Katext ko si Karryle . Pinag-usapan namin si Jeoffrey. Sabi
niya ay nahuhulog na ang loob niya sa kanya. Pinayuhan ko siya, bilang pinsan,
na huwag magpadalus-dalos. Kilalanin muna niya ito ng husto. Pero, hindi ko
sinabi ang tungkol sa panggagamit niya kay Boss Rey o pagpatol niya sa same
sex. Gusto kong siya mismo ang
makadiskubre. Saka, hindi rin malayong malaman niya ito dahil alam ni Dindee.
Wala naman siyang sinabing masama sa pagiging concern ko. Ok
daw.
Katatapos ko lang maggitara nang dumating si Jeoffrey. Akala
ko ay makikipag-tandem uli siya. Hindi pala. Gusto lang pala niyang ibandera
ang mga bago niyang gamit—damit, pantalon at sapatos. Hindi na ako nagkomento.
Alam kong bigay lahat iyon ni Boss Rey.
“Hindi na. Okay na sa akin ang income ko. Binibigyan naman ako ng sapat
ng banda ko..” paliwanag pa niya.
Nais ko pa ring hikayatin siyang mag-ipon para sa pag-aaral
niya. “Mag-ipon ka, Bro. Di ba, mag-aaral ka na this school year?”
Saglit na nag-isip si Jeoffrey. “Hindi pa ako nakapagdesisyon.
Bahala na.”
“Lagi mong tatandaan na ang edukasyon ay isa sa mga permanenteng bagay
sa mundo. Mas mataas, mas maigi.”
Tumimo yata sa isip niya ang sinabi ko kasi natigilan siya
at napatingin sa malayo.
Hindi ko rin napigilan ang sarili ko na pansinin ang mga
kasuotan niya. “Mamahalin ang mga kasuotan mo ngayon..”
“Oo! Ayos ba?”
“Ayos! Magkano ang sapatos mo?”
“Ito? Wala..Bigay lang.” Umiwas siya.
“Bigay ni Boss Rey? Anong kapalit?” sarkastiko kong tanong.
“Bigay nga, e! Dapat ba may kapalit?’’ Nainis siya.
“Guilty ka ba, Bro? Nagtatanong lang naman ako. Pwede mo namang sagutin
ng ‘wala’. “ Tumawa ako.
“Pag sinabi ko ba sa’yo ang totoo, maniniwala ka ba?”
“Bakit hindi?!”
Yumuko si Jeoffrey. Umiyak siya. “Akala ko, malakas ako. Hindi
pala. Sorry, Bro.. Uwi na ako.” Tumakbo siya palabas ng gate.
Hindi ako nakatayo. Hindi ko naintindihan.
No comments:
Post a Comment