Followers
Monday, June 1, 2015
Ang Aking Journal --- Hunyo, 2015
Hunyo 1, 2015
Hindi naman ako excited sa first day of school. Pero bakit kaya hindi ako nakatulog ng maayos kagabi. Ang aga ko pang nakamulat. Nauna pa ako sa alarm clock. Kaya, wala pang alas-sais ay nasa school na kami ni Zillion.
Natuwa lang ako sa anak ko dahil hindi siya mahirap gisingin. Umingit lang ng kaunti tapos bumangon na.
Hindi ako komportable sa uniform ko. Pangalawang beses ko pa lang iyon nasuot. Ang pangit kasi ng tela, ng pagkatahi at ng style.
Nainis pa ako kasi pinaakyat pa kami sa stage para tanggapin ang certificate sa INSET.
Naging maayos naman ang pagtanggap ko sa advisory class ko. Gaya ng dati. May mga pasaway na agad. May mga paepal. May maiingay. May tahimik. May magulo. Gayunpaman, willing akong gawin silang mabuting mag-aaral.
Ginawa ko na agad ang trabaho ko bilang grade leader kahit gusto ko pang tumanggi. Pagkatapos ng klase, nagmeeting kami. Ni-raise ko doon ang concern ko. Hindi ako pinayagang, tumangging maging GL. Ibinigay naman kay Mam Loida ang SPA. Tapos, nag-suggest pa si Mam D na i-extend ang time ni Ion kay Mam Joann para hindi nakakahiya sakaling may mga bisita.
Okay na rin.
Bago ako umuwi, kinausap ko ang teacher niya. Agree naman siya sa ideya ni Mam.
Past 4 na lami nakauwi. Paalis na rin si Epr at ang gf niya.
Ang hirap palang maging Natay o Tanay. Kailangang magdouble time lagi. Para akong hinahabol ng orasan. Mabuti may internet at mobile TV na. Malaking tulong ang mga ito para maiwanan ko si Zillion para gawin ang mga gawain ko.
Unang araw pa lang. Kaya ko. Hindi ako susuko. Makakapag-adjust din ako.
Hunyo 2, 2015
Pangalawang araw. Hindi na kami bumangon ng maaga. Alas-singko y medya na. Pero, hindi pa kami na-late.
Mas nagagampanan ko na ngayon ang trabaho ko bilang grade leader. Nagiging masungit din ako sa mga estudyanteng pasaway. Hindi muna ako tumatawa at ngumingiti. Gusto ko kasing makilala nila ako bilang strict. And later on, nais kong magustuhan nila ako bilang mabait na teacher.
Pasaway ang mga estudyante ko. Ang tatamad at ang babagal pang gumawa. May mga babae ding nagpapasaway at nagpapapansin. Tsk tsk. Siguro ay matatagalan akong unatin ang mga baluktot nilang pag-uugali.
Alas-dos y medya, miniting ni Mam D ang mga GLs at MTs. Kasama ako doon. Unti-unti ko namang nagugustuhan ang aking task.
Pasado alas-4 na kami nakauwi sa bahay. Nagbihis lang kami, then pumunta na kami sa MOA. Pinaclose ko na ang plan ko sa Smart. Binayaran ko muna ang atraso ko. Mahal pero ayos lang. At least, nabawasan ang problema ko.
Hunyo 3, 2015
Medyo mahirap nang gisingin si Zillion. Pero, kapag sinabi ko na iiwanan ko siya, agad naman siyang didilat. Naniniwala akong masasanay kaming pareho sa maagang paggising o pasok. Ang mahirap lang ay lagi kaming nagmamadali. Hindi na kami nakakapag-almusal.
Kaya nang nagpatawag ako ng meeting sa mga kapwa ko Grade 5 teachers, nagsipagkain kami ng almusal habang gumagawa.
Ang klase ko naman ay unti-unti kong nakikilala, habang unti-unti ko namang ipinakikilala sa kanila ang tunay na ako. Tinuruan ko silang mahalin ang pagsusulat kesa sa pagdadaldal. Pinasulat ko nga sila ng tungkol sa bakasyon.
Wala pa akong nagustuhang sulatin. Pero, I believe na magiging mahusay silang magsulat.
Bago nag-uwian, dumating si Mamah sa classroom ko. Hinintay niya kami ni Mamu. Nilibre niya kami ng halu-halo. Nagkuwentuhan din kami.
Si Zillion naman ay nasilip ko sa classroom nila kanina. Nakita kong active naman siya.Tiningnan ko naman ang pael niya. May mga drawing siya doon. Stick figure. Bahay. Araw. Paso at bulaklak. At kotse. Natuwa ako dahil hindi nawala ang car. Mahilig talaga siya sa sasakyan. Ideal house niya ay ang bahay na may kotse. Nakakatuwa.
Siguro ay nag-eenjoy na siya sa klase niya. Dalawang session pa naman. Kaya lang, napagod siya ngayong araw. Pinatulog ko pagdating namin ng alas-4. Gabi na ay tulog pa. Hindi ko tuloy maiwanan. Hindi ako makabili ng ulam. Hindi ako makapaglaba sa baba.
Alas-otso na siya nagising.
Hunyo 4, 2015
Mas maaga kami dumating sa school kanina. Kaya lang, hindi ko nabilhan si Zillion ng kanin at ulam. Nagluto naman kasi ako ng oatmeal kaya nagkapag-almusal kami. Iniwanan ko na lang ng pera ang teacher niya na si Mam Joann para pambili ng pagkain.
Nagturo ako ng Solving Word Problem sa advisory class ko. Gaya ng dati may kasamang sermon. Hindi kasi sila seryoso sa Math. Andami pa nilang hindi alam at dapat matutunan.
