“Sino ‘yan?” tanong ni Gemma nang maramdaman niyang may nakasilip sa jalousie.
Madilim na sa labas ng kanyang silid-aralan. Nilapitan niya ito, ngunit mabilis itong nawala bago pa siya nakalapit at nakasilip sa bintanang kahoy. Tanging mga matataas na punongkahoy lamang ang nakita niya.
“Mga batang ito, hindi na magsiuwi! Huwag na nga ninyo akong hintayin! Sa Lunes, makikita niyo!” sigaw niya, bago niya isinara ang mga bintana.
“Teach, tara na!’’ si Ms. Malumba, co-teacher niya. “Mag-aalas-sais y medya na. Huwag mong sabihing magpapaiwan ka na naman.”
Bahagyang nagulat si Gemma. “Hindi pa ako tapos, friend! Alam mo naman... Kailangang magpakitang-gilas ako.”
Pumasok pa ang kaguro. “Last school year, bago rin ako, pero never kong ginawa ang kamartirang ito. Tara na.”
“Andami ko pa sanang tatapusin. Ang bulletin boards ko, tingnan mo.”
“Hay, naku! Sabado kaya bukas.”
Walang nagawa si Gemma, kundi sumama na pauwi. Gusto rin naman kasi niyang maging ka-close si Ms. Malumba. Bilang bagong teacher sa pampublikong mataas na paaralang iyon, siya lamang ang matiyagang nagtuturo, umaalalay at madalas na nakikipag-usap sa kanya, siguro dahil hindi magkalayo ang kanilang mga edad.
Kinabukasan, binalikan niya ang mga naiwang kalat at gawain sa kanyang classroom.
Sa dami ng kanyang gustong tapusin at gawin, inabutan na siya ng tanghali. Hindi sumapat ang baon niyang sandwich at juice, kaya lumabas siya ng silid upang maghanap ng mga estudyanteng maaaring utusan para ibili siya ng makakain.
Wala siyang nakita.
“Buwisit! Kung kailan kailangan...” pabulong-bulong siyang bumalik sa kinaroroonan ng kanyang classroom, na nasa dulong bahagi ng JICA building. “Kahapon, may sumisilip pa sa bintana. Ngayon, kahit kaluluwang ligaw, wala!”
Inis na inis siyang nagligpit ng mga kalat upang siya ay makauwi na.
“Sino ‘yan!?” nahihintatakutang niyang tanong sa lalaking may maitim na mukha, na nakasilip sa bintana.
Nilapitan niya ito, ngunit mas mabilis pa sa hangin itong nawala sa kanyang paningin.
“Sino ka?” Sinilip-silip pa niya sa labas. Tanging mga punongkahoy lamang ang natanaw niya. “Gago ka! Kagabi ka pa.”
Buwisit na buwisit siyang lumabas ng kuwarto. Lalo naman siyang nabuwisit nang makaramdam siya ng tawag ng kalikasan. Ayaw na ayaw pa naman niyang pumunta sa CR. Bukod sa ito ay malayo, napakabaho pa doon. Ibang-iba ito noong fourth year high school siya. Nasisi niya tuloy ang kanyang principal dahil hindi man lang ito ipinaayos.
“Ang baho! Shit!” maarte niyang bulalas pagkabukas pa lamang niya ng pinto, na halos bulok na ang plywood.
Panay pa ang salita niya ng kung ano-ano habang pindot-pindot niya ang kanyang ilong.
Patapos na siyang umihi nang isang maputik na paa ng lalaki ang nakita niya sa harap ng pinto ng cubicle. Umaalingasaw ito.
“May tao rito!” natatakot, pero matigas niyang sabi, habang itinataas ang kanyang pantalon.
Ang mga bakas ng malalaking talampakan lamang ang nakita niya sa marungis na tiles ng palikuran. Sa labas, wala naman siyang natanaw na tao. Naalala niya tuloy niya ang isang traumatic na pangyayari sa kanyang buhay.
Lakad-takbo siyang lumayo sa palikuran.
