabuti na lang, wala
sina Mommy at Daddy, kundi baka magpagkalaman pa kaming gay lovers. Niyakap
kasi ako ni Jeoffrey.
“Bro, ikaw na lang ang nakakaunawa sa akin, tapos gaganyanin mo pa ako,”
pahabol na drama ni Jeoff.
“Tumigil ka na nga! Sapakin na kita. Ang drama na natin kanina pa.
Kainin mo na nga itong dala mo.” Galit-galitan naman ako.
“Iyon, o! Ayos! Akin din pala napunta.”
“Alam ko naman, e. Paganyan-ganyan ka pa kasi. Alam ko, binigay mo na
naman sa nanay mo ang kinita mo kagabi.”
Tumango pa si Jeoff habang bumubukol ang bibig sa pagnguya.
Natawa ako. “Sabi ko na nga ba,e . Malamang, wala ka na namang pamasahe
pauwi.”
“E, ‘di..’’ Nguya pa. “...maglalakad.”
“Gago, ang layo n’yon!”
“Lapit lang. Sanay na ako.”
“Nag-text nga pala ang kaibigan ko. Si Gio. Gusto raw akong mapanuod sa
bar mamaya. Ipakikilala ko sa ’yo. Magkakasundo kayo n’yon.”
“Bakit?’’
“Kasi pareho kayong baliw!”
Tawa nang tawa ang mokong. Sarap sapukin ng tsinelas. Parang walang
nangyari. Naalala ko tuloy ang mga kabalbalan ng best friend ko.
No comments:
Post a Comment