Na-high blood nga ako bago mag-uwian dahil hindi gumawa ang halos kalahati. Sobrang tatamad nila, mapababae at mapalalaki. Lalo pa nang-init ang ulo ko nang makita kong may dalawang tatay na naghihintay sa kanila. Panay ang parinig ko. Kasalanan nila kung bakit tamad ang mga anak nila.
Kung hindi nga lang ako pupunta sa SDO para pumirma sa payroll ng differential ng sahod ko, hindi ko sila pauuwiin hanggang hindi tama ang gawa nila. Kasama ko pa naman si Plus One. Makikisabay siya papunta doon kaya nagmadali na ako.
Mabilis lang pumirma. Mas matagal pa ang pagbiyahe.
Naawa tuloy ako kay Ion dahil antok na antok na. Gaya kagabi, ang haba ng tulog niya. Hindi pa naman naubos ang French fries sa Jollibee. Hindi rin niya nakain ang burger.
Alas-otso y medya na siya nagising.
Nakakatawa kasi nahuli niya akong nagbi-beat ng Lupang Hinirang. Natawa kami pareho nang magkatinginan kami.
Kailangan ko talagang magpraktis para next week. Grade 5 kasi ang in-charge sa flag ceremony.
Hunyo 5, 2015
Natapos din ang isang linggo. Wala na nag-enroll. Pero, marami pa ring paperworks at hindi pa kami nagpapalitan.
Next week ay may diagnostic test kami. Kaya, next week na kami magkakaroon ng pormal na klase. Gusto ko na ngang magturo ng lesson, lalo na nang malaman ko na may nasasabi na namang di magnada ang mga Grade Six teachers tungkol sa amin. Minamaliit kami. Kasalanan ko ang pagiging di magaling ng mga estudyante. Pati ang pagtawa nila ay kasalanan ko. Hay! Ang mga tao nga naman. Wala ka nang ginawang tama. Lahat na lang ay mali.
Salamat sa mga estudyante na nagsumbong. Kahit paano ay unti-unti kong nakikilala ang mga taong dapat kong iwasan.
Nasasaktan lang ako dahil lubos ang tiwala ko sa kanila pero sila pala ay mapagpanggap.
Kahit nang bumiyahe na kami ni Ion papuntang Antipolo, iyon pa rin ang nasa isip ko. Pinag-isipan ko ang mga dapat gawin. Naisip kong sabihan angbtaong iyon, na ako ay nagtatampo sa kanya hanggang magtanong siya at pag-usapan namin. Kaso, baka mag-away pa kami. Humingi na lang ako ng sign sa Diyos.
Nang nasa Bautista na ako. Naglabas ako ng sama ng loob kay Mama. Kahit paano ay lumawag ang dibdib ko. Gumawa din ako ng dalawang tula para mairelease ko ang sama ng loob ko. Ipinost ko ang mga ito sa FB at wattpad ko.
Na-realize ko rin na mabunga na nga talaga ako dahil ay binabato. Nakakatuwa rin naman.
Hunyo 6, 2015
Maaga akong nagising. Nasanay na yata ang mga mata ko na mamulat tuwing alas-singko y medya ng umaga. Gayunpaman, hindi naman ako naasar. Kailangan ko naman talagang bumangon ng maaga dahil pupunta kami sa HomeMarks para ipasa ang notarized employment certificate ko. Tinawagan kasi ako kagabi ng agent ko. Hinahana na raw.
Alas-diyes ay narating namin ang office. Naasar lang ako dahil sarado ang opisina. Sabi ng guard ay nasa Bataan daw ang mga empleyado. Nag-swimming. Kung may load lang sana ako, naaway ko na ang agent ko. Sinayang niya ang effort at pamasahe namin. Ang init pa. Kawawa si Zillion.
Wala na akong nagawa. Pero, dahil plano ko na kagabi pa na ipasyal si Zillion sa Circle, okay lang. Pumunta kami doon agad.
Ang init din doon. Nakakaantok. Saka, nakakuha na ako ng mga succulents kaya nagdesisyon na akong umuwi.
Alas-tres ay nasa boarding house na kami.
Kahit napapagod ako, hindi pa rin ako nakatulg dahil sa tindi ng init. Nag-internet na lang ako at nag-post ng quotes na patama sa mga detractors ko.
Alas-singko na ako nakaidlip.
Hunyo 7, 2015
Akala ko ay makakatulog ako ng mahaba-haba, hindi pala. Maaga kasing nagising si Zillion. Ang likot niya. Parang ginising niya ako. Kanina pa daw siya nagugutom.
Pagkaalmusal, sinimulan ko na ang mga gawain. Naglaba ako. Tapos, nag-edit ng mga stories ko na ipapasa sa Viva-PSICOM.
Andami ko ring nagawa. Kaso, kulang pa rin. Editing is such a tough job. Idagdag pa ang mag-update ng mga stories para maabot ang minimum na 30,000 words.
Past 4, nag-grocery kami ni Ion sa Shopwise. Bago iyon dumaan muna kami sa school. Nagtanim ako ng mga halamang nakuha ko sa Circle kahapon.
Alas-otso, tumawag si Emily. Okay naman daw siya. Mababa lang ang sahod tapos marami ang trabaho. Suplado pa ang amo niya. Ang pinakamaganda niyang sinabi ay magpapadala si Nanay ng isanglibo. Pangmeryenda daw ni Ion. At 8K para sa birthday namin. Pero, sa katapusan pa ng July.
