DENISE' POV
Naisahan ako ni Kuya. Olats ako.
Kailangan ko ngayong makaisip ng paraan para mabawi ko si Krishna. Oo nga't hindi pa sila ni Kuya, pero alam ko, doon din ang tungo niyon. Kahit bali-baligtaran pa ang mundo, babae pa rin ako. Hindi kami dapat magkatuluyan ni Kris.
Natatakot akong malaman nina Mama at Papa ang sikreto ko. Ayaw kong magalit sila nang tuluyan sa akin dahil lang sa katotohanang tomboy ako.
Dumating na ang kinatatakutan ko...
Sa hapag kainan... Kanina.
"Denise, kinukuha ka nga palang kandidata," sabi ni Mama.
"Kandidata po ng ano?" masaya kong tanong.
"Nakasalubong ko si Mareng Loida kanina. Siya kasi ang hermana mayor ngayong darating na kapistahan. Magkakaroon daw uli ng Miss Barangay San Luis. Inaawitan ka niya sa akin."
Halos hindi ko malunok ang kinakain ko. Nakita ko pang napangisi si Kuya Dennis. "Naku, `Ma, pakisabi... b-busy po ako sa school."
"Good! Pero, hindi naman `yan makakaapekto sa schooling mo. Makakatulong pa nga kasi may premyo raw ang mga mananalo."
"Hindi bale na po, `Ma. Gastos din kasi. Maraming costume ang kailangan diyan."
"Huwag ka na raw mag-alala sa mga costumes. Pahihiraman ka ng Ninang Loida mo."
"O, `yon naman pala, Nise, e. Sali ka na. Sayang din ang premyo. Maganda ka, kaya pasalamat kang naiimbitahan ka sa ganyan." Nag-agree pa si Papa.
Kainis!
Dalawang beses akong tumanggi, pero hindi ako pinayagan ng mga magulang ko. Asar na asar ako sa mukha ng kuya ko, habang ini-encourage ako nina Mama at Papa. Wala na akong magagawa kundi sundin sila. Kakalimutan ko munang lalaki ako. Hello to bikini and gown! Nakakabuwisit!
Ramdam ko ang pagbubunyi ni Kuya Dennis dahil sa pagiging candidate ko sa Ms. Brgy. San Luis. Buwisit na `yan! Bakit pa kasi nauso ang mga beauty pageant? Puwede namang lady boxing na lang o kaya sabunutan.
Hindi ako puwedeng magpakita kay Kuya, na naiinis ako, lalo lang niya akong aasarin. Hindi ko rin puwedeng ipahalata kina Mama at Papa, na hate ko ang magsuot ng heels at gown. Kaya, ngayon pa lang ay mag-aaral na ako.
Bukas, pagkatapos ng klase namin, pupunta ako kina Kris. May mga gown siya at heels. Papraktisin ko ang mga iyon. Kaya lang, baka sumama si Kuyakoy.
Hihiramin ko na lang. Dito sa kuwarto na lang ako magsasanay.
Ano naman kaya ang action ni Kuya sa panliligaw kay Krishna? Kaya kaya niyang magawang magpaastig para lang makuha ang puso ng babaeng pareho naming gusto? I think, hindi niya kaya. Lambutin siya, e. Ang alam lang no'n, magbasa, mag-aral, mag-research, at magsulat. Boring!
Kahit nga maging sila ni Krishna ko, hindi rin sila magtatagal dahil mabo-bore lang sa kaniya ang babae. Ako pa rin ang mananalo. Kawawang Dennis! Magpalit na lang kaya kami ng pangalan.
No comments:
Post a Comment