Kahit aandap-andap pa ang mata ko, pinilit kong abutin ang cellphone ko nang tumunog ito. Si Riz ang nagtext. Tulungan ko raw siya sa report niya bukas. Hindi na ako nagdalawang-isip. Pagka-almusal ay pumunta na ako sa bahay nila.
Gaya ng inaasahan ko, natuwa ang mga magulang ni Riz sa pagdating ko. Binulungan nga ako ng nanay niya na simula daw nung pasukan ay hindi na nila nakitaan ng anumang bahid ng depresyon ang anak nila. Nagpasalamat pa siya sa akin. Hindi ko nga alam na ganun pala talaga kalaki ang naitutulong ko kay Riz. Whew!
Napansin ko nga na kakaiba na ang ngiti niya. Wala ng bahid ng kalungkutan. Tila nabaon na sa limot ang bangungot ng kahapon.
Hinayaan lang kami ng mga magulang ni Riz sa aming mga school works. Hindi naman nila kami pinabayaan sa pagkain. Maya-maya ang hain nila ng makakain. Sarap mag-stay sa kanila. Kasama ko na ang mahal ko, este ang crush ko, nakasalo ko pa. Suwerte!
Alas-singko na niya ako pinayagang umuwi. Mamalantsa pa kasi ako ng uniform ko. Iyon ang dinahilan ko. Totoo naman.
Pagdating sa bahay, hinarap ko naman ang kantang kino-compose ko. Kailangang kong madaliin ito para maharana ko na si Riz. Hindi na ako makakapaghintay pa ng matagal para maipadama ko sa kanya ang pagmamahal ko sa pamamagitan ng awit.
Heto na ang tulang sinulat ko. Ito ang gagawan ko ng melodiya para maging isang kanta. Pinamagatan ko itong 'Ikaw Na Nga'.
Tuwing nakikita ka
Puso ko ay kay saya
Tuwing tayo'y magkasama
Langit ang piling ko, sinta.
Kay ligaya nitong puso ko
Nasa langit na nga ako
Hindi ito isang panaginip
Ikaw ang laging nasa isip
Ikaw nga..
Ikaw na nga.
Tuwing kausap ka
Ang puso ko'y kumakaba
Tuwing ngumingiti ka
Halos ako'y pumanaw na.
Langit sa piling mo, sinta
Langit ang piling ko tuwina
Dahil ikaw..
Dahil ikaw..
Ang langit sa piling ko
Ang langit sa puso ko
Ikaw nga..
Ikaw na nga..
Sinta.
Bukas, sigurado akong tapos ko na ito. By Tuesday, pwede ko na itong kantahin sa harap ni Riz.
Red is in <3.
No comments:
Post a Comment