Natawa ako kay Ion. Nagsabi siya na wala daw kaming TV, ref, lamesa at car. Nakakatawa. Pati car ay sinabi. Akala niya siguro ay napakamura lang ng kotse.
Hunyo 8, 2015
Nasanay na yata kami ni Zillion na gumising ng maaga dahil mas maaga na kaming nakakarating sa school.
Nagpalitan kami ng klase kanina. Na-meet ko na ang tatlo pang section. Grabe! Parang naconscious ako sa Section 1 dahil sa presence ng apo ni Mam Rose. But, I think, nagawa kong mas impressive ang period ko sa kanila. Nasabi ko ang mga nais kong sabihin. Somehow, naging aware sila sa style ko.
Nakuha ko na rin ang mga study habit ng dalawang lower section. Kayang-kaya ko na silang i-handle. Konting sermon. Konting drama. Konting patawa. Ayos na. Turo at style na ganito, effective din.
Pasado alas-dos ay sinimulan namin ang meeting sa mga parents ng Grade 5. Ako ang emcee. Nagdiscuss din ako ng ilang punto sa agenda. Pinaghatian kasi naming apat ang mga agendang ibinigay ni Mam D. Then, itinuloy namin sa classroom.
Ayos ang meeting ko sa kanila. Gaya ng dati nakuha ko ang mga simpatya nila. Alam kong magiging maayos ang samahan namin.
Alas-kuwatro na kami nakauwi. Ang sakit pa rin ng kanang tagiliran ko. Apektado ang pagkilos ko. Pero, kaya pa.
Tumawag si Nanay Mila. Nagpadala daw siya sa Palawan ng P1000. Ayos! May pambili si Ion ng mga requirements sa Kinder.
Hunyo 9, 2015
Maaga akong nakarating sa school. Mabuti naman dahil napaghandaan ko ang sarili ko sa pagbi-beat ng Lupang Hinirang at Pasay Hymn. Maganda naman ang pagkaperform ko kahit nangangatog ako. First time kong mag-beat. Sabi nga ni Mam Rose, ang galing ko daw. Sana lang maganda nga talaga ang kinalabasan. Pero, naramdaman ko naman na maayos naman. Wala akong nakitang tumawa.
Nagsimula na ang diagnostic test. Mas gusto ko pang magturo kesa magbantay ng pagtetest. Hindi naman nila sineseryoso dahil alam nilang hindi naman iyon nire-record. Nakakainis pakinggan mula sa mga bibig ng Section One. Kung sino pa ang mga nasa honor roll, sila pa ang mga walang pagpapahalaga sa pre-test.
Naiinis din ako sa last section dahil magulo, maingay at wala silang disiplina. Kahapon ay nagawa ko pa silang mapatuto dahil na-hold ko sila. Siguro, dahil may lesson kami. Mas gusto nila marahil ang turo kesa sa test. Makukuha ko rin ang timpla nila.
Pagkatapos ng klase, clinaim(claim) ko ang padala ni Nanay Mila sa Palawan Express. Iyon ang sabi sa akin ni Emily. Okay na kahit 1K lang dahil makakabili na ito ng mga gamit niya sa school.
Ang sakit pa rin ng likod ko. Wala ako sa mood kumilos. Sayang nga dahil pumunta pala si Sir Erwin sa hideout. Kung nagtext lang siya bago ako nakauwi ng boarding house, baka nakapunta kami doon. Kaya lang, kailangan ko palang maglaba ng uniform ni Ion, kaya ayos lang.
Tumawag naman si Nanay ng mga alas-singko. Kaso, tulog si Zillion. Sabi ko ay alas-otso siya nagigising. Kaya tumawag uli sila. Kinausap nila si Zillion. Mahaba. Natawa ako dahil panay ang sabi ni Ion na wala kaming TV, lamesa, ref at car. Sinabi rin niyang hindi kami masaya at gusto niyang maging driver ng jeep paglaki niya. Ang daldal.
Hunyo 10, 2015
Grabe ang sakit ng lower back ko. Wala ako sa mood. Gayunpaman, sinikap kong magawa ang pagtsetsek ng mga papel ng diagnostic test sa Math at ang pagkuha ng frequency of correct response. Nagturo din ako. Nang umalis nga si Mam Rose para sa kanyang meeting, nagturo ako sa Mercury ng kahulugan ng kataga, salita, parirala, pangungusap at sugnay. Andami kong naengganyong maging writer. Ipinalabas ko ang panghihinayang sa kanila dahil hindi na ako ang Filipino Coordinator at School Paper Adviser. Alam ko kasing marami ang gustong makasali sa mga journalism contests.
Kagabi ay nag-PM si Sir Benjo Basas ng Ating Guro Partylist. Sabi niya: "Sir nabasa ko ang tula mo. Saan ka nagtuturo? Baka gusto mo sumali sa aming creative writing workshop sa Baguio next month. Kung interested ka text ka sa akin para send ko sau mga details at maisama ka sa memo for funding rin. Thanks!
0920#######" Nag-comment kasi ako ng tula sa post niya sa Taga-DepEd Ako. May pamagat itong 'Ang Bill Against sa mga Guro' at patungkol sa bill na isinusulong ni Sen. Angara. Agad akong nag-reply at nagtext. Sabi ko ay interesado ako. Ang sagot niya ay aayusin daw niya bukas ang listahan. Hindi mapagsidlan ng ligaya ang puso ko. Isa na naman itong oportunidad. Lumalapit na sa akin ang mga palay. Kailangan ko na lang na tukain. Kahit nang nasa Bautista na ako, isa na naman nakakataba ng pusong feefback ang natanggap ko. Nag-post ako ng tula na may pamagat na 'Teachers Blues'. Inspiration ko ang kanta ni Freddie Aguilar na 'Estudyante Blues' nang isulat ko iyon. Pwede na ngang maging kanta rin. Kaya naman, andaming likes ang natanggap ko. Nice comments ang nabasa ko. Pwede raw theme song ng mga guro. May nag-share pa. Nakakatuwa talaga! Si Makata O ay unti-unti nang nakikilala sa internet. Pasasaan ba't pakikinabangan ko ang kakayahan kong magsulat. Gabi. Nagtext kami ni Mamu. Napag-usapan namin ang mga naganap, nagaganap at magaganap. Hindi kami patitibag.
