Naubusan na ang pahina ng Red Diary ko. Puno na. Wala nang masulatan. Pero, hindi pa dito nagtatapos ang aking kuwento at pakikibaka sa buhay, sa eskuwela at sa puso ni Dindee. Marami pa akong isusulat.
Ngayon, tanggap ko na, na ang pangalan ko ay Redondo Imburnales Canales. Mabaho, di ba? Pero, kung gaano kabaho ang full name ko, kabaligtaran naman nito ang bango ng hininga ko. He he. Kaya nga, gustong-gusto akong halikan ni Dindee. Hindi na siya ngayon tumatanggi sa aking mga halik. Pero, gaya ng sinabi ni Daddy, may limitasyon dapat ang pakikipagrelasyon ko. Siyempre, may pangarap yata akong makapagtrabaho muna at makapundar, bago magkapamilya.
Pangarap ko ring magkabalikan sina Daddy at Mommy.
Unti-unti ko namang nalilimutan ang pangarap kong magpari. Lalo na ngayon, nawiwili ako sa pagkakaroon ng kasintahan.
Sa school ko, walang problema. Isa ako sa mga nag-e-excel sa klase. Sa katunayan, kasama ako sa top ten sa klase. Bukas, magbibigayan ng report card. Pinapunta ang mga magulang. Ia-announce din kasi doon kung sino-sino ang mga nakapasok sa top ten. Sinabihan ko na si Daddy. Titingnan daw niya kung makakarating siya.
Ewan ko lang kung pupunta talaga si Daddy. Baka hindi, dahil sa nangyaring kabiguan nila ni Mam Dina. Magkakahiyaan lang sila. Pero, kung ako sa kanya, pupunta ako. Haharapin ko siya. He he.
No comments:
Post a Comment