Umiyak si Mommy kagabi nang dumating siya. Galit na galit rin siya sa taong sumaksak sa akin. Sabi pa niya: "Bakit kasi nagsusumiksik pa sa'yo 'yang Riz na 'yan?!"
Tiningnan ko si Dindee. Medyo, umaliwalas ang mukha niya, parang nag-agree sa sinabi ni Mommy.
"Hindi naman, Mommy.. Humingi lang siya ng tulong. Sadya lang talagang agresibo ang x-boyfriend niya."
"Pinagtatanggol mo pa. Ikaw na nga ang naagrabyado, ikaw pa ang mabait."
Hindi na ako umimik baka kung saan pa mapunta ang usapan.
Hindi pa ako pinayagang umuwi ngayong gabi. Dumugo kasi ang sugat ko, although tinahi naman. Pinagbawalan nga akong magsulat at maggagalaw-galaw. Patago lang akong nagjojournal.
Hindi pumasok si Mommy para bantayan ako. Sina Dindee at Daddy, pumasok.
Ngayong gabi, si Daddy ang magbabantay sa akin. Bukas, hopefully, payagan na akong umuwi para pare-pareho kaming makapagpahinga sa bahay.
Nang, dumating si Daddy, ibinalita niyang sumuko na si Leandro. Nakipag-areglo na rin si Daddy sa mga magulang niya. Naawa daw kasi siya sa bata. Humingi na lang ng dispensiya ang mga magulang at nagbigay ng panggastos at pambayad sa hospital. Si Leandro naman ay mamamalagi muna sa kustodiya ng DSWD dahil minor de edad pa.
"Bakit ganun lang?!" Nagagalit si Mommy. Hindi siya kuntento sa ganung set-up.
"Hayaan mo na. Nag-sorry naman na. Ang mahalaga, ligtas na si Red."
"Ganun na lang ba yun?" Paano kung hindi lang ganyan ang nangyari?"
"Kaya nga, masuwerte pa rin ang anak natin.."
"Okay lang naman po. Mommy. Hayaan na natin. Mabuti nga po, kinuha siya ng DSWD. At least po, matuturuan na siya ng tamang pag-uugali doon.'' Dagdag ko pa.
"Ano pa nga ba?" Umismid pa si Mommy. "Pero, sabihin mo dun kay Riz, lumayo siya sa'yo. Hindi siya nakakatulong. Nakakasama pa siya, kamo!"
Hindi ako nag-react. Ayoko naman na sisihin si Riz sa nangyari sa akin. Biktima rin siya.
"Uuwi na ako. Papasok na ako, bukas. Dadalawin na lang kita sa bahay niyo sa Sabado. Huwag matigas ang ulo. Huwag na muna nagkikilos para madischarge ka na bukas.. Ha!?" Nag-kiss na siya at nag-goodbye.
"Bye, Mommy! Ingat ka po."
"Sige.." Kumaway muna siya kay Daddy bago tumalikod.
"Mommy.."
Lumingon at huminto si Mommy. "Bakit?"
"Kiss ni Daddy?" Ngumiti ako.
Tumawa siya. Tumawa rin si Daddy.
"Pilyo kang pasyente ka. Bye na!"
Ayan ang mga nangyari kanina.
Nag-journal pa rin ako kahit bawal.. Hindi na nga lang ako pinahawak ng cellphone ni Daddy. Hindi ko tuloy matext si Dindee. I miss her. Bukas ko pa siya makikita.
No comments:
Post a Comment