Hunyo 12, 2015 Ika-117 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas ngayon. Supposedly, nakapag-join kami ni Zillion sa flag raising cermony kaninnag umaga sa MOA, kaya lang nasa Bautista nga kami. Di bale, mas naging kapaki-pakinabang naman ang araw ko. Andami ko kasing naisulat na tula at sanaysay ngayong araw. Saka, marami pang Independence Day celebration na pwedeng ma-experience ni Ion. Patuloy ding umaani ng magandang feedback ang Teachers Blues ko. Naghihintay din ako sa text ni Sir Benjo tungkol sa details ng workshop. Siguro ay busy pa siya kaya di pa niya ako natext. Okay lang. Matagal pa naman. Basta ang alam ko, sure na iyon.
Hunyo 13, 2015
Madaling-araw ay nahipo ko ang katawan ni Zillion. Mainit. Nilalagnat siya.
Naging maarte siya maghapon. Ayaw kumain. Hinahapo at hinihingal rin siya dahil sa ubo.
Sa mahigit dalawang buwan na kami ay magkasama, ngayon lang siya nagkasakit. Dala ng pabago-bagong panahon ang sanhi nito. Idagdag pa ang kalagayan namin sa boarding house.
Uuwi pa naman sana kami bukas ng umaga. Baka, iwanan ko na lang muna siya kay Mama. Ako na lang ang babalik sa Pasay. Kailangan niya munang magpagaling at magpalakas.
Natuwa ako sa magandang balita kanina. Natanggap akong admin sa Sulat Pilipinas. Kahapon lang ay nag-send ako ng answer ko sa mga tanong nila bilang interview, tapps, nagustuhan nila. Nakakatuwa. Isa na naman itong achievement, para sa akin.
Nakachat ko mnga ang ilang ka-admin ko. Nalaman ko na mga bigatin ang mga miyembro. May posibilidad na dito ko matupad ang mga pangarap ko.
Hunyo 14, 2015
Paggising ko, napaliguan na ni Mama si Zillion. Nakakain na rin kahit paano ang anak ko. Pero, halata pa rin ang kanyang katamlayan at ang pangangayayat.
Gusto ko sanang iwanan na lang muna siya kay Mama para lumakas at manumbalik ang katawan, kaya lang, ayaw niyang pumayag. Sinama ko na lang.
Alas-nuwebe ay bumiyahe pababa ng Antipolo. Sa Harrison Plaza muna kami tumuloy. Doon na kami nag-lunch. Napakain ko si Ion ng Piggy Pao sa Chowking.
Nagbayad din ako ng RCBC bill sa SM at bumili doon ng back pack. Sa NBS naman ay binili ko lahat ng mga kailangang isumite sa teacher ni Ion. Andaming gastos, pero ayos lang. Hindi ko na nga nagagawa ang obligasyon ko kina Hanna at Zildjian, pati ba naman sa kanya ay ipagkakait ko pa.
Ang hirap lang kay Ion ay ang pagpapakain. Pati tuloy ako ay nahahawa sa katamaran niyang kumain.
Pagkagaling namin ni Zillion sa school, para kunin ang lesson plan ko, isinumite ko ang entry ko kay Trinie Fangs para sa kanyang anthology na "The Everest of Pens". Sinulat ko ang kuwentong "Isang Balot ng Hapunan", bandang alas-tres. Maganda ang kinalabasan, kaya umaasa akong mapipili ito.
Sana...
Hunyo 15, 2015
Mas um-okay na ang pakiramdam ni Zillion. May konting hingal na pa nga lang. Nakapag-almusal na rin siya ng cereal kaya kampante akong makakabawi siya ng lakas ngayong araw.
Ako naman ay masiglang nagturo. Nawala na kasi sakit ng lower back ko. Kaya lang, pagkatapos ng lunch break, hindi na kami nagpalitan. Inupuan namin ang pagsasaayos ng classroom program namin. Napansin kasi naming nag-conflict ang mga schedule namin. Ang hirap! Inabot kami ang uwian.
Pagkatapos, tumuloy kami ni Zillion sa SDO-Accounting Office upang pirmahan uli ang salary differential ko. Hindi na kasi sinabay ng clerk nung pumunta ako. Kaya pala 7K ang nawithdraw ko kahapon.
Then, nag-hideout kami. Alam na ni Mamu na pupunta kami.
Alas-otso na kami nakauwi ni Ion. Pagod na pagod na siya pero naglaro pa. Pero, kinatamaran niyang i-memorize ang tula at basic information na pina-asaignment ng guro. Ayaw pa naman niya ng paukit-ulit.
Bago siya natulog, nakatanggap ako ng magandang balita, mula kay Miss Trinie Fangs na siyang nagsimula ng TEOP (The Everest of Pens). Binati niya ako dahil isa na ako sa 160 na bubuo sa anthology na ipa-publish niyang libro.
Sobrang saya ko! Ito na ang katuparan ng pangarap ko. God is good, talaga!