Tatlong linggo na siya sa paaralan at anim na taon ang lumipas, nang huli siyang narito, pero hindi pa siya nakalibot muli sa campus. Gustuhin man niyang gawin sa mga oras na iyon, hindi maaari, lalo na’t may lalaking nagmamatyag sa kanya.
Sa kalagitnaan ng school campus, naisipan niyang lumingon at sa gitna ng kanyang balintataw ay rumehistro ang isang pigura ng tao na biglang nagtago sa likod ng punong mangga, sampung metro ang layo. Hindi siya maaaring magkamali. Siya rin ang lalaking sumisilip sa bintana at ang lalaking mabaho at maputik ang paa.
Lalo niyang binilisan ang paglakad-takbo, habang palingon-lingon sa kanyang likuran.
Tila lalagnatin siya pagdating sa kanilang bahay. Nasusuka rin siya nang maalala ang nakakasulasok na amoy ng stalker.
“Bakit ka pa kasi pumasok?” tanong ng kaibigan, nang magreklamo siyang masama pa ang pakiramdam niya. Hindi naman niya nasabi ang tungkol sa lalaking umaalialigid sa kanya.
“Alam mo naman na kaka-in ko pa lang sa serbisyo...”
“Hay, naku! Ikaw ang bahala... Sabagay” Sinipat muna ni Ms. Malumba ang mga estudyante ni Gemma. “Ang be-behave naman ng mga estudyante mo, o.”
Hindi makapaniwala si Gemma sa katahimikan ng kanyang klase. Diyos ko! Kanina lang, pinagmumura ko ang mga iyan dahil ang iingay. Himala nga, e. Tumahimik nang dumating ka..”
Tumawa ang kaibigan. “Fourth year na kasi. Dapat lang silang magpakabait... O, siya, dito na ako.”
Isang minuto pa lang ang lumipas nang makaalis ang guro, naamoy ng buong klase ang matinding amoy.
“Ang baho! Amoy-pozo negro!” bulalas ng isang estudyante.
Nagtakip sila ng kanilang ilong. Si Gemma naman ay natunghayan ang biglang pagsara ng jalousie. Tumaas ang mga balahibo niya nang maalala ang mabahong lalaki.
“Mam, Mam! Si Luis po, bumubula ang bibig!” sigaw ng katabing kaklase.
Hindi alam ni Gemma ang kanyang gagawin. Napakabaho pa rin sa loob ng silid nila kaya halos ayaw niyang lapitan si Luis. “Tawagin niyo si Sir Briones. Dali!”
May dalawang lalaking tumalima.
“Luis, Luis... anong nangyayari sa’yo!” Wala siyang kaalam-alam tungkol sa epilepsy. Nandidiri nga niyang pinunasan ng panyo ang bula sa bibig ng estudyante.
Naglapitan naman ang mga kaklase na ikinagalit ni Gemma. “Letse! Lumayo nga kayo! Mga usisero’t usisera. Wala naman kayong maitutulong.”
“Lumayo ka sa akin!” Biglang nagsalita si Luis. Nakakatakot ang boses niya. Nanlilisik ang kanyang mga mata.
Napaurong si Gemma. Nagsigawan naman ang kanyang mga estudyante, nang kagyat na bumangon si Luis at dakmain ang paa ng guro.
“Bitwan mo ako!” Sinipa niya si Luis, pero hindi man lang ito natinag.
Nagkomusyon na ang mga bata.
Nahawakan ni Luis ang magkabilang balikat ng kanyang guro. “Mamamatay tao ka!” Mas malakas at mas galit ang boses ni Luis. Nagtalsikan sa mukha ni Gemma ang itim at mabahong putik mula sa bibig ni Luis.
“Luis! Bitiwan mo ang Mam mo!” sigaw ni Mr. Briones, pagsungaw pa lamang niya sa pinto at agad na lumapit sa dalawa. Ngunit bago pa siya nakalapit, nawalan na ng malay si Luis.
Hindi rin malaman ni Mr. Briones kung sino ang tutulungan – si Gemma ba na tila na-trauma o si Luis na patuloy ang pagbulwak ng putik sa kanyang bibig? “Tulungan niyo si Mam niyo, dali!” utos niya, saka akmang tutulungan ang estudyante.
