Followers

Monday, June 22, 2015

Si Liwayway

Nakilala ko si Liwayway noong 1991, noong nasa ikalimang baitang pa lamang ako dahil sa aking guro sa asignaturang Filipino.

Mataas na noon ang aking kawilihan at pagmamahal sa wikang Filipino kaya kahit mabigat sa bulsa ay sinikap kong mabili siya para sa aralin at sa proyekto.

Tunay na kawili-wili ang kanyang kariktan at kalooban. Siksik siya at wala kang panghihinayangan. Kahanga-hanga ang bawat bahagi niya.

Lumipas ang mga taon, hindi ko pa rin nakalimutan si Liwayway, lalo na nang makita ko siya sa isang newstand, malapit sa simbahan ng Sto. Domingo. Nanumbalik ang pagmamahal ko sa kanya. Halos, nasabik akong mahawakan ang bawat malambot niyang pahina.

Binili ko ang pinakabagong issue niya sa halagang labinlimang piso.

Sa isang upuan ay halos maluray si Liwayway. Naligayahan ako sa muli naming pagniig. Andami kong natutunanan. Grabeng ligaya ang idinulot niya sa akin. Kaya naman, nasundan iyon. Linggo-linggo ko siyang inaabangang lumabas. Minsan pa nga, nauuna pa ako sa aming tagpuan.

Hindi ko pinalalampas ang kasariwaan ni Liwayway. Hindi ko kayang hindi ko siya maangkin.

Nakaipon ako ng mga mukha niya. Hindi bale na kung malaki na ang salaping ginugol ko para sa kanya, basta matamo ko lamang ang ligaya na dulot niya sa tuwing kami ay magkasama.

Nabaliw nga marahil ako sa kanyang kagandahan at kabuuan. Pinagtatawanan na nga ako ng aking mga kasamahan. Hindi na mahalaga sa akin ang mga sinasabi nila. Para sa akin, mas dakila ang aking pagpapantasya sapagkat nahubog ang aking maharot na kaisipan. Dahil sa kanya, naghangad pa ako ng ibang kaniig, na magbibigay sa akin ng higit na kasiyahan.

Ngunit ang lahat ay may katapusan, kailangan kong ihinto ang pagbabayad ng malaki para lamang maangkin ko siya at maabot ko ang rurok ng ligaya. Kailangan kong unahin ang aking pamilya at ang aming pangangailangan. Mahal ko sila kaya dapat itigil ko na aking kahibangan sa kanya, kung kahibangan man itong matatawag.

Mahabang panahon ang lumipas nang muli ko siyang maalala at kailanganin. Kung kailan may mga karanasan na ako sa iba, saka ko naman siya higit na pinahalagahan. Sana mahal pa niya ako.

Nang muli ko siyang mahawakan, ipinangako ko sa kanya na hindi na kami muling magkakahiwalay. Itutuloy ko ang nasimulan naming pagmamahalan sapagkat ang tulad niya, na magasin ng lahat at para sa lahat, ay may kakaibang angkin.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...