Salamat sa Sulat Pilipinas, lalo na kay Kasulat Marc. Una, sa pagtanggap nila sa akin bilang admin. Pangalawa, dahil sa kanya, nagkaroon ako ng idea sa TEOP. Nasabwat pa nga ako sa pagra-rant ng isang member doon dahil sa mga suhestiyon ko sa kanyang akda na ipapasa niya rin sa search.
Blessings talaga siya at ang grupo sa akin. One day, mapapasalamatan ko rin siya.
Hunyo 16, 2015
Nahirapan akong gisingin si Zillion kanina. Akala ko nga ay mali-late na kami. Mabilis pa rin talaga kaming kumilos.
Inspired na sana akong magturo maghapon, kaya lang, may problema ang Grade 5. Ang nalalapit na pag-transfer ni Mam Diana ang dahilan nito.
Ang ginawa naming class program kahapon ay mababalewala sapagkat iiwanan niya rin ang mga subjects niya. Kaya, pagkatapos ng aming almusal, gumawa kami ng plano. Naisip kong magtig-iisang major subject na kaming apat na adviser. Since, ayaw ni Sir Rey ang English, inako ko ito at ginive-up (give up) ang Math. Kay Mam Dang na rin laat ang Filipino. Okay lang. Buwis-buhay. Pero, alam kong matututo ako sa asignaturang English. Hindi man ito ang forte ko, bukas naman ang kaisipan ko para para tanggapin at pag-aralan ito. Bukas din ang puso ko para mahalin ito. Alam ko, sa una ay mahihirapan ako. Ang mahalaga sa akin ay patuloy akong may drive at motivated para magturo.
Hindi ko lang alam kung magagawa kong seryusohin ang pagtuturo ng HeKaSi at MSEP.
Umuwi na kami ni Ion after class.
Natuwa naman ako dahil tatlo sa estudyante ko ay sinundan kami ni Zillion hanggang sa may gate. Patago-tago pa sila na parang pako. Kaya lang hindi ko talaga maaaring papasukin dahil sa kalagayan ng aming kuwarto. Mainit. Magulo. Maliit. Gustuhin ko mang entertain-in sila, hindi maaari.
Hunyo 17, 2015
Nalulungkot ako kanina dahil naiisip ko ang pagtuturo ko ng English kapag nakalipat na si Mam Diana sa Division of Pangasinan. Nahihirapan akong isipin na ang ituturo kong subject ay hindi ko comfort zone. Para akong manok na pilit puputak.
Ang hirap kaya!
Kahit may tiwala ako sa kakayahan ko, hindi ko pa rin ma-imagine ang sarili ko na nagtuturo ng English. Una, dahil bulol ako. Mahina ako sa oral English. Pangalawa, baka masisi na naman ako ng mga Grade Six kapag hindi ko nagawang mapatuto ang mga estudyante sa asignaturang ito. Sa Math at Filipino nga ay may nasasabi pa sila, sa English pa kaya, na hindi ko naman forte.
Pinilit ko lang ang sarili ko na magturo ng Math at Filipino. Ini-enjoy ko ang mga huling chances ko na maituro ang mga ito, lalo na sa Filipino. Mapalad ang mga Section 1 dahil nakatikim sila ng storytelling mula sa akin, gamit ang bago kong kuwento o ang kuwentong natanggap sa isang story writing search.
Nabasahan ko din siya ng Lola Kalakal.
Mamimiss ko ang pagtuturo ng pagsusulat.. Tsk tsk.
Sabagay, maaari ko namang ituloy ito kahit English teacher ako. Medyo, mahirap ngalang. Mangangapa ako dahil mas mahirap para sa mga bata na sumulat ng essay, story o poem.
Dahil matagal natulog si Zillion, nasimulan kong isulat ang horror story na isasali ko sa isang publishing company. Naka-500 words na rin ako.
Hindi ko first time magsulat ng nakakatakot na istorya, pero ito unang pagkakataon na habang sinusulat ko ay tumatayo ang mga balahibo ko. Para kasing makatotohanan ang nasa isip ko. Mukhang mananalo ako. He he. (Hindi masama ang mangarap.)
Hunyo 18, 2015
Hindi kami nagpalitan dahil wala si Mam Diana. Tamang-tama rin dahil dumating ang apat na supervisors. Nakapaghanda-handa kami.
Self-contained kami. Dahil dito, naisip kong maging self-contained din kami pag tuluyan nang lumipat si Mam Balangue. Si Sir Rey pa lang ang nasabihan ko ng idea. Hindi ko alam kung papayag sila. Parang malabo.
Oo, pumayag akong mag-English pero mas gusto ko pa rin ang kasalukyang schedule ng klase ko. Okay na sa akin ang apat na Math at isang Filipino. Ayokong umalis sa comfort zone hangga't maaari.
Nagturo ako ng EPP, HEkasi at CBA sa advisory class ko. Nag-overtime pa kami dahil andaming hindi gumawa.
Nag-hideout kami. Lima lang kami-- si Papang, si Donya Ineng, si Plus One, si Zillion at ako, pero masaya kami.
Alas-otso na kami nakauwi. Nagkaroon ako ng chance na makachat ang mga kapwa ko admin sa Sulat Pilipinas. Unti-unti ko silang nakikilala. Ang sasaya nilang kausap. Sana nga matuloy ang meet-up namin.
Hunyo 19, 2015
Wala na naman kaming palitan. Pero, naglagay ako ng visual aid sa V-Mercury nang time ko na. Summative test kasi dapat nilang lahat ngayon. Then, nagbonding lang kami habang nagkakape.
