Followers

Wednesday, June 17, 2015

Isang Balot ng Hapunan

Sa pagitan ng kanyang paglilinis, maririnig sa silid-aralan ang malalalim at matutunog na ubo, na sa mga oras na iyon lamang niya malayang nailalabas..
Alas-sais na nang matapos niyang walisan ang classroom at ayusin ang mga armchair. Nagmadali naman siyang lumabas ng paaralan upang tumungo sa isang carinderia.

"Iha, limang kanin. Isang adobong baboy. Isang gulay at isang pritong isda," order niya sa bagong tindera.
"Kaen po?" tanong ng tindera.

Natawa ang amo niya. "Ano ka ba? Kaya bang kainin ni Lolo ang limang kanin at tatlong klase ng ulam? Ibalot mo."

"Surrey po."

"Tandaan mo na. Siya si Sir Macario. Suki natin siya."

"Ser Macario, dennir po ba ninyong pamilya?" anang tindera.

Napangiti ang guro. Siniko naman ng may-ari ang empleyadong mausisa. "Bilisan mo na kaya. Ikaw talaga..."

Pagkatapos maibalot, inabot agad ni Sir ang eksaktong bayad at excited na tinungo ang tahanan ng kanyang mag-aaral. 

"Wala na po ang mag-ina d'yan. Hindi po ba nagpaalam sa inyo?" sabi ng payat na babaeng nakahiga sa kariton.

"Hindi po ba sinabi kung saan sila tutungo?" Bakas ang kalungkutan ng maestro nang marinig ang balita at makita ang wasak na karitong-tahanan ng mag-inang mag-iisang taon na niyang kasalo sa hapunan.

"Wala po. Wala pong nakakaalam."

Ibinigay ni Sir Macario sa babae ang lahat ng pagkain na binili niya at malungkot na umuwi.

Habang naglalakad siya papunta sa inuupahang kuwarto, naalala niya estudyanteng si Angelo.

"Sir, gustong-gusto ko pong makatapos ng pag-aaral para maging pulis ako," wika ni Angelo.

"Maganda 'yun. Makakaalis ka na sa lugar na ito. Hindi na kayo titira ng Mama mo sa kariton..."

Hindi namalayan ng matanda na tumulo na pala ang mga luha niya bago pa niya nabuksan ang kuwarto. Napamahal na sa kanya ang binatilyo. Pinipilit niya nga lang pumasok sa klase, kahit isang beses sa isang linggo upang hindi tuluyang mag-drop. Pero ngayon, tila matutuloy na ang kanyang paghinto.

Gayunpaman, naisip niyang ipasa na lamang ang bata upang hindi masayang ang ipinasok niya.

Kinabukasan, binalikan niya ang tirahan ng mag-ama, ngunit wala na talagang bakas ng naninirahan doon. Umalis na nga rin ang mag-iinang naninirahang malapit sa kanila.

Subsob ang balikat na lumayo siya sa lugar na iyon, bitbit ang mga masasayang alaala.
Lumipas ang mga taon, marami nang nagbago kay Sir Macario. Ngunit, isa lamang ang hindi niya binago sa kanyang buhay--- ang pagiging matulungin sa kanyang mga estudyante, lalo na sa mga mahihirap. Ang bawat isa ay itinuturing niyang anak. At dahil sa kabusilakan ng kanyang puso, ang bawat mag-aaral niya ay itinuturing siyang ama. 

"Sir, hindi sa minamaliit ko ang iyong kakayahang magturo, pero nakikita ko na hindi na po kaya ng inyong katawan ang trabaho. Masyado po kayong masipag, kaya halos malimutan na ninyo ang inyong sariling kalusugan," litanya ng bata pang punungguro. Marami pang sinabi ang principal pero hindi na niya pinakinggan.

Tahimik na lumabas ang guro sa opisina.

Alas-sais na nang matapos ni Sir Macario na eempake sa maliit na kahon ang mga mumunting alaala ng kanyang mga naging estudyante. Iyon lamang ang nais niyang iuwi sa probinsiya, kung saan niya ilalaan ang kanyang pagreretiro.
Halos, hindi niya mabuhat ang karton.

"Tulungan ko na po kayo." Isang pamilyar na tinig ang narinig niya mula sa labas ng silid-aralan.

Nang lingunin niya, matangkad na lalaki ang nakita niya. Ngunit hindi niya maaanig ang mukha nito. Inisip niya, na magulang lamang siya. "Hindi na. Kaya ko ito. At saka kung may reklamo po kayo sa akin, ipagpaumanhin niyo na lang." Umubo muna siya "Ako naman ay retirado na. Lilisan na ako sa paaralang ito."

"Sir, may dala po akong isang balot ng hapunan..." Lumapit ang lalaki at nagmano sa guro. "...si Angelo po ako. Isa na po akong police asset... dahil sa tulong niyo."

Sumilay sa mga mata ng guro ang luha ng kaligayahan. "Salamat, anak! Hindi mo binigo ang sarili mo..."
"Salamat din po sa lahat ng naitulong niyo sa amin ng aking ina."
"Maliit na bagay lang iyon kumpara sa kaligayahang natatamo ko tuwing kasalo ko kayo sa hapunan."
Niyakap ni Angelo ang matanda. "Isasama ko na po kayo sa aking tahanan at ipakikila sa aking mag-ina. Doon po ay lagi na tayong magkakasalo sa hapunan. 
Tila lumakas ang pakiramdam ni Sir Macario. 

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...