Hindi ko naman masabi kay Riz ang naiisip ko. Hindi naman siya maniniwala. Sabi nga niya nagchachat sila sa Facebook. Kahit paano ay nakilala na nila ang isa't isa. Sabi ko nga sa kanya, hindi lahat ay dapat ikuwento. May dapat pa ring ilihim o itira sa sarili.
Oo naman! Iyan ang sagot niya.
Para sa kanya, magiging mabuting magkaibigan sila ni Fatima. Kaya nga nang magyaya ang huli na mag-snack sila, agad siyang sumama. Hindi ako sumama sa kanila. Parang gusto kasi ni Fatima na mag-girls talk sila.
Hindi na rin ako nag-usisa ng kung ano ang pinagkuwentuhan nila. Gusto kong siya mismo ang magsabi. Pero, wala siyang binanggit.
Okay lang.
Ang mahalaga.. hindi ako tumitigil sa pag-alalay sa kanya. Naipangako ko na kasi sa kanyang ama na magiging tagapagtanggol niya ako sa school. Kahit hindi nga ako nangako, talagang gagawin ko 'yun.
Sa unang pagkakataon, hindi kami sabay na umuwi. Pinauna niya ako. Si Fatima pa rin ang pinili niya.
Ayos lang naman. May sarili naman siyang pag-iisip.
Nang makauwi ako, tinext ko siya't kinumusta. Hindi siya nakapag-reply. Grabe! Parang isang linggo ko siyang di nakasama. Na-miss ko siya kaagad.
Ang labo. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Nasasaktan sa pambabalewala ni Dindee pero balewala na siya ngayon sa akin. Hindi na ako big deal, kumbaga. Dahil ba si Riz na ang laging nasa isip ko?
Siyet! Ewan ko!!
Ang alam ko lang, tumugtog ako ng gitara at sumubok na mag-compose ng kanta para sa kanya.
No comments:
Post a Comment