Hindi ko kaagad naalis sa isip ko ang usapan namin kahapon ni Riz. Alam kong nakakaramdam na siyang muli ng pagtingin sa akin. Wala namang problema dahil pareho kami ng nararamdaman.
Kahit sa performances ko ay hindi pa rin siya mawaglit sa isipan ko. Well, nakatulong naman. Lalo nitong napaganda ang boses ko. Sayang lang dahil hindi ang composition ko ang kinanta ko. Hindi ko pa kasi natataolpos lapitan ng melody at notes.
Pagbaba ko nga ng entablado, sinalubong ako ni Jeoffrey. "Inaabuso ah!" sabi niya. Nakipag-apir pa.
Ngumiti lang ako.
"Musta ang pag-aaral?" tanong niya nang nasa may pinto na ako ng opisina ni Boss Rey.
"Ayos naman. Enjoy. Sabi ko kasi sa'yo mag-aral ka, e." sagot ko. Hindi muna ako kumatok sa pinto ni Boss.
"Kung mag-eenroll ba ako ngayon, tatanggaping pa ako?" Pumulanghit pa siya ng tawa.
"Hindi na siyempre. Next sem na."
"Gusto ko sana pero di na rin kita makakasama." Siya na ang kumatok ng pinto para sa akin. Pero, di na siya sumunod sa loob.
Kanina naman sa bahay, ang ingay ni Mommy. Panay ang pagalit niya kay Daddy. Ang hula ko, bunga lamang iyon ng kanyang paglilihi.
Galit na galit siya kay Daddy, kahit wala namang ginagawa sa kanya.
"Ang malas ko, ako pa ang napaglihian ng Mommy mo." bulong sa akin ni Daddy. "Sana ikaw na lang."
"Ayoko nga! baka mas gwapo pa sa akin ang kapatid ko." biro ko.
"Paano kung babae?"
"E, di ayos lang po."
"O, ano 'yan? Ako na naman ang pinagbubulungan niyo." si Mommy.
"Hindi po. Sabi kasi ni Daddy, ako na lang daw ang paglihian mo para kamukha ko.."
"Hay, naku! Sana kayo na lang ang naglilihi. Ang hirap kaya!"
Nagkuwento na si Daddy na may nabasa daw siya na may maglihi na lalaki. Sabi naman ni Mommy, sana may lalaki ding nagpadala-tao.
"Ayoko ko nga!" sabay naming sagot ni Daddy.
No comments:
Post a Comment