Nagalit naman ako sa mga estudyante kasi nang pinagpila ko para umihi, nagkagulo at nagtakbuhan sila. Lumabas talaga ang mga 'put*ng *na' dahil sa sobrang inis. Hindi ko tuloy nanamnam ang pagkakatanggap ko sa isang project bilang editor.
Gayunpaman, tuwang-tuwa na naman ako dahil isa na namang achievement ang natanggap ko mula sa Maykapal. Ang mapili ako bilang isang patnugot sa magasing isasali sa Manila International Book Fair na gaganapin sa Setyembre, ay isang nakakapagpaligayang balita.
Over-qualified nga raw ako sabi ng EIC at editor, kaya kinukuha ako bilang adviser nila. Sinagot ko sila na ako ay isang baguhan lang din sa larangan ng pagsusulat. Ang background ko raw kasi ay pambihira. Pero, editor pa rin ako dahil baka hindi ko magampanan ang mga trabaho ng isang tagapayo.
Nang umuwi kami saka ko lamang naunawan ang sistema ng grupo. Nagpasa rin ako ng original news article ng isang writer at in-edit ko iyon. Sana lang ay nagustuhan nila. Kahit tanggap na ako s agrupo, nakakahiya kung hindi nila nagustuhan ang way ng pag-edit ko.
Dumadami na rin ang FB friends ko na writers. Sana makilala ko sila in person.
Hunyo 20, 2015
Dapat marami akong nasulat ngayon pero hindi ko nagawa. Andami ko kasing gawaing-bahay. Tapos, kailangang pang bumawi sa puyat.
Okay lang naman. Sa July pa naman ang mga submissions ng entries sa mga contests na sasalihan ko. Kaya ko pa sigurong magawa ang mga iyon within this month.
Tanghali. Nainis ako kay Zillion. Ayaw niyang kumain. Nang tinanong ko kung anong gusto niyang ulam, wala raw. Nang dumaan kami sa bakery, pinaturo ko siya ng tinapay na gusto niya, wala raw siyang gusto.
Kaya, habang nasa daan ay pinagagalitan ko siya. Sinabihan ko siya na huwag niya akong hihingian ng pagkain kapag nagutom siya.
Paggising namin, humingi siya ng pagkain. Ininggit ko pa. Ayun! Umiyak. Pinaiyak ko talaga para malaman niya na galit ako sa batang ayaw kumain. Pinagsosorry ko. Hindi niya ginawa. Pinakain ko na lang kasi naaawa na ako sa iyak niya.
Sana magbago na siya ng eating habit. Nahihirapan din ako, e.
Kaninang hapon, nag-PM si Mam Chie, kasamahan ko sa broadcasting. Nagtanong siya tungkol sa journ. Sinabi ko ang dahilan ko. Siyempre, naramdaman ko na nagkuwentuhan na sila ni Mare dahil kahapon ay nag-usap din kami. Consistent ako. Ang anak ko ang dahilan. Kung mayroon mang mas malalim na dahilan, akin na pang iyon. Saka na nila malaman. Ang akin lang ay masaya ako sa mga nangyayari ngayon sa buhay ko.
Hunyo 21, 2015
Dahil napangakuan ko na si Zillion kagabi pa na ipapasyal ko siya sa Children's Park kung saan may mga replica ng dinosaurs, nagpumilit siyang pumunta kahit may sinat siya.
Mga 9AM, nandoon na kami. Halatang wala siyang ganang magpapicture. Napilit ko lang siya. Ayaw nga ring makipag-selfie. Pinagalitan ko lang.
Dahil Fathers' Day ngayon, trineat (treat) ko siya sa favourite food chain niya. Masaya na kaming pareho. Buo na ang araw niya. Nakompleto naman ang aking pagkatatay sa kanya. Sayang nga lang at hindi ko nadalaw sina Hanna at Zildjian. Mabuti na lang nag-chat si Flor. Magbabayad na raw siya sa July 5 ng P1000. Ibibigay na lang daw niya sa dalawa. Nice idea. Sana mahiram ko rin sila sa birthday ko o ni Zillion.
Pagkatapos ay pumunta kami sa HP para magbayad ng RCBC bill at mag-grocery ng kaunti.
Pagdating ay nakapagpahinga at nakaidlip kami. Nang dumating si Epr, saka lamang kami nagising. Mga alas-4 yata iyon.
Hunyo 22, 2015
Masama pa rin ang pakiramdam ni Ion. Kung pwede nga lang umabsent ako para alagaan ko siya, ginawa ko na. Kung pwede nga ring ipaalaga ko siya kay Epr, nakisuyo na ako. Kaso, hindi pwede pareho. Kaya, kahit mabigat din ang loob ko na pumasok kami, pumasok pa rin kami.
Pinainom ko na lang siya ng Tempra. Binaon pa namin. Kaya lang, bandang ala-una, hinatid na siya ni Mam Joann kasi sumuka raw siya ng plema. Nahiya tuloy ako. Pero, okay lang. Mabuti nga at naisuka niya ang nagpapahirap sa kanya.
Naiinis ako kanina. Una, sobrang pasaway ang mga bata. Absent pa si Sir Rey kaya na-prorate ang mga estudyante niya. Pangalawa, lilipat pa si Mam Diana sa Grade 6 dahil sa kalagayan ni Mam Elsa. Kulang na nga kami, ipinamigay pa siya. Anong klaseng kaisipan?! Lagi na lang ba kami ang mag-aadjust?
Bukas, English na ang ituturo ko. Hindi man ako ganun ka-ready, kakayanin ko. Nagawa ko nga noon sa GSATI, why not sa GES?!
After class, nag-hideout kami. Nagpahinga, nagmeryenda at nagkuwentuhan kami ni Mamu. Alas-singko na kami umuwi.