Nailayo na si Gemma kay Luis, saka lamang niya napansin ang itim na putik sa magkabilang manggas ng kanyang uniporme.
“Mam, mabaho po,” turan ng babaeng estudyante niya.
Nanginig si Gemma. Naalala niya ang lalaking maputik at mabaho. “Siya! Siya ang lalaking sumisilip sa akin.” Hysterical na siya.
Isa pang kakaibang tinig ang nagpalingon sa kanila. Isang payat na estudyante ang nanlilisik ang mga mata ang nakita niya.
“Ikaw!” Itinuro ng estudyanteng may bahaw na boses si Gemma. “Ikaw ang pumatay! Ikaw!” Tapos, bumuhos ang itim na itim na putik mula sa kanyang bibig, bago ito nawalan ng malay sa kanyang upuan.
Sumunod pang sumigaw nang sumigaw ang isang babaeng estudyante, habang palumba-lumba sa kanyang upuan. Katulad ng dalawa, nanlilisik din ang mga mata niya.
Nagkagulo na sa classroom. Kanya-kanya nang pulusan ang mga estudyante. Si Gemma naman ay iyak nang iyak sa sulok.
Ang mga pangyayaring iyon ay nagdulot ng matinding trauma sa lahat ng mga nakasaksi. Sabi nila, sinapian ang tatlo. Hindi naman maalala ng mga estudyante ang nangyari sa kanila. Nang hiningian si Gemma ng paliwanag tungkol sa paratang sa kanya ng mga bata, sinabi niyang baka gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga mag-aaral.
“Paano po ako magiging mamamatay tao?” mataray niyang sagot sa kanyang principal.
Natawa na lang ang punungguro. “E... paano nga ba? Buhay pa naman sila. Siguro nga sinapian sila ng masasamang espiritu.”
Sa gilid ng mga labi ni Gemma, isang salita ang nais niyang pakawalan, ngunit hindi niya ito nasambit. Mas makakabuti kung ililihim niya ang lahat. Alam niyang hindi siya paniniwalaan o mauunawaan ng kanyang pinuno, gayundin ng mga kasamahan. Maaari rin siyang mapahamak.
Sa kalaliman ng gabi at pagkahimbing ni Gemma, ang mga yabag mula sa labas ang gumising sa kanya. Binuksan niya ang bintanang kahoy at sumungaw ang lalaking putik.
"Mahal kita, Gemma." Malamig ang boses ng lalaking balot sa umaalingasaw na putik.
"Lumayo kang demonyo ka! Tigilan mo na ako!" Mabilis niyang pininid ang bintana at nagbukas ng ilaw.
Sa tindi ng amoy, alam niyang hindi pa rin umaalis ang lalaki. Nanginginig na siya sa takot.
"My God, tulungan Mo po ako..."
Nang gabing iyon, hindi siya nakatulog. Hilakbot ang bumalot sa kanyang katawan, habang hinihintay ang bukang-liwayway.
Higit sa takot sa lalaking putik, ang takot niyang malaman ng kanyang pamilya at ng kanyang mga kaguro ang nangyayaring bangungot sa kanya. Wala siyang pinagsabihan.
Hindi na siya nagpapagabi sa paaralan. Hindi na siya nagpapatay ng ilaw kapag matutulog. Minsan, nagpapasama siya sa kanyang kapatid sa higaan. Bagamat ramdam niya ang pagdating at pagsilip, hindi na niya lamang ito pinapansin. Tinitiis na lamang niya ang matinding amoy ng taong putik.
"Uy, friend, nagtataka ako sa'yo. Sa ganda mong 'yan, wala ka man lang tagasundo. Ayan tuloy, nagkakandaugaga ka d'yan sa mga gamit mo. Mag-boyfriend ka na kasi," sabi ng kaibigan niya. "Tingnan mo ako, hatid-sundo. Sundo't hatid." Tumawa pa siya nang maharot.
Nginitian niya lamang si Ms. Malumba.
Pagkaalis na pagkaalis ng co-teacher, tumungo siya sa palikuran, bitbit ang maso.
"Ano bang gusto mo, Randy? Di ba sinabi ko na sa'yo noon pa na ayaw ko sa'yo!" sigaw ni Gemma sa loob ng comfort room. "Tama na... please! Patawarin mo na ako. Kasalanan mo naman, e." Luminga-linga siya. Wala siyang nakita. Wala rin siyang naamoy.
Inulit niya ang kanyang pagtangis. This time, mas madamdamin. Garalgal na ang boses niya. Totoong emosyon ang kanyang nadarama. Gusto na niya kasing magkaroon ng tahimik na buhay.
"Randy... please. Tama na.. Pagkatapos ng paghahalay mo sa akin, pagkatapos mong wasakin ang pagkababae ko, tama lang na.. Randy?!" Napasigaw si Gemma nang biglang namatay ang ilaw sa banyo. Kinapa niya ang switch, pero mabaho at malagkit na kamay ang nakapa niya.
Nagpumiglas siya, ngunit hindi sapat ang lakas niya. Sigaw siya ng sigaw ngunit nanatiling tahimik at madilim ang paligid. Naagaw naman sa kanya ang hawak niyang maso.
"Randy, nasaan ako?" sigaw ni Gemma.
Isang mabahong kumunoy ang kanyang nilalangoy. Tila isang walang katapusang paglangoy ang gagawin niya dahil nakikita niya ang maladisyertong ilog ng burak. Mababaw lang iyon, pero habang humahakbang siya ay lumulubog naman ang kanyang katawan. Sumisinghap-singhap na rin siya.
Sa kabila ng sakit na gumuguhit sa kaibuturan ni Gemma, nagawa niyang igapang ang kanyang kamay patungo sa nakakaharang na bato sa may pintuan.
"Dapat kang mamatay!" Pinupok ni Gemma ng bato ang ulo ni Negro, na naging dahilan para matigil ang kahayukan nito sa kanyang katawan. Umagos ang dugo ang pulang-pulang at mainit-init na dugo mula sa ulo ni Randy hanggang sa kahubdan ng dalaga. "Randy?" Buong lakas niya itong itinulak. Patuloy ding umagos ang dugo nito, kasabay ng pagtulo ng dugo niya mula sa kanyang pagkababae.
Nataranta siya dahil hindi na humihinga ang lalaki. Napatay niya ang negrong si Randy. Walang nakakita. Tanging siya lamang ang nakakaalam, kung paano niya hinulog sa pozo negro ang bangkay ng rapist.
Bumagsak siya sa duguang sahig at tuluyang nawalan ng malay.
Bumukas ang ilaw. Tumambad kay Gemma ang maitim na putik sa paligid niya. Nakipambuno siya sa lalaki, naisip niya, dahil hapong-hapo siya.
"Hindi ka makakatakas." Narinig ni Gemma, nang piliting niyang tumayo.
Buo ang loob niyang tumayo at sinubukang lumabas ng banyo, ngunit nabangga siya sa lalaking putik. Humiyaw siyang muli nang kay lakas, subalit agad na nabusalan ang kanyang bibig. Tuluyan na siyang nawalan ng malay.
"Ayun po si Mam Gemma!" turo ng isang estudyante sa mga guro at principal.
Nakita nilang binubutasan niya ang sementadong pozo negro sa likod ng banyo, gamit ang maso.
Doon niya hinulog ang bangkay ni Randy pagkatapos magdilim ang paningin niya.
"Gemma?!" Nilapitan ni Ms. Malumba at inagaw ang maso. "Mam, ano bang ginagawa mo?"
Humalakhak si Gemma. Nagtalsikan pa ang mga putik mula sa kanyang bibig. "Dito! Dito si Randy!" paulit-ulit niyang sambit.
Nahintatakutan at nagtinginan ang lahat. Hindi nila maunawaan ang kakaibang kilos at hitsura ng maestra. Malayong-malayo siya sa dating Bb. Gemma Mabanglo.
Tuwing gabi naririnig ang mga panaghoy sa may palikuran ---boses ng lalaki. Habang sa madilim at mabahong kuwarto, nanahan si Gemma. Halos walang gustong lumapit na nurse o doktor sa kanya dahil sa mabahong putik na lumalabas sa kanyang katawan at bibig.
No comments:
Post a Comment