Doon, nakachat ko ang kasamahan ko sa XXX Magazine na si Angelica De Jesus. Humingi ako ng mga tips kung paano magugustuhan ng publisher ang mga story ko. Natuwa ako dahil makakatulong siya ng husto.
Pinagbigyan ko si Ion na bilhan siya ng fries. Ayaw ko siyang biguin sa gusto niyang kainin dahil minsan ayaw naman niyang kumain.
Nagtext si Emily bandang alas-siyete, kaya nagpaload ako. Nagpapaload sa akin. Hindi naman sinabi agad. Sabi ko, bukas na kasi galing na ako sa labas. Hindi na tuloy siya nagtext back. Di bale, bukas na lang..
Hunyo 23, 2015
Hiniling ko na sana walang pasok kaninang umaga dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan, lalo na't tulog pa si Ion at may sinat pa.
Malas! Walang anunsiyo. Pumasok pa rin kami. Binihisan ko si Zillion pero hindi ko siya pinapasok sa klase niya. Ayokong paalagain pa sa kanya si Mam Joann.
Nagsimula na akong magturo ng English kanina. Ayos naman. Satisfied ako sa turo ko. Naunawaan nila kahit ang Section 4. Sayang di ako nakalipat sa Section 3 dahil maaga kaming nag-lunch at may meeting si Mam Dang. Kailangan niyang pauwiin ng maaga ang mga bata niya.
Umuwi agad kami ni Ion pagkatapos ng klase. Umidlip ako. Si Zillion ay nakatulog ng mahaba. Tiyempo, wala pa si Epr.
Gabi, nakachat ko ang editor-in-chief ng XXX Magazine na si Ms. Hilary Lazaga. Nagkaroon kami ng makabuluhan at mahabang usapan. Nais niyang magbackout sa pagiging EIC. Pinayuhan ko siya. Salamat naman. Ayokong mawalan siya ng tiwala sa sarili kasi gustong-gusto ko na marealize namin ang project na ito.
Hunyo 24, 2015
Naawa ako kay Ion kaninang umaga nang buhatin ko siya at ilabas sa kuwarto dahil ayaw bumangon. Ang hirap niyang gisingin. Dahil siguro sa pagkakasakit niya. May sinat pa nga nang paliguan ko.
Naisip ko ring umabsent at ipa-checkup siya pero since bumangon na siya at uminom ng milk, nagdecide na akong pumasok. Mabuti na lang dahil nawala na ang sinat niya after maligo.
Pinagalitan at pinagsabihan ko siya. Konting ginhawa kasi ay makikipaglaro at makikipagkulitan sa mga estudyante ko. Nabibinat lagi.
Kinausap ako ni Mam Dang. Ako raw uli ang sa journalism. Sinabi kong wala akong tatanggaping trabaho ngayong school year. Idinagdag ko na may ginagawa ako para sa sarili ko. Tama raw yun.
Later, pinuntahan ko si Mam Loida. Ipinaliwanag ko ang mga dahilan kung bakit di ako tutulong physically sa paggawa ng dyaryo. Naunawaan niya ako.
After class, mga HP kami ni Ion. Nagbayad ako ng internet bill at nag-grocery. Then, umidlip ako. Si Ion, natulog ng mahimbing. Okay na siya. Wala nang sinat.
Hunyo 25, 2015
Naenjoy ko na naman ang pagtuturo kahit sobrang pasaway ang mga estudyante. Although mas marami ang nais matuto, apektado pa rin ako kapag may mangilan-ngilang nagpapasaway.
Ang Section Earth, pinipilit pa akong magturo. Nagawa ko pa rin silang mapatuto despite the distractions.
Past two, may faculty meeting kami. Wala namang masyadong magandang pinag-usapan. Nainis lang ako. Plastikan. Hindi consistent ang mga sinasabi ni Mah.
Gabi, nakatext ko si Manager Ange ng XXX Magazine. Later, nakachat ko naman si Hilary Lazaga, na umaming lalaki pala. Iyon daw kasi ang dahilan ng success niya. Hindi ko masyadong maunawaan pero handa siyang ipaunawa sa akin kapag may panahon siya.
Hunyo 26, 2015
Maaga pa lang ay nakatanggap ako ng magandang balita mula kay Donya Ineng na dumating na ang PEI namin. Nakakatuwa! Tinotoo ng gobyerno ang pangako nila. Sana tuloy-tuloy na.
Kaya naman, nagbunyi ang mga kaguro ko. Nagmeeting pa kaming mga GLs with MTs para i-propose kay Mam D na maglunch kami sa Tramway. Pumayag naman siya agad.
Imbes na magpapa-summative test ako sa apat na section, sa advisory class ko lang nagawa. Wala na naman kasing palitan. Umalis pa si Mam Dang after recess kaya na-prorate. Haay! Ang hirap!
Nagpa-spelling na lang ako at nagpabasa hanggang magpauwi kami ng bandang 12:30 PM.
Sa Tramway, umurong na naman ang tiyan ko. Andaming pagkain. Hindi na naman nasulit ang bayad ko. Idagdag pa ang bayad ni Ion. Dalawang maliit na cupcake lang ang kinain niya. Two hundred pesos agad 'yun. Di bale, nakaranas naman siya ng buffet.
Alas-4 na kami nakauwi. Alas-singko ay nakatulog na siya. Saka ko lamang natitigan ng husto ang pisngi niya. Lumala na ang rashes niya. Malalaki at mapupula na. Epekto ito ng kaki-kiss ng mga estudyante ko. Grabe! Ang pangit tingnan.
Kagabi, naglabas ng hinanakit si Ms. Kris. Tapos, kaninang hapon, nagtext siya. Marami kaming napag-usapang mga saloobin. Gaya ko, siya ay nakaranas ng unfairness mula sa aming mga lider. Hinarang ang kanyang paglago.
Kaya, nang makita ko ang post ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) agad ko siyang sinabihan para mag-apply siya bilang Ulirang Guro 2015.
Gabi, nakipagchat sa akin si Mhel. Pagkatapos, mangumusta kay Ion, humingi siya ng favor sa akin. Nangungutang ng isanglibo. Since, may pera ako, pauutangin ko. Alam ko naman na magbabayad siya. Siguro ay di pa siya sumasahod sa UAE kaya nanghihiram.
Gusto kong lagi akong nakakatulong. Alam ko kasi ang pakiramdam ng nangangailangan.
Hunyo 27, 2015
Gusto ko.sanang matulog ng mahaba-haba since Sabado naman, kaya lang maagang nagising si Zillion. Quarter to seven pa lang iyon. Naalala kong hindi pala siya naghapunan kagabi kasi ang haba ng tulog niya-- from 4 PM. Bumangon ako para pakainin siya ng almusal. Naglaba na rin pagkatapos naming mag-breakfast.
Gusto ko sanang matulog after lunch para makabawi ng mga puyat kaso sobrang init. Umalis na lang kami ni Ion para malamigan sa HP. Doon ay nagpadala ako ng P1500 kay Cath, girlfriend ni Mhel. Nakiusap siya kagabi sa akin na pahiramin ko nag partner niya.
Naalarma ako sa ubo ni Ion. Inabot siya ng sunod-sunod na pag-ubo habang nasa mall kami. Siguro hindi siya sanay sa aircon. Naka-aircon ang classroom nila kaya naisip kong iyon ang dahilan. Samantalang sa boarding house namin ay electric fan lang ang gamit namin. Never naman siyang inubo o nagkasakit.
Ang kulit pa naman niya. Uminom pa rin ng coke float kanina sa Jollibee. Tapos, nakipagtaguan pa sa akin sa Shopwise. Tumakbo-takbo. Ang sarap sakalin. Nakakahiya sa nakakakita habang umuubo. Nakakaawa din naman.. Parang gusto kong ako na lang ang umuubo.
Idagdag pa ang mapupulang pisngi dahil sa rashes. Haay!
Dalawang conversation ang naganap ngayong araw. Kaninang umaga, si Manager Ange ang nakachat ko. Nakapag-confide tuloy ako kasi inalok niya ako ng multi-level marketing business. Gabi, si Charles (Aka Gabriel Forman at Hilary Lazaga) naman ang kausap ko. Siya ang nag-confide. Nag-voice message pa. Naenjoy ko ang mga oras na iyon. Sayang, kailangan munang maghapunan kaya naputol ang convo namin. Interested din siyang malaman ang life story ko.
Hunyo 28, 2015
Sa wakas, mahaba-haba na ang tulog namin! Alas-8 na iyon.
Gusto kong ipasyal si Ion kaya lang tinamad ako. Saka, marami akong gustong isulat. Tinapos ko na rin ang horror story na isasali ko sa contest. Natapos ko naman. Kaya, alas-9 ng gabi ay na-email ko na ito.
Ang XXX Magazine namin ay patuloy ang development. Wala pa man akong natatanggap na ipro-proofread ay nakikita kong sumusulong ang aming proyekto.
Sa Lapis sa Kalye - Online Magazine naman ay ipinasa ko ang 'Lola Kalakal'. Unang kabanata ito ng 'Ang Pagsubok ni Lola Kalakal', na ipinasa ko naman sa Liwayway Magazine noong Biyernes. Though, wala pang reply, mataas ang pag-asam ko na mapapasama ito sa susunod na isyu.
Hunyo 29, 2015
Inspired pa naman sana akong magturo ngayong araw, kaya lang biglang nawala dahil kulang kami. Absent si Mam Dang. Si Mam Rose ay pumunta sa SDO para sa interview. Wala kaming palitan. Ang hirap tuloy lalo na nasa akin ang almost 25% ng estudyante sa V-Earth.
Nagturo na lang ako ng pagsulat ng sanaysay, haiku at tanaga sa classroom ko. Nakagawa naman sila pero di pa ganun kagaganda ang output nila. Gayunpaman, sisikapin kong maturuan sila gaya ng ginawa ko last school year.
Gabi. Nagsulat ako ng short story for children. First time kong makasulat ng English na kuwentong pambata. Sana tuloy-tuloy na ito. Kailangan kong gawin ito para sa mga estudyante ko. Gusto kong gamitin ang mga akda ko sa lesson ko.
Hunyo 30, 2015
Isang buwan matapos ang pag-resume ng school year 2015 -2016, ganun pa rin ang mga ugali ng bata. Hindi na nga marahil namin mauunat ang mga nakagawian na nila. Kakaunti na lang ang interesadong matuto. Halos lahat sila ay disturbed at may poor study habit. Kahit nga sa Section 1, wala pang 50% ang talagang subsob sa pag-aaral!
Ito ang bunga ng mass promotion. Pinapasa ang mga tamad mag-aral.
Gayunpaman, may nakikita akong mangilan-ngilan na willing matuto at turuan. Interesado silang matutong nagsulat ng akda.
Kanina, bago nag-uwian, binisita ako nina Marian, Khrizelle at Jannah. Natutuwa akong malaman na active pa rin sila sa klase. Pinayuhan ko pa silang talunin ang mga dating Section 1.
Sana matulungan ko pa silang makasali sa mga contest.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment